Levitico 27
Magandang Balita Biblia
Mga Batas tungkol sa mga Kaloob kay Yahweh
27 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita: Kung may mamanata kay Yahweh na maghandog ng tao, iyon ay tutubusin nang ganito: 3 Kung anak na lalaki, mula sa dalawampu hanggang animnapung taóng gulang, ito ay susuriin upang palitan o tubusin sa halagang limampung pirasong pilak ayon sa timbangan sa santuwaryo 4 at tatlumpung pirasong pilak naman kung babae. 5 Mula sa lima hanggang dalawampung taon, dalawampung pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae. 6 Kapag isang buwan hanggang limang taon, limang pirasong pilak kung lalaki at tatlong pirasong pilak naman kung babae. 7 Kung mahigit nang animnapung taon, labinlimang pirasong pilak kung lalaki at sampung pirasong pilak naman kung babae.
8 “Kung walang maitutubos dahil sa kahirapan, ang taong iyo'y ihaharap sa pari at siya ang magpapasya kung magkano ang itutubos ayon sa kakayahan ng may panata.
9 “Kung ang panatang handog ay hayop, dapat itong ilaan kay Yahweh. 10 Hindi ito maaaring palitan. Kapag pilit na pinalitan, ang papalitan at ipapalit ay parehong ilalaan kay Yahweh. 11 Kung ang ipinangakong hayop ay hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, dadalhin iyon sa pari. 12 Hahalagahan niya ito, anuman ang uri ng hayop at hindi matatawaran ang halagang ipinasya ng pari. 13 Kung tutubusin ang hayop, magdaragdag kayo ng halaga ng ikalimang bahagi ng halaga ng hayop.
14 “Kung bahay naman ang ipinangako, hahalagahan ito ng pari ayon sa uri at kayarian, at ang kanyang itinakdang halaga ay hindi matatawaran. 15 Kung ang bahay ay gustong tubusin ng naghandog, babayaran niya ito na may dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon, at mababalik sa kanya ang bahay.
16 “Kung isang bahagi ng lupang minana ang ipinangako, ang itutubos ay batay sa dami ng maaani doon: limampung pirasong pilak sa bawat malaking sisidlan[a] ng sebada. 17 Kung ang paghahandog ay ginawa sa simula ng Taon ng Paglaya, babayaran ito nang buo upang matubos. 18 Ngunit kung ito'y ginawa matapos ang Taon ng Paglaya, ang itutubos ay ibabatay sa dami ng taon bago dumating ang susunod na pagdiriwang; babawasin ang halaga ng nakalipas na taon. 19 Kung ang lupa ay nais tubusin ng naghandog, babayaran niya ang takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 20 Kung hindi pa niya ito natutubos at ipinagbili sa iba, kailanma'y hindi na niya matutubos iyon. 21 Pagdating ng Taon ng Paglaya, ituturing na nakalaan kay Yahweh ang lupaing iyon at ito'y ibibigay sa pangangalaga ng mga pari.
22 “Kung ang ipinangako naman ay ang lupang binili at hindi minana, 23 hahalagahan iyon ng pari ayon sa dami ng taon bago dumating ang Taon ng Paglaya. Sa araw ring iyon, ibibigay ng nangako ang pantubos bilang handog kay Yahweh. 24 Pagdating ng Taon ng Paglaya, mababalik ang lupang ito sa dating may-ari o sa kanyang tagapagmana. 25 Ang halaga ng pantubos ay batay sa timbangan ng santuwaryo. Bawat pirasong pilak ay katumbas ng labindalawang gramo.
26 “Hindi maaaring maipanata kay Yahweh ang panganay na hayop, maging baka o tupa sapagkat iyon ay sadyang para kay Yahweh. 27 Ngunit kung iyon ay hayop na hindi karapat-dapat ihandog kay Yahweh, tutubusin ito ng may-ari sa takdang halaga maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halaga niyon. Kung hindi matubos, ipagbibili ito sa takdang halaga.
