Add parallel Print Page Options

Si David nang Matanda na

Matandang-matanda na noon si Haring David. Kahit kumutan ng makapal ay giniginaw pa rin siya. Kaya't sinabi ng kanyang mga lingkod, “Kung ipapahintulot po ninyo, Kamahalan, ihahanap namin kayo ng isang dalaga na dito titira at mag-aalaga sa inyo. Matutulog siya sa tabi ninyo upang mabigyan kayo ng init.” At naghanap nga sila sa buong Israel ng isang magandang dalaga, at natagpuan nila si Abisag na taga-Sunem. Siya'y kanilang dinala sa hari. Tumira siya sa piling ng hari at inalagaan ito. Bagama't siya'y napakaganda, hindi siya ginalaw ng hari.

Binalak ni Adonias na Maging Hari

Samantala,(A) ipinamamalita ni Adonias na anak ni Haguit na siya ang susunod na hari. May inihanda na siyang mga karwahe, mga mangangabayo at limampung alalay na kawal. Ni minsa'y hindi siya pinagsabihan o sinaway ng hari sa mga ginagawa niya. Si Adonias ay nakababatang kapatid ni Absalom, at napakakisig ding tulad nito. Kinausap na niya si Joab na anak ni Zeruias at ang paring si Abiatar, at sumang-ayon ang mga ito na siya'y tutulungan. Ngunit hindi pumanig sa kanya ang paring si Zadok at ang propetang si Natan, pati si Benaias na anak ni Joiada, gayundin sina Simei at Rei at ang magigiting na bantay ni David.

Naghandog si Adonias ng maraming tupa, baka at pinatabang toro sa Bato ng Zohelete na malapit sa En-rogel. Inanyayahan niya roon ang kanyang mga kapatid, ang mga anak ng hari, at ang mga opisyal ng hari mula sa lipi ni Juda. 10 Ngunit hindi niya inanyayahan ang propetang si Natan, si Benaias at ang mga bantay ng hari at ang kapatid niyang si Solomon.

11 Kaya(B) kinausap ni Natan si Batsheba na ina ni Solomon. Sabi niya, “Hindi ba ninyo alam na ipinahayag na ni Adonias na siya na ang hari at ito ay lingid sa kaalaman ni Haring David? 12 Kung gusto ninyong iligtas ang sarili ninyong buhay at pati ang buhay ng inyong anak na si Solomon, ito ang maipapayo ko: 13 pumunta agad kayo sa hari at sabihin sa kanya, “Hindi ba't ipinangako ninyo sa akin na si Solomon ang maghahari na kahalili ninyo? Bakit si Adonias ngayon ang naging hari? 14 At samantalang kausap ninyo ang hari, papasok ako at patutunayan ko ang inyong sinabi.”

15 Pumunta nga si Batsheba sa silid ng hari. Ang hari noon ay matandang-matanda na at si Abisag, ang dalagang taga-Sunem ang nag-aalaga sa kanya. 16 Yumuko si Batsheba at nagpatirapa sa harapan ng hari. “Anong kailangan mo?” tanong ng hari.

17 Sumagot siya, “Mahal kong hari, ipinangako po ninyo sa akin sa pangalan ng Diyos ninyong si Yahweh na ang anak kong si Solomon ang magiging hari kapalit ninyo. 18 Subalit naghahari na ngayon si Adonias nang hindi ninyo nalalaman. 19 Nagpatay po siya ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya sa pagdiriwang na iyon ang mga anak ng hari, ang paring si Abiatar at si Joab, ang pinakamataas na pinuno ng inyong hukbo. Ngunit hindi niya inanyayahan ang inyong lingkod na si Solomon. 20 Kaya po, mahal na hari, hinihintay ng buong bayang Israel na sabihin ninyo kung sino talaga ang hahalili sa inyo bilang hari. 21 At kung hindi, pagkamatay po ninyo'y manganganib ang buhay ko at ng anak kong si Solomon.”

22 Samantalang magkausap ang hari at si Batsheba, dumating naman ang propetang si Natan. 23 May nagsabi sa hari na ito'y naghihintay, kaya't ito'y kanyang ipinatawag.

