Add parallel Print Page Options

Akong si Pablo na kasama si Silvano at Timoteo ay sumusulat sa iglesiya ng mga taga-Tesalonica na nasa Diyos Ama at nasa Panginoong Jesucristo.

Sumainyo ang biyaya at ang kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesucristo.

Pagpapasalamat Dahil sa Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Nagpapasalamat kaming lagi sa Diyos patungkol sa inyong lahat. Kapag nananalangin kami, binabanggit namin kayong lagi.

Inaala-ala naming walang patid sa harapan ng ating Diyos Ama ang inyong gawa na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagpapagal na may pag-ibig at pagtitiis na may pag-asa sa ating Panginoong Jesucristo.

Alam namin, mga minamahal na kapatid, na kayo ay hinirang ng Diyos. Ito ay sapagkat ang aming ebanghelyoay hindi dumating sa inyo sa salita lamang. Subalit ito ay dumating sa kapangyarihan din naman at sa Banal na Espiritu at sa lubos na katiyakan. Alam din ninyo kung anong uri ng mga tao kami sa inyong kalagitnaan para sa inyong kapakanan. Yamang tinanggap ninyo ang salita sa matinding paghihirap na may kagalakang mula sa Banal na Espiritu, tinularan ninyo kami at ang Panginoon. Dahil dito naging huwaran kayo sa lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaya. Ito ay sapagkat mula sa inyo ang salita ng Panginoon ay narinig sa lahat ng dako hindi lamang sa Macedonia at Acaya subalit maging sa lahat ng dako, at ang inyong pananampalataya sa Diyos ay lumaganap sa bawat dako, anupa’t hindi na namin kailangang magsalita pa ng anuman. Ito ay sapagkat sila na rin ang nagpahayag patungkol sa paraan nang pagpasok namin sa inyo, at kung papaano ninyo tinalikdan ang mga diyos-diyosan upang paglingkuran ang buhay at totoong Diyos. 10 Ito rin ay upang inyong hintayin ang kaniyang Anak mula sa kalangitan na kaniyang ibinangon mula sa mga patay. Siya ay si Jesus na nagligtas sa atin mula sa poot na darating.

Ang Paglilingkod ni Pablo sa Tesalonica

Mga kapatid, kayo ang siyang nakakaalam na ang aming pagpasok sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.

Subalit kami ay naghirap nang una pa man at inalipusta sa Filipos tulad ng inyong nalalaman. Magkagayunman, naging malakas ang loob namin, sa tulong ng Diyos na sabihin sa inyo ang ebanghelyo sa gitna ng matinding pakikipagbaka. Ito ay sapagkat ang aming tapat na panghihikayat sa inyo ay hindi mula sa kamalian, at karumihan ni sa pandaraya. Subalit kung papaano kaming ginawang katanggap-tanggap ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay sinasabi namin ang gayon. Sinasabi namin ang gayon hindi upang bigyang-lugod ang mga tao kundi ang Diyos na siyang sumusubok ng ating mga puso. Ito ay sapagkat alam ninyo na nang kami ay kasama ninyo, kailanman ay hindi kami gumamit ng salita na pakunwaring papuri, ni pagbabalatkayo upang itago ang kasakiman. Ang Diyos ang saksi.

Alam rin ninyo na hindi kami naghahanap ng papuri mula sa mga tao, ni sa inyo, ni sa iba man, bagaman bilang mga apostol ni Cristo mayroon kaming karapatang humiling sa inyo. Kami ay naging malumanay sa inyong kalagitnaan katulad ng isang ina na nangangalaga sa kaniyang mga sariling anak. Sa ganitong pananabik ay nalugod kaming ibahagi sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming sariling buhay sapagkat napamahal na kayo sa amin. Ito ay sapagkat naala-ala ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at pagpapakapagod sa mga gawain dahil araw at gabi ay gumagawa kami upang huwag kaming maging pasanin ng sinuman sa inyo, sa aming pagpapahayag ng ebanghelyo ng Diyos.

