Isaias 17
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Paparusahan ng Diyos ang Damasco at ang Israel
17 Ganito(A) ang pahayag ni Yahweh tungkol sa Damasco:
“Mawawala ang Lunsod ng Damasco,
at magiging isang bunton na lamang ng mga gusaling gumuho.
2 Kailanma'y wala ng titira sa mga lunsod ng Siria.
Magiging pastulan na lamang siya
ng mga kawan ng mga tupa at baka at walang mananakot sa kanila.
3 Mawawasak ang mga tanggulan ng Efraim,
babagsak ang kaharian ng Damasco.
Matutulad sa sinapit ng Israel ang kapalarang sasapitin ng malalabi sa Siria.”
Ito ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
4 “Sa araw na iyon
maglalaho ang kaningningan ng Israel,
ang kanyang kayamanan ay mapapalitan ng kahirapan.
5 Matutulad siya sa isang triguhan
matapos gapasin ng mga mag-aani.
Matutuyot siyang gaya ng bukirin sa Refaim
matapos simuting lahat ng mga mamumulot.
6 Ilang tao lamang ang matitira sa lahi ng Israel,
matutulad siya sa puno ng olibo na pinitas ang lahat ng mga bunga,
at walang natira kundi dalawa o tatlong bunga
sa pinakamataas na sanga,
apat o limang bunga
sa mga sangang dati'y maraming magbunga.”
Ito ang sabi ni Yahweh, ang Diyos ng Israel.
7 Sa araw na iyon lalapit ang mga tao sa Lumikha sa kanila, sa Banal na Diyos ng Israel. 8 Hindi na nila papansinin ang mga altar na sila na rin ang gumawa. Hindi na sila magtitiwala sa mga diyus-diyosang Ashera o sa mga altar na sunugan ng insenso na inanyuan ng kanilang mga kamay. 9 Sa araw na iyon, iiwan ng mga tao ang iyong mga lunsod. Tulad ng nangyari sa mga lunsod ng mga Hivita at Amoreo[a] noong dumating ang mga Israelita.
10 Kinalimutan ninyo ang Diyos na nagligtas sa inyo,
at hindi na ninyo naaalaala ang Bato na inyong kanlungan,
sa halip, gumawa kayo ng mga sagradong hardin
na itinalaga ninyo sa isang diyus-diyosan,
sa paniniwalang pagpapalain niya kayo.
11 Ngunit kahit tumubo man ang mga halaman
at mamulaklak sa araw na inyong itinanim,
wala kang aanihin pagdating ng araw
kundi pawang sakuna at walang katapusang kahirapan.
Tatalunin ang mga Kaaway na Bansa
12 Ang ingay ng napakaraming tao
ay parang ugong ng karagatan.
Rumaragasa ang mga bansa
na parang hampas ng mga alon.
13 Nagkakaingay ang mga bansa na tulad ng daluyong ng tubig,
ngunit pinigil sila ng Diyos, at sila'y tumakas,
parang alikabok na inililipad ng hangin sa ibabaw ng burol
at dayaming tinatangay ng ipu-ipo.
14 Sa gabi'y magsasabog sila ng sindak
ngunit pagsapit ng umaga'y wala na sila.
Ganyan ang mangyayari sa mga umaapi sa atin,
iyan ang sasapitin ng mga nagnakaw ng ating mga ari-arian.
Footnotes
- 9 mga Hivita at Amoreo: Sa ibang manuskrito'y makahoy at maburol na bukirin .
Isaias 17
Ang Biblia, 2001
Parurusahan ng Diyos ang Damasco
17 Isang(A) pahayag tungkol sa Damasco.
Narito, ang Damasco ay hindi na magiging lunsod,
at magiging isang buntong sira.
2 Ang mga lunsod ng Aroer ay napapabayaan;[a]
iyon ay magiging para sa mga kawan,
na hihiga, at walang mananakit sa kanila.
3 Ang kuta ay mawawala sa Efraim,
at ang kaharian sa Damasco;
at ang nalabi sa Siria ay magiging
gaya ng kaluwalhatian ng mga anak ni Israel, sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
4 Sa araw na iyon,
ang kaluwalhatian ng Jacob ay ibababa,
at ang katabaan ng kanyang laman ay mangangayayat.
5 At ito'y magiging gaya nang kapag tinitipon ng mang-aani ang nakatayong trigo,
at ginagapas ng kanyang kamay ang mga uhay;
oo, magiging gaya ng pamumulot ng mga uhay
sa Libis ng Refaim.
6 Gayunma'y maiiwan doon ang mga pinulot,
gaya ng kapag niyugyog ang puno ng olibo—
na dalawa o tatlong bunga
ay naiiwan sa dulo ng kataas-taasang sanga,
apat o lima
sa mga sanga ng mabungang punungkahoy, sabi ng Panginoong Diyos ng Israel.
Matatapos ang Pagsamba sa mga Diyus-diyosan
7 Sa araw na iyon ay pahahalagahan ng mga tao ang Maylalang sa kanila, ang kanilang mga mata ay titingin sa Banal ng Israel.
8 Hindi nila pahahalagahan ang mga dambana, na gawa ng kanilang mga kamay, at hindi sila titingin sa ginawa ng kanilang mga daliri, maging sa mga sagradong poste,[b] o sa mga altar ng insenso.
9 Sa araw na iyon, ang kanilang matitibay na lunsod ay magiging gaya ng mga dakong pinabayaan sa gubat, at sa taluktok ng bundok, na pinabayaan dahil sa mga anak ni Israel; at magiging wasak.
10 Sapagkat kinalimutan mo ang Diyos ng iyong kaligtasan,
at hindi mo inalala ang Malaking Bato ng iyong kanlungan.
Kaya't bagaman nagtatanim ka ng mabubuting pananim,
at naglagay ka ng ibang sangang pananim.
11 Bagaman sa araw ng iyong pagtatanim ay iyong inalagaan,
at pinamumulaklak mo ang mga iyon sa kinaumagahan,
gayunma'y mawawala ang ani
sa araw ng kalungkutan at walang lunas na hapdi.
12 Ah, ang ingay ng maraming bansa,
na umuugong na gaya ng ugong ng mga dagat;
Ah, ang ingay ng mga bansa,
na nagsisiugong na parang ugong ng bugso ng malakas na mga tubig!
13 Ang mga bansa ay umuugong na parang agos ng maraming tubig,
ngunit sila'y sasawayin niya, at sila'y magsisitakas sa malayo,
at papaspasin na gaya ng ipa sa mga bundok sa harap ng hangin,
at gaya ng ipu-ipong alabok sa harap ng bagyo.
14 Sa gabi, ay narito ang nakakatakot!
At bago dumating ang umaga, ay wala na sila!
Ito ang bahagi nila na nagsisisamsam sa atin,
at ang kapalaran nila na nagnakaw sa atin.
Footnotes
- Isaias 17:2 Sa Hebreo ay may magpakailanman .
- Isaias 17:8 Sa Hebreo ay Ashera .
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
