Add parallel Print Page Options

Naghanda si Jacob upang Salubungin si Esau

32 Nagpatuloy si Jacob sa kanyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Diyos.

Nang makita sila ni Jacob ay sinabi niya sa kanila, “Ito'y kampo ng Diyos!” Kaya't tinawag niya ang pangalan ng lugar na iyon na Mahanaim.[a]

Si Jacob ay nagpasugo kay Esau na kanyang kapatid sa lupain ng Seir, sa bayan ng Edom.

Sila'y kanyang inutusan na sinasabi, “Ganito ang inyong sasabihin kay Esau na aking panginoon. Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, ‘Ako'y tumigil ng ilang panahon kay Laban at namalagi roon hanggang ngayon.

Mayroon akong mga baka, mga asno, mga kawan, at mga aliping lalaki at babae; at ako'y nagpasugo sa aking panginoon, upang ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin.’”

Ang mga sugo ay bumalik kay Jacob, na nagsasabi, “Nakarating kami sa iyong kapatid na si Esau, at siya ay darating din upang sumalubong sa iyo, at kasama niya ang apatnaraang tao.”

Kaya't natakot nang husto at nabahala si Jacob; at kanyang hinati sa dalawa ang mga taong kasama niya, ang mga kawan, ang mga bakahan, at ang mga kamelyo.

At kanyang sinabi, “Kung dumating si Esau sa isang pulutong at kanyang puksain ito, ang pulutong na natitira ay tatakas.”

Sinabi ni Jacob, “O Diyos ng aking amang si Abraham, at Diyos ng aking amang si Isaac, O Panginoon, na nagsabi sa akin, ‘Bumalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamag-anak at gagawa ako ng mabuti sa iyo.’

10 Hindi ako karapat-dapat sa lahat ng kaawaan, at lahat ng katotohanan na iyong ginawa sa iyong lingkod sapagkat dumaan ako sa Jordang ito na dala ang aking tungkod, at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.

11 Hinihiling ko sa iyo na iligtas mo ako sa kamay ng aking kapatid na si Esau. Ako'y natatakot sa kanya, baka siya'y dumating at kaming lahat ay pagpapatayin niya, ang mga ina pati ang mga anak.

12 Hindi(A) ba't ikaw ang nagsabi, ‘Gagawa ako ng mabuti sa iyo at ang iyong binhi ay gagawin kong parang buhangin sa dagat na hindi mabibilang dahil sa karamihan.’”

13 Siya'y namalagi roon nang gabing iyon, at kumuha siya ng panregalo mula sa kanya para sa kanyang kapatid na si Esau;

14 dalawang daang kambing na babae, dalawampung lalaking kambing, dalawang daang tupang babae, at dalawampung tupang lalaki,

15 tatlumpung kamelyong inahin, kasama ng kanilang mga anak, apatnapung baka, at sampung toro, dalawampung babaing asno at sampung lalaking asno.

16 Ang mga ito ay ibinigay niya sa kanyang mga alipin, ang bawat kawan ay nakabukod at sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Lumampas kayo sa aking unahan at lagyan ninyo ng pagitan ang bawat kawan.”

17 Iniutos niya sa una, “Kapag ikaw ay natagpuan ni Esau na aking kapatid, at tanungin ka, ‘Kanino ka? Saan ka pupunta? At kanino itong nasa unahan mo?’

18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, ‘Sa iyong lingkod na si Jacob. Ito ay isang regalo na padala para sa aking panginoong si Esau; at bukod dito, siya'y nasa hulihan namin.’”

19 Gayundin, iniutos niya sa ikalawa, sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, “Sasabihin ninyo ang gayunding bagay kay Esau, kapag nakasalubong ninyo siya,

20 at sasabihin ninyo, ‘Bukod dito, ang iyong lingkod na si Jacob ay nasa hulihan namin.’” Sapagkat kanyang iniisip, “Baka mapaglubag ko ang kanyang galit sa pamamagitan ng regalo na ipinauna ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kanyang mukha, marahil ay tatanggapin niya ako.”

