Add parallel Print Page Options

Ipinangako ang Pagsilang ni Isaac

18 Nagpakita si Yahweh kay Abraham sa may tabi ng mga sagradong puno ni Mamre. Noo'y kainitan ng araw at nakaupo siya sa pintuan ng kanyang tolda. Walang(A) anu-ano'y may nakita siyang tatlong lalaking nakatayo sa di kalayuan. Patakbo niyang sinalubong ang mga ito, at sa kanila'y yumuko nang halos sayad sa lupa ang mukha, at sinabi, “Mga ginoo, kung inyong mamarapatin, tumuloy po muna kayo sa amin. Magpahinga muna kayo rito sa lilim ng puno, at ikukuha ko kayo ng tubig na panghugas sa inyong mga paa. Ipaghahanda ko na rin kayo ng makakain para lumakas kayo bago kayo maglakbay. Ikinagagalak ko kayong paglingkuran habang naririto kayo sa amin.”

Sila'y tumugon, “Salamat, ikaw ang masusunod.”

Dali-daling pumasok sa tolda si Abraham at sinabi kay Sara, “Dali, kumuha ka ng tatlong takal ng magandang harina, at gumawa ka ng tinapay.” Pumili naman si Abraham ng isang matabang guya mula sa kawan, at ipinaluto kaagad sa isang alipin. Kumuha rin siya ng keso at gatas, kasama ang nilutong karne, at inihain sa mga panauhin. Hindi siya lumalayo sa tabi ng mga panauhin habang kumakain ang mga ito.

Tinanong nila si Abraham, “Nasaan ang asawa mong si Sara?”

“Naroon po sa tolda,” sagot naman niya.

10 Sinabi(B) ng isa sa mga panauhin, “Babalik ako sa isang taon, sa ganito ring panahon, at pagbalik ko'y may anak na siya.”

Noon ay kasalukuyang nakikinig si Sara sa may pintuan ng tolda sa likuran ng panauhin. 11 Ang mag-asawang Abraham at Sara ay parehong matanda na at hindi na nga dinaratnan si Sara. 12 Lihim(C) na natawa si Sara at nagwika sa sarili, “Ngayong ako'y matanda na pati ang aking asawa, masisiyahan pa kaya ako sa pakikipagtalik?”

13 “Bakit natawa si Sara, at nagsabing kung kailan pa siya tumanda saka siya magkakaanak?” tanong ni Yahweh kay Abraham. 14 “Mayroon(D) bang hindi kayang gawin si Yahweh? Tulad ng sinabi ko, babalik ako sa isang taon at pagbalik ko'y may anak na siya.”

15 Dahil sa takot, nagkaila si Sara at ang wika, “Hindi po ako tumawa.”

Ngunit sinabi niya, “Huwag ka nang magkaila, talagang tumawa ka.”

Nanalangin si Abraham Alang-alang sa Sodoma

16 Pagkatapos, umalis ang tatlong lalaki at inihatid sila ni Abraham hanggang sa isang dako na natatanaw na ang Sodoma. 17 Sinabi ni Yahweh, “Hindi ko dapat ilihim kay Abraham ang aking gagawin, 18 sapagkat pinili ko siya upang maging ama ng isang malaki at makapangyarihang bansa. Sa pamamagitan niya, ang lahat ng mga bansa sa daigdig ay aking pagpapalain. 19 Pinili ko si Abraham upang turuan niya ang kanyang lahi na sumunod sa aking mga utos, sa pamamagitan ng paggawa ng matuwid at pagpapairal ng katarungan. Kapag nangyari iyon, tutuparin ko ang aking pangako sa kanya.”

20 Kaya't sinabi ni Yahweh, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. 21 Kaya't bababâ ako roon at aalamin ko kung totoo o hindi ang paratang laban sa kanila.”