Lumapit ang propeta, nagpatirapa sa harapan ng hari, 24 at ang sabi, “Mahal na hari, ipinahayag na po ba ninyo na si Adonias ang papalit sa inyo? 25 Ngayon po'y nasa labas siya ng lunsod at nagpapatay ng maraming baka, tupa at pinatabang toro. Inanyayahan po niya ang mga anak ng hari, si Joab na pinakamataas na pinuno ng hukbo at ang paring si Abiatar. Naroon po sila't nagkakainan at nag-iinuman, at ang isinisigaw ay ‘Mabuhay si Haring Adonias!’ 26 Ngunit ako pong inyong lingkod, at ang paring si Zadok, si Benaias na anak ni Joiada, at ang anak ninyong si Solomon ay hindi niya inanyayahan. 27 Ito po ba'y utos ng mahal na hari? Bakit po walang nagsabi sa inyong lingkod kung sino ang susunod sa inyo bilang hari?”

28 Kaya't nagsalita si Haring David, “Tawagin ninyo si Batsheba.” Paglapit ni Batsheba 29 ay sinabi ng hari, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel[a] na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway! 30 Nanumpa ako noon sa pangalan niya, na ang anak mong si Solomon ang siyang hahalili sa akin. Tutuparin ko ngayon ang aking pangako.”

31 Nagpatirapa si Batsheba sa harapan ng hari bilang paggalang. “Mabuhay ang Haring David magpakailanman,” sabi niya.

32 Pagkatapos, sinabi ni Haring David: “Tawagin ninyo ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias.” Kaya't humarap sa hari ang mga tinawag. 33 Sila naman ang inutusan ng hari, “Isama ninyo ang aking mga opisyal, pasakayin ninyo ang anak kong si Solomon sa aking sariling mola at samahan ninyo siya patungo sa Gihon. 34 Bubuhusan siya roon ng langis bilang hari ng Israel ng paring si Zadok at ng propetang si Natan. Pagkatapos ay hipan ninyo ang trumpeta at isigaw ninyo, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’ 35 Sundan ninyo siya pabalik dito at paupuin sa aking trono, sapagkat siya ang papalit sa akin bilang hari. Siya ang aking pinili na magiging hari sa Israel at sa Juda.”

36 Sumagot si Benaias, “Matutupad po! At pagtibayin nawa ito ni Yahweh, ang Diyos ng mahal na hari. 37 At kung paanong pinagpala ni Yahweh ang mahal kong hari, nawa'y pagpalain din niya si Solomon. Nawa'y maging mas dakila ang kanyang paghahari kaysa paghahari ng mahal kong haring si David.”

38 Lumakad nga ang paring si Zadok, ang propetang si Natan at si Benaias at ang mga Kereteo at Peleteo. Pinasakay nila si Solomon sa mola ni Haring David at sinamahan siya patungong Gihon. 39 Kinuha ng paring si Zadok sa tolda ang sungay na lalagyan ng langis, at binuhusan ng langis si Solomon bilang hari. Hinipan nila ang trumpeta at nagsigawan ang lahat, “Mabuhay si Haring Solomon!” 40 Inihatid siya ng mga tao pabalik sa lunsod. Habang daa'y nagsisigawan sila sa tuwa at nagtutugtugan ng mga plauta, at halos mayanig ang lupa sa lakas ng ingay.

41 Tapos nang kumain noon ang mga panauhin ni Adonias, at ang ingay ay narinig nilang lahat. Narinig din ni Joab ang tunog ng trumpeta, kaya naitanong niya, “Ano iyon? Bakit maingay sa lunsod?” 42 Nagsasalita pa siya nang dumating si Jonatan, anak ng paring si Abiatar. “Halika rito,” tawag ni Adonias. “Narito ang isang mabuting tao at tiyak na mabuti rin ang dala niyang balita.”

43 Sumagot si Jonatan, “Hindi po! Ipinahayag na po ni Haring David na si Solomon na ang hari. 44 Pinasama ng hari kay Solomon ang paring si Zadok, ang propetang si Natan, si Benaias na anak ni Joiada at ang mga Kereteo at Peleteo at pinasakay nila ito sa mola ng hari. 45 Binuhusan na siya ng langis bilang hari ng paring si Zadok at ng propetang si Natan sa Gihon. Siya ay inihatid nila sa lunsod at nagsisigawan sa tuwa ang mga tao. Iyon po ang ingay na naririnig ninyo. 46 At ngayon po, nakaupo na si Solomon sa trono. 47 Pati ang matataas na opisyal ng hari ay pumunta na po kay Haring David at siya'y binati. Sabi po nila, ‘Loobin nawa ng inyong Diyos na ang pangalan ni Solomon ay maging higit na dakila kaysa inyong pangalan. At ang paghahari niya'y maging higit na dakila kaysa inyong paghahari.’ Yumuko ang hari sa kanyang pagkakahiga, 48 at ganito ang sinabi: ‘Purihin si Yahweh, ang Diyos ng Israel, sapagkat minarapat niyang makita ko sa araw na ito ang isa sa aking mga anak na nakaupo sa aking trono.’”

