Juan 13-15
Magandang Balita Biblia
Hinugasan ni Jesus ang mga Paa ng mga Alagad
13 Bisperas na noon ng Paskwa. Alam ni Jesus na dumating na ang takdang oras ng kanyang pag-alis sa daigdig na ito upang bumalik sa Ama. Mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa daigdig, at sila'y minahal niya hanggang sa wakas.
2 Pagsapit ng hapunan, inilagay na ng diyablo sa isip ni Judas, na anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo niya si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na ng Ama sa kanya ang buong kapangyarihan; at alam niyang siya'y mula sa Diyos at babalik sa Diyos. 4 Kaya't siya'y tumayo mula sa hapag, nag-alis ng panlabas na balabal at nagbigkis ng tuwalya sa baywang. 5 Pagkatapos, naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanyang baywang.
6 Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito sa kanya, “Panginoon, huhugasan n'yo ba ang aking mga paa?”
7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo nauunawaan ngayon ang ginagawa ko, ngunit mauunawaan mo rin pagkatapos.”
8 Muling nagsalita si Pedro, “Hinding-hindi ninyo huhugasan ang aking mga paa!” Ngunit sinabi ni Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang kaugnayan sa akin.”
9 Dahil dito'y sinabi ni Simon Pedro, “Kung gayon, hindi lamang ang mga paa ko, kundi pati na rin ang aking mga kamay at ulo!”
10 Sumagot si Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangang hugasan pa [maliban sa kanyang mga paa],[a] sapagkat malinis na ang buo niyang katawan. At kayo'y malinis na, subalit hindi lahat kayo.” 11 Dahil alam na ni Jesus kung sino ang magkakanulo sa kanya kaya sinabi niyang malinis na sila, subalit hindi lahat.
12 Nang(A) mahugasan na ni Jesus ang kanilang mga paa, muli niyang isinuot ang kanyang balabal at nagbalik sa kinaupuan niya. Sinabi niya sa kanila, “Nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, sapagkat ganoon nga ako. 14 Kung ako ngang Panginoon at Guro ninyo ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Binigyan ko kayo ng halimbawa upang inyong tularan. 16 Pakatandaan(B) ninyo, ang alipin ay hindi nakakahigit sa kanyang panginoon, ni ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Ngayong alam na ninyo ito, pinagpala kayo kung ito'y gagawin ninyo.
18 “Hindi(C) kayong lahat ang tinutukoy ko; kilala ko ang aking mga pinili. Ngunit dapat matupad ang sinasabi sa kasulatan, ‘Ako'y pinagtaksilan ng taong pinapakain ko ng tinapay.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo bago pa mangyari upang kapag ito'y nangyari na, sasampalataya kayo na ‘Ako'y Ako Nga’. 20 Pakatandaan(D) ninyo, ang tumatanggap sa sinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap naman sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Inihayag ni Jesus ang Pagkakanulo sa Kanya(E)
21 Pagkasabi nito, si Jesus ay labis na nabagabag at nagpahayag sa kanila, “Tandaan ninyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.”
22 Nagtinginan ang mga alagad sapagkat hindi nila alam kung sino ang kanyang tinutukoy. 23 Katabi noon ni Jesus ang alagad na minamahal niya, 24 kaya't sinenyasan siya ni Simon Pedro at sinabihan, “Itanong mo nga kung sino ang tinutukoy niya.” 25 Humilig ang alagad na ito sa dibdib ni Jesus at nagtanong, “Panginoon, sino po ba iyon?”
26 “Siya ang taong aabután ko ng tinapay na aking isinawsaw,” sagot ni Jesus. Nagsawsaw nga siya ng tinapay at ibinigay iyon kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus kay Judas, “Gawin mo kaagad ang dapat mong gawin.” 28 Walang sinuman sa mga kasalo ni Jesus ang nakaunawa kung bakit niya sinabi iyon. 29 Dahil si Judas ang may hawak ng kanilang salapi, akala nila'y pinapabili siya ni Jesus ng kakailanganin nila sa pagdiriwang, o kaya'y pinapabigyan niya ng limos ang mga dukha.
30 Pagkatanggap ni Judas ng tinapay, kaagad siyang umalis. Gabi na noon.
Ang Bagong Utos
31 Pagkaalis ni Judas ay sinabi ni Jesus, “Ngayo'y luluwalhatiin na ang Anak ng Tao, at sa pamamagitan niya ay luluwalhatiin ang Diyos. 32 [At kapag niluwalhati na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak ng Tao],[b] ang Diyos naman ang luluwalhati sa Anak, at ito'y gagawin niya agad. 33 Mga(F) anak, kaunting panahon na lamang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit sinasabi ko sa inyo ngayon ang sinabi ko noon sa mga Judio, ‘Hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko.’