10 Kayo ay mga saksi at ganoon din ang Diyos kung papaano kami namuhay kasama ninyo na mga sumasampala­taya. Namuhay kaming banal at matuwid at walang kapintasan. 11 Alam ninyo kung paano namin pinalakas ang loob, inaliw at binigyang patotoo ang bawat isa sa inyo tulad ng isang ama sa sarili niyang mga anak. 12 Ito ay upang mamuhay kayo ng karapat-dapat sa Diyos na tumawag sa inyo sa kaniyang sariling paghahari at kaluwalhatian.

13 Dahil dito, kami rin ay walang patid na nagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang tinanggap ninyo mula sa amin ang salitang inyong narinig na nanggaling sa Diyos, tinanggap ninyo ito hindi bilang salita ng mga tao. Subalit tinanggap ninyo ito, na ito nga ang salita ng Diyos na siya ring gumagawa sa inyo na sumasampalataya. 14 Ito ay sapagkat, kayo mga kapatid ay tumulad sa mga iglesiya ng Diyos sa Judea na na kay Cristo Jesus dahil kayo rin ay naghirap ng gayunding mga bagay mula sa inyong mga sariling kababayan tulad din nila na naghirap mula sa mga Judio. 15 Ang mga ito ang pumatay sa Panginoong Jesus at gayundin sa kanilang mga sariling propeta. Sila rin ang nagpalayas sa inyo, at hindi nila binigyang-lugod ang Diyos at sila ay laban sa lahat ng tao. 16 Pinagbawalan nila kaming magsalita sa mga Gentil upang hindi maligtas ang mga ito. Sa gayon ay umabot na sa hang­ganan ang kanilang kasalanan, kaya ang poot ng Diyos ay dumating na sa kanila sa kasukdulan.

Ninanais na Makita ni Pablo ang mga Taga-Tesalonica

17 Mga kapatid, kami ay nangulila sa inyo nang sandaling panahon, na bagaman hindi namin kayo nakikita, kayo ay nasa aming puso. Dahil dito lalo naming pinagsikapang makita kayo ng mukhaan na may masidhing pagnanais.

18 Kaya naman ibig namin na mapuntahan kayo, maging ako, na si Pablo ay gayundin ang pagnanais minsan at muli. Subalit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sapagkat ano nga ba ang aming pag-asa, o kagalakan o putong ng kagalakan? Hindi ba kayo sa harapan ng ating Panginoong Jesucristo sa kaniyang pagbabalik? 20 Ito ay sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Kaya nga, nang hindi na nga namin ito matiis, inisip namin na mabuti pang maiwan na lamang kami sa Atenas. Sinugo namin si Timoteo na ating kapatid at tagapaglingkod ng Diyos at aming kamanggagawa sa ebanghelyo ni Cristo upang patatagin kayo at palakasin ang inyong loob patungkol sa inyong pananampalataya. Ito ay upang walang sinuman sa inyo ang matinag ng mga paghihirap na ito dahil kayo ang siyang nakakaalam na kami ay itinalaga sa mga bagay na ito. Ito ay sapagkat nang kasama ninyo kami, sinabi na namin sa inyo nang una pa, na kami ay magbabata na ng kahirapan. At nalaman ninyo na gayon nga ang nangyari. Nang hindi na ako makatiis ay nagsugo ako upang malaman ang patungkol sa inyong pananampalataya, dahil sa aking pangambang baka kayo ay natukso na ng manunukso at mawalan ng kabuluhan ang aming pagpapagal.

Nagpalakas ng Loob ang Pagbabalita ni Timoteo

Ngunit ngayon, si Timoteo ay bumalik na sa amin mula sa inyo. Ibinalita niya sa amin ang patungkol sa inyong pananam­palataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya na lagi ninyo kaming naaalala at lubha ninyo kaming pinananabikang makita tulad din naman namin sa inyo.

