Josue 14
Magandang Balita Biblia
Ang Paghahati ng Canaan
14 Ang mga lipi ng Israel ay nakatanggap ng lupang pamana nang masakop nila ang Canaan. Ang paring si Eleazar at si Josue na anak ni Nun, katulong ang mga pinuno ng angkan ng bawat lipi, ang naghati ng lupain ng Canaan para sa mga Israelita. 2 Ang(A) paghahati ay isinagawa sa pamamagitan ng palabunutan, ayon sa utos ni Yahweh kay Moises. Siyam at kalahating lipi na lamang ang binigyan nila ng kani-kanilang bahagi sa lupain. 3 Ang(B) dalawang lipi at kalahati'y nabigyan na ni Moises ng kanilang bahagi sa silangan ng Jordan. Hindi rin kabilang sa siyam na lipi at kalahati ang mga Levita. 4 Hindi sila binigyan ng lupain. Sa halip, binigyan sila ng mga lunsod na matitirhan at mga kaparangan sa paligid para sa kanilang mga bakahan at mga kawan. Sa kabilang dako, ang mga nagmula sa lahi ni Jose ay pinagdalawang lipi: ang lipi ni Manases at ang lipi ni Efraim. 5 Pinaghati-hatian nga ng mga Israelita ang lupaing iyon ayon sa utos ni Yahweh kay Moises.
Ibinigay kay Caleb ang Hebron
6 Lumapit(C) noon kay Josue sa Gilgal ang ilan sa lipi ni Juda. Isa sa kanila si Caleb na anak ni Jefune, na mula sa angkan ng Cenizeo. Sinabi nito kay Josue, “Alam mo ang sinabi ni Yahweh kay Moises na kanyang lingkod tungkol sa ating dalawa nang tayo'y nasa Kades-barnea. 7 Apatnapung(D) taon pa lamang ako noon. Isinugo niya tayo buhat sa Kades-barnea upang lihim na manmanan ang lupaing ito, at iniulat ko sa kanya ang buong katotohanan. 8 Kahit na ang bayan ay tinakot ng ibang kasama natin, buong katapatan pa rin akong sumunod kay Yahweh na ating Diyos. 9 Kaya't(E) ipinangako sa akin noon ni Moises na dahil sa aking buong katapatan sa pagsunod kay Yahweh, magiging bahagi ko at ng aking mga anak ang lupang matapakan ng aking mga paa. 10 Apatnapu't limang taon na ang lumipas buhat nang sabihin ito ni Yahweh kay Moises. Noo'y naglalakbay pa sa disyerto ang bayang Israel. Iningatan ni Yahweh ang buhay ko hanggang ngayon. Walumpu't limang taon na ako ngayon 11 ngunit hindi pa nagbabago ang lakas ko mula nang ako'y isugo ni Moises upang siyasatin ang lupaing ito. Kaya ko pang makipaglaban at gawin ang kahit anong trabaho. 12 Kaya ibigay mo na sa akin ang kaburulang ipinangako sa akin ni Yahweh. Narinig mo rin na mga higante ang nakatira doon at matitibay ang pader ng naglalakihan nilang lunsod. Ngunit sa tulong ni Yahweh ay palalayasin ko sila sa lupaing iyon gaya ng ipinangako niya.”
13 Binasbasan nga ni Josue si Caleb na anak ni Jefune, at ibinigay sa kanya ang Hebron. 14 Ang lupain ng Hebron ay nananatili hanggang ngayon sa angkan ni Caleb na anak ni Jefune, na isang Cenizeo, sapagkat buong katapatan siyang sumunod kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. 15 Noong una'y Lunsod ng Arba ang pangalan ng Hebron, bilang alaala kay Arba, ang pinakadakila sa mga Anaceo.
At nagkaroon nga ng kapayapaan sa buong lupain.
Josue 14
Ang Biblia (1978)
Ang mga bahagi sa mana. Si Levi ay walang mana.
