Add parallel Print Page Options

Handog Pangkapayapaan

“Kung ang alay ay handog pangkapayapaan, at ang ihahandog niya ay mula sa bakahan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan sa harapan ng Panginoon.

Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kanyang alay, at papatayin ito sa pintuan ng toldang tipanan; at iwiwisik ng mga anak ni Aaron na mga pari ang dugo sa palibot ng dambana.

Mula sa kanyang alay na handog pangkapayapaan, bilang isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ihahandog niya ang lahat ng tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,

at ang dalawang bato at ang tabang nasa ibabaw ng mga iyon, na nasa mga balakang, at ang lamad ng atay na kanyang aalising kasama ng mga bato.

Pagkatapos, ito ay susunugin ng mga anak ni Aaron sa dambana, sa ibabaw ng handog na sinusunog na nasa ibabaw ng kahoy na nakapatong sa apoy, isang handog na pinaraan sa apoy, na mabangong samyo sa Panginoon.

“At kung ang kanyang alay sa Panginoon bilang handog pangkapayapaan ay mula sa kawan, maging lalaki o babae, ito ay ihahandog niya na walang kapintasan.

Kung isang kordero ang kanyang ihahandog bilang kanyang alay, ihahandog niya ito sa harapan ng Panginoon,

kanyang ipapatong ang kamay niya sa ulo ng kanyang alay, at ito ay papatayin sa harapan ng toldang tipanan, at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo niyon sa palibot ng dambana.

Mula sa alay na mga handog pangkapayapaan na isang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, iaalay niya ang taba niyon, ang buong matabang buntot na aalisin sa pinakamalapit sa gulugod, ang tabang bumabalot sa lamang-loob, at ang lahat ng taba ng lamang-loob.

10 Ang dalawang bato, at ang tabang nasa loob nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.

11 At susunugin ito ng pari sa ibabaw ng dambana bilang pagkaing inihandog sa Panginoon na pinaraan sa apoy.

12 “Kung ang kanyang alay ay kambing, dadalhin niya ito sa harapan ng Panginoon.

13 Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo niyon, at papatayin iyon sa harapan ng toldang tipanan at iwiwisik ng mga anak ni Aaron ang dugo sa palibot ng dambana.

14 Siya ay maghahandog mula rito ng kanyang alay, bilang handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, ang tabang bumabalot sa lamang-loob at lahat ng tabang nasa lamang-loob,

15 ang dalawang bato, ang tabang nasa ibabaw nito na malapit sa mga balakang, at ang lamad na nasa ibabaw ng atay ay aalisin niya kasama ng mga bato.

16 Ang mga ito ay susunugin ng pari sa ibabaw ng dambana, bilang pagkaing handog na pinaraan sa apoy na isang mabangong samyo. Lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Ito ay magiging isang walang hanggang tuntunin sa buong panahon ng inyong lahi sa lahat ng inyong mga tahanan. Huwag kayong kakain ng taba o anumang dugo nito.”

Handog para sa Mabuting Relasyon

Kapag may naghahandog ng baka bilang handog para sa mabuting relasyon, kinakailangang ang ihahandog niya sa presensya ng Panginoon ay walang kapintasan. Ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng baka na ihahandog niya at pagkatapos, papatayin niya sa may pintuan ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. Kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon. Kukunin niya ang lahat ng taba na nasa loob ng tiyan, at ang nasa lamang-loob, ang mga bato[a] at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. Ang mga itoʼy susunugin ng mga pari sa altar kasama ng handog na sinusunog. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy[b] ay makalulugod sa Panginoon.

Kung ang ihahandog niya para sa mabuting relasyon ay tupa o kambing, lalaki man o babae, kinakailangang itoʼy walang kapintasan. Kung maghahandog siya ng tupa sa Panginoon, ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng tupa at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. At iwiwisik ng mga paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa paligid ng altar. At mula sa handog na itoʼy kukuha ng bahagi na susunugin para sa Panginoon; ang mga taba, ang buntot na mataba na sagad sa gulugod ang pagkakaputol, ang lahat ng taba sa lamang-loob, 10 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 11 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain.[c] Itoʼy handog sa pamamagitan ng apoy para sa Panginoon.

12 Kung maghahandog siya ng kambing sa presensya ng Panginoon, 13 ipapatong niya ang kanyang kamay sa ulo ng kambing at papatayin niya sa harap ng Toldang Tipanan. Iwiwisik ng paring mula sa angkan ni Aaron ang dugo nito sa palibot ng altar. 14 Pagkatapos, kukuha ang pari ng bahagi na susunugin niya para sa Panginoon mula sa handog na ito. Kukunin niya ang lahat ng taba sa lamang-loob, 15 ang mga bato at ang taba nito, pati na ang maliit na bahagi ng atay. 16 Ang lahat ng itoʼy susunugin ng pari sa altar bilang handog na pagkain. Ang mabangong samyo ng handog na ito sa pamamagitan ng apoy ay makalulugod sa Panginoon. Ang lahat ng taba ay sa Panginoon.

17 Huwag kayong kakain ng taba o dugo. Dapat ninyong sundin ang tuntuning ito kahit saan kayo tumira, kayo at ang susunod pa ninyong mga henerasyon.

Footnotes

  1. 3:4 mga bato: sa Ingles, “kidneys.”
  2. 3:5 handog … apoy: Tingnan ang “footnote” sa 1:9.
  3. 3:11 bilang handog na pagkain: Itinuturing ito na pagkain ng Dios. Tingnan sa 21:6, 8, 21. Ganito rin sa 3:16.
'Levitico 3 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.