Levitico 7
Magandang Balita Biblia
Mga Tuntunin tungkol sa Handog na Pambayad sa Kasalanan
7 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog na pambayad sa kasalanan. Ito'y ganap na sagrado. 2 Ang handog na pambayad sa kasalanan ay papatayin sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog na susunugin. Ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng altar. 3 Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog—taba ng buntot, tabang bumabalot sa laman-loob, 4 ang dalawang bato at ang taba nito, ang taba ng balakang at ang taba na bumabalot sa atay. 5 Lahat ng ito'y dadalhin sa altar at susunugin ng pari bilang handog na pambayad sa kasalanan kay Yahweh. 6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki na kabilang sa angkan ng pari. Ngunit ito'y kakainin sa isang sagradong lugar sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal.
7 “Iisa ang tuntunin sa handog na pambayad sa kasalanan at sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang paring gumaganap sa paghahandog. 8 Ang balat ng handog na susunugin ay ibibigay rin sa paring gumanap sa paghahandog, 9 gayundin ang mga handog na pagkaing butil na niluto sa pugon, sa ihawan o pinirito sa kawali. 10 Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala, ay paghahati-hatian ng mga paring mula sa angkan ni Aaron.
Handog Pangkapayapaan
11 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan. 12 Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis. 13 Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat. 14 Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan. 15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan.
16 “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan. 17 Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon. 18 Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon. 19 Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin.
“Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito. 20 Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos. 21 Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.”
22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 23 “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing. 24 Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin. 25 Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan. 26 At(A) kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon. 27 Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.”
28 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 29 “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin. 30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog. 31 Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak. 32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring 33 nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan. 34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel. 35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh. 36 Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’”
37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan. 38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.
Levitico 7
Ang Biblia (1978)
Handog sa pagkakasala.
7 At (A)ito ang kautusan tungkol sa handog dahil sa pagkakasala: bagay ngang kabanalbanalan.
2 (B)Sa dakong pinagpapatayan ng handog na susunugin ay doon papatayin ang handog dahil sa pagkakasala: at ang dugo niyao'y iwiwisik niya sa ibabaw ng dambana hanggang sa palibot.
3 At siya'y maghahandog niyaon (C)ng lahat ng taba niyaon; ang buntot na mataba at ang tabang nakatatakip sa lamang loob,
4 At ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga yaon, ang nasa siping ng mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay, ay kaniyang aalisin na kalakip ng mga bato:
5 At susunugin ng saserdote sa ibabaw ng dambana na pinaka handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; handog nga dahil sa pagkakasala.
6 (D)Bawa't lalake sa mga saserdote ay kakain niyaon; sa dakong banal kakanin yaon: bagay ngang kabanalbanalan.
7 Kung paano ang handog dahil sa kasalanan ay (E)gayon ang handog dahil sa pagkakasala: ang dalawa'y may isang kautusan: mapapasa saserdoteng tumutubos.
8 At ang saserdoteng naghahandog ng handog na susunugin ng sinomang tao, ay siyang magtatangkilik ng balat ng handog na susunugin na inihandog.
9 (F)At bawa't handog na harina na niluto sa hurno, at yaong lahat na pinagyaman sa kawaling bakal at sa kawaling lupa, ay mapapasa saserdote na naghahandog.
10 At bawa't handog na harina na hinaluan ng langis o tuyo, ay mapapasa lahat ng anak ni Aaron; sa isa na gaya sa iba.
Handog tungkol sa kapayapaan.
11 (G)At ito ang kautusan hinggil sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan, na ihahandog sa Panginoon:
12 Kung ihahandog niya na pinaka pasalamat, ay ihahandog nga niyang kalakip ng haing pasalamat ang mga munting tinapay na walang lebadura na hinaluan ng langis, at ang mga manipis na tinapay na walang lebadura na (H)pinahiran ng langis, at ang mainam na harina na munting tinapay na hinaluan ng langis.
