Job 21
Magandang Balita Biblia
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Ang sagot ni Job,
2 “Pakinggan ninyong mabuti itong aking sasabihin;
ituturing ko nang ito'y pag-aliw sa akin.
3 Ako muna'y inyong pagsalitain,
at pagkatapos nito, saka na ninyo laitin.
4 “Di laban sa tao itong aking hinanakit,
may sapat akong dahilan, kung bakit hindi makatiis.
5 Tingnan ninyo ang hitsura ko, hindi pa ba ito sapat
upang tumahimik na kayo at walang salitang mabigkas?
6 Tuwing iisipin ko itong sinapit ko,
ako'y nanginginig at nanlulumo.
7 Bakit kaya ang masama'y hinahayaan pang mabuhay,
tumatanda pa at nagtatagumpay?
8 Mayroon silang mga anak at mga apo,
naabutan pa nila ang paglaki ng mga ito.
9 Hindi pinipinsala ang kanilang mga tahanan;
parusa ng Diyos ay di nila nararanasan.
10 Ang pagdami ng kanilang mga hayop ay mabilis,
ang inahin nilang baka'y nasa ayos kung magbuntis.
11 Ang kanilang mga anak ay naghahabulan, parang tupang naglalaro at mayroon pang sayawan.
12 Umaawit sa saliw ng tamburin at lira, umiindak, nagsasayaw sa tunog ng mga plauta.
13 Ang buong buhay nila'y puspos ng kasaganaan;
at mapayapa ang kanilang pagharap sa kamatayan.
14 “Sinasabi nila sa Diyos, ‘Huwag mo kaming pakialaman.
Ayaw naming alamin ang iyong kalooban!
15 Sino ba ang Makapangyarihang Diyos upang sambahin namin?
At ano bang mapapala kung sa kanya'y mananalangin?’
16 Ang akala nila, sa sariling lakas galing ang tagumpay,
ngunit di ako sang-ayon sa kanilang palagay.
17 “Ilawan ba ng masama'y pinatay nang minsan?
Sila ba ay dumanas ng matinding kahirapan,
at ang parusa ng Diyos, sa kanila ba'y ipinataw?
18 Itinulad ba sa dayaming nililipad nitong hangin
o ipang walang laman, tinatangay sa papawirin?
19 “Sinasabi ninyong ang anak ay pinaparusahan dahil sa sala ng kanyang magulang.
Parusahan sana ng Diyos ang mismong may kasalanan!
20 Sa gayo'y mararanasan nila ang kahirapang sasapitin;
sa parusa ng Makapangyarihang Diyos, sila ang pagdanasin.
21 Kapag ang isang tao'y binawian ng buhay,
ano pang pakialam niya sa pamilyang naiwan?
22 Sinong makakapagturo ng dapat gawin ng Diyos,
na siyang humahatol sa buong sansinukob?
23 “May taong namamatay sa gitna ng kasaganaan,
panatag ang katayuan, maginhawa ang kabuhayan.
24 Katawan niya ay malusog,
at malalakas ang tuhod.
25 Mayroon namang namamatay sa kahirapan,
ni hindi nakalasap kahit kaunting kaligayahan.
26 Ngunit pareho silang sa alabok nahihimlay,
at kapwa inuuod ang kanilang katawan.
27 “Alam ko kung ano ang binabalak ninyong gawin
at ang masamang iniisip ninyo laban sa akin.
28 Tiyak na itatanong ninyo kung nasaan ang tahanan
ng taong namuhay sa kasamaan.
29 “Hindi ba ninyo naitatanong sa mga manlalakbay,
mga ulat nila'y hindi ba ninyo pinaniniwalaan?
30 Sa panahon ng kahirapan at kasawiang-palad,
di ba't ang masama ay laging naliligtas?
31 Sa kanyang kasamaa'y walang nagpapamukha,
walang naniningil sa masama niyang gawa.
32 Kapag siya ay namatay at inihatid na sa hukay,
maraming nagbabantay sa kanyang libingan.
33 Napakaraming sa kanya'y maghahatid sa libing,
pati lupang hihigan niya, sa kanya ay malambing.
34 Ngunit pang-aaliw ninyo'y walang kabuluhan,
pagkat lahat ng sagot ninyo'y pawang kasinungalingan!”
Job 21
Ang Biblia, 2001
Pinatunayan ni Job na Masagana ang Buhay ng Masama
21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at sinabi,
2 “Pakinggan ninyong mabuti ang mga salita ko,
at ito'y maging kaaliwan ninyo.