Dahil dito, mga kapatid, lumakas ang aming loob patungkol sa inyo sa pamamagitan ng inyong pananampalataya sa kabila ng lahat naming paghihirap at pangangailangan. Sa ngayon kami ay nabubuhay kung matibay kayong tumatayo sa Panginoon. Sapagkat anong pasasalamat ang ibibigay namin sa Diyos patungkol sa inyo? Paano namin pasasalamatan ang lahat ng kagalakang ikina­gagalak namin alang-alang sa inyo sa harap ng ating Diyos? 10 Gabi at araw ay maningas naming ipinananalangin na makita ang inyong mga mukha at lubos na mapunan ang kakulangan sa inyong pananampalataya.

11 Ngunit ang Diyos nawa at ating Ama at ang Panginoong Jesucristo ang siyang pumatnubay sa aming daan papunta sa inyo. 12 Palaguin at pag-apawin nawa kayo ng Diyos sa pag-ibig sa isa’t isa at sa lahat tulad din naman namin sa inyo. 13 Ito ay upang palakasin ang inyong mga puso na walang kapintasan sa kabanalan sa harapan ng ating Diyos at Ama sa pagbabalik ng ating Panginoong Jesucristo kasama ang lahat niyang mga banal.

Mamuhay nang Kalugud-lugod sa Diyos

Sa katapus-tapusan, mga kapatid, aming hinihiling at matapat na hinihikayat kayo sa Panginoong Jesus na sumagana kayo nang higit pa sa natutunan ninyo mula sa amin, kung paano kayo dapat mamuhay at magbigay-lugod sa Diyos.

Ito ay sapagkat alam ninyo ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo.

Ito ay sapagkat ang kalooban ng Diyos ay ang inyong kabanalan, na inyong iwasan ang pakikiapid. Ang bawat isa sa inyo ay dapat nakakaalam kung papaano niya mapigil ang kaniyang katawan para sa kabanalan at karangalan. Ito ay hindi dapat sa masasamang nasa ng laman kagaya ng mga Gentil na hindi nakakakilala sa Diyos. Gayundin, ang sinuman ay hindi dapat magmalabis at magsamantala sa kaniyang kapatid sa anumang bagay sapagkat ang Panginoon ang tagapaghiganti patungkol sa lahat ng mga bagay na ito. Ito ay tulad ng sinabi namin sa inyo nang una pa man at aming pinatotohanang lubos. Ito ay sapagkat hindi tayo tinawag ng Diyos sa karumihan kundi sa kabanalan. Kaya nga, ang nagtatakwil sa mga katuruang ito ay hindi nagtatakwil sa tao kundi sa Diyos na siya ring nagbigay sa atin ng kaniyang Banal na Espiritu.

Ngayon, hindi ko na kinakailangang sumulat pa sa inyo patungkol sa pag-ibig sa mga kapatid sapagkat kayo ang siyang tinuruan na ng Diyos na mag-ibigan sa isa’t isa. 10 At ito nga ay inyong ginagawa sa lahat ng mga kapatid na nasa buong Macedonia. Ngunit matapat namin kayong hinihikayat na kayo ay lalong sumagana sa bagay na ito.

11 Matuto din naman kayong mamuhay nang tahimik, inyong gawin ang mga sarili ninyong gawain, at gumawa kayo sa pamamagitan ng inyong mga kamay katulad ng ipinag­tagubilin namin sa inyo. 12 Ito ay upang mamuhay kayong may kaayusan sa mga taga-labas at nang huwag kayong umasa sa kaninuman.

Ang Pagdating ng Panginoon

13 Ngunit, hindi ko ibig na kayo mga kapatid, ay hindi makaalam patungkol sa mga natutulog upang huwag kayong magdalamhati na tulad ng mga iba na walang pag-asa.

