Mga Awit 84
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.
84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
2 Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.
3 Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
4 Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)
5 Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
6 Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
7 Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Salmo 84
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Pananabik sa Templo ng Dios
84 Panginoong Makapangyarihan, kay ganda ng inyong templo!
2 Gustong-gusto kong pumunta roon!
    Nananabik akong pumasok sa inyong templo, Panginoon.
    Ang buong katauhan koʼy aawit nang may kagalakan sa inyo,
    O Dios na buhay.
3 Panginoong Makapangyarihan, aking Hari at Dios,
    kahit na ang mga ibon ay may pugad malapit sa altar kung saan nila inilalagay ang kanilang mga inakay.
4 Mapalad ang mga taong nakatira sa inyong templo;
    lagi silang umaawit ng mga papuri sa inyo.
5 Mapalad ang mga taong tumanggap ng kalakasan mula sa inyo
    at nananabik na makapunta sa inyong templo.
6 Habang binabaybay nila ang tuyong lambak ng Baca,[a]
    iniisip nilang may mga bukal doon at tila umulan dahil may tubig kahit saan.
7 Lalo silang lumalakas habang lumalakad hanggang ang bawat isa sa kanila ay makarating sa presensya ng Dios doon sa Zion.[b]
8 Panginoong Dios na Makapangyarihan,
    Dios ni Jacob, pakinggan nʼyo ang aking panalangin!
9 Pagpalain nʼyo O Dios, ang tagapagtanggol[c] namin,
    ang hari na inyong pinili.
10 Ang isang araw sa inyong templo ay higit na mabuti kaysa sa 1,000 araw sa ibang lugar.
    O Dios, mas gusto ko pang tumayo sa inyong templo,[d]
    O Dios, kaysa sa manirahan sa bahay ng masama.
11 Dahil kayo Panginoong Dios ay parang araw na nagbibigay liwanag sa amin at pananggalang na nag-iingat sa amin.
    Pinagpapala nʼyo rin kami at pinararangalan
    Hindi nʼyo ipinagkakait ang mabubuting bagay sa sinumang matuwid ang pamumuhay.
12 O Panginoong Makapangyarihan,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa inyo.
Mga Awit 84
Ang Biblia (1978)
Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Gittith. Awit ng mga anak ni Core.
84 Kay (A)iinam ng iyong mga tabernakulo,
Oh Panginoon ng mga hukbo!
2 (B)Ang kaluluwa ko'y aasamasam, oo, nanglulupaypay sa mga looban ng Panginoon;
Ang puso ko't laman ay dumadaing sa buháy na Dios.
3 Oo, (C)ang maya ay nakasumpong ng bahay,
At ang langaylangayan ay nagpugad para sa kaniya, na mapaglalapagan niya ng kaniyang inakay,
Sa makatuwid baga'y iyong mga dambana, Oh Panginoon ng mga hukbo,
Hari ko, at Dios ko.
4 (D)Mapalad silang nagsisitahan sa iyong bahay:
Kanilang pupurihin kang (E)palagi. (Selah)
5 Mapalad ang tao na ang kalakasan ay nasa iyo;
Na may mga daan sa kaniyang puso na tungo sa Sion.
6 Na nagdaraan sa libis ng Iyak na ginagawa nilang dako ng mga bukal;
Oo, tinatakpan ng pagpapala ng maagang ulan.
7 (F)Sila'y nagsisiyaon sa kalakasa't kalakasan,
Bawa't isa sa kanila ay (G)napakikita sa harap ng Dios sa Sion.
8 Oh Panginoong Dios ng mga hukbo, dinggin mo ang aking dalangin:
Pakinggan mo, Oh Dios ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo, (H)Oh Dios na aming kalasag,
At tingnan mo ang mukha ng (I)iyong pinahiran ng langis.
10 Sapagka't isang araw sa iyong mga looban ay mabuti kay sa isang libo.
Aking minagaling na maging tagatanod-pinto sa bahay ng aking Dios,
Kay sa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagka't ang Panginoong Dios (J)ay araw at kalasag:
Ang Panginoo'y magbibigay ng biyaya at kaluwalhatian:
(K)Hindi siya magkakait ng anomang mabuting bagay sa nagsisilakad ng matuwid.
12 Oh Panginoon ng mga hukbo,
(L)Mapalad ang tao na tumitiwala sa iyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
