Add parallel Print Page Options

Akong si Pablo, sa kalooban ng Diyos, ay tinawag na maging apostol ni Jesucristo. Ang ating kapatid na si Sostenes ay kasama ko.

Sumusulat ako sa iglesiya ng Diyos na nasa Corinto, na mga itinalaga kay Cristo Jesus. Sa kanila na tinawag na mga banal kasama ang lahat ng nasa bawat dako, na tumatawag sa pangalan ni Jesucristo na kanilang Panginoon at ating Panginoon.

Sumainyo ang biyaya at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at Panginoong Jesucristo.

Pasasalamat

Nagpapasalamat akong lagi sa aking Diyos para sa inyo dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Jesucristo.

Nagpapasalamat ako na sa bawat bagay ay pinasasagana niya kayo sa kaniya, sa lahat ng inyong pagsasalita at sa lahat ng kaalaman. Ito ay kung papaanong napagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. Kaya nga, hindi kayo nagkulang sa isa mang kaloob, na kayo ay naghihintay ng kapahayagan ng ating Panginoong Jesucristo. Siya ang magpapatibay sa inyo hanggang wakas, hindi mapaparatangan sa araw ng ating Panginoong Jesucristo. Ang Diyos ay matapat. Sa pamamagitan niya kayo ay tinawag sa pakikipag-isa sa kaniyang Anak na si Jesucristo na ating Panginoon.

Ang Pagkakabaha-bahagi sa Iglesiya

10 Mga kapatid, ipinamamanhik ko sa inyo sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo na kayong lahat ay magkaisa sa mga sasabihin ninyo, at huwag magkaroon ng pagkakabahagi sa inyo. Sa halip, lubos kayong magkaisa sa iisang isipan at iisang pagpapasiya.

11 Nasabi nga sa akin ng ilan sa samba­hayan ni Cloe na mayroong mga paglalaban-laban sa inyo. 12 Ito ang sasabihin ko: Ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi: Ako ay kay Pablo, ako ay kay Apollos, ako ay kay Cefas, ako ay kay Cristo.

13 Pinagbaha-bahagi ba si Cristo? Si Pablo ba ay ipinako sa krus ng dahil sa inyo? Binawtismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Ako ay nagpapasalamat na wala akong binawtis­muhan sa inyo maliban kina Crispo at Gayo. 15 Ito ay upang walang sinumang magsabi na ako ay nagbabawtismo sa aking pangalan. 16 Binawtismuhan ko rin ang sambahayan ni Este­fanas. Patungkol sa iba, wala na akong alam na binawtismuhan ko. 17 Ito ay sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbawtismo kundi upang ipangaral ang ebanghelyo. Ito ay hindi sa pamamagitan ng karunungan ng salita upang hindi mawalan ng halaga ang krus ni Cristo.

Si Cristo ang Karunungan at Kapangyarihan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita patungkol sa krus ay kamangmangan sa mga napapahamak ngunit sa atin na naligtas ito ay kapangyarihan ng Diyos.

19 Ito ay sapagkat nasusulat:

Sisirain ko ang karunungan ng marurunong at pawawalang kabuluhan ang talino ng matatalino.

20 Nasaan ang marunong? Nasaan ang guro ng kautusan? Nasaan ang nakikipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba ang karunungan ng sanlibutang ito ay ginawa ng Diyos na kamangmangan? 21 Ito ay sapagkat sa karunungan ng Diyos, ang sanlibutan ay hindi nakakilala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang karunungan. Dahil dito ikinalugod ng Diyos na iligtas sila na sumasampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral. 22 Ang mga Judio ay humihingi ng tanda at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan. 23 Ang aming ipinangangaral ay si Cristo na ipinako sa krus. Sa mga Judio siya ay katitisuran, sa mga Griyego siya ay kamangmangan. 24 Sa mga tinawag, Judio at Griyego, siya ay Cristo na siyang kapangyarihan ng Diyos at karunungan ng Diyos. 25 Ito ay sapagkat ang kamangmangan ng Diyos ay higit sa karunungan ng tao at ang kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng tao.