49 Nang marinig ito, natakot ang lahat ng panauhin ni Adonias at nagkanya-kanyang takas. 50 Natakot din si Adonias kay Solomon, kaya't tumakbo siya sa altar ng Toldang Tipanan at kumapit sa mga sungay nito.

51 May nagsabi kay Solomon, “Takot na takot po sa inyong Kamahalan si Adonias. Nakakapit siya sa mga sungay ng altar at ipinapasabi na hindi siya aalis doon kung hindi muna kayo mangangako na hindi ninyo siya papatayin.”

Sumagot si Solomon, 52 “Kung mapapatunayan niyang siya'y tapat, hindi siya mamamatay, wala ni isang hibla ng kanyang buhok ang malalaglag sa lupa. Ngunit kung hindi, siya'y mamamatay.” 53 Kaya't pinapuntahan siya ni Haring Solomon at ipinakuha sa altar. Paglapit ni Adonias, nagpatirapa ito sa harapan ni Haring Solomon. Sinabi naman sa kanya ni Solomon, “Umuwi ka na sa inyo.”

Footnotes

  1. 1 Mga Hari 1:29 Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel: o kaya'y Hangga't si Yahweh, ang Diyos ng Israel na nagligtas sa akin sa lahat kong mga kaaway ay nabubuhay .
'1 Mga Hari 1 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Si David sa kaniyang katandaan.

Si David na hari nga ay matanda at totoong magulang na; at kanilang tinakpan siya ng mga kumot, nguni't siya'y hindi naiinitan.

Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kaniya, Ihanap ang aking panginoon na hari ng isang dalaga: at patayuin siya sa harap ng hari, at libangin niya siya; at mahiga siya sa iyong sinapupunan, upang ang aking panginoon na hari ay mainitan.

Sa gayo'y inihanap nila siya ng isang magandang dalaga sa lahat ng mga hangganan ng Israel, at nasumpungan si Abisag na Sunamita, at (A)dinala sa hari.

At ang dalaga ay totoong maganda: at kaniyang nilibang ang hari at nagaalaga sa kaniya; nguni't hindi siya ginalaw ng hari.

Nang magkagayo'y nagmataas si (B)Adonia na anak ni Haggith, na nagsabi, Ako'y magiging hari: at siya'y naghanda ng mga karo at mga mangangabayo, at limang pung lalaking mananakbo sa (C)unahan niya.

Si Adonia ay nagtangka na maging hari.

At hindi siya kinasamaan ng loob ng kaniyang ama kailan man, na nagsabi, Bakit ka gumawa ng ganyan? at siya'y totoong makisig na lalake rin naman; at siya'y (D)ipinanganak na kasunod ni Absalom.

At siya'y nakipagsalitaan kay Joab na anak ni Sarvia, at sa saserdoteng kay Abiathar: at pagsunod nila kay Adonia ay (E)nagsitulong sa kaniya.

Nguni't si Sadoc na saserdote, at si (F)Benaia na anak ni Joiada, at si (G)Nathan na propeta, at si Semei, at si Reihi, at ang mga makapangyarihang lalake na nauukol kay David, ay (H)hindi kasama ni Adonia.

At nagpatay si Adonia ng mga tupa, at mga baka at ng mga pinataba sa siping ng bato ng Zoheleth, na nasa tabi ng (I)Enrogel: at kaniyang tinawag ang lahat niyang kapatid na mga anak ng hari, at ang lahat na lalake sa Juda na mga lingkod ng hari.

10 Nguni't si Nathan na propeta, at si Benaia, at ang mga makapangyarihang lalake, at si (J)Salomon na kaniyang kapatid ay hindi niya tinawag.

11 Nang magkagayo'y nagsalita si Nathan kay Bath-sheba na ina ni Salomon, na nagsasabi, Hindi mo ba nabalitaan na naghahari si Adonia na anak ni Haggith, at hindi nalalaman ni David na ating panginoon?