14 Ito ay sapagkat kung naniniwala tayo na si Jesus ay namatay at nagbangong muli, gayundin naman ang mga natutulog kay Jesus ay dadalhin ng Diyos kasama niya. 15 Ito ay sinasabi namin sa inyo ayon sa salita ng Panginoon na tayong nabubuhay at nanatili hanggang sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauuna sa anumang paraan sa mga natutulog. 16 Ito ay sapagkat ang Panginoon din ang siyang bababa mula sa langit na may isinisigaw na utos, na may tinig ng pinunong-anghel at may trumpeta ng Diyos. Ang mga patay kay Cristo ay unang magbabangon. 17 Pagkatapos nito, tayong mga buhay at naririto pa ay kasama nilang aagawin sa mga alapaap upang salubungin natin ang Panginoon sa hangin. Sa gayon, makakasama natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya palakasin ninyo ang loob ng isa’t isa sa pamamagitan ng mga salitang ito.

Ngunit mga kapatid, hindi na kinakailangang sumulat pa kami sa inyo patungkol sa mga panahon at mga kapanahunan. Ito ay sapagkat nalalaman ninyong lubos na ang araw ng Panginoon ay darating tulad ng pagdating ng isang magnanakaw sa gabi. Ito ay sapagkat kapag sinasabi nila: Kapayapaan at katiwasayan, ang biglang pagkawasak ay darating sa kanila tulad ng nararamdamang sakit ng babaeng manganganak na. At sila ay hindi makakatakas sa anumang paraan.

Ngunit kayo mga kapatid, ay wala sa kadiliman upang ang araw na iyon ay biglang dumating sa inyo tulad ng pagdating ng isang magnanakaw. Kayong lahat ay mga anak ng liwanag at mga anak ng araw. Tayo ay hindi mga tao ng gabi o ng kadiliman. Kaya nga, hindi tayo dapat matulog katulad ng iba, subalit laging nagbabantay at may maayos na pag-iisip. Ito ay sapagkat ang mga natutulog ay natutulog sa gabi at ang mga manginginom ng alak ay naglalasing sa gabi. Ngunit dahil tayo ay sa araw, dapat ay may maayos tayong pag-iisip. Ating isuot ang baluting pangdibdib ng pananampalataya at pag-ibig at bilang helmet, ang pag-asa ng kaligtasan. Ito ay sapagkat hindi tayo itinalaga ng Diyos para sa poot kundi para magtamo ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesucristo. 10 At siya ang namatay para sa atin upang tayo, maging gising o tulog man, ay mabuhay na kasama niya. 11 Kaya palakasin ninyo ang loob at patatagin ang isa’t isa tulad ng inyong ginawa.

Mga Panghuling Paala-ala

12 Ngunit ipinamamanhik namin sa inyo, mga kapatid, na kilalanin ninyo ang mga nagpapagal sa inyo at nangunguna sa inyo sa Panginoon at nagbibigay babala sa inyo.

13 Inyong lubos na pahalagahan sila sa pag-ibig dahil sa kanilang gawa. Magkaroon kayo ng kapayapaan sa isa’t isa. 14 Ngunit mga kapatid, aming ipinagtatagubilin din na bigyan ninyo ng babala ang mga tamad. Aliwin ninyo ang mga mahihina ang loob. Inyong tulungan ang mga nanghihina. Maging mapagbata kayo sa lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinumang gumanti ng masama sa masama. Subalit pagsumikapan ninyong lagi na gumawa ng mabuti sa isa’t isa at gayundin sa lahat.

16 Lagi kayong magalak. 17 Manalangin kayong walang patid. 18 Magpasalamat kayo patungkol sa lahat ng bagay sapagkat ito ang kalooban ng Diyos kay Cristo Jesus para sa inyo.

19 Huwag ninyong patayin ang ningas ng Banal na Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga paghahayag. 21 Suriin ninyo ang lahat ng mga bagay. Hawakan ninyo ang mabuti. 22 Iwasan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan mismo nawa ang siyang magpaging-banal sa inyo nang ganap. Ang inyong espiritu at kaluluwa at katawan ay maingatang buo na walang kapintasan hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesucristo. 24 Siya na tumatawag sa inyo ay matapat. Siya rin ang gagawa nito.