26 Sapagkat nakita ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid. Iilan lang ang matatalino ayon sa laman, iilan lang ang makapangyarihan, iilan lang ang maharlika na tinawag. 27 Subalit pinili ng Diyos ang kamangmangan ng sanlibutan upang ipahiya ang marurunong. Pinili niya ang mga mahihina ng sanlibutan upang ipahiya ang mga malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga mabababa sa sanlibutan at mga hinamak at mga bagay na walang halaga upang mapawalang halaga ang mga bagay na itinuturing na mahalaga. 29 Ginawa niya ito upang walang sinuman ang makapagmalaki sa harap niya. 30 Dahil sa kaniya, kayo ay na kay Cristo Jesus. Ginawa siya na maging karunungan, katuwiran, kabanalan at katubusan para sa atin mula sa Diyos. 31 Ito ay upang matupad ang nasusulat:

Siya na nagmamalaki, magmalaki siya sa Panginoon.

Si Pablo, na (A)tinawag na maging apostol ni Jesucristo (B)sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, at (C)si Sostenes na ating kapatid,

Sa iglesia ng Dios na nasa (D)Corinto, sa makatuwid baga'y sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na (E)tinawag na (F)mangagbanal, na kasama ng lahat ng mga nagsisitawag sa bawa't dako, sa pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na (G)ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.

(H)Nagpapasalamat akong lagi sa aking Dios tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Dios na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus;

Na kayo ay pinayaman sa kanya, sa lahat ng mga bagay (I)sa lahat ng pananalita at (J)sa lahat ng kaalaman;

Gaya ng pinagtibay sa inyo (K)ang patotoo ni Cristo:

Ano pa't kayo'y hindi nagkulang sa anomang kaloob; (L)na nagsisipaghintay ng paghahayag ng ating Panginoong Jesucristo;

Na siya namang magpapatibay (M)sa inyo hanggang sa katapusan, upang huwag kayong mapagwikaan (N)sa kaarawan ng ating Panginoong Jesucristo.

Ang Dios ay (O)tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo sa (P)pakikisama ng kaniyang anak na si Jesucristo na Panginoon natin.

10 Ngayo'y ipinamamanhik ko sa inyo, mga kapatid, sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesucristo, na kayong lahat ay mangagsalita (Q)ng isa lamang bagay, at huwag mangagkaroon sa inyo ng mga pagkakabahabahagi; kundi kayo'y mangalubos sa isa lamang pagiisip at isa lamang paghatol.

11 Sapagka't ipinatalastas sa akin tungkol sa inyo, mga kapatid ko, ng mga kasangbahay ni Cloe, na sa inyo'y may mga pagtatalotalo.

12 Ibig ko ngang sabihin ito, na (R)ang bawa't isa sa inyo ay nagsasabi, Ako'y kay Pablo; at ako'y kay (S)Apolos; at ako'y kay (T)Cefas; at ako'y kay Cristo.

13 Nabahagi baga si Cristo? (U)ipinako baga sa krus si Pablo dahil sa inyo? o (V)binautismuhan baga kayo sa pangalan ni Pablo?

14 Nagpapasalamat ako sa Dios na hindi ko binautismuhan (W)ang sinoman sa inyo, maliban (X)si Crispo at si (Y)Gayo;

15 Baka masabi ninoman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 At binautismuhan ko rin naman ang sangbahayan ni (Z)Estefanas: maliban sa mga ito, di ko maalaman kung may nabautismuhan akong iba pa.

17 Sapagka't hindi ako sinugo ni Cristo upang bumautismo, kundi upang mangaral ng evangelio: (AA)hindi sa karunungan ng mga salita baka mawalan ng kabuluhan ang krus ni Cristo.

