Jeremias 52
Ang Biblia (1978)
Si Sedechias ay naghari at nanghimagsik.
52 Si (A)Sedechias ay dalawang pu't isang taon nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing labing isang taon sa Jerusalem: at ang pangalan ng kaniyang ina ay Hamutal, na anak ni Jeremias na taga Libna.
2 At siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat na ginawa ni Joacim.
3 Sapagka't dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari yaon sa Jerusalem at sa Juda, hanggang sa kaniyang napalayas sila sa kaniyang harapan. At si Sedechias ay nanghimagsik laban sa hari sa Babilonia.
4 (B)At nangyari, nang ikasiyam na taon ng kaniyang paghahari, nang ikasangpung buwan, nang ikasangpung araw ng buwan, na si Nabucodonosor na hari sa Babilonia ay dumating, siya at ang kaniyang buong hukbo, laban sa Jerusalem, at humantong laban doon; at sila'y nangagtayo ng mga katibayan laban doon sa palibot.
5 Sa gayo'y nakubkob ang bayan hanggang sa ikalabing isang taon ng haring Sedechias.
6 Nang ikaapat na buwan nang ikasiyam na araw ng buwan, ang kagutom ay mahigpit sa bayan na anopa't walang tinapay para sa bayan ng lupain.
7 Nang magkagayo'y nagkasira sa kuta ng bayan, at (C)lahat ng lalaking mangdidigma ay nagsitakas, at nagsilabas sa bayan nang kinagabihan, sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang kuta, na nasa tabi ng halamanan ng hari (ang mga Caldeo nga ay naging laban sa bayan sa palibot); at sila'y nagsiyaon sa daan ng Araba.
8 Nguni't hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at inabot si Sedechias sa mga kapatagan ng Jerico; at ang buo niyang hukbo ay nangalat na napahiwalay sa kaniya.
9 Nang magkagayo'y kanilang hinuli ang hari, at dinala nila siya sa hari sa Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamath; at siya'y nilapatan niya ng kahatulan.
10 At pinatay ng hari sa Babilonia ang mga anak ni Sedechias sa harap ng kaniyang mga mata: kaniyang pinatay rin ang lahat na prinsipe ng Juda sa Ribla.
11 At kaniyang binulag ang mga mata ni Sedechias; at ginapos siya ng tanikalang tanso ng hari sa Babilonia, at dinala siya sa Babilonia, at inilagay siya sa bilangguan hanggang sa araw ng kaniyang pagkamatay.
Ang Jerusalem ay nakuha at sinunog.
12 Nang ikalimang buwan nga sa ikasangpung araw ng buwan, na siyang ikalabing siyam na taon ng haring Nabucodonosor, na hari sa Babilonia, dumating sa loob ng Jerusalem si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, na tumayo sa harap ng hari sa Babilonia.
13 At kaniyang sinunog ang bahay ng Panginoon, at ang bahay ng hari; at lahat ng mga bahay sa Jerusalem, sa makatuwid baga'y bawa't malaking bahay, sinunog niya ng apoy.
14 At ang buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng kapitan ng bantay, nagbagsak ng lahat ng kuta sa Jerusalem sa palibot.
15 Nang magkagayo'y dinalang bihag ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay ang mga dukha sa bayan, at ang nalabi sa mga tao na naiwan sa bayan, at yaong mga takas, (D)na nagsitakas sa hari sa Babilonia, at ang nalabi sa karamihan.
16 Nguni't nagiwan si Nabuzaradan na kapitan ng bantay, sa mga dukha sa lupain upang maging mga manguubasan at mga mangbubukid.
Ang pagpapalipat ng kayamanan ng templo at ng mga bihag.
17 At (E)ang mga haliging tanso na nangasa bahay ng Panginoon, ang mga tungtungan, at ang dagatdagatan na tanso na nasa bahay ng Panginoon, pinagputolputol ng mga Caldeo, at dinala ang lahat na tanso ng mga yaon sa Babilonia.
18 Ang mga palayok naman, at ang mga pala, at ang mga gunting, at ang mga mankok, at ang mga kuchara, at lahat na sisidlan na tanso, na kanilang ipinangangasiwa, dinala nila.
19 At ang mga saro, at ang mga apuyan, at ang mga mankok, at ang mga palayok, at ang mga kandelero, at ang mga kuchara, at ang mga tasa—ang ginto sa ginto, at ang pilak sa pilak—dinala ng kapitan ng bantay.