34 “Isang(G) bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon: magmahalan kayo! Kung paano ko kayo minahal, gayundin naman, magmahalan kayo. 35 Kung kayo'y may pagmamahal sa isa't isa, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”
Inihayag ni Jesus ang Pagkakaila ni Pedro(H)
36 “Saan po kayo pupunta, Panginoon?” tanong ni Simon Pedro. Sumagot si Jesus, “Sa pupuntahan ko'y hindi ka makakasunod ngayon, ngunit susunod ka pagkatapos.”
37 Sumagot si Pedro, “Bakit po hindi ako makakasunod sa inyo ngayon? Buhay ko ma'y iaalay ko para sa inyo.”
38 Sumagot si Jesus, “Iaalay mo ang iyong buhay para sa akin? Tandaan mo: bago tumilaok ang manok, tatlong beses mo akong ikakaila.”
Si Jesus ang Daan
14 “Huwag mabagabag ang inyong kalooban; sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya din kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid. Kung hindi ito totoo, sasabihin ko ba sa inyong pupunta ako roon upang ipaghanda ko kayo ng inyong matitirhan? 3 At kapag naipaghanda ko na kayo ng matitirhan, ako'y babalik at isasama ko kayo upang kayo'y makapiling ko kung saan ako naroroon. 4 At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.”
5 Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?”
6 Sumagot(I) si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung ako'y kilala ninyo,[c] kilala na rin ninyo ang aking Ama. Mula ngayon ay kilala na ninyo siya at inyo nang nakita.”
8 Sinabi sa kanya ni Felipe, “Panginoon, ipakita po ninyo sa amin ang Ama at masisiyahan na kami.”
9 Sumagot si Jesus, “Kay tagal na ninyo akong kasama, hanggang ngayo'y hindi mo pa ako kilala, Felipe? Ang nakakita sa akin ay nakakita na sa Ama. Bakit mo sinasabing ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ka ba naniniwalang ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Hindi sa akin galing ang sinasabi ko sa inyo. Ngunit ang Ama na nananatili sa akin ang siyang gumaganap ng kanyang gawain. 11 Maniwala kayo sa akin; ako'y nasa Ama at ang Ama ay nasa akin. Kung ayaw ninyong maniwala sa sinasabi ko, maniwala kayo dahil sa mga ginagawa ko. 12 Pakatandaan ninyo: ang nananalig sa akin ay makakagawa ng mga ginagawa ko, at higit pa kaysa rito, sapagkat babalik na ako sa Ama. 13 At anumang hilingin ninyo sa pangalan ko ay gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa pamamagitan ng Anak. 14 Kung hihiling kayo ng anuman sa pangalan ko, ito ay aking gagawin.”
Ang Pangako tungkol sa Espiritu Santo
15 “Kung(J) iniibig ninyo ako, tutuparin[d] ninyo ang aking mga utos. 16 Dadalangin ako sa Ama, upang kayo'y bigyan niya ng isa pang Patnubay na magiging kasama ninyo magpakailanman. 17 Siya ang Espiritu ng katotohanan, na hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat siya ay hindi nakikita ni nakikilala ng sanlibutan. Ngunit nakikilala ninyo siya, sapagkat siya'y nasa inyo at siya'y mananatili[e] sa inyo.
18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.
21 “Ang(K) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”
22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?”
23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.
27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas at ang aking Ama ang tagapag-alaga. 2 Inaalis niya ang bawat sangang hindi nagbubunga, at kanya namang pinuputulan at nililinis ang bawat sangang nagbubunga upang magbunga pa nang lalong sagana. 3 Nalinis na kayo sa pamamagitan ng salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at mananatili din ako sa inyo. Hindi magbubunga ang sangang hindi nananatili sa puno. Gayundin naman, hindi kayo magbubunga kung hindi kayo mananatili sa akin.