21 Kaya't ang regalo ay ipinadala na nauna sa kanya; at siya'y nanatili sa kampo nang gabing iyon.

Nakipagbuno si Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, siya'y bumangon at isinama niya ang kanyang dalawang asawa, ang kanyang dalawang aliping babae, at ang kanyang labing-isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.

23 Sila'y kanyang isinama at itinawid sa batis, at kanya ring itinawid ang lahat ng kanyang ari-arian.

24 Naiwang(B) nag-iisa si Jacob at nakipagbuno sa kanya ang isang lalaki hanggang sa magbukang-liwayway.

25 Nang makita ng lalaki na hindi siya manalo laban kay Jacob,[b] hinawakan niya ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, at ang kasu-kasuan ni Jacob ay nalinsad samantalang nakikipagbuno sa kanya.

26 Sinabi niya, “Bitawan mo ako, sapagkat nagbubukang-liwayway na.” At sinabi ni Jacob,[c] “Hindi kita bibitawan malibang ako ay mabasbasan mo.”

27 Sinabi ng lalaki kay Jacob, “Ano ang pangalan mo?” At kanyang sinabi, “Jacob.”

28 Sinabi(C) niya, “Ang iyong pangalan ay hindi na tatawaging Jacob, kundi Israel; sapagkat ikaw ay nakipaglaban sa Diyos at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Siya'y(D) tinanong ni Jacob, “Hinihiling ko sa iyo na sabihin mo sa akin ang iyong pangalan.” At kanyang sinabi, “Bakit itinatanong mo ang aking pangalan?” At siya'y binasbasan doon.

30 Tinawag ni Jacob ang pangalan ng lugar na iyon na Peniel na sinasabi, “Sapagkat nakita ko ang Diyos sa harapan, at naligtas ang aking buhay.”

31 Sinikatan siya ng araw nang siya'y dumaraan sa Penuel; at siya'y papilay-pilay dahil sa kanyang hita.

32 Dahil dito, hanggang ngayon ay hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasu-kasuan ng hita, sapagkat dito hinampas ng taong nakipagbuno ang kasu-kasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng balakang.

Footnotes

  1. Genesis 32:2 Ibig sabihin ay Dalawang kampo .
  2. Genesis 32:25 Sa Hebreo ay sa kanya .
  3. Genesis 32:26 Sa Hebreo ay niya .

32 At ipinagpatuloy ni Jacob ang kaniyang paglakad, at sinalubong siya ng mga anghel ng Dios.

At sinabi ni Jacob nang makita niya sila, Ito'y hukbo ng Dios: at tinawag niya ang pangalan ng dakong yaon na Mahanaim.

At si Jacob ay nagpasugo sa unahan niya kay Esau, na kaniyang kapatid sa lupain ng Seir, na parang ng Edom.

At inutusan niya sila, na sinasabi, Ganito ninyo sabihin sa aking panginoong kay Esau, Ganito ang sabi ng iyong lingkod na si Jacob, Dumoon ako kay Laban at ako'y natira roon hanggang ngayon.

At mayroon akong mga baka, at mga asno, at mga kawan, at mga aliping lalake at babae: at ako'y nagpasugo upang magbigay alam sa aking panginoon, upang makasumpong ng biyaya sa iyong paningin.

At ang mga sugo ay nagsipagbalik kay Jacob, na nagsipagsabi, Dumating kami sa iyong kapatid na kay Esau, at siya rin naman ay sumasalubong sa iyo, at apat na raang tao ang kasama niya.

Nang magkagayo'y natakot na mainam si Jacob at nahapis at kaniyang binahagi ang bayang kasama niya, at ang mga kawan, at ang mga bakahan, at ang mga kamelyo ng dalawang pulutong.

At kaniyang sinabi, Kung dumating si Esau sa isang pulutong, at kaniyang saktan, ang pulutong ngang natitira ay tatanan.