Panghuling Pagbati

25 Mga kapatid, ipanalangin ninyo kami.

26 Batiin ninyo ang lahat ng mga kapatid sa pamamagitan ng banal na halik. 27 Iniuutos ko sa inyo sa pamamagitan ng Panginoon na basahin ang sulat na ito sa lahat ng mga banal na kapatid.

28 Ang biyaya ng ating Panginoong Jesucristo ay sumainyo. Siya nawa!

Panimula

Mula (A) kina Pablo, Silas, at Timoteo; para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, na hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaan mula sa ating Diyos.

Ang Pananampalataya ng mga Taga-Tesalonica

Lagi kaming nagpapasalamat sa Diyos dahil sa inyo at tuwina'y binabanggit namin kayo sa aming dalangin. Sa mga dalangin nami'y ginugunita namin sa harapan ng ating Diyos at Ama ang gawain ninyo na bunga ng pananampalataya, ang inyong pagsisikap dahil sa inyong pag-ibig, at ang inyong pagtitiyaga dahil sa inyong matibay na pag-asa sa ating Panginoong Jesu-Cristo. Alam namin, mga kapatid na minamahal ng Diyos, na siya ang humirang sa inyo. Sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang ebanghelyo, hindi ito sa pamamagitan ng salita lamang, kundi sa pamamagitan ng kapangyarihang mula sa Banal na Espiritu kasama ang lubos naming pananalig sa aming ipinapahayag. Nakita ninyo kung paano kami namuhay sa inyong piling alang-alang sa inyo. Nang (B) tinanggap ninyo ang aming ipinapangaral, tumulad kayo sa aming halimbawa at sa halimbawa ng Panginoon. Ginawa ninyo ito sa kabila ng matinding paghihirap, ngunit tinaglay pa rin ninyo ang kagalakang dulot ng Banal na Espiritu. Kaya nga kayo'y naging huwaran ng lahat ng mga mananampalataya sa Macedonia at Acaia. Hindi lamang ang Salita ng Diyos ang lumaganap sa mga lugar na iyon sa pamamagitan ninyo. Pati ang inyong pananampalataya'y nakilala na rin sa lahat ng dako, kaya't kami ay hindi na kailangang magsalita pa ng anuman. Sila na mismo ang nagbalita kung paano ninyo kami tinanggap at kung paano ninyo tinalikdan ang pagsamba sa mga diyus-diyosan upang maglingkod sa tunay at buháy na Diyos, 10 hintayin ang pagbabalik ng kanyang Anak mula sa langit, si Jesus na kanyang muling binuhay mula sa mga patay, ang ating tagapagligtas mula sa poot na darating.

Ang Gawain ni Pablo sa Tesalonica

Alam ninyong lahat mga kapatid na hindi nawalan ng kabuluhan ang pagpunta namin sa inyo. Alam ninyong pinahirapan kami at hinamak sa Filipos, ngunit ang Diyos ang nagbigay ng lakas ng loob sa amin na ipahayag sa inyo ang kanyang ebanghelyo sa kabila ng maraming pagtutol. Ang pangangaral namin sa inyo ay hindi nagmumula sa masamang layunin at hangad na manlinlang o kaya nama'y nais namin kayong dalhin sa kamalian. Dahil minarapat ng Diyos na sa amin ay ipagkatiwala ang ebanghelyo, nangangaral kami hindi upang bigyang-kasiyahan ang tao, kundi ang Diyos na nakasisiyasat ng aming puso. Alam ng Diyos at alam din ninyo na hindi kami gumamit ng pakunwaring papuri sa aming pangangaral, o ginamit ang aming pangangaral bilang balatkayo ng anumang sakim na hangarin. Hindi kami naghangad ng papuri ng sinumang tao, kahit mula sa inyo, bagaman bilang mga apostol ni Cristo ay may katwiran kaming humingi ng tulong sa inyo. Naging magiliw kami sa inyo tulad ng isang mapagkalingang ina sa kanyang anak. Dahil sa laki ng aming pananabik sa inyo, buong kagalakang ibinahagi namin sa inyo hindi lamang ang ebanghelyo ng Diyos kundi maging ang aming buhay, dahil napamahal na kayo sa amin. Tiyak na naaalala pa ninyo, mga kapatid, ang mga pagod at hirap namin; kung paano kami nagsikap araw at gabi upang hindi kami maging pasanin ninuman habang ipinapahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos. 10 Kayo at ang Diyos ang aming saksi kung paano naging dalisay, matuwid, at walang-kapintasan ang aming pakikitungo sa inyong mga mananampalataya. 11 Alam ninyo kung paano kami naging tulad ng isang ama sa bawat isa sa inyo. 12 Pinayuhan namin kayo, pinalakas ang inyong loob at hinikayat na mamuhay na karapat-dapat sa Diyos na tumatawag sa inyong makibahagi sa kanyang paghahari at luwalhati.