12 Ngayon nga'y parito ka, isinasamo ko sa iyo, na bigyang payo kita, upang iyong mailigtas ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Salomon.

13 Ikaw ay yumaon, at pasukin mo ang haring si David, at sabihin mo sa kaniya, Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Tunay na si (K)Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan? bakit nga maghahari si Adonia?

14 Narito, samantalang nagsasalita ka pa roon sa hari, ay papasok naman ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.

Tumutol si Bath-sheba.

15 At pinasok ni Bath-sheba ang hari sa silid; at ang hari ay totoong matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nagaalaga sa hari.

16 At si Bath-sheba ay yumukod at nagbigay galang sa hari. At sinabi ng hari, Anong ibig mo?

17 At sinabi niya sa kaniya, Panginoon ko, isinumpa mo ang Panginoon mong Dios sa iyong lingkod, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan.

18 At ngayo'y narito, si Adonia ay naghahari; at ikaw, panginoon ko na hari, ay hindi mo nalalaman;

19 At siya'y pumatay ng mga baka, at mga pinataba, at tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at si Abiathar na saserdote, at si Joab na puno ng hukbo: nguni't si Salomon na iyong lingkod ay hindi niya tinawag.

20 At ikaw, panginoon ko na hari, ang mga mata ng buong Israel ay nasa iyo, upang iyong saysayin sa kanila kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya.

21 Sa ibang paraa'y mangyayari, na pagka ang aking panginoon na hari ay (L)natutulog na kasama ng kaniyang mga magulang, na ako at ang aking anak na si Salomon ay mabibilang sa mga may sala.

Kinatigan ni Nathan si Bath-sheba sa pagtutol.

22 At, narito, samantalang siya'y nakikipagsalitaan pa sa hari, ay pumasok si Nathan na propeta.

23 At kaniyang isinaysay sa hari, na sinasabi, Narito, si Nathan na propeta. At nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod ng kaniyang mukha sa lupa sa harap ng hari.

24 At sinabi ni Nathan, Panginoon ko, Oh hari, iyo bang sinabi, Si Adonia ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan?

25 Sapagka't siya'y lumusong nang araw na ito, at nagpatay ng mga baka, at mga pinataba, at mga tupa na sagana, at tinawag ang lahat na anak ng hari, at ang mga puno ng hukbo, at si Abiathar na saserdote; at, narito, sila'y nagkakainan at nagiinuman sa harap niya at nagsisipagsabi, Mabuhay ang haring si (M)Adonia.

26 (N)Nguni't ako, akong iyong lingkod, at si Sadoc na saserdote, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang iyong lingkod na si Salomon, hindi niya tinawag.

27 Ang bagay na ito baga ay ginawa ng aking panginoon na hari, at hindi mo ipinakilala sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa luklukan ng aking panginoon na hari pagkamatay niya?

28 Nang magkagayo'y sumagot ang haring si David, at nagsabi, Tawagin ninyo sa akin si Bath-sheba. At siya'y pumasok sa harap ng hari, at tumayo sa harap ng hari.

29 At sumumpa ang hari, at nagsabi, Buhay ang Panginoon, na tumubos ng aking kaluluwa sa lahat ng (O)karalitaan,

30 Katotohanang kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, na Dios ng Israel, na sinasabi, Tunay na si Salomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking luklukan na kahalili ko; katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.

31 Nang magkagayo'y iniyukod ni Bath-sheba ang kaniyang mukha sa lupa, at nagbigay galang sa hari, at nagsabi, Mabuhay ang aking panginoon na haring si David (P)magpakailan man.

Si Salomon ay pinahiran ng langis upang maging hari.

32 At sinabi ng haring si David, (Q)Tawagin ninyo sa akin si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada. At sila'y pumasok sa harap ng hari.

33 At sinabi ng hari sa kanila, (R)Ipagsama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Salomon sa aking sariling mula, at (S)ilusong ninyo siya sa (T)Gihon.

34 At pahiran siya ng langis doon ni (U)Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta na maging hari sa Israel: at kayo'y (V)magsihihip ng pakakak, at magsipagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

35 Kung magkagayo'y magsisiahon kayong kasunod niya, at siya'y paririto, at uupo sa aking luklukan: sapagka't siya'y magiging hari, na kahalili ko: at inihalal ko siyang maging prinsipe sa Israel at sa Juda.

