Add parallel Print Page Options

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Pagkatapos,(B) si Jesus ay dinala ng Espiritu sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Siya'y nag-ayuno sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi kaya't siya'y nagutom. Dumating ang diyablo at sinabi sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, gawin mo ngang tinapay ang mga batong ito.” Ngunit(C) sumagot si Jesus, “Nasusulat,

‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
    kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, at pinatayo sa taluktok ng Templo. Sinabi(D) nito sa kanya, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka, sapagkat nasusulat,

‘Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masaktan.’”

Ngunit(E) sumagot si Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’”

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa daigdig at ang karangyaan ng mga ito. Sinabi ng diyablo sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung magpapatirapa ka at sasamba sa akin.”

10 Kaya't(F) sumagot si Jesus, “Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat,

‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin.
    At siya lamang ang dapat mong paglingkuran.’”

11 Pagkatapos, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran nila.

Ang Simula ng Paglilingkod ni Jesus sa Galilea(G)

12 Nang(H) mabalitaan ni Jesus na ibinilanggo si Juan, bumalik siya sa Galilea. 13 Ngunit(I) hindi na siya sa Nazaret nanirahan, kundi sa bayan ng Capernaum na nasa baybayin ng Lawa ng Galilea na sakop ng Zebulun at Neftali. 14 Sa gayon, natupad ang sinabi ni Propeta Isaias,

15 “Lupain(J) ng Zebulun at lupain ng Neftali,
    daanang papunta sa lawa, sa ibayo ng Jordan,
    sa Galilea ng mga Hentil!
16 Ang mga taong nasa kadiliman
    ay nakakita ng maningning na ilaw!
Sa mga nakatira sa lilim ng kamatayan
    ay sumikat ang liwanag.”

17 Magmula(K) noon ay nangaral si Jesus. Itinuturo niyang, “Magsisi kayo at talikuran ang inyong mga kasalanan sapagkat malapit nang dumating ang kaharian ng langit.”

Ang Pagtawag sa Apat na Mangingisda(L)

18 Minsan, naglalakad si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea. Nakita niyang naghahagis ng lambat sa lawa ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag ding Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mangingisda ng mga tao.” 20 Noon di'y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus.

21 Nagpatuloy siya ng paglalakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan na mga anak ni Zebedeo. Sila'y nasa bangka kasama ng kanilang ama, at nag-aayos ng lambat. Tinawag din sila ni Jesus. 22 Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Jesus.

Pangangaral at Pagpapagaling ni Jesus(M)

23 Nilibot(N) ni Jesus ang buong Galilea. Nagtuturo siya sa mga sinagoga at ipinapangaral ang Magandang Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinapagaling din niya ang lahat ng uri ng sakit at karamdaman ng mga tao. 24 Ang balita tungkol sa kanya ay kumalat sa buong Siria kaya't dinadala sa kanya ang lahat ng maysakit at mga nahihirapan dahil sa iba't ibang karamdaman, mga sinasapian ng mga demonyo, mga may epilepsya at mga paralitiko. Silang lahat ay kanyang pinagaling. 25 Dahil dito, sinusundan siya ng napakaraming tao buhat sa Galilea, sa Decapolis, Jerusalem, Judea, at maging sa ibayo ng Jordan.

Nang magkagayo'y inihatid ng Espiritu Santo si (A)Jesus sa ilang upang siya'y tuksuhin ng diablo.

At nang siya'y makapagayunong (B)apat na pung araw at apat na pung gabi, sa wakas ay nagutom siya.

At ang manunukso ay dumating at nagsabi sa kaniya, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay ipagutos mo na ang mga batong ito ay maging mga tinapay.

Datapuwa't siya'y sumagot, at sinabi, (C)Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa't salitang lumalabas sa bibig ng Dios.

Nang magkagayo'y dinala siya ng diablo sa bayang banal; at inilagay siya sa taluktok ng templo,

At sa kaniya'y sinabi, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ay magpatihulog ka: sapagka't nasusulat,

(D)Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo:
at, Aalalayan ka ng kanilang mga kamay,
Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

Sinabi sa kaniya ni Jesus, Nasusulat din naman, (E)Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

Muling dinala siya ng diablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinamalas sa kaniya ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan, at ang kaluwalhatian nila;

At sinabi niya sa kaniya, Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.

10 Nang magkagayo'y sinabi sa kaniya ni Jesus, Humayo ka, Satanas: sapagka't nasusulat, (F)Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.

11 Nang magkagayo'y iniwan siya ng diablo; at narito, nagsidating ang mga (G)anghel at siya'y pinaglingkuran.

12 Nang marinig nga niya na si (H)Juan ay dinakip, (I)ay umuwi siya sa Galilea;

13 At pagkaiwan sa (J)Nazaret, ay naparoon siya at tumahan sa Capernaum, na nasa tabi ng dagat, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali:

14 Upang maganap ang sinalita sa pamamagitan ng propeta Isaias na nagsasabi,

15 Ang lupa ni Zabulon (K)at ang lupa ni Neftali,
Sa gawing dagat, sa dako pa roon ng Jordan,
Galilea ng mga Gentil,
16 Ang bayang nalulugmok sa kadiliman, ay
Nakakita ng dakilang ilaw,
At sa nangalulugmok sa pook at lilim ng kamatayan, ay
Lumiwanag sa kanila ang ilaw.

17 Mula noon ay nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka't malapit na ang kaharian ng langit.

18 At sa paglalakad niya sa tabi ng dagat ng Galilea; ay (L)nakita niya ang dalawang magkapatid, si Simon na tinatawag na Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, na inihuhulog ang isang lambat sa dagat; sapagka't sila'y mga mamamalakaya.

19 At sinabi niya sa kanila, Magsisunod kayo sa hulihan ko, at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao.

20 At pagdaka'y iniwan nila ang mga lambat, at nagsisunod sa kaniya.

21 At paglakad sa dako roon ay nakita niya ang dalawa pang magkapatid, si Santiago na anak ni Zebedeo, at ang kaniyang kapatid na si Juan, sa daong na kasama si Zebedeo na kanilang ama, na nagsisipaghayuma ng kanilang mga lambat; at sila'y kaniyang tinawag.

22 At pagdaka'y iniwan nila ang daong at ang kanilang ama, at nagsisunod sa kaniya.

23 At nilibot ni Jesus ang buong Galilea, (M)na nagtuturo sa mga sinagoga nila, at ipinangangaral (N)ang evangelio ng kaharian, (O)at nagpapagaling ng lahat ng sarisaring sakit at ng lahat ng karamdaman na nasa mga tao.

24 At lumaganap ang pagkabantog niya sa buong (P)Siria: at kanilang dinadala sa kaniya ang lahat ng mga may karamdaman, at ang mga pinipighati ng sarisaring sakit at pahirap, at ang mga (Q)inaalihan ng mga demonio, at ang mga (R)himatayin, at ang mga lumpo: at sila'y pinagagaling niya.

25 (S)At sinundan siya ng lubhang karamihang tao mula sa Galilea at (T)Decapolis at Jerusalem at Judea at mula sa dakong ibayo ng Jordan.