13 Patuloy din ang aming pagpapasalamat sa Diyos sapagkat nang ipinangaral namin sa inyo ang salita, tinanggap ninyo ito hindi bilang mula sa tao kundi bilang salita ng Diyos na nagbubunga sa inyong mga sumasampalataya. 14 Tinularan ninyo, mga kapatid, ang halimbawa ng mga iglesya ng Diyos sa Judea na nakay Cristo Jesus. Dumanas din kayo ng hirap mula sa kamay ng sarili ninyong mga kababayan, gaya rin ng mga taga-Judea na inusig ng kapwa nila Judio. 15 Sila ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta; sila rin ang nagpalayas sa amin. Hindi sila kalugud-lugod sa Diyos, gayundin sa lahat ng tao! 16 Pilit silang humahadlang sa aming pangangaral sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Sukdulan na ang kanilang kasamaan kaya naman bumagsak na sa kanila ang poot ng Diyos.

Ang Pagnanais ni Pablo na Dalawin ang Iglesya

17 Mga kapatid, sa maikling panahon na tayo'y nagkahiwalay—sa katawan ngunit hindi sa damdamin—lalo kaming nasasabik na magkasama tayong muli. 18 Talagang gusto naming bumalik sa inyo—lalung-lalo na ako—ngunit hinadlangan kami ni Satanas. 19 Sino ba ang aming pag-asa, kaligayahan, o koronang maipagmamalaki namin sa harap ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo? 20 Oo, kayo ang aming karangalan at kaligayahan.

Kaya't nang hindi na namin iyon matagalan, nagpasya kaming magpaiwan sa Atenas at isugo sa inyo si Timoteo, isang kapatid at kamanggagawa ng Diyos sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ni Cristo. Sinugo namin siya upang palakasin at pasiglahin kayo sa inyong pananampalataya, upang walang sinuman sa inyo ang manghina dahil sa mga pagsubok na ito. Kayo mismo ang nakababatid na ang pag-uusig ay bahagi ng kalooban ng Diyos para sa atin. Sinabi na namin ito sa inyo noong magkasama pa tayo na tayo'y uusigin, at alam ninyong ganito nga ang nangyayari ngayon. Kaya't nang hindi na ako makatiis, nagpadala na ako riyan ng sugo upang alamin ang kalagayan ng inyong pananampalataya sa Panginoon. Nag-aalala akong baka nalinlang na kayo ng diyablo at mawalan ng saysay ang aming mga paghihirap.

