Add parallel Print Page Options

Mga Bilin sa mga Namumuno sa Iglesya at sa mga Kabataan

Sa mga namumuno sa iglesya, may nais akong ipakiusap sa inyo bilang isa ring namumuno sa iglesya at nakasaksi sa mga paghihirap ni Cristo, at makakabahagi rin sa kaluwalhatian niya sa kanyang pagdating. Alagaan ninyong mabuti ang mga mananampalatayang[a] kasama ninyo. Katulad sila ng mga tupa at kayo ang mga tagapag-alaga nila. Dapat taos-puso ninyo silang pangalagaan, dahil ito ang nais ng Dios. Hindi dahil sa napipilitan lang kayo, o dahil sa may hinihintay kayong kapalit, kundi dahil sa nais talaga ninyong makatulong sa kanila. Huwag kayong maghahari-harian sa mga mananampalatayang ipinagkatiwala sa inyo upang alagaan, kundi maging halimbawa kayo sa kanila. At pagdating ni Cristo na siyang Pangulong Tagapag-alaga, tatanggap kayo ng gantimpalang napakaganda at hindi kukupas kailanman.

At kayo namang mga kabataan, magpasakop kayo sa matatanda. At kayong lahat na mga mananampalataya, magpakumbaba kayo at maglingkod sa isaʼt isa, dahil sinasabi sa Kasulatan, “Kinamumuhian ng Dios ang mga mapagmataas, ngunit kinakaawaan niya ang mga mapagpakumbaba.”[b] Kaya magpasakop kayo sa kapangyarihan ng Dios, dahil darating ang araw na pararangalan niya kayo. Ipagkatiwala nʼyo sa kanya ang lahat ng kabalisahan nʼyo, dahil nagmamalasakit siya sa inyo. Humanda kayo at mag-ingat, dahil ang kaaway ninyong si Satanas ay umaali-aligid na parang leong umaatungal at naghahanap ng malalapa. Patatagin ninyo ang inyong pananampalataya sa Dios at labanan ninyo si Satanas. Alalahanin ninyong hindi lang kayo ang naghihirap kundi pati ang mga kapatid nʼyo kay Cristo sa buong mundo. Nararanasan din nila ang mga paghihirap na ito. 10 Maikling panahon lang ang paghihirap ninyo. Pagkatapos nito, tutulungan kayo ng Dios para maging ganap ang buhay ninyo. At siya rin ang magpapatatag at magpapalakas sa inyo, dahil siya ang pinagmumulan ng lahat ng pagpapala. Pinili niya kayo upang makabahagi rin sa walang hanggang kaluwalhatian niya sa pamamagitan ng pakikipag-isa ninyo kay Cristo. 11 Purihin siya sa kapangyarihan niyang walang hanggan! Amen.

Mga Pangangamusta

12 Isinulat ko sa inyo ang maikling sulat na ito sa tulong ni Silvanus. Kapatid natin siya kay Cristo at talagang mapagkakatiwalaan. Napalakas ko sana ang inyong loob sa pamamagitan ng sulat na ito at napatunayan ko ang kabutihan sa atin ng Dios. Manatili kayo sa kabutihan niya.

13 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa Babilonia. Katulad nʼyo, mga pinili rin sila ng Dios na maging mga anak niya. Kinukumusta rin kayo ni Marcos na itinuturing kong anak. 14 Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]

Sa inyong lahat na nakay Cristo, sumainyo nawa ang kapayapaan.

Footnotes

  1. 5:2 mga mananampalataya: sa literal, kawan.
  2. 5:5 Kaw. 3:34.
  3. 5:14 bilang magkakapatid kay Cristo: sa literal, sa pamamagitan ng banal na halik.

Pangangalaga sa Kawan ng Diyos

Sa mga pinuno[a] sa inyo, nananawagan ako bilang kapwa pinuno at saksi sa mga pagdurusa ni Cristo, at bilang kabahagi sa karangalang ihahayag, nakikiusap ako na (A) alagaan ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang, gaya ng nais ng Diyos.[b] Gawin ninyo ito hindi dahil sa pag-ibig sa salapi, kundi dahil sa pagnanais na maglingkod, hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi bilang halimbawa sa kawan. At pagdating ng Pinakapunong Pastol, tatanggap kayo ng korona ng kaluwalhatiang di kumukupas kailanman.

Kayo (B) namang mga kabataan, pasakop kayo sa mga pinuno.[c] Maging mapagpakumbaba kayo sa pakikitungo sa isa't-isa sapagkat nasusulat,

“Sinasalungat ng Diyos ang mga mapagmataas,
    ngunit pinagpapala niya ang mga mapagpakumbaba.”

Kaya't (C) magpakumbaba kayo at pasakop sa Makapangyarihang Diyos, at kayo'y itataas niya sa takdang panahon. Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang lahat ng inyong kabalisahan sapagkat siya'y nagmamalasakit sa inyo. Maging handa kayong lagi at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaaligid at umaatungal at naghahanap ng kanyang lalamunin. Labanan ninyo siya at maging matatag sa inyong pananampalataya. Alam naman ninyong ang mga ganitong kahirapan ay dinaranas din ng inyong mga kapatid sa buong daigdig. 10 Pagkatapos ninyong magdusa nang kaunting panahon, ang Diyos na pinagmumulan ng biyaya at tumawag sa inyo na maging kabahagi ng kanyang walang hanggang kaluwalhatian kay Cristo ang siya ring magpapanumbalik, magpapatibay, at magpapalakas sa inyo. 11 Sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman! Amen.

Pangwakas na Pagbati

12 Sinulat (D) ko ang maikling liham na ito sa tulong ni Silas, na itinuturing kong tapat nating kapatid, upang pasiglahin kayo at patotohanang ito ang tunay na biyaya ng Diyos. Dito kayo magpakatatag. 13 Binabati (E) kayo ng babaing nasa Babilonia, na hinirang din tulad ninyo. Binabati rin kayo ng anak kong si Marcos. 14 Magbatian kayo ng halik ng pag-ibig.

Kapayapaan ang sumainyong lahat na nakay Cristo.[d]

Footnotes

  1. 1 Pedro 5:1 Sa Griyego, matatanda.
  2. 1 Pedro 5:2 Wala ito sa ibang mga manuskrito.
  3. 1 Pedro 5:5 Sa Griyego, matatanda.
  4. 1 Pedro 5:14 Sa ibang manuskrito mayroong Amen.