13 (I)Kalakip ng munting tinapay na walang lebadura kaniyang ihahandog ang alay niya, na kalakip ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat.
14 At maghahandog ng isa niyaon na kaakbay ng bawa't alay na pinakahandog na itinaas sa Panginoon; (J)mapapasa saserdoteng magwiwisik ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan.
Ang pagkain ng handog sa kapayapaan.
15 (K)At ang laman ng hain na kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan na pinaka pasalamat ay kakanin sa kaarawan ng kaniyang pagaalay; siya'y hindi magtitira niyaon ng hanggang sa umaga.
16 (L)Nguni't kung ang hain ng kaniyang alay ay sa pagtupad ng isang panata, o kusang handog, ay kaniyang makakain sa araw na kaniyang ihandog ang kaniyang hain: at sa kinaumagahan man ay kaniyang makakain ang labis:
17 Datapuwa't ang lumabis sa laman ng hain hanggang sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
18 At kung kanin sa ikatlong araw ang anomang bahagi ng laman ng haing kaniyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay hindi tatanggapin, at hindi man maipatutungkol doon sa naghahandog niyaon: (M)aariing kasuklamsuklam, at ang taong kumain niyaon ay magtataglay ng kaniyang kasamaan.
19 At ang lamang masagi sa anomang bagay na karumaldumal ay hindi kakanin; yao'y susunugin sa apoy. At tungkol sa lamang hindi nahawa, lahat ng taong malinis ay makakakain niyaon.
20 Nguni't ang taong kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, (N)na taglay niya ang kaniyang karumihan, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
21 At pagka ang sinoman ay nakahipo ng anomang maruming bagay, ng (O)dumi ng tao, o (P)ng hayop na karumaldumal, o (Q)ng alin mang kasuklamsuklam, at kumain ng laman ng haing mga handog tungkol sa kapayapaan na ukol sa Panginoon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
22 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23 Iyong salitain sa mga anak ni Israel, na sabihin, (R)Huwag kayong kakain ng taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.
24 (S)At ang taba ng namatay sa kaniyang sarili, at ang taba ng nilapa ng ganid, ay magagamit sa alin mang kagamitan: nguni't sa anomang paraan ay huwag ninyong kakanin.
25 Sapagka't sinomang kumain ng taba ng hayop na yaon na inihahandog ng mga tao sa Panginoon, na handog na pinaraan sa apoy, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong kumain.
26 (T)At huwag kayong kakain sa anomang paraan ng dugo sa lahat ng inyong tahanan, maging sa ibon o sa hayop.
27 Sinomang taong kumain ng alin mang dugo, ay ihihiwalay sa kaniyang bayan ang taong yaon.
Ang bahagi ng saserdote sa mga handog.
28 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
29 Iyong salitain sa mga anak ng Israel na sabihin, (U)Ang naghahandog sa Panginoon ng hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng kaniyang alay sa hain niyang mga handog tungkol sa kapayapaan;
30 (V)Na dadalhin ng kaniyang sariling mga kamay sa Panginoon ang mga handog na pinaraan sa apoy; ang taba pati ng dibdib ay dadalhin niya, upang (W)ang dibdib ay alugin na pinaka handog na inalog sa harap ng Panginoon.
31 (X)At susunugin ng saserdote ang taba sa ibabaw ng dambana: (Y)datapuwa't ang dibdib ay mapapasa kay Aaron at sa kaniyang mga anak.
32 (Z)At ibibigay ninyo sa saserdote na pinaka handog na itinaas, ang hitang kanan sa mga haing inyong mga handog tungkol sa kapayapaan.
33 Yaong sa mga anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog tungkol sa kapayapaan at ng taba, ay mapapasa kaniya ang kanang hita, na pinaka bahagi niya.
34 (AA)Sapagka't aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga haing mga handog tungkol sa kapayapaan, ang dibdib na inalog at ang hitang itinaas, at aking ibinigay kay Aaron na saserdote at sa kaniyang mga anak, na karampatang bahagi nila magpakailan man, sa ganang mga anak ni Israel.