14 At ito ang mga mana na sinakop ng mga anak ni Israel sa lupain ng Canaan, na binahagi sa kanila ni (A)Eleazar na saserdote, at ni Josue na anak ni Nun, at ng mga pangulo ng mga sangbahayan ng mga magulang ng mga lipi ng mga anak ni Israel,
2 Sa pamamagitan ng (B)sapalaran ng kanilang mana, gaya ng iniutos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises, sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi.
3 (C)Sapagka't nabigyan na ni Moises ng mana ang dalawang lipi at ang kalahating lipi sa dako roon ng Jordan: nguni't sa mga Levita ay wala siyang ibinigay na mana sa kanila.
4 Sapagka't ang (D)mga anak ni Jose ay naging dalawang lipi ang Manases at ang Ephraim: at hindi sila nagbigay ng bahagi sa mga Levita sa lupain, liban ang mga bayan na matahanan, pati ng mga nayon niyaon sa kanilang hayop at sa kanilang pagaari.
5 Kung (E)paano iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ang ginawa ng mga anak ni Israel, at kanilang binahagi ang lupain.
6 Nang magkagayo'y lumapit ang mga anak ni Juda kay Josue sa Gilgal: at sinabi sa kaniya ni Caleb na anak ni (F)Jephone na Cenezeo, Iyong (G)talastas ang bagay na sinalita ng Panginoon kay Moises na (H)lalake ng Dios, tungkol sa akin at tungkol sa iyo sa Cades-barnea.
7 Ako'y may apat na pung taon nang ako'y (I)suguin ni Moises na lingkod ng Panginoon mula sa Cades-barnea upang tiktikan ang lupain; at aking dinalhan ng sagot siya ng gaya ng nasa aking puso.
8 (J)Gayon ma'y pinapanglumo ng mga kapatid na kasama ko ang puso ng bayan: nguni't ako'y (K)lubos na sumunod sa Panginoon kong Dios.
9 At si Moises ay sumumpa nang araw na yaon, (L)na nagsasabi, Tunay na ang lupain na (M)tinuntungan ng iyong paa ay magiging isang mana sa iyo at sa iyong mga anak magpakailan man, sapagka't sumunod kang lubos sa Panginoon kong Dios.
10 At ngayon, narito, iningatan akong buhay ng Panginoon, gaya ng (N)kaniyang sinalita, nitong apat na pu't limang taon, mula nang panahon na salitain ng Panginoon ang salitang ito kay Moises, samantalang lumalakad ang Israel sa ilang; at ngayon, narito, sa araw na ito ako'y may walong pu't limang taon na.
11 Gayon ma'y malakas pa ako sa araw na ito na (O)gaya nang araw na suguin ako ni Moises: kung paano nga ang lakas ko noon, ay gayon ang lakas ko ngayon, sa pakikidigma, (P)at gayon din sa paglalabas pumasok.
12 Ngayon nga'y ibigay mo sa akin ang lupaing maburol na ito na sinalita ng Panginoon nang araw na yaon: sapagka't iyong nabalitaan nang araw na yaon kung paanong nariyan ang mga (Q)Anaceo, at mga bayang malalaki at nakukutaan: marahil ay sasa akin ang Panginoon, at akin silang maitataboy na gaya ng sinalita ng Panginoon.
Ang Hebron ay kay Caleb.
13 At binasbasan siya ni Josue (R)at kaniyang ibinigay ang Hebron kay (S)Caleb na Anak ni Jephone, na pinakaari niya.
14 Kaya't ang (T)Hebron ay naging mana ni Caleb na anak ni Jephone na Cenezeo hanggang sa araw na ito; sapagka't kaniyang lubos na sinunod ang Panginoon, ang Dios ng Israel.
15 Ang pangalan nga ng Hebron nang una ay Chiriath-arba; na siyang Arba na pinaka malaking lalake sa mga Anaceo. (U)At ang lupain ay nagpahinga sa pakikidigma.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978