Ngunit ngayo'y nakabalik na dito si Timoteo at dala ang Magandang Balita tungkol sa inyong pananampalataya at pag-ibig. Ibinalita rin niya sa amin na laging maganda ang inyong alaala sa amin at nasasabik na kami'y makitang muli, gaya ng pananabik naming makita kayo. Kaya nga, mga kapatid, sumigla ang aming kalooban sa gitna ng aming pagkabalisa at mga hirap dahil sa inyong pananampalataya kay Cristo. Mabubuhayan kami ng loob kung mananatiling matatag ang inyong paninindigan sa Panginoon. Paano kami makakapagpasalamat nang lubusan sa Diyos sa kaligayahang nararanasan namin sa harap ng Diyos dahil sa inyo? 10 Mataimtim ang dalangin namin araw at gabi na makita namin kayong muli at lalo pa kayong matulungan sa anumang pagkukulang sa inyong pananampalataya.

11 Nawa ang Diyos mismo at ating Ama at ang ating Panginoong Jesus ang maghanda ng daan namin patungo sa inyo. 12 Nawa palaguin at pasaganain ng Diyos ang inyong pag-ibig sa isa't isa at sa lahat ng tao, gaya ng pag-ibig namin sa inyo. 13 Nawa'y patatagin niya ang inyong kalooban upang kayo'y manatiling banal at walang kapintasan sa harap ng ating Diyos at Ama hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesus kasama ang kanyang mga banal.

Ang Buhay na Kinalulugdan ng Diyos

Bilang pangwakas, mga kapatid, hinihiling namin at ipinapayo sa inyo alang-alang sa Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay, gaya ng natutuhan ninyo sa amin, upang maging kalugud-lugod kayo sa Diyos. Ito naman ang ginagawa ninyo. Natatandaan ninyo kung ano ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at kayo'y umiwas sa lahat ng uri ng pakikiapid. Bawat isa sa inyo'y matutong makipagrelasyon sa kanyang asawa sa paraang banal at marangal, hindi gaya ng mga paganong nagpapaalipin sa masamang pagnanasa, palibhasa'y hindi nakakakilala sa Diyos. Sinuman ay huwag nang gagawa ng masama at magsasamantala sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ito. Tulad ng sinabi namin at ibinabala sa inyo noon pa man, parurusahan ng Diyos ang gumagawa ng ganitong kasamaan. Sapagkat tinawag tayo ng Diyos hindi para sa kahalayan kundi sa malinis na pamumuhay. Dahil dito, ang taong tumatanggi sa aral na ito ay tumatanggi hindi sa tao kundi sa Diyos na nagkakaloob sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.

Tungkol naman sa pag-iibigan ng magkakapatid sa pananampalataya, hindi na ito kailangang isulat sa inyo sapagkat kayo mismo ay tinuruan ng Diyos na magmahalan sa bawat isa. 10 Katunayan, ginagawa na ninyo ito sa mga kapatid sa buong Macedonia. Gayunman, mga kapatid, ipinakikiusap pa rin namin sa inyong pag-ibayuhin pa ang inyong pag-ibig. 11 Pagsikapan ninyong mamuhay nang tahimik; harapin ninyo ang sarili ninyong gawain, at magpagal para sa sarili ninyong ikabubuhay, gaya ng bilin namin sa inyo. 12 Sa ganitong paraan ay igagalang kayo ng mga di-mananampalataya, at hindi kayo aasa kaninuman.

Ang Pagbabalik ng Panginoon

13 Hindi namin nais, mga kapatid, na kayo'y manatiling walang alam tungkol sa mga namayapa upang huwag kayong maghinagpis tulad ng ibang walang pag-asa. 14 Sumasampalataya tayong si Jesus ay namatay at muling nabuhay, kaya naniniwala rin tayong bubuhayin ng Diyos na kasama ni Jesus ang lahat ng namatay na nananalig sa kanya.

15 Ito ang sinasabi namin sa inyo na aral ng Panginoon: tayong mga buháy pa at nananatili sa pagdating ng Panginoon ay hindi mauunang makipagtagpo sa Panginoon kaysa mga namayapa. 16 Kasabay ng malakas na utos at ng tinig ng arkanghel at ng tunog ng trumpeta ng Diyos, babalik ang Panginoon mula sa langit. Bubuhayin muna ang mga namatay na nananalig kay Cristo. 17 Pagkatapos nito, tayo na nanatiling buháy ay titipunin sa ulap at isasama sa mga binuhay upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Pagkatapos noon ay makakapiling na natin ang Panginoon magpakailanman. 18 Kaya nga palakasin ninyo ang loob ng bawat isa sa pamamagitan ng mga aral na ito.