36 At si Benaia na anak ni Joiada ay sumagot sa hari, at nagsabi, Siya nawa: ang Panginoon, ang Dios ng aking panginoon na hari ay magsabi nawa ng ganyan din.

37 Kung paanong ang Panginoon ay sumaaking panginoon na hari ay gayon suma kay Salomon (W)at gawin nawa ang kaniyang luklukang lalong dakila kay sa luklukan ng aking panginoong haring si David.

38 Sa gayo'y si Sadoc na saserdote at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga (X)Ceretheo, at ang mga (Y)Peletheo ay nagsibaba, at pinasakay si Salomon sa mula ng haring si David, at dinala sa Gihon.

39 At kinuha ni Sadoc na saserdote ang sisidlang sungay ng langis mula sa (Z)Tolda, at pinahiran ng langis si Salomon. (AA)At sila'y humihip ng pakakak; at ang buong bayan ay (AB)nagsabi, Mabuhay ang haring si Salomon.

40 At ang buong bayan ay nagsiahong kasunod niya, at ang bayan ay humihip ng mga plauta, at nangagalak ng malaking pagkagalak, anopa't ang lupa ay umalingawngaw sa hugong nila.

41 At narinig ni Adonia at ng buong inanyayahan na nasa kaniya pagkatapos nilang makakain. At nang marinig ni Joab ang tunog ng pakakak, ay kaniyang sinabi, Anong dahil nitong hugong sa bayan na kaingay?

42 Samantalang siya'y nagsasalita pa, narito, si Jonathan na (AC)anak ni Abiathar na saserdote ay dumating at si Adonia ay nagsabi, Pumasok ka; sapagka't (AD)ikaw ay karapatdapat na tao, at nagdadala ka ng mabubuting balita.

43 At si Jonathan ay sumagot, at nagsabi kay Adonia, Katotohanang ginawang hari si Salomon ng ating panginoong haring si David:

44 At sinugo ng hari na kasama niya si Sadoc na saserdote, at si Nathan na propeta, at si Benaia na anak ni Joiada, at ang mga (AE)Ceretheo at ang mga Peletheo at pinasakay nila siya sa mula ng hari:

45 At siya'y pinapaging hari na pinahiran ng langis ni Sadoc na saserdote at ni Nathan na propeta sa Gihon: at sila'y nagsiahong galak mula roon, na anopa't ang bayan (AF)ay umalingawngaw uli. Ito ang hugong na iyong narinig.

46 At si Salomon naman ay nauupo sa (AG)luklukan ng kaharian.

47 At bukod dito'y ang mga lingkod ng hari ay nagsiparoon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsisipagsabi, Gawin nawa ng iyong Dios ang pangalan ni Salomon na lalong maigi kay sa iyong pangalan, at gawin ang kaniyang luklukan na lalong dakila kay sa iyong luklukan; (AH)at ang hari ay yumukod sa kaniyang (AI)higaan.

48 At ganito pa ang sinabi ng hari, Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, na siyang nagbigay sa akin ng isa na makakaupo sa aking luklukan sa araw na ito, na nakita ng aking mga mata.

Si Adonia ay natakot.

49 At ang lahat na inanyayahan ni Adonia ay nangatakot at nagsitindig, at yumaon bawa't isa sa kaniyang lakad.

50 At natakot si Adonia dahil kay Salomon: at siya'y tumindig at yumaon, at (AJ)pumigil sa mga anyong sungay ng dambana.

51 At nasaysay kay Salomon na sinasabi, Narito, si Adonia ay natatakot sa haring Salomon: sapagka't, narito, siya'y pumigil sa mga anyong sungay ng dambana, na nagsasabi, Isumpa ng haring Salomon sa akin sa araw na ito, na hindi niya papatayin ng tabak ang kaniyang lingkod.

52 At sinabi ni Salomon, Kung siya'y pakikilalang karapatdapat na tao, ay walang malalaglag na isang buhok sa kaniya sa lupa; (AK)nguni't kung kasamaan ang masumpungan sa kaniya siya'y mamamatay.

53 Sa gayo'y nagsugo ang haring Salomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay galang sa haring Salomon; at sinabi ni Salomon sa kaniya, Umuwi ka sa iyong bahay.