Mga Awit 65
Magandang Balita Biblia
Pagpupuri at Pagpapasalamat
Awit ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
65 Marapat na ikaw, O Diyos, sa Zion ay papurihan,
dapat nilang tupdin doon ang pangakong binitiwan,
2 pagkat yaong panalangin nila'y iyong dinirinig.
Dahilan sa kasalanan, lahat sa iyo ay lalapit.
3 Bunga nitong pagkukulang, kaya kami nalulupig,
gayon pa man, patawad mo'y amin pa ring nakakamit.
4 Silang mga hinirang mo, upang sa templo manahan,
silang mga pinili mo'y mapalad na tuturingan!
Magagalak kaming lubos sa loob ng templong banal,
dahilan sa dulot nitong pagpapala sa nilalang.
5 Kami'y iyong dinirinig, Tagapagligtas naming Diyos,
sa kahanga-hangang gawa, kami'y iyong tinutubos.
Kahit sino sa daigdig, sa ibayong karagatan,
may tiwala silang lahat sa taglay mong kabutihan.
6 Sa taglay mong kalakasan, mga bundok tumatatag;
dakila ka't ang lakas mo ay sa gawa nahahayag!
7 Ang ugong ng karagatan, iyong pinatatahimik,
pati along malalaki sa panahong nagngangalit;
maging mga kaguluhan nilang mga nagagalit.
8 Dahilan sa ginawa mong mga bagay na dakila,
natatakot ang daigdig, at ang buong sangnilikha.
Bunga nitong ginawa mo, sa galak ay sumisigaw,
buong mundo, kahit saang sulok nitong daigdigan.
9 Umuulan sa lupain, ganito mo kinalinga,
umuunlad ang lupai't tumataba yaong lupa.
Patuloy na umaagos ang bigay mong mga batis,
sa halamang nasa lupa, ay ito ang dumidilig;
ganito ang ginawa mo na hindi mo ikinait.
10 Sa binungkal na bukirin ang ulan ay masagana,
ang bukirin ay matubig, at palaging basang-basa;
sa banayad na pag-ulan ay lumambot yaong lupa,
kaya naman pati tanim ay malago at sariwa.
11 Nag-aani nang marami sa tulong mong ginagawa,
at saanman magpunta ka'y masaganang-masagana.
12 Ang pastula'y punung-puno ng matabang mga kawan,
naghahari yaong galak sa lahat ng kaburulan.
13 Gumagala yaong tupa sa gitna ng kaparangan,
at hitik na hitik naman ang trigo sa kapatagan.
Ang lahat ay umaawit, sa galak ay sumisigaw!
Mga Awit 65
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
65 Magkakaroon ng katahimikan sa harapan mo
at papuri sa Zion, O Diyos;
at sa iyo'y isasagawa ang mga panata,
2 O ikaw na dumirinig ng panalangin!
Sa iyo'y lalapit ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nananaig laban sa akin,
tungkol sa aming mga kasalanan, ito ay pinapatawad mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili at pinalalapit
upang manirahan sa iyong mga bulwagan!
Kami ay masisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay,
ng iyong templong banal!
5 Sa pamamagitan ng mga gawaing kakilakilabot, sa katuwiran kami'y iyong sinasagot,
O Diyos ng aming kaligtasan;
ikaw na siyang tiwala ng lahat ng mga hangganan ng lupa,
at ng mga dagat na pinakamalayo.
6 Sa pamamagitan ng iyong lakas ay itinayo ang kabundukan,
palibhasa'y nabibigkisan ng kapangyarihan.
7 Ikaw ang nagpapatigil ng ugong ng mga karagatan,
ng ugong ng kanilang mga alon,
at ng pagkakaingay ng mga bayan.
8 Anupa't sila na naninirahan sa pinakamalayong hangganan ng lupa ay natatakot sa iyong mga tanda;
ang mga paglabas ng umaga at gabi ay pinasisigaw mo sa tuwa.
9 Ang lupa'y iyong dinadalaw at dinidiligan,
iyong pinayayamang mainam;
ang ilog ng Diyos ay punô ng tubig;
ang kanilang butil ay inihahanda mo,
sapagkat sa gayon inihanda mo ang lupa.
10 Dinidilig mo nang sagana ang mga tudling nito,
iyong pinapantay ang kanyang mga pilapil,
at pinalalambot ng ambon,
at pinagpapala ang paglago nito.
11 Pinuputungan mo ang taon ng iyong kasaganaan,
ang mga bakas ng iyong karwahe ay tumutulo ng katabaan.
12 Ang mga pastulan sa ilang ay umaapaw,
ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan,
13 ang mga pastulan ay nabibihisan ng mga kawan;
ang mga libis ay natatakpan ng butil,
sila'y sumisigaw sa kagalakan, oo sila ay umaawit.
Awit 65
Ang Dating Biblia (1905)
65 Ang kapurihan ay naghihintay sa iyo, Oh Dios, sa Sion: at sa iyo'y maisasagawa ang panata.
2 Oh ikaw na dumidinig ng dalangin, sa iyo'y paroroon ang lahat ng laman.
3 Mga kasamaan ay nangananaig laban sa akin: tungkol sa aming pagsalangsang, ay lilinisin mo.
4 Mapalad ang tao na iyong pinipili, at pinalalapit mo sa iyo, upang siya'y makatahan sa iyong mga looban: kami ay mangasisiyahan sa kabutihan ng iyong bahay, ng iyong banal na templo.
5 Sasagutin mo kami sa katuwiran sa pamamagitan ng mga kakilakilabot na bagay, Oh Dios ng aming kaligtasan; ikaw na katiwalaan ng lahat na wakas ng lupa, at nila na malayo sa dagat:
6 Na naglalagay na matibay ng mga bundok sa pamamagitan ng kaniyang kalakasan; palibhasa't nabibigkisan sa palibot ng kapangyarihan:
7 Na nagpapatigil ng hugong ng mga dagat, ng hugong ng kanilang mga alon, at ng kaingay ng mga bayan.
8 Sila naman na nagsisitahan sa mga pinakadulong bahagi ay nangatatakot sa iyong mga tanda: ikaw ang nagbibigay galak sa pagbubukang liwayway at pagtatakip-silim.
9 Iyong dinadalaw ang lupa, at dinidilig mo, iyong pinayayamang mainam; ang ilog ng Dios ay puno ng tubig: iyong pinagtataanan sila ng trigo, pagka't inihanda mo ang lupa.
10 Iyong dinidilig ang kaniyang bungkal ng sagana; iyong pinapantay ang kaniyang mga bungkal; iyong mga pinalalambot ng ambon; iyong pinagpapala ang pagsibol niyaon.
11 Iyong dinudulutan ang taon ng iyong kabutihan; at ang iyong mga landas ay pumapatak ng katabaan.
12 Nagsisipatak sa mga pastulan sa ilang; at ang mga burol ay nabibigkisan ng kagalakan.
13 Ang mga pastulan ay nangabihisan ng mga kawan; ang mga libis naman ay nangatatakpan ng trigo; sila'y magsisihiyaw sa kagalakan, sila naman ay nagsisiawit.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.