Nehemias 1
Ang Biblia (1978)
Ang paghihinagpis at panalangin ni Nehemias tungkol sa mga Judio na natira sa Jerusalem.
1 Ang mga salita ni (A)Nehemias na anak ni Hachalias.
Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa (B)ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa (C)Susan.
2 Na si (D)Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay (E)nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.
4 At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y (F)naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.
5 At nagsabi, (G)Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, (H)na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:
6 Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming (I)ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:
7 Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.
8 Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung (J)kayo'y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:
9 (K)Nguni't kung kayo'y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman[a] ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa (L)dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.
10 Ang mga ito nga'y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo'y tagahawak ako ng saro ng hari.)
Footnotes
- Nehemias 1:9 Deut. 30:4.
Nehemias 1
Ang Biblia, 2001
Nagmalasakit si Nehemias sa Jerusalem
1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias.
Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon, samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera,[a]
2 si Hanani, isa sa aking mga kapatid, ay dumating na kasama ang ilang lalaki mula sa Juda. Tinanong ko sila tungkol sa mga Judio na natirang buháy, na nakatakas sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 Sinabi nila sa akin, “Ang mga natirang buháy sa lalawigan na nakatakas sa pagkabihag ay nasa isang malubhang kalagayan at kahihiyan. Ang pader ng Jerusalem ay wasak at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy.”
4 Nang marinig ko ang mga salitang ito, ako'y umupo, umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Diyos ng langit.
5 Aking sinabi “O, Panginoong Diyos ng langit, ang dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya, at nag-iingat ng kanyang mga utos;
6 makinig ka sana ngayon at imulat ang iyong mga mata upang makinig sa dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin ngayon sa harap mo araw at gabi para sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod. Aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo. Ako at ang aking sambahayan ay nagkasala.
7 Napakasama ng aming nagawa laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga utos, mga tuntunin, o ang mga batas na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises.
8 Alalahanin(A) mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y hindi tapat, ikakalat ko kayo sa lahat ng mga bayan;
9 ngunit(B) kung kayo'y manumbalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos at gawin ang mga ito, bagaman ang inyong pagkawatak-watak ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng mga langit, aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan.’
10 Ang mga ito ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 O Panginoon, pakinggan mo nawa ang panalangin ng iyong lingkod na nalulugod na igalang ang iyong pangalan. Pagtagumpayin mo ngayon ang iyong lingkod, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito.”
Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari.
Footnotes
- Nehemias 1:1 o palasyo .
Nehemias 1
Ang Dating Biblia (1905)
1 Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hachalias. Nangyari nga sa buwan ng Chislu, sa ikadalawang pung taon, samantalang ako'y nasa bahay-hari sa Susan.
2 Na si Hanani, na isa sa aking mga kapatid, ay dumating, siya at ilang lalake na mula sa Juda; at tinanong ko sila ng tungkol sa mga Judio na nakatanan, na nangaiwan sa pagkabihag, at tungkol sa Jerusalem.
3 At sinabi nila sa akin, Ang nalabi na naiwan sa pagkabihag doon sa lalawigan, ay nasa malaking kapighatian at kakutyaan: ang kuta naman sa Jerusalem ay nabagsak, at ang mga pintuang-bayan ay nangasunog sa apoy.
4 At nangyari, nang marinig ko ang mga salitang ito, na ako'y naupo at umiyak, at nanangis na ilang araw; at ako'y nagayuno, at dumalangin sa harap ng Dios ng langit.
5 At nagsabi, Aking idinadalangin sa iyo, Oh Panginoon, na Dios ng langit, na dakila at kakilakilabot na Dios, na nagiingat ng tipan at kaawaan sa nagsisiibig sa kaniya, at nangagiingat ng kaniyang mga utos:
6 Pakinggan ngayon ng iyong tainga, at idilat ang iyong mga mata, upang iyong dinggin ang dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin sa harap mo sa panahong ito, araw at gabi, dahil sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod, habang aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming ipinagkasala laban sa iyo. Oo, ako at ang sangbahayan ng aking magulang ay nagkasala:
7 Kami ay lubhang nagpakahamak laban sa iyo, at hindi nangagingat ng mga utos, o ng mga palatuntunan man, o ng mga kahatulan, na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises.