28 “Lahat(A) ng lubos na naialay kay Yahweh, maging tao, hayop, o minanang lupa, ay hindi na maaaring tubusin o ipagbili sapagkat iyon ay ganap na sagrado sa kanya. 29 Hindi na maaaring tubusin ang mga taong lubos na naialay kay Yahweh. Kailangan silang patayin.
30 “Lahat(B) ng ikasampung bahagi, maging binhi o bunga ng pananim ay nakalaan kay Yahweh. 31 Kung may nais tumubos sa alinman sa kanyang ikasampung bahagi, babayaran niya ito ayon sa itinakdang halaga nito maliban pa sa dagdag na ikalimang bahagi ng halagang iyon. 32 Isa sa bawat sampung alagang hayop ay nakalaan para kay Yahweh. Ang bawat ikasampung tupa o baka na mabibilang ay para kay Yahweh. 33 Hindi iyon dapat suriin ng may-ari kung masama o hindi. Hindi rin iyon maaaring palitan, at kung ito'y mapalitan man, ang ipinalit at pinalitan ay parehong ilalaan kay Yahweh; hindi na matutubos ang mga ito.”
34 Ito ang mga tuntunin na ibinigay ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai para sa sambayanang Israel.
Footnotes
- Levitico 27:16 Ang sisidlang ito ay maaaring maglaman ng timbang na halos 220 litro.
Levitico 27
Ang Dating Biblia (1905)
27 At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2 Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagka ang sinoman ay tutupad ng panata ayon sa iyong inihalaga, ay magiging sa Panginoon ang mga tao.
3 At ang iyong inihalaga tungkol sa lalake, na mula sa may dalawang pung taong gulang hanggang sa may anim na pu, ay limang pung siklong pilak, ang iyong ihahalaga ayon sa siklo ng santuario.
4 At kung tungkol sa babae tatlong pung siklo ang ihahalaga mo.
5 At kung mula sa may limang taon hanggang sa may dalawang pung taon, ay dalawang pung siklo, ang ihahalaga mo sa lalake at sa babae ay sangpung siklo.
6 At kung mula sa may isang buwan hanggang sa may limang taon ay limang siklong pilak ang iyong ihahalaga sa lalake at sa babae ay tatlong siklong pilak ang iyong ihahalaga.
7 At kung sa may anim na pung taon na patanda; kung lalake, ay labing limang siklo ang iyong ihahalaga, at sa babae ay sangpung siklo.
8 Nguni't kung kapos ng ikababayad sa iyong inihalaga, ay pahaharapin mo siya sa harap ng saserdote, at hahalagahan siya ng saserdote; ayon sa ikakakaya ng may panata, ay siyang ihahalaga sa kaniya ng saserdote.
9 At kung hayop na ihahandog na alay sa Panginoon, lahat na ibibigay niyaon ng sinoman sa Panginoon ay magiging banal.
10 Huwag niyang babaguhin o papalitan ang mabuti ng masama o ang masama ng mabuti: at kung sa anomang paraan ay palitan ang isang hayop ng iba, ay magiging kapuwa banal yaon at ang kapalit niyaon.
11 At kung yao'y anomang hayop na karumaldumal na sa hindi maihahandog na alay sa Panginoon, ay ilalagay nga niya ang hayop sa harap ng saserdote:
12 At hahalagahan ng saserdote, maging mabuti o masama: ayon sa inihalaga ng saserdote ay magiging gayon.
13 Datapuwa't kung tunay na kaniyang tutubusin, ay magdadagdag nga siya ng ikalimang bahagi niyaon sa inihalaga mo.
14 At pagka ang sinoman ay magtatalaga ng kaniyang bahay upang maging banal sa Panginoon, ay hahalagahan nga ng saserdote, kung mabuti o masama: ayon sa ihahalaga ng saserdote ay magiging gayon.
