Mga Awit 41
Magandang Balita Biblia
Panalangin ng Isang Maysakit
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
41 Mapalad ang isang taong tumutulong sa mahirap,
si Yahweh ang kakalinga kung siya nama'y mabagabag.
2 Buhay niya'y iingatan, si Yahweh lang ang may hawak,
sa kamay man ng kaaway, hindi siya masasadlak,
at doon sa bayan niya'y ituturing na mapalad.
3 Si Yahweh rin ang tutulong kung siya ay magkasakit,
ang nanghina niyang lakas ay ganap na ibabalik.
4 Ang pahayag ko kay Yahweh, “Tunay akong nagkasala,
iyo akong pagalingin, sa akin ay mahabag ka!”
5 Yaong mga kaaway ko, ang palaging binabadya,
“Kailan ka mamamatay, ganap na mawawala?”
6 Yaong mga dumadalaw sa akin ay hindi tapat;
ang balitang masasama ang palaging sinasagap,
at saan ma'y sinasabi upang ako ay mawasak.
7 Ang lahat ng namumuhi'y ang lagi nilang usapan,
ako raw ay ubod sama, ang panabi sa bulungan.
8 Ang sakit ko, sabi nila, ay wala nang kagamutan,
hindi na makakabangon sa banig ng karamdaman.
9 Lubos(A) akong nagtiwala sa tapat kong kaibigan
kasalo ko sa tuwina, karamay sa anuman;
ngunit ngayon, lubos siyang naging taksil na kalaban.
10 Sa akin ay mahabag ka, Yahweh, ako'y kaawaan;
ibalik mo ang lakas ko't kaaway ko'y babalingan.
11 Kung ikaw ay nalulugod, ganito ko malalaman,
sa aki'y di magwawagi kahit sino ang kaaway.
12 Tulungan mo ako ngayon, yamang ako'y naging tapat.
Sa piling mo ay patuloy na ingatan akong ganap.
13 Purihin(B) si Yahweh, ang Diyos ng Israel!
Purihin siya, ngayon at magpakailanman!
Amen! Amen!
Mga Awit 41
Ang Biblia, 2001
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
2 Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.
4 Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
5 Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
“Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
6 At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
7 Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.
8 Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
9 Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!
11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.
13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.
Mga Awit 41
Ang Biblia (1978)
Ang mangaawit ay may sakit. May mga kaaway at bulaang kaibigan. Sa Pangulong Manunugtog. Awit ni David.
41 (A)Mapalad siya na (B)nagpapakundangan sa dukha:
(C)Ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
2 Pananatilihin siya, at iingatan siyang buháy ng Panginoon,
At siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa;
(D)At huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina:
Iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
4 Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin:
(E)Pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
5 Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi,
Kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
6 At kung siya'y pumaritong tingnang ako (F)siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan;
Ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili;
Pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
7 Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin:
Laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
8 Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya;
At ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
9 (G)Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan,
Na kumain ng aking tinapay,
Nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako,
Upang aking magantihan sila.
11 Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin,
Sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
12 At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako (H)sa aking pagtatapat,
At (I)inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman.
13 (J)Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel,
Mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
(K)Siya nawa, at Siya nawa.
Awit 41
Ang Dating Biblia (1905)
41 Mapalad siya na nagpapakundangan sa dukha: ililigtas siya ng Panginoon sa panahon ng kaligaligan.
2 Pananatilihin siya, at iingatan siyang buhay ng Panginoon, at siya'y pagpapalain sa ibabaw ng lupa; at huwag mong ibigay siya sa kalooban ng kaniyang mga kaaway.
3 Aalalayan siya ng Panginoon sa hiligan ng panghihina: iyong inaayos ang buo niyang higaan sa kaniyang pagkakasakit.
4 Aking sinabi, Oh Panginoon, maawa ka sa akin: pagalingin mo ang aking kaluluwa; sapagka't ako'y nagkasala laban sa iyo.
5 Ang aking mga kaaway ay nangagsasalita ng kasamaan laban sa akin, na nangagsasabi, kailan siya mamamatay, at mapapawi ang kaniyang pangalan?
6 At kung siya'y pumaritong tingnang ako siya'y nagsasalita ng walang kabuluhan; ang kaniyang puso ay nagpipisan ng kasamaan sa kaniyang sarili; pagka siya'y lumabas, isinasaysay niya.
7 Yaong lahat na nangagtatanim sa akin ay nangagbubulong-bulungan laban sa akin: laban sa akin ay nagsisikatha ng panghamak.
8 Isang masamang sakit, wika nila, ay kumapit na madali sa kaniya; at ngayon siyang nahihiga ay hindi na babangon pa.
9 Oo, ang aking kasamasamang kaibigan, na aking tiniwalaan, na kumain ng aking tinapay, nagtaas ng kaniyang sakong laban sa akin.
10 Nguni't ikaw, Oh Panginoon, maawa ka sa akin, at ibangon mo ako, upang aking magantihan sila.
11 Sa pamamagitan nito ay natatalastas ko na nalulugod ka sa akin, sapagka't ang aking kaaway ay hindi nagtatagumpay sa akin.
12 At tungkol sa akin, iyong inaalalayan ako sa aking pagtatapat, at inilalagay mo ako sa harap ng iyong mukha magpakailan man.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan. Siya nawa, at Siya nawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
