Add parallel Print Page Options

Inihayag ko ang iyong pangalan sa mga taong ibinigay mo sa akin mula sa sanlibutan. Sila ay sa iyo, at ibinigay mo sila sa akin, at sinunod nila ang iyong salita. Ngayon, alam na nilang ang lahat ng ibinigay mo sa akin ay galing sa iyo; sapagkat ang mga salitang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, at tinanggap nila ang mga ito. Nalaman nilang totoo nga na ako'y mula sa iyo, at naniwala silang ako'y isinugo mo. Nakikiusap ako para sa kanila. Hindi ako nakikiusap para sa sanlibutan, kundi para sa mga ibinigay mo sa akin, sapagkat sila'y sa iyo. 10 Lahat ng sa akin ay sa iyo, at ang sa iyo ay sa akin; at ako ay naluluwalhati sa pamamagitan nila. 11 Wala na ako sa sanlibutan, ngunit sila ay nasa sanlibutan, at ako ay papunta na sa iyo. Banal na Ama, ingatan mo sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin, upang sila ay maging isa, kung paanong tayo ay iisa. 12 (A)Habang ako ay kasama pa nila, iningatan ko sila sa pamamagitan ng iyong pangalan na ibinigay mo sa akin. Binantayan ko sila, at wala akong naiwala ni isa man sa kanila maliban sa isa na anak ng kapahamakan, upang ang Kasulatan ay matupad. 13 Ngayon, pupunta na ako sa iyo, at sinasabi ko ang mga ito habang ako'y nasa sanlibutan pa upang makamtan nila ang aking lubos na kagalakan. 14 Ibinigay ko pa sa kanila ang iyong salita, at kinapootan sila ng sanlibutan sapagkat sila ay hindi tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 15 Hindi ko hinihiling na alisin mo sila sa sanlibutan, kundi ingatan mo sila mula sa Masama. 16 Hindi sila tagasanlibutan, tulad ko na hindi tagasanlibutan. 17 Pakabanalin mo sila sa pamamagitan ng katotohanan; ang salita mo ay katotohanan. 18 Kung paanong isinugo mo ako sa sanlibutan, isinugo ko rin sila sa sanlibutan. 19 At alang-alang sa kanila ay inilalaan ko ang aking sarili sa iyo upang sila'y mailaan din sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan.

Read full chapter