Mateo 26:47-56
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Dinakip si Jesus(A)
47 Habang nagsasalita pa siya ay dumating si Judas, na isa sa labindalawa. Kasama niya ang napakaraming taong may mga tabak at mga pamalo; mula sila sa mga punong pari at sa matatandang pinuno ng bayan. 48 Nagbigay sa kanila ng palatandaan ang nagkakanulo sa kanya. Sinabi niya, “Ang halikan ko ay siya na nga. Dakpin ninyo siya.” 49 Nilapitan niya agad si Jesus, at sinabi, “Magandang gabi po,[a] Rabbi.” At kanyang hinagkan ito. 50 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Kaibigan, gawin mo ang sadya mo rito.” Pagkatapos ay lumapit sila at hinawakan si Jesus at siya'y kanilang dinakip. 51 Ngunit ang isa sa mga kasamahan ni Jesus ay biglang bumunot ng tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang tainga nito. 52 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ibalik mo sa kaluban ang iyong tabak, sapagkat ang lahat ng gumagamit ng tabak ay sa tabak mamamatay. 53 Sa palagay mo ba'y hindi ako maaaring humingi sa aking Ama, at ngayon din ay padadalhan niya ako ng higit pa sa labindalawang batalyon[b] ng mga anghel? 54 Subalit kung magkakagayon ay paano magaganap ang isinasaad ng mga kasulatan, na ganito ang kailangang mangyari?” 55 Sa (B) sandaling iyon ay sinabi ni Jesus sa maraming taong naroon, “Isa bang tulisan ang inyong pinuntahan at may mga dala pa kayong tabak at mga pamalo upang ako'y hulihin? Araw-araw akong nakaupo at nagtuturo sa templo ngunit hindi ninyo ako dinarakip. 56 Subalit nagaganap ang lahat ng ito upang matupad ang mga kasulatan ng mga propeta.” Sa sandaling iyon ay iniwan siya ng lahat ng mga alagad at sila'y nagsitakas.
Read full chapterFootnotes
- Mateo 26:49 Sa Griyego, masayang pagbati.
- Mateo 26:53 BATALYON: Sa hukbong Romano ay lehiyon na binubuo ng 3,000 hanggang 6,000 kawal.
Lucas 22:47-53
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Pagdakip kay Jesus(A)
47 Nagsasalita pa si Jesus nang dumating ang maraming tao. Pinangungunahan ang mga ito ng taong tinatawag na Judas, isa sa Labindalawa. Lumapit ito kay Jesus upang siya'y hagkan. 48 Ngunit sinabi sa kanya ni Jesus, “Judas, sa pamamagitan ba ng isang halik ay ipinagkakanulo mo ang Anak ng Tao?” 49 Nang makita ng mga kasama niya ang nangyayari ay sinabi nila, “Panginoon, gagamit na ba kami ng tabak?” 50 At tinaga ng isa sa kanila ang lingkod ng Kataas-taasang Pari at natagpas ang kanang tainga nito. 51 Subalit sinabi ni Jesus, “Tama na iyan!” Pagkatapos, hinipo niya ang tainga ng lingkod at ito ay pinagaling. 52 At sinabi ni Jesus sa mga punong pari, mga pinuno ng bantay ng templo at mga matatandang pinuno ng bayan na nagsadya sa kanya, “Sumugod kayo ritong may dalang mga tabak at pamalo, ako ba ay tulisan? 53 Araw-araw ninyo akong kasama sa templo ngunit ako'y hindi ninyo hinuhuli. Subalit ito na ang oras ninyo at ng kapangyarihan ng kadiliman.”
Read full chapter
Juan 18:3-12
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
3 Kaya nagsama si Judas ng isang pangkat ng mga kawal at ng mga lingkod mula sa mga punong pari at mula sa mga Fariseo. Dumating sila roon na may dalang mga ilawan, mga sulo at mga sandata. 4 Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya kaya lumabas siya at nagtanong sa kanila, “Sino ang hinahanap ninyo?” 5 “Si Jesus ng Nazareth,” sagot nila. Sinabi ni Jesus, “Ako iyon.” Si Judas, na nagkanulo sa kanya ay nakatayong kasama nila. 6 Nang sabihin ni Jesus sa kanila na siya iyon, napaatras sila at bumagsak sa lupa. 7 Muli siyang nagtanong, “Sino ang hinahanap ninyo?” “Si Jesus ng Nazareth,” sagot muli nila. 8 Tumugon si Jesus, “Sinabi ko na sa inyong ako si Jesus. Kaya kung ako ang hinahanap ninyo, hayaan ninyong makaalis ang mga taong ito.” 9 Naganap ito upang matupad ang salita na kanyang sinabi: “Wala akong naiwala ni isa man sa mga ibinigay mo sa akin.” 10 Binunot ni Simon Pedro ang kanyang tabak at tinaga ang alipin ng Kataas-taasang Pari, at natagpas ang kanang tainga nito. Malco ang pangalan ng alipin. 11 (A)Sinabi ni Jesus kay Pedro, “Ibalik mo ang iyong tabak sa lalagyan nito. Hindi ba't kailangan kong uminom sa kopa na ibinigay ng Ama sa akin?”
Ang Pagharap ni Jesus sa Kataas-taasang Pari
12 Kaya't dinakip at iginapos si Jesus ng mga kawal at ng kanilang pinuno at ng pinuno ng mga Judio.
Read full chapterAng Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.