At sinabi ni Jacob, Oh Dios ng aking amang si Abraham, at Dios ng aking amang si Isaac, Oh Panginoon, na nagsabi sa akin, Magbalik ka sa iyong lupain at sa iyong kamaganakan, at gagawan kita ng magaling:

10 Hindi ako marapat sa kababababaan ng lahat ng kaawaan, at ng buong katotohanan na iyong ipinakita sa iyong lingkod: sapagka't dala ko ang aking tungkod, na dinaanan ko ang Jordang ito; at ngayo'y naging dalawang pulutong ako.

11 Iligtas mo ako, ipinamamanhik ko sa iyo, sa kamay ng aking kapatid, sa kamay ni Esau; sapagka't ako'y natatakot sa kaniya, baka siya'y dumating at ako'y saktan niya, ang ina pati ng mga anak.

12 At ikaw ang nagsabi, Tunay na ikaw ay gagawan ko ng magaling, at gagawin ko ang iyong binhi na parang buhangin sa dagat, na hindi mabibilang dahil sa karamihan.

13 At siya'y nagparaan doon ng gabing yaon; at kumuha ng mayroon siya na ipagkakaloob kay Esau na kaniyang kapatid;

14 Dalawang daang kambing na babae, at dalawang pung lalaking kambing; dalawang daang tupang babae, at dalawang pung tupang lalake,

15 Tatlong pung kamelyong inahin na pati ng kanilang mga anak; apat na pung baka at sangpung toro, dalawang pung asna at sangpung anak ng mga yaon.

16 At ipinagbibigay sa kamay ng kaniyang mga bataan, bawa't kawan ay bukod; at sinabi sa kaniyang mga bataan, Lumagpas kayo sa unahan ko, at iiwanan ninyo ng isang pagitan ang bawa't kawan.

17 At iniutos sa una, na sinasabi, Pagka ikaw ay nasumpungan ni Esau na aking kapatid, at ikaw ay tinanong na sinasabi, Kanino ka? at saan ka paroroon? at kanino itong nangasa unahan mo.

18 Kung magkagayo'y sasabihin mo, Sa iyong lingkod na kay Jacob; isang kaloob nga, na padala sa aking panginoong kay Esau: at, narito, siya'y nasa hulihan din naman namin.

19 At iniutos din sa ikalawa, at sa ikatlo, at sa lahat ng sumusunod sa mga kawan, na sinasabi, Sa ganitong paraan sasalitain ninyo kay Esau, pagkasumpong ninyo sa kaniya;

20 At sasabihin ninyo, Saka, narito, ang iyong lingkod na si Jacob, ay nasa hulihan namin, sapagka't kaniyang sinabi, Paglulubagin ko ang kaniyang galit sa pamamagitan ng kaloob na sumasaunahan ko, at pagkatapos ay makikita ko ang kaniyang mukha; marahil ay tatanggapin niya ako.

21 Gayon isinaunahan niya ang mga kaloob; at siya'y natira ng gabing yaon sa pulutong.

22 At siya'y bumangon ng gabing yaon, at isinama niya ang kaniyang dalawang asawa, at ang kaniyang dalawang alilang babae, at ang kaniyang labing isang anak at tumawid sa tawiran ng Jaboc.

23 At sila'y kaniyang isinama at itinawid sa batis, at kaniyang itinawid ang kaniyang tinatangkilik.

24 At naiwang magisa si Jacob: at nakipagbuno ang isang lalake sa kaniya, hanggang sa magbukang liwayway.

25 At nang makita nitong siya'y hindi manaig sa kaniya ay hinipo ang kasukasuan ng hita niya; at ang kasukasuan ni Jacob ay sinaktan samantalang nakikipagbuno sa kaniya.

26 At sinabi, Bitawan mo ako, sapagka't nagbubukang liwayway na. At kaniyang sinabi, Hindi kita bibitawan hanggang hindi mo ako mabasbasan.