18 Sapagka't ang salita ng krus ay kamangmangan sa kanila na (AB)nangapapahamak; nguni't (AC)ito'y kapangyarihan ng Dios sa atin na (AD)nangaliligtas.

19 Sapagka't nasusulat,

(AE)Iwawalat ko ang karunungan ng marurunong,
At isasawala ko ang kabaitan ng mababait.

20 Saan naroon ang marunong? saan naroon ang eskriba? saan naroon ang mapagmatuwid (AF)sa sanglibutang ito? hindi baga (AG)ginawa ng Dios na kamangmangan ang karunungan ng sanglibutan?

21 Sapagka't yamang sa karunungan ng Dios ay hindi nakilala ng sanglibutan ang Dios sa pamamagitan ng kaniyang karunungan, ay kinalugdan ng Dios na iligtas ang mga nagsisipanampalataya sa pamamagitan ng kamangmangan ng pangangaral.

22 (AH)Ang mga Judio nga ay nagsisihingi ng mga tanda, at ang mga Griego ay nagsisihanap ng karunungan:

23 Datapuwa't ang (AI)aming ipinangangaral ay ang Cristo na napako sa krus, na sa mga Judio ay (AJ)katitisuran, at sa mga Gentil ay kamangmangan;

24 Nguni't sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griego, si Cristo ang (AK)kapangyarihan ng Dios, at (AL)ang karunungan ng Dios.

25 Sapagka't ang kamangmangan ng Dios ay lalong marunong kay sa mga tao; at ang kahinaan ng Dios ay lalong malakas kay sa mga tao.

26 Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y (AM)pagkatawag, mga kapatid, na (AN)hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag:

27 Kundi pinili ng Dios (AO)ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas;

28 At ang mga bagay na mababa ng sanglibutan, at ang mga bagay na hinamak, ang pinili ng Dios, (AP)oo at ang mga bagay na walang halaga (AQ)upang mawalang halaga ang mga bagay na mahahalaga:

29 Upang walang (AR)laman na magmapuri sa harapan ng Dios.

30 Datapuwa't sa kaniya kayo'y nangasa kay Cristo Jesus, na sa atin ay ginawang (AS)karunungang mula sa Dios, at (AT)katuwiran at (AU)kabanalan, (AV)at katubusan:

31 Na, ayon sa nasusulat, (AW)Ang nagmamapuri, ay magmapuri sa Panginoon.

Pagbati at Pasasalamat

Mula kay Pablo, tinawag na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at kay Sostenes na kapatid natin—

Sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ibinukod para kay Cristo Jesus at tinawag na maging banal, kasama ng lahat na sa lahat ng dako ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na Panginoon nila at Panginoon din natin: Sumainyo ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Palagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ipinagkaloob sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa pakikiugnay ninyo sa kanya ay pinayaman kayo sa lahat ng paraan sa pananalita at bawat kaalaman, kung paanong pinagtibay sa inyo ang patotoo ni Cristo. Kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang espirituwal na kaloob habang inyong hinihintay na maipahayag ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Siya rin ang magpapatibay sa inyo hanggang sa katapusan, upang walang anumang maiparatang sa inyo sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Mapagkakatiwalaan ang Diyos, at sa pamamagitan niya ay tinawag kayo upang makiisa sa kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakampi-kampi sa Loob ng Iglesya

10 Nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na magkasundo kayong lahat sa inyong sinasabi, at huwag kayong magkaroon ng pagkakampi-kampihan, kundi kayo'y mabuklod sa iisang pag-iisip at hangarin. 11 Sapagkat nabalitaan ko, mga kapatid, ang tungkol sa inyo mula sa sambahayan ni Cloe, na may pagtatalu-talo sa inyo. 12 Ganito ang ibig kong sabihin, may ilan sa inyo na nagsasabi, “Kay Pablo ako,” o “Kay Apolos ako,” at “Kay Pedro[a] ako,” at ang iba naman “Kay Cristo ako.” 13 Nahahati ba si Cristo? Si Pablo ba ang ipinako sa krus para sa inyo? O binautismuhan ba kayo sa pangalan ni Pablo? 14 Nagpapasalamat ako sa Diyos na wala akong binautismuhan sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo; 15 upang walang sinumang makapagsabi na kayo'y binautismuhan sa aking pangalan. 16 Binautismuhan ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Bukod sa kanila ay hindi ko na alam kung may binautismuhan pa akong iba. 17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang ebanghelyo, hindi sa pamamagitan ng karunungan ng pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang mensahe ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit para sa ating mga naliligtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos. 19 Sapagkat nasusulat,

