Mga Kawikaan 9
Ang Biblia, 2001
Ang Karunungan at ang Karangalan
9 Itinayo ng karunungan ang kanyang bahay,
    ang kanyang pitong haligi ay kanyang inilagay.[a]
2 Mga hayop niya ay kanyang kinatay, ang kanyang alak ay kanyang hinaluan,
    kanya ring inihanda ang kanyang hapag-kainan.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alilang babae upang manawagan,
    mula sa pinakamatataas na dako sa bayan,
4 “Sinumang walang muwang, pumasok dito!”
    Sa kanya na mahina sa pag-unawa, ay sinasabi niya,
5 “Halikayo, kumain kayo ng aking tinapay,
    at uminom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo ang kawalang muwang at kayo'y mabuhay,
    at kayo'y lumakad na may pang-unawa.”
7 Siyang sumasaway sa manlilibak ay nakakakuha ng kahihiyan,
    at siyang sumasaway sa masama ay siya ring nasasaktan.
8 Huwag mong sawayin ang manlilibak, baka kamuhian ka niya;
    sawayin mo ang marunong, at kanyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang marunong, at dudunong pa siyang lalo,
    turuan mo ang matuwid, at sa kaalaman siya'y lalago.
10 Ang(A) takot sa Panginoon ang pasimula ng karunungan,
    at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagkat sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga araw,
    at ang mga taon ng iyong buhay ay madaragdagan.
12 Kung ikaw ay pantas, pantas ka para sa sarili mo,
    at kung ikaw ay manlibak, mag-isa kang magpapasan nito.
Ang Anyaya ng Hangal na Babae
13 Ang hangal na babae ay madaldal;
    siya'y magaslaw at walang nalalaman.
14 Siya'y nauupo sa pintuan ng kanyang bahay,
    sa isang upuan sa matataas na dako ng bayan,
15 upang tawagin ang mga nagdaraan,
    na matuwid na humahayo sa kanilang mga lakad.
16 “Sinumang walang muwang ay pumasok dito!”
    At sa kanya na kulang sa pag-unawa, ay kanyang sinasabi,
17 “Ang ninakaw na tubig ay matamis,
    ang tinapay na kinakain sa lihim ay kanais-nais.”
18 Ngunit hindi niya nalalaman na ang mga patay ay naroon,
    na ang mga panauhin niya ay nasa mga kalaliman ng Sheol.
Footnotes
- Mga Kawikaan 9:1 Sa Hebreo ay pinutol .
Kawikaan 9
Ang Dating Biblia (1905)
9 Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay, kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:
2 Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak; kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.
3 Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae; siya'y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:
4 Kung sinoma'y musmos, pumasok dito: tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
5 Kayo'y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay, at magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo'y mabuhay; at kayo'y magsilakad sa daan ng kaunawaan.
7 Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili: at siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.
8 Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya: sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang pantas, at siya'y magiging lalong pantas pa: iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.
10 Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan: at ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagka't sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan, at ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.
12 Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili: at kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa ang magpapasan.
13 Ang hangal na babae ay madaldal; siya'y musmos at walang nalalaman.
14 At siya'y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay, sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,
15 Upang tawagin ang nangagdadaan, na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:
16 Sinomang musmos ay pumasok dito: at tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
17 Ang mga nakaw na tubig ay matamis, at ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.
18 Nguni't hindi niya nalalaman na ang patay ay nandoon; na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.
Kawikaan 9
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Karunungan at ang Kamangmangan
9 Ang karunungan ay katulad ng isang taong nagtayo ng kanyang bahay na may pitong haligi. 2 Pagkatapos, nagkaroon siya ng malaking handaan. Naghanda siya ng mga pagkain at mga inumin. 3 At saka inutusan niya ang mga katulong niyang babae na pumunta sa pinakamataas na lugar ng bayan para ipaalam ang ganito: 4 “Kayong mga kulang sa karunungan at pang-unawa, inaanyayahan kayo sa isang malaking handaan. 5 Halikayo, kumain kayo at uminom ng aking inihanda. 6 Iwanan na ninyo ang kamangmangan upang mabuhay kayo nang matagal at may pang-unawa.”
