Isaias 26
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh
26 Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag na ang ating lunsod;
    si Yahweh ang magtatanggol sa atin
    at magbibigay ng tagumpay.
2 Buksan ang pintuan,
    at hayaang pumasok
    ang matuwid na bansa na laging tapat.
3 Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
    ang mga may matatag na paninindigan
    at sa iyo'y nagtitiwala.
4 Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman,
    sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
5 Ibinababâ niya ang mga nasa itaas;
    ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan;
    hanggang maging alabok ang mga pader nito.
6 Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak;
    at ginagawang tuntungan ng mahihirap.”
7 Patag ang daan ng taong matuwid,
    at ikaw, O Yahweh, ang dito'y pumatag.
8 Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
    ikaw lamang ang aming inaasahan.
9 Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
    nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
    malalaman nila kung ano ang matuwid.
10 Kahit mahabag ka sa taong masama,
    hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
    kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11 Nagbabala(A) ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
    upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.
12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
    at anumang nagawa nami'y
    dahil sa iyong kalooban.
13 O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
    ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14 Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
    sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
    at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
    Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.
16 Hinanap ka nila sa gitna ng hirap,
    nang parusahan mo'y ikaw ang tinawag.
17 Sa iyong harapan, katulad nami'y babaing manganganak,
    na napapasigaw sa tindi ng hirap.
18 Matinding hirap ang aming dinanas,
    ngunit ito'y nawalan ng kabuluhan,
wala kaming napagtagumpayang labanan,
    at wala kaming anak na magmamana ng lupain.
19 Ngunit muling mabubuhay ang mga anak mong namatay,
mga bangkay ay gigising at aawit na may galak;
kung paanong ang hamog sa lupa ay nagpapasariwa,
    ang espiritu ng Diyos ay nagbibigay-buhay.
Ang Kahatulan at Panunumbalik
20 Pumasok kayo sa inyong bahay, bayan kong hinirang,
    isara ninyo ang mga pinto,
magtago kayo hanggang humupa ang galit ni Yahweh.
21 Sapagkat darating si Yahweh mula sa kalangitan,
    upang parusahan ang mga tao sa daigdig dahil sa kanilang mga kasalanan.
Sa sandaling ito'y mahahayag ang mga lihim na pagpaslang
    at mabubunyag pati ang kanilang libingan.
Isaias 26
Ang Biblia (1978)
Awit ng pagtitiwala sa pagiingat ng Panginoon.
26 Sa araw na (A)yaon ay aawitin ang awit na ito sa lupain ng Juda: Tayo ay may matibay na bayan; (B)kaligtasan ay kaniyang ilalagay na pinakakuta at pinakakatibayan.
2 Buksan ninyo ang mga pintuang-bayan, (C)upang mapasukan ng matuwid na bansa na nagiingat ng katotohanan.
3 Iyong iingatan siya sa lubos na kapayapaan, na ang pagiisip ay sumasa iyo: sapagka't siya'y tumitiwala sa iyo.
4 Magsitiwala kayo sa Panginoon (D)magpakailan man: sapagka't nasa Panginoong Jehova ang walang hanggang bato.
5 Sapagka't ibinaba niya sila na nagsisitahan sa itaas, na mapagmataas na bayan: (E)kaniyang ibinaba, ibinaba hanggang sa lupa: kaniyang ibinagsak hanggang sa alabok.
6 Yayapakan ng paa, sa makatuwid baga'y ng mga paa ng dukha, at ng mga hakbang ng mapagkailangan.
7 Ang daan ng ganap ay katuwiran: (F)ikaw na matuwid ay nagtuturo ng landas ng ganap.
8 Oo, (G)sa daan ng iyong mga kahatulan, Oh Panginoon, nangaghintay kami sa iyo: (H)sa iyong pangalan at sa alaala sa iyo ang nasa ng aming kaluluwa.
9 Ninasa (I)kita ng aking kaluluwa sa gabi; oo, ng diwa ko sa loob ko ay hahanapin kita na masikap: sapagka't pagka nasa lupa ang iyong mga kahatulan ay nangatututo ng katuwiran ang mga nananahan sa sanglibutan.
10 Magpakita man ng awa sa masama, (J)hindi rin siya matututo ng katuwiran; (K)sa lupain ng katuwiran ay gagawa siyang may kamalian, at hindi niya mapapansin ang kamahalan ng Panginoon.
11 Panginoon, ang iyong kamay ay nakataas, gayon ma'y hindi nila nakikita: nguni't makikita nila ang iyong sikap sa bayan, at mangapapahiya; oo, sasakmalin ng apoy ang iyong mga kaaway.
12 Panginoon, ikaw ay magaayos ng kapayapaan sa amin: sapagka't ikaw rin ang (L)gumawa ng lahat naming gawa na para sa amin.
13 Oh Panginoon naming Dios, (M)ang ibang mga panginoon, bukod sa iyo ay nagtaglay ng pagkapanginoon sa amin; nguni't (N)ikaw lamang ang babanggitin namin sa pangalan.
14 Sila'y patay, sila'y hindi mabubuhay; sila'y namatay, sila'y hindi babangon: kaya't iyong dinalaw at sinira sila, (O)at pinawi mo ang lahat na alaala sa kanila.
15 (P)Iyong pinarami ang bansa, Oh Panginoon, iyong pinarami ang bansa; ikaw ay nagpakaluwalhati: iyong pinalaki ang lahat na hangganan ng lupain.
16 Panginoon, (Q)sa kabagabagan ay dinalaw ka nila, sila'y nangagbugso ng dalangin, nang pinarurusahan mo sila.
17 Gaya (R)ng babae na nagdadalang-tao na lumalapit ang panahon ng kaniyang panganganak, ay nasa hirap at humihiyaw sa kaniyang pagdaramdam; naging gayon kami sa harap mo, Oh Panginoon.
18 Kami ay nangagdalang-tao, kami ay nalagay sa pagdaramdam, kami ay tila nanganak ng hangin; kami ay hindi nagsigawa ng anomang kagalingan sa lupa; o nabuwal man (S)ang mga nananahan sa sanglibutan.
19 Ang iyong mga patay ay mangabubuhay; ang aking patay na katawan ay babangon. (T)Magsigising at magsiawit, kayong nagsisitahan sa alabok: sapagka't ang iyong hamog ay gaya ng hamog ng mga damo, at iluluwa ng lupa ang mga patay.
20 Ikaw ay parito, bayan ko, (U)pumasok ka sa iyong mga silid, at isara mo ang iyong mga pintuan sa palibot mo: magkubli kang sangdali, hanggang sa ang galit ay makalampas;
21 Sapagka't, narito, ang Panginoon ay lumalabas (V)mula sa kaniyang dako upang parusahan ang mga nananahan sa lupa dahil sa kanilang kasamaan: ililitaw naman ng lupa ang kaniyang dugo, at hindi na tatakpan ang kaniyang nangapatay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