22 Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit naroon pa rin si Yahweh sa tabi ni Abraham. 23 Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, ang mabubuti kasama ng masasama? 24 Sakali pong may limampung mabubuting tao sa lunsod, wawasakin pa rin ba ninyo iyon? Hindi po ba ninyo patatawarin ang lunsod alang-alang sa limampung iyon? 25 Naniniwala po akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at ang mabuti. Hindi ninyo magagawa iyon! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

26 At sumagot si Yahweh, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa limampung mabubuting tao.”

27 “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, sapagkat ako'y isang hamak na tao lamang. 28 Kung wala pong limampu, at apatnapu't lima lamang ang mabubuti, wawasakin pa rin ba ninyo ang lunsod?”

“Hindi, hindi ko wawasakin alang-alang sa apatnapu't limang iyon,” tugon ni Yahweh.

29 Nagtanong muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?”

“Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

30 “Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa ako. Kung tatlumpu lamang ang mabuting tao roon, wawasakin ba ninyo?”

Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lunsod alang-alang sa tatlumpung iyon.”

31 Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu na lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa dalawampung iyon,” muling sagot sa kanya.

32 Sa huling pagkakataon ay nagtanong si Abraham, “Ito na po lamang ang itatanong ko: Paano po kung sampu lamang ang mabubuting tao roon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lunsod alang-alang sa sampung iyon,” sagot ni Yahweh. 33 Pagkasabi nito, umalis na si Yahweh at umuwi naman si Abraham.

Ipinangako kay Abraham ang Isang Anak

18 Ang Panginoon ay nagpakita kay Abraham[a] sa may punong ensina ni Mamre habang siya'y nakaupo nang kainitan ang araw sa pintuan ng tolda.

Itinaas(A) niya ang kanyang paningin at nakita ang tatlong lalaki na nakatayo na malapit sa kanya. Nang sila'y kanyang makita, tumakbo siya upang sila'y salubungin mula sa pintuan ng tolda, at yumuko siya sa lupa.

At sinabi, “Panginoon ko, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa inyong paningin ay hinihiling ko sa inyo na huwag mong lampasan ang iyong lingkod.

Hayaan mong dalhan ko kayo rito ng kaunting tubig, at maghugas kayo ng inyong mga paa, at magpahinga kayo sa lilim ng kahoy.

Kukuha ako ng kaunting tinapay upang makapagpalakas sa inyo, at pagkatapos ay magpatuloy na kayo, yamang kayo'y pumarito sa inyong lingkod.” Kaya't sinabi nila, “Gawin mo ang ayon sa iyong sinabi.”

Si Abraham ay nagmadaling pumunta sa tolda ni Sara, at sinabi, “Dali! Maghanda ka ng tatlong takal ng mainam na harina, masahin mo at gawing mga tinapay.”

At tumakbo si Abraham sa bakahan at kumuha ng isang bata at malusog na baka, at ibinigay sa alipin na nagmamadaling inihanda ito.

Kinuha niya ang mantekilya, gatas, at ang bakang inihanda niya, at inihain sa harapan nila. Siya'y tumayo sa tabi nila sa lilim ng punungkahoy samantalang sila'y kumakain.

At sinabi nila sa kanya, “Nasaan si Sara na iyong asawa?” At sinabi niya “Naroon siya sa tolda.”

10 At(B) sinabi ng isa, “Ako ay tiyak na babalik sa iyo sa tamang panahon, at si Sara na iyong asawa ay magkakaanak ng isang lalaki.” Si Sara noon ay nakikinig sa may pintuan ng tolda na nasa likuran niya.

11 Sina Abraham at Sara ay kapwa matanda na at lipas na sa panahon. Si Sara ay hindi na dinadatnan ng tulad ng likas sa mga babae.

12 Nagtawa(C) si Sara sa kanyang sarili, na sinasabi, “Pagkatapos na ako'y tumanda at matanda na rin ang asawa ko, magkakaroon pa ba ako ng kasiyahan?”

13 At sinabi ng Panginoon kay Abraham, “Bakit tumawa si Sara, na sinasabi, ‘Tunay kayang ako'y manganganak, kahit matanda na ako?’”