5 “Ako ang puno ng ubas at kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang nagbubunga nang sagana, sapagkat wala kayong magagawa kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang hindi nananatili sa akin, gaya ng sanga ay itinatapon at natutuyo. Ang ganoong mga sanga ay tinitipon, inihahagis sa apoy at nasusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin at nananatili sa inyo ang aking mga salita, hingin ninyo ang anumang nais ninyo at matutupad iyon para sa inyo. 8 Napaparangalan ang aking Ama kung kayo'y masaganang nagbubunga at sa gayon kayo'y magiging mga alagad ko. 9 Kung paanong inibig ako ng Ama, gayundin naman, iniibig ko kayo; manatili kayo sa aking pag-ibig. 10 Kung tinutupad ninyo ang aking mga utos, mananatili kayo sa aking pag-ibig, kung paanong tinupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig.
11 “Sinabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang mapasainyo ang kagalakan ko at nang sa gayon ay malubos ang inyong kagalakan. 12 Ito(L) ang aking utos: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Ang pinakadakilang pag-ibig na maaaring taglayin ng sinuman para sa kanyang mga kaibigan ay ang ialay ang kanyang buhay para sa kanila. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung tinutupad ninyo ang aking mga utos. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip, itinuring ko kayong mga kaibigan, sapagkat sinabi ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin, ako ang pumili sa inyo. Hinirang ko kayo upang kayo'y humayo at magbunga at manatili ang inyong bunga. Sa gayon, ang anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan, ay ibibigay sa inyo. 17 Ito nga ang utos ko sa inyo: magmahalan kayo.”
Ang Pagkapoot ng Sanlibutan
18 “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin(M) ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin. 21 Subalit ang lahat ng ito'y gagawin nila sa inyo dahil sa akin, sapagkat hindi nila kilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako naparito at nagsalita sa kanila, hindi sana mapapatunayang nagkasala sila. Ngunit ngayo'y wala na silang maidadahilan sa kanilang kasalanan. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa aking Ama. 24 Kung hindi ko sana ginawa sa kanilang kalagitnaan ang mga gawaing hindi pa nagawa ninuman, wala sana silang kasalanan. Ngunit nakita na nila ang aking mga gawa subalit sa kabila nito'y kinapootan pa rin nila ako at ang aking Ama. 25 Subalit(N) nangyari ito upang matupad ang sinasabi sa kanilang Kautusan, ‘Napoot sila sa akin nang walang dahilan.’
26 “Ngunit pagdating ng Patnubay na susuguin ko mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat kasama na ninyo ako buhat pa sa simula.
Footnotes
- Juan 13:10 maliban sa kanyang mga paa: Sa ibang manuskrito'y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Juan 13:32 At kapag…Anak ng Tao: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
- Juan 14:7 Kung ako’y kilala ninyo: Sa ibang manuskrito'y Kung talagang ako'y kilala na ninyo .
- Juan 14:15 tutuparin: Sa ibang manuskrito'y tuparin .
- Juan 14:17 siya'y mananatili: Sa ibang manuskrito'y patuloy na nananatili .
Juan 13-15
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Paghuhugas ni Jesus sa mga Paa ng mga Alagad
13 Bago sumapit ang pista ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras upang iwan na ang mundong ito at magpunta sa Ama. Dahil mahal niya ang kanyang mga tagasunod na nasa sanlibutan, minahal niya sila hanggang sa katapusan. 2 Bago pa man ang hapunan, naipasok na ng diyablo sa puso ni Judas, anak ni Simon Iscariote, na ipagkanulo si Jesus. 3 Alam ni Jesus na ibinigay na sa Kanya ng Ama ang lahat ng bagay at siya ay nagmula sa Diyos at papunta sa Diyos. 4 Tumayo siya pagkahapunan at naghubad ng kanyang panlabas na damit, at nagbigkis ng tuwalya. 5 Pagkatapos ay naglagay siya ng tubig sa palanggana at sinimulan niyang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ang mga ito gamit ang tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6 Pagdating niya kay Simon Pedro ay nagsabi ito sa kanya, “Panginoon, kayo ba ang maghuhugas ng mga paa ko?” 7 Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ngayon kung ano ang ginagawa ko, subalit pagkatapos ng mga ito'y maiintindihan mo rin.” 8 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi ninyo huhugasan kailanman ang aking mga paa.” Sumagot si Jesus, “Kung hindi kita huhugasan, wala kang bahagi sa akin.” 9 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, huwag po ang mga paa ko lamang, pati na rin ang aking mga kamay at aking ulo!” 10 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang nakapaligo na ay hindi na kailangan pang hugasan maliban sa kanyang mga paa, sapagkat malinis na siya. Kayo'y malinis na, bagama't hindi lahat.” 