“Ang karunungan ng marurunong ay aking wawasakin,
    at ang talino ng matatalino ay aking bibiguin.”

20 Nasaan ang taong marunong? Nasaan ang dalubhasa sa batas? Nasaan ang magaling makipagtalo ng kapanahunang ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan? 21 Sapagkat yamang ayon sa karunungan ng Diyos ay hindi kumilala sa Diyos ang sanlibutan sa pamamagitan ng karunungan nito, minabuti ng Diyos na sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral ay iligtas ang mga sumasampalataya. 22 Sapagkat ang mga Judio ay pilit na humihingi ng mga himala, at ang mga Griyego ay naghahanap ng karunungan, 23 subalit ang Cristong ipinako sa krus ang ipinapangaral namin. Para sa mga Judio ito ay katitisuran at sa mga Hentil naman ay kahangalan. 24 Ngunit para sa mga tinawag, Judio man o Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos. 25 Sapagkat ang itinuturing na kahangalan ng Diyos ay higit sa karunungan ng mga tao, at ang itinuturing na kahinaan ng Diyos ay higit sa kalakasan ng mga tao.

26 Mga kapatid, tingnan ninyo ang inyong kalagayan nang kayo ay tinawag: hindi naman marami sa inyo ang marurunong ayon sa pamantayan ng tao, hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang galing sa mararangal na angkan. 27 Sa halip, pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan ng sanlibutan upang hiyain niya ang marurunong, at pinili niya ang mga bagay na mahihina ng sanlibutan upang hiyain niya ang malalakas. 28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at minamaliit sa sanlibutan, kahit ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahalaga, 29 upang walang taong makapagmalaki sa harapan ng Diyos. 30 Ngunit dahil sa kanya, kayo ay iniugnay kay Cristo Jesus, na para sa atin ay naging karunungan mula sa Diyos, at naging ating katuwiran, kabanalan, at katubusan. 31 Kaya tulad ng nasusulat, “Hayaang ang nagmamalaki'y ang ipagmagmalaki ay ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 1 Corinto 1:12 Pedro: sa tekstong Griyego, Cefas, na ang kahulugan ay bato.

Pagbati

Si Pablo na tinawag upang maging apostol ni Jesu-Cristo sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, at si Sostenes na ating kapatid,

Sa(A) iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga ginawang banal kay Cristo Jesus, mga tinawag na banal, kasama ng lahat na sa bawat lugar ay tumatawag sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo na kanila at ating Panginoon:

Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.

Ako ay laging nagpapasalamat sa aking Diyos tungkol sa inyo, dahil sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus,

na sa lahat ng mga bagay ay pinayaman kayo sa kanya sa bawat uri ng pananalita at kaalaman,

kagaya ng patotoo ni Cristo na pinagtibay sa inyo.

Kaya't kayo'y hindi nagkukulang sa anumang kaloob habang kayo'y naghihintay sa pagpapakita ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Siya rin ang magpapalakas sa inyo hanggang sa katapusan, na hindi masusumbatan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.

Ang Diyos ay tapat, na sa pamamagitan niya ay tinawag kayo tungo sa pakikisama ng kanyang Anak, si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

10 Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.

11 Sapagkat iniulat sa akin ng mga kasamahan ni Cloe ang tungkol sa inyo, na sa inyo'y may mga pagtatalu-talo, mga kapatid ko.