35 Ito ang nauukol sa pahid na langis ni Aaron at sa pahid na langis ng kaniyang mga anak, sa mga handog na pinaraan sa apoy sa Panginoon, sa araw na iniharap sila, upang mangasiwa sa Panginoon sa katungkulang saserdote;
36 Na iniutos ng Panginoon sa kanila'y ibibigay para sa mga anak ni Israel (AB)sa araw na kaniyang pinahiran sila. Karampatang bahagi nga nila magpakailan man, sa buong panahon ng kanilang lahi.
37 (AC)Ito ang kautusan tungkol sa handog na susunugin, (AD)sa handog na harina, (AE)at sa handog dahil sa kasalanan, (AF)at sa handog dahil sa pagkakasala, (AG)at sa pagtatalaga, (AH)at sa haing mga handog tungkol sa kapayapaan.
38 Na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang ihandog ang kanilang mga alay sa Panginoon sa ilang ng Sinai.
Levitico 7
Ang Biblia, 2001
Handog sa Pagkakasala
7 “Ito ang batas tungkol sa handog para sa budhing maysala: ito ay kabanal-banalan.
2 Sa dakong pinagpapatayan nila ng handog na sinusunog ay doon papatayin ang handog para sa budhing maysala at ang dugo niyon ay iwiwisik niya sa palibot ng dambana.
3 Lahat ng taba nito ay ihahandog; ang buntot na mataba at ang taba na bumabalot sa lamang loob,
4 at ang dalawang bato at ang tabang nasa mga iyon na nasa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay na iyong aalisin na kasama ng mga bato.
5 Ang mga iyon ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy; ito ay handog para sa budhing maysala.
6 Bawat lalaki sa mga pari ay kakain niyon; ito ay dapat kainin sa dakong banal.
7 Kung ano ang handog pangkasalanan ay gayundin ang handog para sa budhing maysala, ang dalawa'y may iisang batas. Ang pari na gumawa ng pagtubos sa pamamagitan nito ay siyang tatanggap nito.
8 Ang paring naghahandog ng handog na sinusunog ng sinumang tao ay siyang magmamay-ari ng balat ng handog na sinusunog na inialay.
9 Bawat butil na handog na niluto sa hurno, at lahat na inihanda sa kawali ay mapupunta sa pari na naghahandog niyon.
10 Ngunit bawat butil na handog na tuyo o hinaluan ng langis ay pantay-pantay na paghahatian ng lahat ng anak ni Aaron.
Handog Pangkapayapaan
11 “Ito ang batas tungkol sa alay na mga handog pangkapayapaan na ihahandog sa Panginoon.
12 Kung ihahandog niya iyon bilang pasasalamat, ihahandog niyang kasama ng alay ang mga maninipis na tinapay na walang pampaalsa na hinaluan ng langis, mga munting tinapay na hinaluan ng langis, at manipis na tinapay na gawa sa magandang uri ng harina na hinaluan ng langis.
13 Ihahandog niya ang kanyang alay na munting tinapay na walang pampaalsa kasama ng alay na handog pangkapayapaan para sa pasasalamat.
14 At mula sa mga iyon, siya ay mag-aalay ng isang tinapay sa bawat handog, bilang isang handog sa Panginoon; ito ay mapupunta sa paring magwiwisik ng dugo ng mga handog pangkapayapaan.
Ang Pagkain ng Handog Pangkapayapaan
15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pasasalamat ay kakainin sa araw ng paghahandog nito; hindi siya magtitira nito hanggang sa umaga.
16 Ngunit kung ang alay na kanyang inihahandog ay isang panata o kusang-loob na handog, ito ay kakainin sa araw ng kanyang paghahandog; at sa kinaumagahan ay kanyang kakainin ang nalabi rito;
17 subalit ang nalabi sa laman ng alay sa ikatlong araw ay susunugin sa apoy.
