Add parallel Print Page Options

Si Samuel ay pinaparoon kay Isai.

16 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, (A)Hanggang kailan pananangisan mo si Saul yamang (B)aking itinakuwil siya na maging hari sa Israel? (C)Punuin mo ng langis ang iyong sungay, at ikaw ay yumaon, susuguin kita kay Isai na Beth-lehemita: (D)sapagka't ako'y naglaan sa kaniyang mga anak ng isang hari.

At sinabi ni Samuel, Paanong ako'y paroroon? Kung mabalitaan ni Saul, ay kaniyang papatayin ako. At sinabi ng Panginoon, Magdala ka ng isang dumalagang baka, at iyong sabihin, Ako'y naparito (E)upang maghain sa Panginoon.

At tawagin mo si Isai sa paghahain (F)at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin; (G)at iyong papahiran sa akin yaong sa iyo'y aking sabihin.

At ginawa ni Samuel ang sinalita ng Panginoon at naparoon sa Bethlehem. At ang mga matanda sa bayan ay naparoon upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, Naparirito ka bang (H)may kapayapaan?

At kaniyang sinabi, May kapayapaan: ako'y naparito upang maghain sa Panginoon: (I)magpakabanal kayo at sumama kayo sa akin sa paghahain. At pinapagbanal niya si Isai at ang kaniyang mga anak, at tinawag niya sila sa paghahain.

Si David ay binuhusan ng langis.

At nangyari, nang sila'y dumating na siya'y tumingin kay (J)Eliab, at nagsabi, Tunay na ang pinahiran ng Panginoon ay nasa harap niya.

Nguni't sinabi ng Panginoon kay Samuel, Huwag mong tingnan ang kaniyang (K)mukha, o ang taas ng kaniyang kataasan; sapagka't aking itinakuwil siya: (L)sapagka't hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao: sapagka't ang tao ay tumitingin sa mukha, nguni't ang Panginoon ay tumitingin sa puso.

Nang magkagayo'y tinawag ni Isai si (M)Abinadab, at pinaraan niya sa harap ni Samuel. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

Nang magkagayo'y pinaraan ni Isai si (N)Samma. At kaniyang sinabi, Kahit ito man, ay hindi pinili ng Panginoon.

10 At pinaraan ni Isai ang pito sa kaniyang mga anak sa harap ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Isai, Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.

11 At sinabi ni Samuel kay Isai, Narito ba ang iyong lahat na anak? At kaniyang sinabi, Natitira pa ang bunso, at, narito, siya'y nag-aalaga sa mga tupa. At sinabi ni Samuel kay Isai, (O)Ipasundo mo siya; sapagka't hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.

12 At siya'y nagsugo, at sinundo siya roon. Siya nga'y (P)may mapulang pisngi, (Q)may magandang bikas, at mabuting anyo. (R)At sinabi ng Panginoon, Tumindig ka: pahiran mo siya ng langis, sapagka't ito nga.

13 Nang magkagayo'y kinuha ni Samuel ang sungay ng langis, at pinahiran siya sa gitna ng kaniyang mga kapatid: at (S)ang Espiritu ng Panginoon ay makapangyarihang suma kay David mula sa araw na yaon hanggang sa haharapin. Gayon bumangon si Samuel at napasa Rama.

Si David ay hinirang upang maging hari.

14 (T)Ang Espiritu nga ng Panginoon ay humiwalay kay Saul, at isang masamang espiritu na mula sa Panginoon ay (U)bumagabag sa kaniya.

15 At sinabi ng mga bataan ni Saul sa kaniya, Narito ngayon, isang masamang espiritu na mula sa Dios ay bumabagabag sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga bataan na nasa harap mo na humanap ng isang lalake na bihasang manunugtog ng alpa; at mangyayari, pagka ang masamang espiritu na mula sa Dios ay nasa iyo na (V)siya'y tutugtog ng kaniyang kamay at ikaw ay bubuti.

17 At sinabi ni Saul sa kaniyang mga bataan, Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalake na makatutugtog na mabuti, at dalhin ninyo sa akin siya.

18 Nang magkagayo'y sumagot ang isa sa mga bataan, at nagsabi, Narito, aking nakita ang isang anak ni Isai na Beth-lehemita, na bihasa sa panunugtog, (W)at makapangyarihang lalake na may tapang, at lalaking mangdidigma, at matalino sa pananalita, at makisig na lalake, (X)at ang Panginoon ay sumasa kaniya.

19 Kaya't nagsugo si Saul ng mga sugo kay Isai, at sinabi, (Y)Suguin mo sa akin si David na iyong anak, na nasa kawan ng mga tupa.

20 At kumuha si Isai ng (Z)isang asno na may pasang tinapay, at isang balat ng alak, at isang anak ng kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kaniyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at (AA)tumayo sa harap niya: at minahal niya siyang mainam; at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 At nagpasabi si Saul kay Isai, Isinasamo ko sa iyo na bayaang tumayo si David sa harapan ko, sapagka't siya'y nakasumpong ng biyaya sa aking paningin.

23 At nangyari, pagka ang (AB)masamang espiritu na mula sa Dios ay sumasa kay Saul, ay kinukuha ni David ang alpa, at tinutugtog ng kaniyang kamay: gayon nagiginhawahan si Saul, at bumubuti, at ang masamang espiritu ay nahihiwalay sa kaniya.

'1 Samuel 16 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

Si David sa Palasyo ng Hari

14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.

15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”

17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”

20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”

23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Footnotes

  1. 1 Samuel 16:6 o binuhusan ng langis .