15 At kung tutubusin ng nagtalaga ang kaniyang bahay, ay magdadagdag nga ng ikalimang bahagi ng salapi na inihalaga mo roon, at magiging kaniya.
16 At kung ang sinoman ay magtatalaga sa Panginoon ng bahagi ng bukid na kaniyang pag-aari, ay ayon sa hasik doon ang iyong ihahalaga nga: ang hasik na isang omer na cebada ay hahalagahan ng limang pung siklong pilak.
17 Kung itatalaga niya ang kaniyang bukid mula sa taon ng jubileo, ay magiging ayon sa iyong inihalaga.
18 Datapuwa't kung italaga niya ang kaniyang bukid pagkatapos ng jubileo, ay bibilangan sa kaniya ng saserdote ng salapi ayon sa mga taong natitira hanggang sa taon ng jubileo at bababaan ang iyong inihalaga.
19 At kung tutubusin ng nagtalaga ng bukid ay magdadagdag ng ikalimang bahagi ng salaping iyong inihalaga roon, at mapapasa kaniya.
20 At kung hindi niya tutubusin ang bukid, o kung ipinagbili niya ang bukid sa ibang tao ay hindi na niya matutubos:
21 Kundi ang bukid pagka naalis sa jubileo, ay magiging banal sa Panginoon, na parang bukid na itinalaga: ang kapangyarihan doon ay mapapasa saserdote.
22 At kung ang sinoman ay magtalaga sa Panginoon ng bukid na binili, na hindi sa bukid na kaniyang pag-aari;
23 Ay ibibilang nga sa kaniya ng saserdote ang halaga ng iyong inihalaga hanggang sa taon ng jubileo, at babayaran niya ang iyong inihalaga ng araw ding iyon, na parang banal na bagay sa Panginoon.
24 Sa taon ng jubileo ay mababalik ang bukid doon sa kaniyang binilhan, doon sa kinararapatan ng pag-aari ng lupa.
25 At ang buo mong ihahalaga ay magiging ayon sa siklo ng santuario: dalawang pung gera ang isang siklo.
26 Ang panganay lamang sa mga hayop na iniukol ang pagkapanganay sa Panginoon, ang hindi maitatalaga ninoman; maging baka o tupa, ay ukol sa Panginoon.
27 At kung hayop na karumaldumal, ay kaniyang tutubusin nga yaon sa iyong inihalaga at idadagdag pa niya ang ikalimang bahagi niyaon; o kung hindi tutubusin ay ipagbibili ayon sa iyong inihalaga.
28 Gayon ma'y walang bagay na itinalaga, na itatalaga ninoman sa Panginoon, sa lahat ng sariling kaniya, maging sa tao o sa hayop, o sa bukid na kaniyang pag-aari, ay maipagbibili o matutubos: bawa't bagay na itinalaga ay kabanalbanalan sa Panginoon.
29 Walang itinalaga na itatalaga ng mga tao, ay matutubos: papataying walang pagsala.
30 At lahat na ikasangpung bahagi ng lupain, maging sa binhi ng lupain, o sa bunga ng punong kahoy ay sa Panginoon: magiging banal sa Panginoon.
31 At kung ang sinoman ay tutubos ng alin mang bahagi ng kaniyang ikasangpung bahagi ay idagdag niya roon ang ikalimang bahagi niyaon.
32 At lahat ng ikasangpung bahagi sa bakahan o sa kawan, anomang madaan sa tungkod, ay magiging banal sa Panginoon ang ikasangpung bahagi.
33 Huwag niyang sisiyasatin kung mabuti o masama, ni huwag niyang papalitan: at kung sa anomang paraan ay palitan niya, ay kapuwa magiging banal; hindi matutubos.
34 Ito ang mga utos na iniutos ng Panginoon kay Moises, sa bundok ng Sinai hinggil sa mga anak ni Israel.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.