Add parallel Print Page Options

Ang Sulat para sa Iglesya sa Efeso

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Efeso:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng pitong bituin sa kanang kamay at lumalakad sa gitna ng pitong ilawang ginto: Alam ko ang mga ginagawa ninyo pati ang inyong mga pagsisikap at pagtitiyaga. Alam ko rin na hindi ninyo kinukunsinti ang masasamang tao. Siniyasat ninyo ang mga nagpapanggap na apostol, at napatunayan ninyong mga sinungaling sila. Tiniis ninyo ang mga kahirapan dahil sa pananampalataya ninyo sa akin, at hindi kayo nanghina. Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: ang inyong pag-ibig sa akin ngayon ay hindi na tulad ng dati. Alalahanin ninyo kung gaano kayo nanamlay sa pananampalataya. Magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo at gawing muli ang dati ninyong ginagawa. Kung hindi, pupuntahan ko kayo at kukunin ang inyong ilawan. Ngunit ito ang gusto ko sa inyo: kinasusuklaman ninyo ang mga ginagawa ng mga Nicolaita,[a] na kinasusuklaman ko rin.

“Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay papayagan kong kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay ng buhay. Ang punong ito ay nasa paraiso ng Dios.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Smirna

“Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Smirna:

“Ito ang mensahe niya na siyang simula at katapusan ng lahat, na namatay ngunit muling nabuhay: Alam ko ang inyong pagtitiis. Alam ko ring mahirap kayo, ngunit mayaman sa espiritwal na mga bagay. Alam kong hinahamak kayo ng mga taong nagsasabing mga Judio sila, ngunit ang totooʼy mga kampon sila ni Satanas. 10 Huwag kayong matakot sa mga paghihirap na malapit na ninyong danasin. Tandaan ninyo: Ipapabilanggo ni Satanas ang ilan sa inyo upang subukan kayo. Daranas kayo ng pang-uusig sa loob ng sampung araw. Manatili kayong tapat hanggang kamatayan, at gagantimpalaan ko kayo ng buhay na walang hanggan.

11 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay hindi makakaranas ng ikalawang kamatayan.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Pergamum

12 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Pergamum:

“Ito ang mensahe ng may hawak ng matalas na espada na dalawa ang talim: 13 Alam ko na kahit nakatira kayo sa lugar na hawak ni Satanas ay nananatili pa rin kayong tapat sa akin. Sapagkat hindi kayo tumalikod sa pananampalataya ninyo sa akin, kahit noong patayin si Antipas na tapat kong saksi riyan sa lugar ninyo na tirahan ni Satanas. 14 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: May ilan sa inyo na sumusunod sa mga aral ni Balaam. Si Balaam ang nagturo kay Balak kung paano udyukan ang mga Israelita na magkasala sa pamamagitan ng pagkain ng mga inihandog sa mga dios-diosan at sa pamamagitan ng paggawa ng sekswal na imoralidad. 15 At may ilan din sa inyo na sumusunod sa mga aral ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi kayo sa mga kasalanan ninyo! Sapagkat kung hindi, pupunta ako riyan sa lalong madaling panahon at kakalabanin ko ang mga taong iyan na sumusunod sa mga maling aral sa pamamagitan ng espada na lumalabas sa aking bibig.

17 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.

“Ang magtatagumpay ay bibigyan ko ng pagkain na inilaan ko sa langit. Bibigyan ko rin ang bawat isa sa kanila ng puting bato na may nakasulat na bagong pangalan na walang ibang nakakaalam kundi ang makakatanggap nito.”

Ang Sulat para sa Iglesya sa Tiatira

18 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Tiatira:

“Ito ang mensahe ng Anak ng Dios, na ang mga mataʼy nagliliyab na parang apoy at ang mga paaʼy nagniningning na parang pinakintab na tanso: 19 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam ko na mapagmahal kayo, matapat, masigasig maglingkod at matiyaga. Alam ko rin na higit pa ang ginagawa ninyo ngayon kaysa sa noong una. 20 Ngunit ito ang ayaw ko sa inyo: Hinahayaan ninyo lang na magturo ang babaeng si Jezebel na nagpapanggap na propeta. Nililinlang niya ang mga taong naglilingkod sa akin at hinihikayat na gumawa ng sekswal na imoralidad at kumain ng mga inihandog sa mga dios-diosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi sa kanyang imoralidad, ngunit ayaw niya. 22 Makinig kayo! Bibigyan ko siya ng karamdaman hanggang sa hindi na siya makabangon sa higaan. Parurusahan ko siya nang matindi pati ang mga nakipagrelasyon sa kanya, kung hindi sila magsisisi sa kanilang kasamaan. 23 Papatayin ko ang mga tagasunod niya upang malaman ng lahat ng iglesya na alam ko ang iniisip at hinahangad ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa sa inyo ayon sa mga ginawa ninyo.

24 “Pero ang iba sa inyo riyan sa Tiatira ay hindi sumusunod sa mga turo ni Jezebel. Hindi kayo natuto ng tinatawag nilang ‘malalalim na mga turo ni Satanas.’ Kaya wala na akong idadagdag pang tuntunin na dapat ninyong sundin. 25 Ipagpatuloy na lang ninyo ang inyong katapatan sa akin hanggang sa pagdating ko. 26-27 Sapagkat ang mga magtatagumpay at patuloy na sumusunod sa kalooban ko hanggang sa wakas ay bibigyan ko ng kapangyarihang mamahala sa mga bansa, tulad ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng aking Ama. Mamamahala sila sa pamamagitan ng kamay na bakal at dudurugin nila ang mga bansa gaya ng pagdurog sa palayok.[b] 28 At ibibigay ko rin sa kanila ang tala sa umaga.[c]

29 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Footnotes

  1. 2:6 Nicolaita: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
  2. 2:26-27 Tingnan ang Salmo 2:8-9.
  3. 2:28 tala sa umaga: sa Ingles, “morning star.”