Mga kapatid, hindi na namin kayo kailangang sulatan kung kailan mangyayari ang lahat ng ito. Alam ninyo na tulad ng pagdating ng magnanakaw sa gabi ang pagdating ng Araw ng Panginoon. Habang sinasabi ng mga taong “Tiwasay at mapayapa ang lahat,” biglang darating sa kanila ang kapahamakan. Walang makaiiwas sapagkat ang pagdating nito'y gaya ng pagsakit ng tiyan ng isang babaing manganganak. Ngunit wala na kayo sa kadiliman, mga kapatid, kaya hindi na kayo mabibigla sa pagdating ng araw na iyon na darating ngang tulad ng magnanakaw. Sapagkat kayong lahat ay mga anak ng liwanag at anak ng araw. Hindi tayo pag-aari ng gabi o ng dilim. Kaya huwag tayong tumulad sa ibang mga natutulog. Sa halip, kailangang tayo'y manatiling gising, laging handa at malinaw ang pag-iisip. Karaniwang natutulog ang tao sa gabi, at sa gabi rin karaniwang naglalasing. Ngunit dahil tayo'y nasa panig ng araw, dapat maging malinaw ang ating isip, suot ang pananampalataya at pag-ibig bilang panangga sa dibdib, pati na rin ang helmet ng pag-asa sa kaligtasan. Hindi tayo itinakda ng Diyos sa parusa, kundi upang tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 10 Namatay siya para sa atin upang kung buháy man tayo o patay ay mabuhay tayong kasama niya. 11 Kaya nga patatagin ninyo at palakasin ang loob ng bawat isa tulad ng ginagawa na ninyo.

Mga Huling Tagubilin at Pagbati

12 Hinihiling namin, mga kapatid, na igalang ninyo ang mga pinuno ninyong nagpapakahirap sa pamamahala at pangangaral sa inyo alang-alang sa Panginoon. 13 Pag-ukulan ninyo sila ng angkop na paggalang at pag-ibig dahil sa kanilang gawain. Mamuhay kayo nang mapayapa sa bawat isa. 14 Pinapakiusapan din namin kayo, mga kapatid, na paalalahanan ang mga tamad, palakasin ang mga mahihinang-loob, tulungan ang mga mahihina. Maging matiyaga kayo sa kanilang lahat. 15 Tiyakin ninyo na walang sinuman ang naghihiganti sa gumawa sa inyo ng masama; sa halip, gawin ninyo ang para sa kabutihan ng bawat isa at ng lahat. 16 Magalak kayong lagi. 17 Lagi kayong manalangin. 18 Ipagpasalamat ninyo sa Diyos ang lahat ng pangyayari, sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa inyo kay Cristo Jesus. 19 Huwag ninyong patayin ang alab ng Espiritu. 20 Huwag ninyong hamakin ang mga propesiya. 21 Suriin ninyong mabuti ang lahat ng bagay; panghawakan ninyo ang mabubuti. 22 Layuan ninyo ang lahat ng anyo ng kasamaan.

23 Nawa ang Diyos ng kapayapaan ang siyang magpabanal sa lahat sa inyo. Nawa'y manatiling walang kapintasan ang buo ninyong katauhan, ang inyong espiritu, kaluluwa, at katawan, hanggang sa pagdating ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 24 Tapat ang tumatawag sa inyo, at gagawin niya ang mga ito.

25 Ipanalangin din ninyo kami, mga kapatid.

26 Batiin ninyo ang mga kapatid na may banal na halik. 27 Ipangako ninyo sa pangalan ng Panginoon na babasahin ninyo ang sulat na ito sa lahat ng kapatid.

28 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob ng ating Panginoong Jesus.