Add parallel Print Page Options

Ang Pagkaing Inialay sa mga Diyos-diyosan

Isinusulat ko ang patungkol sa pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan. Alam natin na lahat tayo ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nakakapagpayabang ngunit ang pag-ibig ay nakakapagpatatag.

Ngunit kung ang sinuman ay nag-aakalang alam niya ang anumang bagay, siya ay wala pang nalalaman sa dapat niyang malaman. Kung ang sinuman ay umiibig sa Diyos, kilala siya ng Diyos.

Patungkol sa mga pagkaing inihain sa mga diyos-diyosan, alam nating walang halaga ang diyos-diyosan sa sanlibutan. Alam nating wala nang ibang Diyos maliban sa isa. Sapagkat maraming mga tinatawag na diyos sa langit man o sa lupa, maraming diyos, maraming panginoon. Subalit para sa atin iisa lamang ang Diyos, ang Ama. Sa kaniya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay para sa kaniya. Iisa lamang ang Panginoong Jesucristo. Sa pamamagitan niya nagmula ang lahat ng mga bagay at tayo ay nabubuhay sa pamamagitanniya.

Subalit hindi lahat ay may kaalaman. Dahil sa kanilang budhi patungkol sa mga diyos-diyosan, hanggang ngayon ay may ilang tao na kapag kinakain nila ang mga bagay na ito, iniisip nilang iyon ay inihain sa diyos-diyosan. At dahil mahihina ang kanilang budhi, iyon ay nadudungisan. Hindi tayo nagiging katanggap-tanggap sa Diyos sa pamamagitan ng pagkain sapagkat kapag kumain tayo, hindi ito makakabuti sa atin. Kapag hindi tayo kumain, hindi ito makakasama sa atin.

Ngunit mag-ingat kayo baka ang karapatang ito ay maging katitisuran sa mga mahihina. 10 Ito ay sapagkat ikaw na may kaalaman, kung kumain ka sa templo ng mga diyos-diyosan at kung makita ka ng isang taong may mahinang budhi, hindi kaya lumakas ang loob niyang kumain din ng mga inihandog sa mga diyos-diyosan? 11 Dahil sa iyo na may kaalaman, hindi rin kaya masira ang buhay ng mahina mong kapatid, na kung kanino si Cristo ay namatay? 12 Sa ganito ay nagkakasala ka laban sa iyong mga kapatid at sinusugatan ang kanilang mahihinang budhi at nagkakasala ka laban kay Cristo. 13 Kaya nga, kung ang pagkain ko nito ay makakapagpatisod sa aking kapatid, hindi na ako kakain ng laman kailanman upang hindi ako maging katitisuran sa aking kapatid.

Tungkol sa mga Pagkaing Inialay sa Diyus-diyosan

Tungkol naman sa mga pagkaing inialay sa mga diyus-diyosan, alam nating tayong lahat ay may kaalaman. Ang kaalaman ay nagpapayabang, ngunit ang pag-ibig ay nagpapatibay. Sinumang nag-aakala na mayroon siyang alam ay hindi pa niya alam ang dapat niyang malaman. Ngunit sinumang umiibig sa Diyos, ang taong ito ay kinikilala ng Diyos. Kaya't tungkol sa pagkain ng mga inialay sa mga diyus-diyosan, alam natin na walang totoong diyos na inilalarawan ng mga diyus-diyosan sa sanlibutan, at walang Diyos maliban sa isa. Sapagkat kahit may tinatawag na mga diyos, sa langit man o sa lupa, gaya ng pagkakaroon ng maraming “mga diyos” at maraming “mga panginoon,” ngunit para sa atin ay may iisang Diyos, ang Ama, na siyang pinagmulan ng lahat ng mga bagay, at para sa kanya tayo'y nabubuhay, at may iisang Panginoon, si Jesu-Cristo, na sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, at sa pamamagitan niya, tayo'y nabubuhay.

Subalit hindi lahat ng mga tao ay may ganitong kaalaman. At may ibang nasanay na sa mga diyus-diyosan hanggang ngayon ay kumakain na para bang totoong inialay sa diyus-diyosan ang pagkain, at dahil mahina ang kanilang budhi, inaakala nilang sila'y nadungisan. Ngunit “hindi tayo napapalapit sa Diyos dahil sa pagkain.” Walang nawawala sa atin kung hindi tayo kumain, at wala rin naman tayong napapala kung tayo'y kumain. Ngunit mag-ingat kayo, baka ang kalayaan ninyong ito ay maging sanhi ng pagkakasala ng mahihina. 10 Sapagkat kapag may nakakita sa iyo, ikaw na mayroong alam, na nakikisalo ka sa pagkain sa loob ng templo ng diyus-diyosan, hindi kaya ang kanyang mahinang budhi ay mahikayat na kumain ng mga bagay na inialay sa mga diyus-diyosan? 11 Kaya't sa pamamagitan ng iyong kaalaman ay napapahamak ang mahina; alang-alang sa kapatid na ito ay namatay si Cristo. 12 Sa gayong paraan, dahil sa pagkakasala sa mga kapatid at pagsugat sa kanilang mahinang budhi, ay nagkakasala kayo laban kay Cristo. 13 Kaya't kung ang pagkain ay nagtutulak sa aking kapatid upang magkasala, hinding-hindi na ako kakain ng karne kahit kailan, upang hindi ko maitulak sa pagkakasala ang aking kapatid.