Ang Mensahe para sa Efeso

“Sa anghel ng iglesya ng Efeso, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may hawak ng pitong bituin sa kanyang kanang kamay, na naglalakad sa gitna ng pitong gintong ilawan: ‘Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis. Alam kong hindi mo kayang palampasin ang masasama. Sinubok mo ang mga nag-aangking sila ay mga apostol, ngunit hindi pala at natuklasan mong sila'y mga huwad. Ikaw rin ay matiyagang nagpapatuloy at nagpapasakit alang-alang sa aking pangalan, at hindi ka nanlupaypay. Subalit mayroon akong isang bagay na laban sa iyo, na iniwan mo ang una mong pag-ibig. Kaya alalahanin mo ang kinalalagyan mo bago ka nahulog. Magsisi ka, at muli mong gawin ang mga bagay na ginawa mo noong una. Kung hindi, pupuntahan kita at tatanggalin ko ang iyong ilawan sa kinalalagyan nito, at ito'y kung hindi ka magsisisi. Ngunit ito naman ang mayroon ka: kinamumuhian mo ang mga gawain ng mga Nicolaita, na kinamumuhian ko rin. (A) Makinig ang sinumang may pandinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Sa sinumang magtagumpay, ibibigay ko sa kanya ang karapatang kumain mula sa puno ng buhay na nasa paraiso ng Diyos.’

Ang Mensahe para sa Smirna

(B) “At sa anghel ng iglesya sa Smirna, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na una at huli, na namatay at nabuhay: ‘Alam ko ang iyong pagdurusa at ang iyong pagiging dukha, bagaman ikaw ay mayaman. Alam ko ang paninira sa iyo ng mga nagsasabing sila ay mga Judio ngunit hindi naman, kundi isang sinagoga ni Satanas. 10 Huwag kang matakot sa pagdurusang malapit mo nang maranasan. Mag-ingat kayo dahil malapit nang itapon ng diyablo ang ilan sa inyo sa bilangguan upang kayo ay subukin. At sa loob ng sampung araw ay magdurusa kayo. Maging tapat ka hanggang kamatayan at igagawad ko sa iyo ang korona ng buhay. 11 Sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay hindi kailanman magdurusa ng ikalawang kamatayan.’

Ang Mensahe para sa Pergamo

12 “At sa anghel ng iglesya sa Pergamo, isulat mo: Ito ang sinasabi niya na may tabak na may dalawang talim na matalas:

13 “Alam ko kung saan ka naninirahan doon, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Gayunma'y nananatili kang tapat sa aking pangalan, at hindi mo itinakwil ang pananampalataya sa akin maging noong mga araw ng tapat kong saksi na si Antipas, na pinatay diyan sa inyo na tinitirhan ni Satanas. 14 Subalit (C) mayroon akong ilang bagay laban sa iyo: ikaw ay may ilan na naninindigan sa turo ni Balaam, na nagturo kay Balak na maglagay ng dahilan upang magkasala ang Israel at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan at makiapid. 15 Mayroon din sa iyo na naninindigan sa turo ng mga Nicolaita. 16 Kaya magsisi ka. Kung hindi, pupuntahan kita agad at makikipagdigma sa kanila gamit ang tabak ng aking bibig. 17 Ang (D) sinumang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya, ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong manna. Bibigyan ko rin siya ng puting bato na may bagong pangalan na nakasulat dito, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap lamang nito.

Ang Mensahe para sa Tiatira

18 “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira, isulat mo: Ito ang sinasabi ng Anak ng Diyos na may mga matang tila nagniningas na apoy, at ang kanyang mga paa ay tila pinakintab na tanso.

19 “Alam ko ang mga gawa mo—ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod, at pagtitiis. Alam kong ang mga huli mong ginawa ay higit kaysa una. 20 Subalit (E) mayroon akong bagay na laban sa iyo: hinahayaan mo ang babaing si Jezebel, na nagsasabing siya'y propeta. Sa pagtuturo ay inililigaw niya ang mga lingkod ko upang makiapid at kumain ng pagkaing inialay sa diyus-diyosan. 21 Binigyan ko siya ng panahon upang magsisi, subalit tumanggi siyang magsisi sa kanyang pakikiapid. 22 Tandaan mo, iraratay ko siya sa higaan ng karamdaman, maging ang mga nakiapid sa kanya ay itatapon ko rin sa matinding pagdurusa, maliban kung pagsisihan nila ang kanyang mga gawa. 23 Tiyak na papatayin (F) ko ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga kaisipan at mga puso. Bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng nararapat sa inyong mga gawa. 24 Ngunit sinasabi ko sa iba sa inyo riyan sa Tiatira na hindi naninindigan sa turong ito, at hindi natutuhan ang tinatawag ng ilan na ‘Malalalim na bagay ni Satanas’, hindi ako maglalagay ng iba pang pasanin sa inyo, 25 manindigan ka lang hanggang sa pagdating ko. 26 Sa (G) sinumang nagtatagumpay at nagpapatuloy sa paggawa ng mga gawain ko hanggang sa katapusan,

Bibigyan ko siya ng kapangyarihan sa mga bansa;
27 upang mamuno sa kanila gamit ang isang pamalong bakal,
    upang duruging parang mga pasô—

28 gaya ng pagtanggap ko ng kapangyarihan mula sa aking Ama. Ibibigay ko rin sa kanya ang bituin sa umaga. 29 Makinig ang sinumang may tainga sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.