20 Ang dalawang haligi, ang dagatdagatan, at ang labing dalawang torong tanso na nangasa ilalim ng mga tungtungan, na ginawa ng haring Salomon na ukol sa bahay ng Panginoon—ang tanso ng lahat ng sisidlang ito ay walang timbang.
21 At tungkol sa mga haligi, ang (F)taas ng isang haligi ay labing walong siko; at isang pisi na labing dalawang siko ay naililibid doon; at ang kapal niyao'y apat na daliri: may guwang.
22 At isang kapitel na tanso ay nasa ibabaw niyaon; at ang taas ng isang kapitel ay limang siko, na yaring nilambat at may mga granada sa kapitel sa palibot, taganas na tanso: at ang ikalawang haligi naman ay mayroong gaya ng mga ito, at mga granada.
23 At mayroong siyam na pu't anim na granada sa mga tagiliran; lahat na granada ay (G)isang daan na yaring nilambat sa palibot.
24 At kinuha ng kapitan ng bantay si Seraias na (H)pangulong saserdote, at si Sophonias na ikalawang saserdote, at ang (I)tatlong tagatanod-pinto:
25 At sa bayan ay kinuha niya ang isang oficial na inilagay niya sa mga lalaking mangdidigma; at (J)pitong lalake sa kanila na nangakakita ng mukha ng hari, na nasumpungan sa bayan; at ang kalihim ng kapitan ng hukbo, na pumipisan ng bayan ng lupain, at anim na pung katao sa bayan ng lupain, na nangasumpungan sa gitna ng bayan.
26 At dinala sila ni Nabuzaradan na kapitan ng bantay, at dinala sila sa hari sa Babilonia sa Ribla.
27 At sinaktan sila ng hari sa Babilonia, at ipinapatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamath. Gayon nadalang bihag ang Juda, mula sa kaniyang lupain.
28 Ito ang bayan na dinalang bihag ni Nabucodonosor (K)nang ikapitong taon, tatlong libo at dalawang pu't tatlong Judio:
29 (L)Nang ikalabingwalong taon ni Nabucodonosor ay nagdala siya ng bihag na mula sa Jerusalem na walong daan at tatlong pu't dalawang tao:
30 Nang ikadalawang pu't tatlong taon ni Nabucodonosor ay nagdala ng bihag sa mga Judio si Nabuzaradan na kapitan ng bantay na pitong daan at apat na pu't limang tao: lahat na tao ay apat na libo at anim na raan.
Si Joacim ay pinagmagandahang-loob ni Evil-merodach.
31 At nangyari, nang ikatatlong pu't pitong (M)taon ng pagkabihag kay Joacim na hari sa Juda, nang ikalabing dalawang buwan, nang ikadalawang pu't limang araw ng buwan, na si Evil-merodach na hari sa Babilonia, nang unang taon ng kaniyang paghahari, nagtaas ng ulo ni (N)Joacim na hari sa Juda, at inilabas niya siya sa bilangguan;
32 At siya'y nagsalitang may kagandahang-loob sa kaniya, at inilagay ang kaniyang luklukan na lalong mataas kay sa luklukan ng (O)mga hari na kasama niya sa Babilonia.
33 At kaniyang binago ang kaniyang mga damit na pagkabihag. At si Joacim ay laging kumain ng tinapay sa harap niya sa lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.
34 At tungkol sa kaloob sa kaniya, may palaging kaloob na ibinibigay sa kaniya ang hari sa Babilonia, bawa't araw isang bahagi ng pagkain hanggang sa kaarawan ng kaniyang kamatayan, lahat ng kaarawan ng kaniyang buhay.
Jeremias 52
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang Pagkawasak ng Jerusalem
52 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna. 2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoyakim. 3 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.
At ngayon, nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia. 4 Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader para roon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod. 5 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao. 7 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.[a] 8 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya 9 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan. 10 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda. 11 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia. 13 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali. 14 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem. 15 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia. 16 Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.
17 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso. 18 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo. 19 Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak. 20 Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon. 21 Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada. 22 Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata. 23 Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24 Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo. 25 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon. 26 Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla, 27 na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.
Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila. 28-30 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:
Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.
Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.
Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.
Pinakawalan si Jehoyakin
31 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon. 32 Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia. 33 Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari. 34 At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.
Footnotes
- 52:7 Lambak ng Jordan: sa Hebreo, Araba.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