18 Kung kakainin sa ikatlong araw ang alinmang bahagi ng laman ng alay na handog pangkapayapaan, ito ay hindi tatanggapin. Ito ay hindi ibibilang sa kanya na naghahandog niyon; ito ay magiging kasuklamsuklam, at ang taong kumain nito ay magkakasala.[a]
19 “Ang laman na mapasagi sa anumang bagay na marumi ay hindi kakainin; ito ay susunugin sa apoy. Tanging ang lahat na malinis ang makakakain ng gayong laman.
20 Ngunit ang taong kumakain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon na nasa maruming kalagayan ay ititiwalag sa kanyang bayan.
21 Kapag ang isang tao ay humipo sa anumang maruming bagay, maging ng dumi ng tao, o ng hayop na marumi, o anumang kasuklamsuklam, at pagkatapos ay kumain ng laman ng alay na mga handog pangkapayapaan na para sa Panginoon, ang taong iyon ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
22 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
23 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, huwag kayong kakain ng anumang taba ng baka, ng tupa, o ng kambing.
24 Ang taba ng namatay sa kanyang sarili, at ang taba ng nilapa ng hayop, ay magagamit sa anumang paggagamitan, ngunit sa anumang paraan ay huwag ninyong kakainin.
25 Sapagkat sinumang kumain ng taba ng hayop na iyon kung saan ang handog ay pinaraan sa apoy para sa Panginoon, ay ititiwalag sa kanyang bayan.
26 At(A) huwag kayong kakain ng anumang dugo maging ng ibon o ng hayop, sa lahat ng inyong tahanan.
27 Sinumang kumain ng anumang dugo ay ititiwalag sa kanyang bayan.”
28 Ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi:
29 “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, Ang naghahandog sa Panginoon ng handog pangkapayapaan ay magdadala sa Panginoon ng handog na mula sa kanyang mga handog pangkapayapaan.
30 Ang kanyang sariling mga kamay ang magdadala sa Panginoon ng mga handog na pinaraan sa apoy; dadalhin niya ang taba kasama ang dibdib upang iwagayway bilang handog na iwinawagayway sa harapan ng Panginoon.
31 Susunugin ng pari ang taba sa ibabaw ng dambana, subalit ang dibdib ay magiging kay Aaron at sa kanyang mga anak.
32 At ang kanang hita ay ibibigay ninyo sa pari bilang handog mula sa alay ng inyong mga handog pangkapayapaan.
33 Ang anak ni Aaron na naghahandog ng dugo ng mga handog pangkapayapaan at ng taba ang tatanggap ng kanang hita bilang bahagi.
34 Sapagkat aking kinuha sa mga anak ni Israel, sa kanilang mga alay na mga handog pangkapayapaan, ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay, at aking ibinigay sa paring si Aaron at sa kanyang mga anak, sa pamamagitan ng isang walang hanggang bahagi na nauukol sa kanila, mula sa mga anak ni Israel.
35 Ito ang bahagi ni Aaron at ng kanyang mga anak mula sa mga handog na pinaraan sa apoy para sa Panginoon, nang araw na sila ay buhusan ng langis upang maglingkod bilang mga pari ng Panginoon;
36 iniutos ng Panginoon na ibibigay sa kanila sa araw na kanyang buhusan sila ng langis mula sa mga anak ni Israel. Ito ay isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng kanilang salinlahi.”
37 Ito ang batas tungkol sa handog na sinusunog, sa butil na handog, sa handog pangkasalanan, sa handog para sa budhing maysala, sa pagtatalaga, at sa mga handog pangkapayapaan,
38 na iniutos ng Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai, nang araw na iniutos sa mga anak ni Israel na kanilang dalhin ang kanilang mga handog sa Panginoon sa ilang ng Sinai.
Footnotes
- Levitico 7:18 Sa Hebreo ay magpapasan ng kanyang kasamaan .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