27 At sinabi niya sa kaniya, Ano ang pangalan mo? At kaniyang sinabi, Jacob.

28 At sinabi niya, Hindi na tatawaging Jacob ang iyong pangalan, kundi Israel; sapagka't ikaw ay nakipagpunyagi sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nanaig.

29 At siya'y tinanong ni Jacob, at sinabi, Ipinamamanhik ko sa iyong sabihin mo sa akin ang iyong pangalan. At kaniyang sinabi, Bakit nagtatanong ka ng aking pangalan? At siya'y binasbasan doon.

30 At tinawag ni Jacob ang pangalan ng dakong yaon na Peniel; sapagka't aniya'y nakita ko ang Dios ng mukhaan, at naligtas ang aking buhay.

31 At sinikatan siya ng araw ng siya'y nagdadaan sa Penuel; at siya'y napipilay sa hita niya.

32 Kaya't hindi kumakain ang mga anak ni Israel ng litid ng balakang na nasa kasukasuan ng hita, hanggang ngayon: sapagka't hinipo ng taong yaon ang kasukasuan ng hita ni Jacob, sa litid ng pigi.

'Genesis 32 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.

Naghanda si Jacob sa Pakikipagkita kay Esau

32 Habang naglalakbay sina Jacob, sinalubong siya ng mga anghel ng Dios. Pagkakita ni Jacob sa kanila, sinabi niya, “Mga sundalo ito ng Dios.” Kaya pinangalanan niya ang lugar na iyon na Mahanaim.[a]

May mga inutusan si Jacob na mauna sa kanya para makipagkita sa kapatid niyang si Esau roon sa lupain ng Seir, ang lugar na tinatawag ding Edom. Tinuruan niya sila kung ano ang sasabihin nila kay Esau. Sinabi ni Jacob, “Sabihin ninyo kay Esau na matagal akong nanirahan kay Laban at hindi pa ako nakakauwi hanggang ngayon. At sabihin ninyo sa kanya na may mga baka ako, asno, tupa, kambing at mga aliping lalaki at babae. Sabihin ninyo sa kanya na inutusan ko kayo para hilingin sa kanya na maging mabuti na sana ang pakikitungo niya sa akin.”

Pagbalik ng mga inutusan ni Jacob, sinabi nila, “Napuntahan na po namin si Esau, at papunta na po siya rito para salubungin kayo. May kasama siyang 400 lalaki.”

Kinabahan si Jacob at hindi siya mapalagay, kaya hinati niya sa dalawang grupo ang mga kasamahan niya pati ang kanyang mga tupa, baka, kambing at kamelyo. Dahil naisip niya na kung sakaling dumating si Esau at lusubin ang isang grupo, makakatakas pa ang isang grupo.

Nanalangin si Jacob, “Dios ng aking lolo na si Abraham at Dios ng aking ama na si Isaac, kayo po ang Panginoon na nagsabi sa akin na bumalik ako sa mga kamag-anak ko, doon po sa lupain kung saan ako isinilang, at pagpapalain ninyo ako. 10 Hindi po ako karapat-dapat tumanggap ng lahat ng kabutihan at katapatan na ipinakita ninyo sa akin na inyong lingkod. Sapagkat nang tumawid ako noon sa Jordan, wala po akong ibang dala kundi tungkod lang, pero ngayon ay may dalawa na po akong grupo. 11 Hinihiling ko po sa inyo na iligtas nʼyo ako sa kapatid kong si Esau. Natatakot po ako na baka pumunta siya rito at patayin kaming lahat pati na ang mga asawa koʼt mga anak nila. 12 Pero nangako po kayo sa akin na pagpapalain nʼyo ako at pararamihin nʼyo ang aking mga lahi katulad ng buhangin sa tabing-dagat na hindi mabilang.”