12 Ang(B) ibig kong sabihin ay ang bawat isa sa inyo ay nagsasabi, “Ako'y kay Pablo,” o “Ako'y kay Apolos,” at “Ako'y kay Cefas,” at “Ako nama'y kay Cristo.”

13 Si Cristo ba ay nahati? Si Pablo ba ay ipinako sa krus dahil sa inyo? O kayo ba ay binautismuhan sa pangalan ni Pablo?

14 Ako(C) ay nagpapasalamat sa Diyos na hindi ko binautismuhan ang sinuman sa inyo, maliban kay Crispo at kay Gayo;

15 baka masabi ng sinuman na kayo'y binautismuhan sa pangalan ko.

16 Binautismuhan(D) ko rin ang sambahayan ni Estefanas. Maliban sa kanila, hindi ko alam kung ako ay may binautismuhan pang iba.

17 Sapagkat hindi ako isinugo ni Cristo upang magbautismo, kundi upang ipangaral ang magandang balita, hindi sa pamamagitan ng mahusay na pananalita, upang ang krus ni Cristo ay huwag mawalan ng kapangyarihan.

Si Cristo ang Kapangyarihan at Karunungan ng Diyos

18 Sapagkat ang salita ng krus ay kahangalan sa mga napapahamak, ngunit sa atin na inililigtas, ito ay kapangyarihan ng Diyos.

19 Sapagkat(E) nasusulat,

“Aking wawasakin ang karunungan ng marurunong,
    at ang pang-unawa ng mga matatalino ay aking bibiguin.”

20 Nasaan(F) ang taong marunong? Nasaan ang eskriba? Nasaan ang bihasang makipagtalo ng panahong ito? Hindi ba't ginawa ng Diyos na kahangalan ang karunungan ng sanlibutan?

21 Sapagkat yamang sa karunungan ng Diyos ay hindi nakilala ng sanlibutan ang Diyos sa pamamagitan ng karunungan nito, ay kinalugdan ng Diyos na iligtas ang mga sumasampalataya sa pamamagitan ng kahangalan ng pangangaral.

22 Sapagkat ang mga Judio ay humihingi ng mga tanda, at ang mga Griyego ay humahanap ng karunungan,

23 subalit ipinangangaral namin ang Cristo na ipinako sa krus, na isang katitisuran sa mga Judio at kahangalan sa mga Hentil,

24 ngunit sa kanila na mga tinawag, maging mga Judio at mga Griyego, si Cristo ang kapangyarihan ng Diyos at ang karunungan ng Diyos.

25 Sapagkat ang kahangalan ng Diyos ay higit na matalino kaysa mga tao, at ang kahinaan ng Diyos ay higit na malakas kaysa mga tao.

26 Sapagkat tingnan ninyo ang inyong pagkatawag, mga kapatid: kakaunti sa inyo ang matatalino ayon sa pamantayan ng tao,[a] hindi marami ang makapangyarihan, hindi marami ang isinilang na marangal.

27 Kundi pinili ng Diyos ang mga bagay na kahangalan sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang matatalino. Pinili ng Diyos ang mga bagay na mahihina sa sanlibutan upang kanyang hiyain ang malalakas.

28 Pinili ng Diyos ang mga bagay na mababa at hinahamak sa sanlibutan, maging ang mga bagay na walang halaga upang pawalang-saysay ang mga bagay na mahahalaga,

29 upang walang sinuman[b] ang magmalaki sa harapan ng Diyos.

30 Subalit kayo ay na kay Cristo Jesus, na naging karunungan para sa atin mula sa Diyos, at katuwiran at kabanalan, at katubusan,

31 upang(G) ayon sa nasusulat, “Ang nagmamalaki ay ipagmalaki ang Panginoon.”

Footnotes

  1. 1 Corinto 1:26 Sa Griyego ay laman .
  2. 1 Corinto 1:29 Sa Griyego ay laman .