11 Sinabi niya, “Hindi lahat sa inyo ay malinis.” Sapagkat kilala niya kung sino ang magkakanulo sa kanya. 12 (A)Matapos niyang hugasan ang kanilang mga paa, nagsuot siya ng kanyang damit at muling naupo. Pagkatapos ay sinabi niya sa kanila, “Naiintindihan ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? 13 Tinatawag ninyo akong Guro at Panginoon, at tama kayo, dahil gayon nga ako. 14 Kaya nga, kung akong inyong Panginoon at Guro ay naghugas ng inyong mga paa, dapat din ninyong hugasan ang mga paa ng isa't isa. 15 Nagbigay ako sa inyo ng halimbawa upang gawin din ninyo ang tulad ng ginawa ko sa inyo. 16 (B)Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, ang mga alipin ay hindi higit kaysa kanilang panginoon, at ang sinugo kaysa sa nagsugo sa kanya. 17 Kung alam ninyo ang mga bagay na ito, pinagpala kayo kung ginagawa ninyo ang mga ito. 18 (C)Hindi tungkol sa inyong lahat ang sinasabi ko; kilala ko kung sino ang mga pinili ko. Subalit ito ay upang matupad ang nasusulat, ‘Ang kumain ng aking tinapay ay naghandang sumipa[a] sa akin.’ 19 Sinasabi ko ito sa inyo ngayon bago pa ito mangyari, upang kapag ito'y nangyari na, sumampalataya kayo na ako'y Ako Nga. 20 (D)Tinitiyak ko sa inyo, ang tumatanggap sa isinugo ko ay tumatanggap sa akin; at sinumang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.”
Ang Pahiwatig ni Jesus tungkol sa Pagtataksil sa Kanya(E)
21 Matapos niyang sabihin ito, nabagabag ang kalooban ni Jesus at siya'y nagsabi, “Tandaan ninyo itong sinasabi ko, isa sa inyo ang magkakanulo sa akin.” 22 Nagtinginan ang mga alagad at nalito kung sino ang tinutukoy niya. 23 Isa sa mga alagad—ang minamahal ni Jesus—ay nakaupo sa tabi niya; 24 kaya sumenyas sa kanya si Simon Pedro na alamin kung sino ang tinutukoy ni Jesus. 25 Kaya habang nakahilig kay Jesus ang alagad ay nagtanong ito, “Panginoon, sino po ba siya?” 26 Sumagot si Jesus, “Siya iyong bibigyan ko ng tinapay pagkatapos kong isawsaw ito.” Kaya nang maisawsaw na niya ang tinapay, ibinigay niya ito kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27 At pagkatanggap ni Judas ng tinapay, pumasok si Satanas sa kanya. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Anumang gagawin mo, gawin mo na agad.” 28 Wala ni isa mang nasa hapag-kainan ang may alam kung bakit niya ito sinabi kay Judas. 29 Dahil siya ang nag-iingat ng supot ng salapi, inakala ng ilan na pinabibili siya ni Jesus ng kailangan nila sa pista, o kaya naman ay pinapaglimos sa mga dukha. 30 Kaya, pagkatanggap niya ng tinapay, agad siyang lumabas. Gabi na noon.
Ang Bagong Kautusan
31 Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus, “Ngayon, ang Anak ng Tao ay naluwalhati na, at ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya. 32 Kung ang Diyos ay naluwalhati sa pamamagitan niya, luluwalhatiin din siya ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang sarili at luluwalhatiin siya agad. 33 (F)Mga anak, sandali na lamang ninyo akong makakapiling. Hahanapin ninyo ako, at ang sinabi ko noon sa mga pinuno ng mga Judio ay sinasabi ko na sa inyo ngayon, ‘Hindi kayo makararating sa pupuntahan ko.’ 34 (G)Isang bagong utos ang ibinibigay ko: ibigin ninyo ang isa't isa. Tulad ng pag-ibig ko sa inyo, dapat din kayong umibig sa isa't isa. 35 Malalaman ng lahat na kayo'y aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa't isa.” 36 Sinabi ni Simon Pedro sa kanya, “Panginoon, saan kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Kung saan ako pupunta, hindi ka makasusunod sa ngayon; subalit makasusunod ka pagkatapos.” 37 Sinabi ni Pedro sa kanya, “Panginoon, bakit hindi ako makasusunod sa inyo ngayon? Ibibigay ko ang buhay ko para sa iyo.” 38 Sumagot si Jesus, “Ibibigay mo nga ba ang buhay mo para sa akin? Tinitiyak ko sa iyo, titilaok lamang ang tandang pagkatapos mo akong ipagkaila ng tatlong beses.