14 “Mayroon(D) bang anumang bagay na napakahirap sa Panginoon? Sa takdang panahon ay babalik ako sa iyo, sa tamang panahon, at si Sara ay magkakaanak ng isang lalaki.”

15 Subalit nagkaila si Sara, na sinasabi, “Hindi ako tumawa,” sapagkat siya'y natakot. Ngunit sinabi ng Panginoon, “Hindi. Ikaw ay talagang tumawa.”

Nakiusap si Abraham para sa Sodoma

16 Tumindig mula roon ang mga lalaki at tumingin sa dakong Sodoma; at sinamahan sila ni Abraham upang ihatid sila sa daan.

17 At sinabi ng Panginoon, “Ililihim ko ba kay Abraham ang aking gagawin;

18 yamang si Abraham ay magiging isang dakila at makapangyarihang bansa, at ang lahat ng bansa sa lupa ay pagpapalain sa pamamagitan niya?

19 Hindi, sapagkat siya'y aking pinili upang kanyang tagubilinan ang kanyang mga anak at sambahayan pagkamatay niya, na maingatan ang daan ng Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng kabanalan at kahatulan; upang maibigay ng Panginoon kay Abraham ang ipinangako niya sa kanya.”

20 Sinabi ng Panginoon, “Ang sigaw laban sa Sodoma at Gomorra ay malakas, at sapagkat ang kasalanan nila ay napakalubha,

21 at bababa ako ngayon at titingnan ko kung ginawa nga nila ang ayon sa sigaw na dumating sa akin; at kung hindi ay aking malalaman.”

22 At ang mga lalaki ay lumayo mula roon at nagtungo sa Sodoma samantalang si Abraham ay nanatiling nakatayo sa harapan ng Panginoon.

Ang Pamamagitan ni Abraham

23 Lumapit si Abraham at nagsabi, “Ang mga banal ba ay iyong lilipuling kasama ng mga masama?

24 Halimbawang may limampung banal sa loob ng bayan; lilipulin mo ba at di mo patatawarin ang lugar na iyon alang-alang sa limampung banal na nasa loob noon?

25 Malayong gagawa ka ng ganito, na ang banal ay iyong pataying kasama ng masama, anupa't ang banal ay makatulad sa masama! Malayong mangyari iyan! Di ba gagawa ng matuwid ang Hukom ng buong mundo?”

26 At sinabi ng Panginoon, “Kung makatagpo ako sa Sodoma ng limampung banal sa loob ng bayan, patatawarin ko ang buong lugar na iyon alang-alang sa kanila.”

27 Sumagot si Abraham, at nagsabi, “Mangangahas akong magsalita sa Panginoon, akong alabok at abo lamang.

28 Kung sakaling magkukulang ng lima sa limampung banal, lilipulin mo ba ang buong bayan dahil sa limang kulang?” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin kung makatagpo ako roon ng apatnapu't lima.”

29 At siya'y muling nagsalita sa kanya, at nagsabi, “Halimbawang may matatagpuang apatnapu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin alang-alang sa apatnapu.”

30 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag sanang magalit ang Panginoon, at ako'y magsasalita. Kung sakaling may matatagpuan doong tatlumpu.” At sinabi niya, “Hindi ko gagawin kung makakatagpo ako roon ng tatlumpu.”

31 At kanyang sinabi, “Ako'y mangangahas magsalita sa Panginoon. Kung sakaling may matatagpuan doong dalawampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa dalawampu.”

32 Pagkatapos ay sinabi niya, “O huwag magalit ang Panginoon at magsasalita na lamang akong minsan; kung sakaling may matatagpuan doong sampu.” At sinabi niya, “Hindi ko lilipulin alang-alang sa sampu.”

33 At umalis ang Panginoon pagkatapos na makipag-usap kay Abraham at si Abraham ay nagbalik sa kanyang lugar.

Footnotes

  1. Genesis 18:1 Sa Hebreo ay sa kanya .
'Genesis 18 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.