3 Pagtiisan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
at pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay saka kayo manuya.
4 Sa ganang akin, ang sumbong ko ba ay laban sa tao?
Bakit hindi ako dapat mainip?
5 Tingnan ninyo ako, at manghilakbot kayo,
at ilagay ninyo ang inyong kamay sa bibig ninyo.
6 Kapag ito'y aking naaalala ay nanlulumo ako,
at nanginginig ang laman ko.
7 Bakit nabubuhay ang masama,
tumatanda, at nagiging malakas sa kapangyarihan?
8 Ang kanilang mga anak ay matatag sa kanilang paningin,
at nasa harapan ng kanilang mga mata ang kanilang supling.
9 Ligtas sa takot ang mga bahay nila,
ang pamalo ng Diyos ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi nang walang humpay,
ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kanyang guya.
11 Kanilang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
at ang kanilang mga anak ay nagsasayawan.
12 Sila'y nag-aawitan sa saliw ng tamburin at lira,
at nagkakatuwaan sa tunog ng plauta.
13 Ang kanilang mga araw sa kaginhawahan ay ginugugol,
at sila'y payapang bumababa sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Diyos, ‘Lumayo ka sa amin!
Hindi namin ninanasa na ang inyong mga lakad ay aming alamin.
15 Ano ang Makapangyarihan sa lahat, upang siya'y paglingkuran namin?
At anong pakinabang ang makukuha namin, kung kami sa kanya ay manalangin?’
16 Narito, hindi ba ang kanilang kaginhawahan ay nasa kanilang kamay?
Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 “Gaano kadalas pinapatay ang ilaw ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating sa kanila?
Na ipinamamahagi ng Diyos ang sakit sa kanyang galit?
18 Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
at gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, ‘Iniipon ng Diyos ang kanilang kasamaan para sa kanyang mga anak.’
Iganti nawa niya sa kanilang sarili, upang ito'y malaman nila.
20 Makita nawa ng kanilang mga mata ang kanilang pagkagiba,
at painumin nawa sila ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagkat anong pinapahalagahan nila para sa kanilang bahay pagkamatay nila,
kapag ang bilang ng kanilang mga buwan ay natapos na?
22 May makakapagturo ba sa Diyos ng kaalaman?
Gayong ang nasa itaas ay kanyang hinahatulan?
23 Ang isa'y namamatay sa kanyang lubos na kasaganaan,
ganap na matatag at may katiwasayan.
24 Ang kanyang katawan ay punô ng taba,
at ang utak ng kanyang mga buto ay basa.
25 At ang isa pa'y namatay sa paghihirap ng kaluluwa,
at kailanman ay hindi nakatikim ng mabuti.
26 Sila'y nakahigang magkasama sa alabok,
at tinatakpan sila ng uod.
27 “Tingnan mo, aking nalalaman ang inyong haka,
at ang inyong mga balak na gawan ako ng masama.
28 Sapagkat inyong sinasabi, ‘Saan naroon ang bahay ng pinuno?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?’
29 Sa mga naglalakbay sa lansangan ay di ba itinanong ninyo?
At hindi ba ninyo tinatanggap ang kanilang mga patotoo?
30 Na ang masamang tao ay kaaawaan sa araw ng kapahamakan?
Na siya'y ililigtas sa araw ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kanyang lakad sa kanyang mukha?
At sinong maniningil sa kanya sa kanyang ginawa?
32 Kapag siya'y dinala sa libingan,
ay binabantayan ang kanyang himlayan.
33 Ang mga kimpal ng lupa ng libis ay mabuti sa kanya;
lahat ng tao ay susunod sa kanya,
at hindi mabilang ang mga nauna sa kanya.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan?
Walang naiiwan sa inyong mga sagot kundi kabulaanan.”
Job 21
Ang Biblia (1978)
Si Job ay tumutol sa kaginhawahan ng makasalanan; itinanggi ang pagtanggap ng parusa ng mga makasalanan.
21 Nang magkagayo'y sumagot si Job, at nagsabi,
2 Pakinggan ninyong mainam ang aking pananalita;
At ito'y maging inyong mga kaaliwan.
3 Pagdalitaan ninyo ako, at ako nama'y magsasalita,
(A)At pagkatapos na ako'y makapagsalita, ay manuya kayo.
4 Tungkol sa akin, ay sa tao ba ang aking daing?
At bakit hindi ako maiinip?
