Mga Awit 115
Ang Biblia, 2001
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(A) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(B) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
Awit 115
Ang Dating Biblia (1905)
115 Huwag sa amin, Oh Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay magbigay kang karangalan, dahil sa iyong kagandahang-loob, at dahil sa iyong katotohanan.
2 Bakit sasabihin ng mga bansa, Saan nandoon ngayon ang kanilang Dios?
3 Nguni't ang aming Dios ay nasa mga langit: kaniyang ginagawa ang kaniyang ibigin.
4 Ang kanilang mga diosdiosan ay pilak at ginto, yari ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, nguni't sila'y hindi nangagsasalita; mga mata'y mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakakita;
6 Sila'y may mga tainga, nguni't hindi sila nangakakarinig; mga ilong ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakakaamoy;
7 Mayroon silang mga kamay, nguni't hindi sila nangakatatangan; mga paa ay mayroon sila, nguni't hindi sila nangakalalakad; ni nangagsasalita man sila sa kanilang ngalangala.
8 Ang nagsisigawa sa kanila ay magiging gaya nila; Oo, bawa't tumitiwala sa kanila.
9 Oh Israel, tumiwala ka sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
10 Oh sangbahayan ni Aaron, magsitiwala kayo sa Panginoon: siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
11 Kayong nangatatakot sa Panginoon, magsitiwala kayo sa Panginoon; siya'y kanilang saklolo at kanilang kalasag.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; kaniyang pagpapalain tayo: kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Israel, kaniyang pagpapalain ang sangbahayan ni Aaron.
13 Kaniyang pagpapalain ang nangatatakot sa Panginoon, ang mababa at gayon ang mataas.
14 Palalaguin kayo ng Panginoon ng higit at higit, kayo at ang inyong mga anak.
15 Pinagpala kayo ng Panginoon, na gumawa ng langit at lupa.
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon; nguni't ang lupa ay kaniyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon, ni sinomang nabababa sa katahimikan;
18 Nguni't aming pupurihin ang Panginoon mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan. Purihin ninyo ang Panginoon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
