Add parallel Print Page Options

62 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
    at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
    at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
    at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
    na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
    at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’;[a]
    hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’;[b]
kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’,[c]
    at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’,[d]
sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo,
    at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga,
    gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki,
at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal,
    gayon magagalak ang Diyos sa iyo.

Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga pader, O Jerusalem;
    sila'y hindi tatahimik kailanman sa araw o sa gabi.
Kayong mga umaalala sa Panginoon,
    huwag kayong magpahinga,
at huwag ninyo siyang bigyan ng kapahingahan,
    hanggang sa maitatag niya
    at gawing kapurihan ang Jerusalem sa daigdig.
Ang Panginoon ay sumumpa ng kanyang kanang kamay,
    at ng bisig ng kanyang kalakasan:
“Hindi ko na muling ibibigay ang iyong trigo
    upang maging pagkain ng mga kaaway mo,
at ang mga dayuhan ay hindi iinom ng alak
    na pinagpagalan mo.
Kundi silang nag-imbak niyon ay kakain niyon,
    at magpupuri sa Panginoon,
at silang nagtipon niyon ay iinom niyon
    sa mga looban ng aking santuwaryo.”

10 Kayo'y dumaan, kayo'y dumaan sa mga pintuan,
    inyong ihanda ang lansangan para sa bayan;
inyong itayo, inyong gawin ang maluwang na lansangan,
    inyong alisin ang mga bato;
    sa ibabaw ng mga bayan ang watawat ay itaas ninyo.
11 Narito,(A) ipinahayag ng Panginoon
    hanggang sa dulo ng lupa:
Inyong sabihin sa anak na babae ng Zion,
    “Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating;
ang kanyang gantimpala ay nasa kanya,
    at ang kanyang ganti ay nasa harapan niya.”
12 At sila'y tatawaging “Ang banal na bayan,
    Ang tinubos ng Panginoon”;
at ikaw ay tatawaging “Hinanap,
    Lunsod na hindi pinabayaan.”

Footnotes

  1. Isaias 62:4 Sa Hebreo ay Azubah .
  2. Isaias 62:4 Sa Hebreo ay Shemamah .
  3. Isaias 62:4 Sa Hebreo ay Hefziba .
  4. Isaias 62:4 Sa Hebreo ay Beulah .

62 Dahil sa mahal ko ang Jerusalem, hindi ako tatahimik hanggaʼt hindi dumarating ang kanyang tagumpay at katuwiran na parang nagbubukang-liwayway; at hanggang sa mapasakanya ang kanyang kaligtasan na parang nagniningas na sulo. O Jerusalem, makikita ng mga bansa at ng kanilang mga hari ang iyong tagumpay, katuwiran, at ang iyong kapangyarihan. Bibigyan ka ng Panginoon ng bagong pangalan. Ikaw ay magiging parang koronang maganda sa kamay ng Panginoon na iyong Dios. Hindi ka na tatawaging, “Itinakwil” o “Pinabayaan”. Ikaw ay tatawaging, “Kaligayahan ng Dios” o “Ikinasal sa Dios”, dahil nalulugod sa iyo ang Dios at para bang ikaw ay ikakasal sa kanya. Siya na lumikha sa iyo[a] ay magpapakasal sa iyo na parang isang binata na ikakasal sa isang birhen. At kung papaanong ang nobyo ay nagagalak sa kanyang nobya, ang iyong Dios ay nagagalak din sa iyo. Jerusalem, naglagay ako ng mga tagapagbantay sa iyong mga pader. Hindi sila titigil araw-gabi sa pagbibigay ng babala sa mga mamamayan mo.

Kayong mga nananalangin sa Panginoon, huwag kayong titigil sa inyong pananalangin. Huwag ninyong titigilan ang Panginoon hanggang sa itayo niyang muli ang Jerusalem at gawing lugar na kapuri-puri sa buong mundo. Nangako ang Panginoon na gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Sinabi niya, “Hindi ko na ipapakain ang inyong mga trigo sa inyong mga dayuhang kaaway. Hindi na rin nila maiinom ang mga bagong katas ng ubas na inyong pinaghirapan. Kayo mismong nag-aani ng trigo ang kakain nito, at pupurihin ninyo ako. Kayo mismong namimitas ng ubas ang iinom ng katas nito roon sa aking templo.”

