Mga Awit 32
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paghahayag ng Kasalanan at Kapatawaran
Katha ni David; isang Maskil.[a]
32 Mapalad(A) ang taong pinatawad na ang kasalanan,
at pinatawad rin sa kanyang mga pagsalangsang.
2 Mapalad ang taong hindi pinaparatangan,
sa harap ni Yahweh'y hindi siya nanlinlang.
3 Nang hindi ko pa naihahayag ang aking mga sala,
ako'y nanghina sa maghapong pagluha.
4 Sa araw at gabi, ako'y iyong pinarusahan,
wala nang natirang lakas sa katawan,
parang hamog na natuyo sa init ng tag-araw. (Selah)[b]
5 Kaya't ang kasalanan ko'y aking inamin;
mga pagkakamali ko'y hindi na inilihim.
Ako'y nagpasyang sa iyo'y ipagtapat,
at mga sala ko'y pinatawad mong lahat. (Selah)[c]
6 Kaya ang tapat sa iyo ay dapat manalangin,
sa oras ng kagipitan, ikaw ang tawagin,
at sa bugso ng baha'y di sila aabutin.
7 Ikaw ang aking lugar na kublihan;
inililigtas mo ako sa kapahamakan.
Aawitin ko nang malakas,
pag-iingat mo't pagliligtas. (Selah)[d]
8 Ang sabi ni Yahweh, “Aakayin kita sa daan,
tuturuan kita at laging papayuhan.
9 Huwag kang tumulad sa kabayo, o sa mola na walang pang-unawa,
na upang sumunod lang ay hahatakin pa ang renda.”
10 Labis na magdurusa ang taong masama,
ngunit ang tapat na pag-ibig ni Yahweh
ang mag-iingat sa sinumang nagtitiwala sa kanya.
11 Lahat ng tapat kay Yahweh, magalak na lubos,
dahil sa taglay nilang kabutihan ng Diyos;
sumigaw sa galak ang lahat ng sa kanya'y sumusunod!
Footnotes
- Mga Awit 32:1 MASKIL: Ang kahulugan ng salitang ito'y hindi tiyak. Maaaring ito'y tumutukoy sa isang uri ng awit o isang tono ng awit.
- 4 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- 5 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
- 7 SELAH: Tingnan ang Awit 3:2.
Mga Awit 32
Ang Biblia, 2001
Awit ni David. Isang Maskil.
32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
na ang kasalanan ay tinakpan.
2 Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.
3 Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
4 Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)
5 Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)
6 Kaya't ang bawat isang banal
ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
siya'y hindi nila aabutan.
7 Ikaw ay aking dakong kublihan;
iniingatan mo ako sa kaguluhan;
pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
9 Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.
10 Marami ang paghihirap ng masasama;
ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!
Mga Awit 32
Ang Biblia (1978)
Kapalaran ng pagpapatawad at ng pagtitiwala sa Panginoon. Awit ni David. Masquil.
32 Mapalad (A)siyang pinatawad ng pagsalangsang,
Na tinakpan ang kasalanan.
2 Mapalad ang tao na hindi paratangan ng kasamaan ng (B)Panginoon,
At (C)walang pagdaraya ang diwa niya.
3 Nang ako'y tumahimik, ay nanglumo ang (D)aking mga buto
Dahil sa aking pagangal buong araw.
4 Sapagka't araw at gabi ay (E)mabigat sa akin ang iyong kamay:
Ang aking lamig ng katawan ay naging katuyuan ng taginit. (Selah)
5 Aking kinilala ang (F)aking kasalanan sa iyo,
At ang aking kasamaan ay hindi ko ikinubli:
Aking sinabi, (G)Aking ipahahayag ang aking pagsalangsang sa Panginoon;
At iyong ipinatawad ang kasamaan ng aking kasalanan.
6 Dahil dito'y dalanginan ka nawa ng bawa't isa na banal sa (H)panahong masusumpungan ka:
Tunay na pagka ang mga malaking tubig ay nagsisiapaw ay hindi aabutan nila siya.
7 (I)Ikaw ay aking kublihang dako; iyong iingatan ako sa kabagabagan;
Iyong kukulungin ako sa palibot ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)
8 (J)Aking ipaaalam sa iyo at ituturo sa iyo ang daan na iyong lalakaran:
Papayuhan kita na ang aking mga mata, ay nakatitig sa iyo.
9 (K)Huwag nawa kayong maging gaya ng kabayo, o gaya ng mula na walang unawa:
(L)Na marapat igayak ng busal at ng paningkaw upang ipangpigil sa kanila,
Na kung dili'y hindi sila magsisilapit sa iyo.
10 (M)Maraming kapanglawan ay sasapit sa masama:
Nguni't (N)siyang tumitiwala sa Panginoon, kagandahang-loob ang liligid sa kaniya sa palibot.
11 (O)Kayo'y mangatuwa sa Panginoon, at mangagalak kayo, kayong mga matuwid:
At magsihiyaw kayo ng dahil sa kagalakan kayong lahat na matuwid sa puso.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
