Lucas 18:35-43
Ang Salita ng Diyos
Ang Pulubing Bulag ay Nakakita
35 Papalapit na siya sa Jerico. Nangyari, na may isang lalaking bulag na nakaupo sa tabi ng daan na namamalimos.
36 Nang marinig niya ang maraming taong nagdadaan, tinanong niya kung ano ito. 37 Sinabi nila sa kaniya: Si Jesus na taga-Nazaret ay dumadaan. 38 Ang bulag ay sumigaw. Sinabi niya: Jesus, anak ni David, kahabagan mo ako.
39 Sinaway siya ng mga nauuna at pinatahimik ngunit lalo pa siyang sumigaw: Anak ni David, kahabagan mo ako.
40 Tumigil si Jesus at iniutos na dalhin siya sa kaniya. Sa paglapit ng bulag, tinanong siya ni Jesus: 41 Ano ang ibig mong gawin ko sa iyo.
Sinabi niya: Panginoon, ibig kong makakita.
42 Sinabi ni Jesus sa kaniya: Makakita ka. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya. 43 Kaagad-agad, nakakita siya at sumunod sa kaniya na nagluluwalhati sa Diyos. Ang lahat ng mga taong nakakita ay nagpuri sa Diyos.
Read full chapter
Lucas 18:35-43
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pinagaling ni Jesus ang Bulag na Pulubi(A)
35 Nang malapit na sila sa Jerico, isang lalaking bulag ang nakaupong namamalimos sa tabi ng daan. 36 Nang marinig niyang nagdaraan ang mga tao, tinanong niya kung ano ang nangyayari. 37 At sinabi nila sa kanya na dumaraan si Jesus na taga-Nazareth. 38 Kaya sumigaw siya, “Jesus! Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 39 Sinaway siya ng mga nasa unahan at siya ay pinatahimik. Ngunit lalo pa siyang sumigaw, “Anak ni David! Mahabag po kayo sa akin!” 40 Kaya't tumigil si Jesus at nag-utos na ilapit ang lalaki sa kanya. Paglapit ng bulag ay tinanong siya ni Jesus, 41 “Ano ang nais mong gawin ko?” Sumagot ang lalaki, “Panginoon, gusto ko po sanang muling makakita.” 42 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Makakakita kang muli. Pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” 43 At agad siyang nakakitang muli at sumunod kay Jesus na nagpupuri sa Diyos. Nang makita ito ng lahat ng mga tao, sila ay nagpuri sa Diyos.
Read full chapterCopyright © 1998 by Bibles International
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.