Ang Daan, ang Katotohanan, at ang Buhay
14 “Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban. Sumampalataya kayo sa Diyos, sumampalataya rin kayo sa akin. 2 Sa bahay ng aking Ama ay maraming tahanan. Kung hindi ito totoo, bakit ko pa sasabihin sa inyo na aalis ako upang ipaghanda kayo ng lugar? 3 At kung aalis ako at ipaghahanda kayo ng lugar para sa inyo, babalik ako at isasama ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako, naroon din kayo. 4 At nalalaman ninyo ang daan tungo sa pupuntahan ko.” 5 Sinabi ni Tomas, “Panginoon, hindi namin alam kung saan kayo pupunta. Paano po namin malalaman ang daan?” 6 (H)Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makararating sa Ama kundi sa pamamagitan ko. 7 Kung kilala ninyo ako, makikilala rin ninyo ang Ama ko. Mula ngayon, siya'y kilala na ninyo at siya'y nakita na ninyo.” 8 Sinabi ni Felipe, “Panginoon, ipakita ninyo sa amin ang Ama, at sapat na iyon sa amin.” 9 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Matagal na tayong magkasama Felipe, at hindi mo pa rin ako kilala? Ang nakakita sa akin ay nakakita sa Ama. Bakit mo sinasabing, ‘Ipakita mo sa amin ang Ama’? 10 Hindi ba kayo naniniwalang ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin? Ang mga salitang sinasabi ko sa inyo ay hindi galing sa akin; ang Amang nananahan sa akin ang gumagawa ng kanyang mga gawain. 11 Maniwala kayo sa akin na ako ay nasa Ama at ang Ama ay nasa akin; ngunit kung hindi, maniwala kayo dahil sa mga gawang ito. 12 Tinitiyak ko sa inyo, ang sumasampalataya sa akin ay makagagawa rin ng mga bagay na ginagawa ko, at higit pa sa mga ito ang magagawa niya sapagkat ako'y pupunta sa Ama. 13 Gagawin ko anumang hilingin ninyo sa aking pangalan, upang ang Ama ay maluwalhati sa pamamagitan ng Anak. 14 Anuman ang hilingin ninyo sa aking pangalan, ako ang gagawa nito.
15 (I)“Kung minamahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos. 16 At hihiling ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Kaagapay na makakasama ninyo magpakailanman. 17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala. Kilala ninyo siya, dahil nananatili siya sa inyo, at siya ay sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (J)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.” 22 Si Judas, hindi si Iscariote, ay nagsabi sa kanya, “Panginoon, bakit po ninyo ihahayag ang inyong sarili sa amin, at hindi sa sanlibutan?” 23 Sumagot si Jesus sa kanya, “Sinumang nagmamahal sa akin ay tutupad sa aking salita, at mamahalin siya ng aking Ama. Darating kami sa kanya at maninirahan kaming kasama niya. 24 Ang hindi nagmamahal sa akin ay hindi tumutupad sa aking mga salita, at ang salitang naririnig ninyo ay hindi sa akin, kundi mula sa Ama na nagsugo sa akin.
25 “Sinabi ko ang mga ito sa inyo habang kasama pa ninyo ako. 26 Subalit ang Kaagapay, ang Banal na Espiritu na isusugo ng Ama sa pangalan ko ay magtuturo sa inyo ng lahat, at magpapaalala sa inyo ng lahat ng sinabi ko sa inyo. 27 Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Kapayapaan ko ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi tulad ng ibinibigay ng sanlibutan ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag ninyong hayaang mabagabag ang inyong kalooban o kaya'y matakot. 28 Narinig ninyo na sinabi ko sa inyo, ‘Aalis ako, at darating ako sa inyo.’ Kung minamahal ninyo ako, magagalak kayo na pupunta ako sa Ama, sapagkat ang Ama ay higit na dakila kaysa akin. 29 At ngayon, sinabi ko na ito sa inyo, bago pa ito mangyari, upang kapag nangyari na ito, ay maniwala kayo. 30 Kaunti na lang ang masasabi ko sa inyo, dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutan. Ngunit wala siyang karapatan sa akin. 31 Ngunit upang malaman ng sanlibutan na minamahal ko ang Ama, ginagawa ko kung ano ang iniutos niya sa akin. Tumayo na kayo. Umalis na tayo.