10 Mga taga-Jerusalem, lumabas kayo sa pintuan ng inyong lungsod, at ihanda ninyo ang daraanan ng iba pa ninyong mga kababayan. Linisin ninyo ang kanilang daraanan. Alisin ninyo ang mga bato, at magtayo kayo ng bandila na nagpapahiwatig sa mga tao na pinauuwi na ng Panginoon ang kanyang mga mamamayan. 11 Makinig kayo! Nagpadala ng mensahe ang Panginoon sa buong mundo,[b] na nagsasabi, “Sabihin ninyo sa lahat ng taga-Israel na ang kanilang Tagapagligtas ay dumating na, at may dalang gantimpala. 12 Tatawagin silang ‘Banal’[c] at ‘Iniligtas ng Panginoon.’ At ang Jerusalem naman ay tatawaging, ‘Lungsod na Pinananabikan’ at ‘Lungsod na hindi na Pinabayaan.’ ”

Footnotes

  1. 62:5 Siya na lumikha sa iyo: sa Hebreo, Ang iyong mga anak na lalaki.
  2. 62:11 buong mundo: sa literal, sa pinakadulo ng mundo.
  3. 62:12 Banal: o, ibinukod para sa Dios.

62 Dahil sa Sion ay hindi ako tatahimik, at dahil sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga, hanggang sa ang kaniyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning, at ang kaniyang kaligtasan ay parang ilawan na nagniningas.

At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran, at ng lahat na hari ang inyong kaluwalhatian; at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan, na ipangangalan ng bibig ng Panginoon.

Ikaw naman ay magiging putong ng kagandahan sa kamay ng Panginoon, at diademang hari sa kamay ng iyong Dios.

Hindi ka na tatawagin pang Pinabayaan; hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na Giba: kundi ikaw ay tatawaging Hephzi-bah, at ang iyong lupain ay Beulah: sapagka't ang Panginoon ay nalulugod sa iyo, at ang iyong lupain ay tatangkilikin.

Sapagka't kung paanong ang binata ay nakikipagtipan sa dalaga, gayon nakikipagtipan ang iyong mga anak na lalake sa iyo; at kung paanong ang kasintahang lalake ay nagagalak sa kasintahang babae, gayon magagalak ang Dios sa iyo.

Ako'y naglagay ng mga bantay sa iyong mga kuta, Oh Jerusalem; sila'y hindi magsisitahimik kailan man sa araw o sa gabi: kayong mga mapagalaala sa Panginoon, huwag kayong mangagpahinga,

At huwag ninyong bigyan siya ng kapahingahan, hanggang sa siya'y matatag, at hanggang sa kaniyang gawing kapurihan sa lupa ang Jerusalem.

Ang Panginoon ay sumumpa ng kaniyang kanang kamay, at ng bisig ng kaniyang kalakasan, Tunay na hindi na ako magbibigay ng iyong trigo na pinakapagkain sa iyong mga kaaway; at ang mga taga ibang lupa ay hindi magsisiinom ng iyong alak, na iyong pinagpagalan.

Kundi silang nangagimbak niyaon ay magsisikain niyaon, at magsisipuri sa Panginoon; at silang nangagtipon niyaon ay magsisiinom niyaon sa mga looban ng aking santuario.

10 Kayo'y magsidaan, kayo'y magsidaan sa mga pintuang-bayan; inyong ihanda ang lansangan ng bayan; inyong patagin; inyong patagin ang maluwang na lansangan; inyong pulutin ang mga bato; mangagtaas kayo ng watawat na ukol sa mga bayan.

11 Narito, ang Panginoon ay nagtanyag hanggang sa wakas ng lupa, Inyong sabihin sa anak na babae ng Sion, Narito, ang iyong kaligtasan ay dumarating; narito, ang kaniyang kagantihan ay nasa kaniya, at ang kaniyang ganti ay nasa harap niya.

12 At tatawagin nila sila Ang banal na bayan, Ang tinubos ng Panginoon: at ikaw ay tatawagin Hinanap, Bayang hindi pinabayaan.

'Isaias 62 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.