Add parallel Print Page Options

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.

Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.

10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampala­taya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.

13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14 Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15 Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16 Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hang­ganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.

Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica

17 Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais.

18 Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20 Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica

Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.

13 Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya. 14 Tinularan ninyo, mga kapatid, ang halimbawa ng mga iglesya ng Diyos sa Judea na nakay Cristo Jesus. Dumanas din kayo ng hirap mula sa kamay ng sarili ninyong mga kababayan, gaya rin ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Sila ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta; sila rin ang nagpalayas sa amin. Hindi sila kalugud-lugod sa Diyos, gayundin sa lahat ng tao! 16 Pilit silang humahadlang sa aming pangangaral sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Sukdulan na ang kanilang kasamaan kaya naman bumagsak na sa kanila ang poot ng Diyos.

Ang Pagnanais ni Pablo na Dalawin ang Iglesya

17 Mga kapatid, sa maikling panahon na tayo'y nagkahiwalay—sa katawan ngunit hindi sa damdamin—lalo kaming nasasabik na magkasama tayong muli. 18 Talagang gusto naming bumalik sa inyo—lalung-lalo na ako—ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sino ba ang aming pag-asa, kaligayahan, o koronang maipagmamalaki namin sa harap ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.