8 Alalahanin mo, isinasamo ko sa iyo, ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na kay Moises, na sinasabi, Kung kayo'y magsisalangsang, aking pangangalatin kayo sa lahat na bayan:
9 Nguni't kung kayo'y magsibalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos, at gawin, bagaman ang nangatapon sa inyo ay nasa kaduluduluhang bahagi ng mga langit, akin ngang pipisanin sila mula roon, at dadalhin ko sila sa dakong aking pinili upang patahanin doon ang aking pangalan.
10 Ang mga ito nga'y ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na iyong tinubos sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan, at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay.
11 Oh Panginoon, isinasamo ko sa iyo, pakinggan ngayon ng inyong pakinig ang dalangin ng iyong lingkod, at ang dalangin ng iyong mga lingkod, na nangasasayahang matakot sa iyong pangalan: at paginhawahin mo, isinasamo ko sa iyo, ang iyong lingkod sa araw na ito, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito. (Ngayo'y tagahawak ako ng saro ng hari.)
Nehemias 1
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
1 Ito ang salaysay tungkol sa mga ginawa ni Nehemias na anak ni Hacalia.
Ang Pananalangin ni Nehemias para sa Jerusalem
Noong ikasiyam na buwan, ang buwan ng Kislev, nang ika-20 taon ng paghahari ni Artaserses sa Persia, naroon ako sa palasyo sa Susa. 2 Doon ay pumunta sa akin ang isa sa mga kapatid ko na si Hanani. Galing siya sa Juda kasama ang ilang kalalakihan. Tinanong ko sila tungkol sa Jerusalem at sa mga Judio na nagsibalik mula sa pagkakabihag[a] sa Babilonia. 3 Sumagot sila, “Labis na nahihirapan ang mga nagsibalik sa Juda, tinutuya sila ng mga tao sa paligid nila. Hanggang ngayon, sira pa rin ang pader ng Jerusalem at sunog ang mga pintuan nito.”
4 Nang marinig ko iyon, umupo ako at umiyak. Ilang araw akong nagdalamhati, nag-ayuno, at nanalangin sa presensya ng Dios ng kalangitan. 5 Sinabi ko, “Panginoon, Dios ng kalangitan, makapangyarihan po kayo at kamangha-manghang Dios. Tinutupad nʼyo ang inyong kasunduan nang may pag-ibig sa mga umiibig sa inyo at tumutupad sa inyong mga utos. 6 Akong lingkod nʼyo ay nananalangin araw at gabi para sa bayan ng Israel na mga lingkod ninyo. Pakinggan nʼyo po ako at tugunin ang dalangin ko. Ipinapahayag ko sa inyo ang mga kasalanan naming mga Israelita, pati ang mga kasalanan ko at ng aking mga ninuno. 7 Lubha pong napakasama ng ginawa namin sa inyo. Hindi namin tinutupad ang mga utos ninyo at mga tuntuning ibinigay sa amin sa pamamagitan ni Moises na inyong lingkod.
8 “Alalahanin po ninyo ang sinabi nʼyo noon kay Moises: ‘Kung kayong mga Israelita ay hindi maging matapat sa akin, pangangalatin ko kayo sa ibang mga bansa. 9 Ngunit kung manunumbalik kayo sa akin at tutupad sa mga utos ko, kahit mangalat pa kayo sa pinakamalayong lugar, titipunin ko kayong muli sa lugar na pinili ko upang akoʼy parangalan.’
10 “Kami po ay mga lingkod nʼyo at mga mamamayang iniligtas ninyo sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan at lakas. 11 Panginoon, dinggin nʼyo po ang dalangin ko, na inyong lingkod, at ang dalangin ng iba pa ninyong mga lingkod na nasisiyahang igalang kayo. Bigyan nʼyo po ako ngayon ng tagumpay sa paghiling ko sa hari. At nawaʼy kabutihan ang maipakita niya sa akin.”
Nang panahong iyon, tagapagsilbi ako ng inumin ng hari.
Footnotes
- 1:2 na nagsibalik mula sa pagkakabihag: o, na nakaligtas sa pagkakabihag.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