13 Kinagabihan, doon natulog sina Jacob. Kinabukasan, pumili si Jacob ng mga hayop na ireregalo kay Esau: 14 200 babaeng kambing at 20 lalaking kambing, 200 babaeng tupa at 20 lalaking tupa, 15 30 inahing kamelyo kasama pa ang kanilang mga bisiro, 40 babaeng baka at sampung toro, 20 babaeng asno at sampung lalaking asno. 16 Ginawang dalawang grupo ni Jacob ang mga hayop, at ang bawat grupo ay may aliping nagbabantay. Sinabihan niya ang kanyang mga alipin, “Mauna kayo sa akin, at lumakad kayo na may pagitan ang bawat grupo.”

17 Sinabihan niya ang mga aliping nagbabantay sa naunang grupo, “Kung makasalubong nʼyo si Esau at magtanong siya kung kanino kayong alipin at kung saan kayo pupunta, at kung kanino ang mga hayop na dala ninyo, 18 sagutin ninyo siya na akin ang mga hayop na ito at regalo ko ito sa kanya. Sabihin din ninyo sa kanya na nakasunod ako sa inyo.”

19 Ganoon din ang sinabi niya sa ikalawa, sa ikatlo at sa lahat ng aliping kasabay ng mga hayop. 20 At pinaalalahanan niya ang mga ito na huwag kalimutang sabihin kay Esau na nakasunod siya sa hulihan. Sapagkat sinabi ni Jacob sa kanyang sarili, “Aalukin ko si Esau ng mga regalong ito na pinauna ko. At kung magkikita kami, baka sakaling patawarin niya ako.” 21 Kaya pinauna niya ang mga regalo niya, pero nagpaiwan siya noong gabing iyon doon sa tinutuluyan nila.

May Nakipagbuno kay Jacob sa Peniel

22 Nang gabing iyon, bumangon si Jacob at isinama ang dalawa niyang asawa, ang dalawang alipin niyang babae at ang 11 anak niya, at pinatawid sila sa Ilog ng Jabok. 23 Ipinatawid din ni Jacob ang lahat ng ari-arian niya. 24 Nang nag-iisa na siya, may dumating na isang lalaki at nakipagbuno sa kanya. Nagbunuan sila hanggang mag-uumaga. 25 Nang mapansin niya na hindi niya matatalo si Jacob, pinisil niya ang balakang ni Jacob at nalinsad ang magkatapat na buto nito. 26 At sinabi ng tao, “Bitawan mo na ako dahil mag-uumaga na.”

Pero sumagot si Jacob, “Hindi kita bibitawan hanggaʼt hindi mo ako babasbasan.”

27 Nagtanong ang tao sa kanya, “Anong pangalan mo?”

Sumagot siya, “Jacob.”

28 Sinabi ng tao, “Simula ngayon hindi na Jacob ang pangalan mo kundi Israel[b] na dahil nakipagbuno ka sa Dios at sa mga tao, at ikaw ay nagtagumpay.”

29 Nagtanong din si Jacob sa kanya, “Sabihin mo rin sa akin ang pangalan mo.”

Pero sumagot ang tao, “Huwag mo nang itanong ang pangalan ko.” Pagkatapos, binasbasan niya si Jacob doon.

30 Pinangalanan ni Jacob ang lugar na iyon na Peniel,[c] dahil sinabi niya, “Nakita ko ang mukha ng Dios pero buhay pa rin ako.”

31 Sumisikat na ang araw nang umalis si Jacob sa Peniel. Pipilay-pilay siya dahil nalinsad ang buto niya sa balakang. 32 Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ang mga Israelita ay hindi kumakain ng litid sa magkatapat na buto sa balakang ng hayop. Sapagkat sa bahaging iyon pinisil ng Dios si Jacob.

Footnotes

  1. 32:2 Mahanaim: Ang ibig sabihin, dalawang grupo ng mga sundalo.
  2. 32:28 Israel: Ang ibig sabihin, nakipagbuno sa Dios.
  3. 32:30 Peniel: Ang ibig sabihin, mukha ng Dios.