Exodus 31
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible)
Ang mga Manggagawa ng Toldang Sambahan(A)
31 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Pinili ko si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. 3 Pinuspos ko siya ng aking Espiritu[a] para bigyan siya ng kapangyarihan na magkaroon ng karunungan at kakayahan sa anumang gawain: 4 sa paggawa ng magagandang bagay na ginto, pilak at tanso, 5 sa paghuhugis ng mamahaling mga bato, sa paglililok ng kahoy at lahat ng klase na gawang kamay. 6 Pinili ko rin si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan, para tumulong kay Bezalel. Binigyan ko rin siya ng kakayahan sa anumang gawain para magawa nila ang lahat ng iniutos kong gawin mo: 7 ang Toldang Tipanan, ang Kahon ng Kasunduan at ang takip nito, at ang lahat ng kagamitan sa Tolda – 8 ang mesa at ang mga kagamitan nito, ang lalagyan ng ilaw na purong ginto at ang lahat ng kagamitan nito, ang altar na pagsusunugan ng insenso, 9 ang altar na pagsusunugan ng mga handog na sinusunog at ang lahat ng kagamitan nito, ang planggana at ang patungan nito, 10 ang banal at magandang damit ni Aaron at ng mga anak niya na isusuot nila kapag naglilingkod na sila bilang mga pari, 11 ang langis na pamahid at ang mabangong insenso para sa Banal na Lugar. Gagawin nila itong lahat ayon sa iniutos ko sa iyo.”
Ang Araw ng Pamamahinga
12 Iniutos ng Dios kay Moises 13 na sabihin niya ito sa mga Israelita, “Sundin ninyo ang aking ipinag-uutos tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil tanda ito ng kasunduan natin hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na ako ang Panginoon na pumili sa inyo na maging mga mamamayan ko. 14 Dapat ninyong sundin ang ipinag-uutos ko tungkol sa Araw ng Pamamahinga, dahil banal ang araw na ito para sa inyo. Ang sinumang lalabag sa ipinag-uutos ko sa araw na iyon ay dapat patayin. Ang sinumang gagawa sa araw na iyon ay huwag na ninyong ituring na kababayan. 15 Gawin ninyo ang mga gawain nʼyo sa loob ng anim na araw, pero sa ikapitong araw ay magpahinga kayo. Sapagkat banal ang araw na ito para sa akin, papatayin ang sinumang gagawa sa araw na ito. 16-17 Kaya kayong mga Israelita, dapat ninyong sundin magpakailanman ang ipinapagawa ko sa inyo sa Araw ng Pamamahinga hanggang sa susunod pang mga henerasyon. Ito ang walang hanggang tanda ng walang katapusang kasunduan natin. Dahil sa loob ng anim na araw, nilikha ko ang langit at ang mundo, at sa ikapitong araw ay nagpahinga ako.”
18 Pagkatapos ng pakikipag-usap ng Panginoon kay Moises sa Bundok ng Sinai, ibinigay niya kay Moises ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng kanyang mga utos, na siya mismo ang sumulat.
Footnotes
- 31:3 Espiritu: o, kapangyarihan.
Exodo 31
Ang Dating Biblia (1905)
31 At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
2 Tingnan mo aking tinawag sa pangalan si Bezaleel na anak ni Uri, na anak ni Hur, sa lipi ni Juda:
3 At aking pinuspos siya ng Espiritu ng Dios, sa karunungan at pagkakilala, at kaalaman, at sa lahat ng sarisaring gawain,
4 Upang kumatha ng mga gawang kaayaaya, upang gumawa sa ginto, at sa pilak, at sa tanso,
5 At upang umukit ng mga batong pangkalupkop, upang gumawa ng mga nililok na kahoy, at upang gumawa sa lahat na sarisaring gawain.
6 At ako, narito, aking inihalal na kasama niya si Aholiab, na anak ni Ahisamac sa lipi ni Dan; at sa puso ng lahat na maalam na puso, ay aking isinilid ang karunungan, upang magawa nila ang lahat ng aking iniutos sa iyo:
7 Ang tabernakulo ng kapisanan at ang kaban ng patotoo, at ang luklukan ng awa na nasa ibabaw niyaon, at ang lahat ng kasangkapan ng Tolda:
8 At ang dulang at ang mga sisidlan niyaon at ang kandelerong dalisay, sangpu ng lahat na mga sisidlan; at ang dambana ng kamangyan;
9 At ang dambana ng handog na susunugin sangpu ng lahat ng mga sisidlan niyaon, at ang hugasan at ang tungtungan niyaon;
10 At ang mga kasuutang mabuting yari, at ang mga banal na kasuutan na pangsuot kay Aarong saserdote, at ang mga kasuutan sa kaniyang mga anak, upang mangasiwa sa katungkulang saserdote;
11 At ang langis na pangpahid, at ang kamangyan na mabangong mga kamangyan na itataan sa dakong banal: ayon sa lahat na iniutos ko sa iyo ay kanilang gagawin.
12 At ang Panginoo'y nagsalita kay Moises, na sinasabi,
13 Salitain mo rin sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Katotohanang ipangingilin ninyo ang aking mga sabbath; sapagka't isang tanda sa akin at sa inyo sa buong panahon ng inyong mga lahi, upang inyong makilala na ako ang Panginoon na nagpapabanal sa inyo.
14 Inyong ipangingilin ang sabbath nga; sapagka't yao'y pangilin sa inyo: bawa't lumapastangan ay walang pagsalang papatayin: sapagka't sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw na yaon, ay ihihiwalay ang taong yaon sa kaniyang bayan.
15 Anim na araw na gagawin ang gawain; datapuwa't ang ikapitong araw ay sabbath na takdang kapahingahan, pangilin sa Panginoon: sinomang gumawa ng anomang gawa sa araw ng sabbath, ay walang pagsalang papatayin.
16 Kaya't ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, na tutuparin ang sabbath sa buong panahon ng kanilang mga lahi, na pinakapalaging tipan.
17 Ito'y isang tanda sa akin at sa mga anak ni Israel magpakailan man: sapagka't sa anim na araw ay ginawa ng Panginoon ang langit at lupa, at sa ikapitong araw, ay nagpahinga at naginhawahan.
18 At kaniyang ibinigay kay Moises, pagkatapos na makipagsalitaan sa kaniya sa ibabaw ng bundok ng Sinai, ang dalawang tapyas ng patotoo, na mga tapyas na bato, na sinulatan ng daliri ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