5 Tandaan ninyo ako, at matigilan kayo.
At (B)ilagay ninyo ang inyong kamay sa inyong bibig,
6 Pagka aking naaalaala nga ay nababagabag ako,
At kikilabutan ang humahawak sa aking laman.
7 (C)Bakit nabubuhay ang masama,
Nagiging matanda, oo, nagiging malakas ba sa kapangyarihan?
8 Ang kanilang binhi ay natatatag nakasama nila sa kanilang paningin,
At ang kanilang mga suwi ay nasa harap ng kanilang mga mata.
9 Ang kanilang mga bahay ay tiwasay na walang takot,
Kahit ang pamalo man ng Dios ay wala sa kanila.
10 Ang kanilang baka ay naglilihi, at hindi nababaog;
Ang kanilang baka ay nanganganak, at hindi napapahamak ang kaniyang guya.
11 Kaniyang inilabas ang kanilang mga bata na gaya ng kawan,
At ang kanilang mga anak ay nangagsasayawan,
12 Sila'y nangagaawitan na katugma ng pandereta at alpa,
At nangagkakatuwa sa tunog ng (D)plauta.
13 Kanilang ginugugol ang kanilang mga kaarawan sa kaginhawahan,
At sa isang sandali ay nagsisilusong sila sa Sheol.
14 At sinasabi nila sa Dios: Lumayo ka sa amin;
Sapagka't hindi namin ninanasa ang pagkaalam ng inyong mga lakad.
15 (E)Ano ang Makapangyarihan sa lahat na siya'y paglilingkuran namin?
At anong pakinabang magkakaroon kami, kung kami ay magsidalangin sa kaniya?
16 Narito, ang kanilang kaginhawahan ay wala sa kanilang kamay:
(F)Ang payo ng masama ay malayo sa akin.
17 (G)Gaano kadalas pinapatay ang ilawan ng masama?
Na ang kanilang kapahamakan ay dumarating ba sa kanila?
Na nagbabahagi ba ang Dios ng mga kapanglawan sa kaniyang galit?
18 (H)Na sila'y gaya ng dayami sa harap ng hangin,
At gaya ng ipa na tinatangay ng bagyo?
19 Inyong sinasabi, (I)Inilalapat ng Dios ang kaniyang parusa sa kaniyang mga anak.
Gantihin sa kaniyang sarili upang maalaman niya.
20 Makita ng kaniyang mga mata ang kaniyang pagkagiba,
At (J)uminom siya ng poot ng Makapangyarihan sa lahat.
21 Sapagka't anong kasayahan magkakaroon siya sa kaniyang bahay pagkamatay niya,
Pagka ang bilang ng kaniyang mga buwan ay nahiwalay sa gitna?
22 (K)May makapagtuturo ba ng kaalaman sa Dios?
Dangang kaniyang hinahatulan yaong nangasa mataas.
23 Isa'y namamatay sa kaniyang lubos na kalakasan,
Palibhasa't walang bahala at tahimik:
24 Ang kaniyang mga suso ay puno ng gatas,
At ang utak ng kaniyang mga buto ay halumigmig.
25 At ang iba'y namamatay sa paghihirap ng kaluluwa,
At kailan man ay hindi nakakalasa ng mabuti.
26 Sila'y (L)nahihigang magkakasama sa alabok,
At tinatakpan sila ng uod.
27 Narito, aking nalalaman ang inyong pagiisip,
At ang mga maling haka ng inyong inaakala laban sa akin.
28 Sapagka't inyong sinasabi, (M)Saan naroon ang bahay ng prinsipe?
At saan naroon ang tolda na tinatahanan ng masama?
29 Hindi ba ninyo itinanong sa kanilang nangagdadaan?
At hindi ba ninyo nalalaman ang kanilang mga pinagkakakilanlan?
30 (N)Na ang masamang tao ay natataan sa kaarawan ng kasakunaan?
Na sila'y pinapatnubayan sa kaarawan ng kapootan?
31 Sinong magpapahayag ng kaniyang lakad sa kaniyang mukha?
At sinong magbabayad sa kaniya ng kaniyang ginawa?
32 Gayon ma'y dadalhin siya sa libingan,
At magbabantay ang mga tao sa libingan.
33 Ang mga bugal ng libis ay mamabutihin niya,
At lahat ng tao ay magsisisunod sa kaniya,
Gaya ng nauna sa kaniya na walang bilang.
34 Paano ngang inyong aaliwin ako ng walang kabuluhan,
Dangang sa inyong mga sagot ang naiiwan lamang ay kabulaanan?
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