7 Kung sasawayin mo ang taong nangungutya, iinsultuhin ka niya. Kung sasawayin mo ang taong masama, sasaktan ka niya. 8 Kaya huwag mong sasawayin ang taong nangungutya, sapagkat magagalit siya sa iyo. Sawayin mo ang taong marunong at mamahalin ka niya. 9 Kapag tinuruan mo ang isang taong marunong, lalo siyang magiging marunong. At kapag tinuruan mo ang isang taong matuwid, lalo pang lalawak ang kanyang kaalaman.
10 Ang paggalang sa Panginoon ang pasimula ng karunungan. At ang pagkilala sa Banal na Dios ay nagpapahiwatig ng pagkaunawa. 11 Sa pamamagitan ng karunungan, hahaba ang iyong buhay. 12 Kung may karunungan ka, magdudulot ito sa iyo ng kabutihan, ngunit magdurusa ka kung itoʼy iyong tatanggihan.
13 Ang kamangmangan ay katulad ng isang babaeng maingay, hindi marunong at walang nalalaman. 14 Nakaupo siya sa pintuan ng kanyang bahay o sa upuan sa mataas na lugar sa lungsod, 15 at tinatawag ang mga dumadaan na papunta sa kanilang trabaho. 16 Sabi niya, “Halikayo rito, kayong mga walang karunungan.” At sinabi pa niya sa walang pang-unawa, 17 “Mas masarap ang tubig na ninakaw at mas masarap ang pagkain na kinakain ng lihim.” 18 Ngunit hindi alam ng mga taong pumupunta sa kanya na sila ay mamamatay. Ang mga nakapunta na sa kanya ay naroon na sa libingan.
Mga Kawikaan 9
Ang Biblia (1978)
Ang handaan ng karunungan.
9 (A)Itinayo ng karunungan ang kaniyang bahay,
Kaniyang tinabas ang kaniyang pitong haligi:
2 (B)Pinatay niya ang kaniyang mga hayop: hinaluan niya ang kaniyang alak;
Kaniya namang ginayakan ang kaniyang dulang.
3 Kaniya namang sinugo ang kaniyang mga alilang babae;
Siya'y sumisigaw sa mga pinakapantas na dako sa bayan:
4 Kung sinoma'y musmos, pumasok dito:
(C)Tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
5 Kayo'y magsiparito, magsikain kayo ng aking tinapay,
At magsiinom kayo ng alak na aking hinaluan.
6 Iwan ninyo, ninyong mga musmos at kayo'y mabuhay;
At kayo'y magsilakad sa daan ng kaunawaan.
7 Siyang sumasaway sa manglilibak ay nagtataglay ng kahihiyan sa kaniyang sarili:
At siyang sumasaway sa masama ay nagtataglay ng pula sa kaniyang sarili.
8 (D)Huwag mong sawayin ang manglilibak, baka ipagtanim ka niya:
(E)Sawayin mo ang pantas, at kaniyang iibigin ka.
9 Turuan mo ang pantas, at (F)siya'y magiging lalong pantas pa:
Iyong turuan ang matuwid, at siya'y lalago sa pagkatuto.
10 (G)Ang pagkatakot sa Panginoon ay pasimula ng karunungan:
At ang pagkakilala sa Banal ay kaunawaan.
11 Sapagka't (H)sa pamamagitan ko ay dadami ang iyong mga kaarawan,
At ang mga taon ng iyong buhay ay magsisidami.
12 (I)Kung ikaw ay pantas, ikaw ay pantas sa ganang iyong sarili:
At kung ikaw ay manglilibak, ikaw na magisa (J)ang magpapasan.
Ang anyaya ng hangal na babae.
13 (K)Ang hangal na babae ay madaldal;
Siya'y musmos at walang nalalaman.
14 At siya'y nauupo sa pintuan ng kaniyang bahay,
Sa isang upuan sa mga mataas na dako sa bayan,
15 Upang tawagin ang nangagdadaan,
Na nagsisiyaong matuwid ng kanilang mga lakad:
16 Sinomang musmos ay pumasok dito:
At tungkol sa kaniya na mapurol sa pagunawa, sinasabi niya sa kaniya:
17 (L)Ang mga nakaw na tubig ay matamis,
At ang tinapay na kinakain sa lihim ay masarap.
18 Nguni't hindi niya nalalaman na ang patay ay (M)nandoon;
Na ang mga panauhin niya ay nangasa mga kalaliman ng Sheol.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
