Add parallel Print Page Options

Ang Pagpapatotoo ni Juan

19 At ito ang patotoo ni Juan nang nagpadala ang mga Judio ng mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang tanungin siya, “Sino ka ba?” 20 Nagpahayag siya at hindi nagkaila, kundi sinabi niya, “Hindi ako ang Cristo.” 21 (A)At tinanong nila si Juan, “Kung gayon, ikaw ba si Elias?” Sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At sumagot siya, “Hindi.” 22 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Sino ka? Bigyan mo kami ng kasagutang maaari naming ibigay sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa sarili mo?” 23 (B)Sinabi niya,

“Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang,
‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon,’

tulad ng sinabi ni propetang Isaias.” 24 Ang mga ito ay sugo mula sa mga Fariseo. 25 Muli silang nagtanong sa kanya, “Kung gayon bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, hindi rin ikaw si Elias, ni ang propeta?” 26 Sinagot sila ni Juan, “Nagbabautismo ako sa tubig, ngunit may nakatayong kasama ninyo na hindi ninyo kilala; 27 siya ang dumarating na kasunod ko; hindi ako karapat-dapat na magkalag man lamang ng kanyang sandalyas.” 28 Nangyari ito sa Betania sa kabilang ibayo ng Jordan kung saan nagbabautismo si Juan.

Ang Kordero ng Diyos

29 Nang sumunod na araw, nakita ni Juan si Jesus na papalapit sa kanya, at sinabi niya, “Narito ang kordero ng Diyos na siyang nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan! 30 Siya ang binanggit ko sa inyo, ‘Kasunod ko ang lalaking mas una kaysa sa akin sapagkat siya'y nauna sa akin.’ 31 Hindi ko siya nakilala; ngunit ako'y dumating at nagbabautismo sa tubig, upang siya'y maihayag sa Israel.” 32 Pagkatapos nito'y nagpatotoo si Juan, “Nakita ko ang Espiritu na bumaba gaya ng isang kalapati mula sa langit at nanatili ito sa kanya. 33 Hindi ko siya nakilala; ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ay nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makikitang bababa at mananatili ang Espiritu ay siyang magbabautismo sa inyo sa Banal na Espiritu.’ 34 Nakita ko't napatunayan na ito ang Anak ng Diyos.”

Read full chapter