Ang Tunay na Puno ng Ubas
15 “Ako ang tunay na puno ng ubas, at ang aking Ama ang tagapag-alaga nito. 2 Tinatanggal niya sa akin ang bawat sangang hindi namumunga. Bawat sangang namumunga ay nililinis niya upang lalo pa itong mamunga. 3 Malilinis na kayo dahil sa salitang sinabi ko sa inyo. 4 Manatili kayo sa akin at ako'y mananatili sa inyo. Hindi makapamumungang mag-isa ang sanga malibang manatili ito sa puno, gayundin naman, hindi kayo makapamumunga malibang manatili kayo sa akin. 5 Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin at ako rin sa kanya ay namumunga nang sagana, sapagkat hindi kayo makagagawa ng anuman kung kayo'y hiwalay sa akin. 6 Ang sinumang hindi nananatili sa akin ay itinatapon tulad ng sanga. Ito'y natutuyo, at ang gayong mga sanga ay tinitipon at inihahagis sa apoy, at sinusunog. 7 Kung nananatili kayo sa akin, at ang mga salita ko'y nananatili sa inyo, hilingin ninyo anumang ibig ninyo, at ito'y ipagkakaloob sa inyo. 8 Kayo'y mamunga nang sagana at maging mga alagad ko, sa ganitong paraan ay napaparangalan ang aking Ama. 9 Kung paanong minahal ako ng Ama, minamahal ko rin kayo; manatili kayo sa aking pagmamahal. 10 Kung tutuparin ninyo ang mga utos ko, mananatili kayo sa pag-ibig ko, kung paanong tinutupad ko ang mga utos ng aking Ama at ako'y nananatili sa kanyang pag-ibig. 11 Sinabi ko ang mga ito sa inyo upang mapasainyo ang aking kagalakan, at ang kagalakan ninyo ay maging lubos. 12 (K)Ito ang aking utos: kayo’y magmahalan gaya ng pagmamahal ko sa inyo. 13 Walang hihigit pa sa pag-ibig ng taong nag-aalay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan. 14 Kayo'y mga kaibigan ko kung sumusunod kayo sa ipinag-uutos ko sa inyo. 15 Hindi ko na kayo itinuturing na mga alipin, sapagkat hindi alam ng alipin ang ginagawa ng kanyang panginoon. Sa halip itinuturing ko kayong mga kaibigan, sapagkat lahat ng narinig ko sa aking Ama ay ipinaalam ko na sa inyo. 16 Hindi kayo ang pumili sa akin sa halip ako ang pumili sa inyo. Isinugo ko kayo upang humayo at mamunga ng mga bungang nananatili sa inyo. Sa gayon, anumang hilingin ninyo sa Ama sa pangalan ko ay ipagkakaloob sa inyo. 17 Ito ang ipinag-uutos ko sa inyo: mahalin ninyo ang isa't isa. 18 Kung kinapopootan kayo ng sanlibutan, dapat ninyong malaman na ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo ay kabilang sa sanlibutan, mamahalin kayo ng sanlibutan bilang kabahagi nito. Dahil hindi kayo kabilang sa sanlibutan, sa halip ay pinili ko kayo mula sa sanlibutan, kaya kinapopootan kayo nito. 20 (L)Tandaan ninyo ang salitang sinabi ko sa inyo: ‘Walang aliping mas dakila kaysa kanyang panginoon.’ Kung ako ay pinahirapan nila, pahihirapan din nila kayo. Kung sinunod nila ang salita ko, susunod din sila sa salita ninyo. 21 Subalit gagawin nila ang lahat ng ito sa inyo dahil sa taglay ninyo ang pangalan ko, at hindi nila nakikilala ang nagsugo sa akin. 22 Kung hindi ako dumating at nagsalita sa kanila, hindi mahahayag na sila'y nagkasala, ngunit ngayon, wala na silang maidadahilan para sa kanilang pagkakasala. 23 Ang napopoot sa akin ay napopoot din sa Ama. 24 Kung hindi ko ginawa sa harap nila ang mga gawang wala pang sinumang nakagawa, hindi mahahayag na sila'y nagkasala. Ngunit ngayo'y nakita na nila ang mga gawa ko, gayunma'y kinapopootan nila ako at ang aking Ama. 25 (M)Ito ay katuparan ng salita na nakasulat sa kanilang kautusan, ‘Kinapootan nila ako nang walang dahilan.’ 26 Pagdating ng Kaagapay na aking isusugo mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na darating mula sa Ama, siya ang magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At maging kayo ay magpapatotoo sapagkat kayo ay kasama ko mula pa sa simula.
Footnotes
- Juan 13:18 Sa Griyego: nagtaas ng kanyang sakong.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.