Exodo 15-16
Magandang Balita Biblia
Ang Awit ni Moises
15 Ito(A) ang inawit ni Moises at ng mga Israelita para kay Yahweh:
“Itong si Yahweh ay aking aawitan, sa kanyang kinamtang dakilang tagumpay;
ang mga kabayo't kawal ng kaaway, sa pusod ng dagat, lahat natabunan.
2 Si(B) Yahweh ang aking kapangyarihan at kalakasan,
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.
Siya'y aking Diyos na aking pupurihin,
Diyos ng aking ama, aking dadakilain.
3 Siya'y isang mandirigma;
Yahweh ang kanyang pangalan.
4 “Mga karwahe't kawal ni Faraon, sa dagat ay kanyang itinapon,
sa Dagat na Pula[a] nailibing, mga pinunong Egipcio na pawang magagaling.
5 Sa malalim na dagat sila'y natabunan,
tulad nila'y batong lumubog sa kailaliman.
6 Ang kanang kamay mo, Yahweh'y makapangyarihan,
dinudurog nito ang mga kaaway.
7 Sa dakila mong tagumpay, nilulupig ang kaaway;
sa matinding init ng iyong poot, para silang dayaming tinutupok.
8 Nang hipan mo ang dagat, tubig ay tumaas,
parang pader na tumayo, kailalima'y tumigas.
9 Wika ng kaaway, ‘hahabulin ko sila't huhulihin,
kayamanan nila'y aking sasamsamin,
at sa tabak kong hawak, sila'y lilipulin.’
10 Ngunit sa isang hinga mo Yahweh, sila'y nangalunod,
parang tinggang sa malalim na tubig ay nagsilubog.
11 “Ikaw Yahweh, sino sa mga diyos ang iyong kagaya?
Sa kabanala'y dakila at kamangha-mangha,
sa mga himala'y di mapantayan, sa kababalaghan ay di matularan?
12 Nang iyong iunat ang kanan mong kamay,
nilamon ng lupa ang aming mga kaaway.
13 Sa iyong katapatan, bayan mong tinubos ay inakay,
tungo sa lupang banal, sila'y iyong pinatnubayan.
14 Maraming bansa ang dito'y nakarinig, at sa takot sila'y nagsipanginig;
doon sa lupain ng mga Filisteo, nasindak ang lahat ng mga tao.
15 Mga pinuno ng Edom ay nangagimbal;
matatapang sa Moab sa takot ay sinakmal,
mga nakatira sa lupain ng Canaan, lahat sila'y naubusan ng katapangan.
16 Takot at sindak ang sa kanila'y dumatal,
para silang bato na hindi makagalaw,
nang kapangyarihan mo'y kanilang namalas,
nang dumaan sa harap nila ang bayang iyong iniligtas.
17 Sila'y dadalhin mo, Yahweh, sa sarili mong bundok.
Sa dakong pinili mo upang maging iyong lubos,
doon sa santuwaryong ikaw ang nagtayo at tumapos.
18 Ikaw, Yahweh, ay maghahari magpakailanpaman.”
Ang Awit ni Miriam
19 Ang mga Israelita'y hinabol nga ng mga kawal ng Faraon sakay ng mga kabayo at mga karwahe. Nang ang mga kawal ay nasa gitna na ng dagat, muling pinaagos ni Yahweh ang tubig at natabunan ng alon ang mga kawal ng Faraon. Samantala, ang mga Israelita'y tumawid sa tuyong lupa.
20 Pagkatapos, kumuha ng tamburin si Miriam, ang babaing propeta na kapatid ni Aaron. Tinugtog niya ito at nagsayawan ang mga babae na mayroon ding mga tamburin. 21 Habang sila'y nagsasayaw, ganito ang inaawit ni Miriam:
“Purihin si Yahweh sa kanyang dakilang tagumpay;
itinapon niya sa dagat ang mga karwahe't ang nakasakay.”
Ang Batis ng Mapait na Tubig
22 Pinagayak ni Moises ang mga Israelita, at umalis sila sa Dagat na Pula[b] patungo sa ilang ng Shur. Tatlong araw na silang naglalakbay ngunit wala pa silang nakikitang tubig. 23 Sa wakas, dumating sila sa batis ng Mara, ngunit hindi nila mainom ang tubig nito dahil mapait. Kaya, tinawag nila itong Batis na Mapait.[c] 24 Nagreklamo kay Moises ang mga Israelita, “Ano ngayon ang iinumin namin?” 25 Dahil(C) dito, humingi ng tulong si Moises kay Yahweh. Itinuro naman sa kanya ang isang putol na kahoy. Kinuha ito ni Moises at inihagis sa tubig; nawala ang pait niyon.
Doon, sinubok sila ni Yahweh at binigyan ng tuntunin. 26 Ang sabi niya, “Kung ako ay buong puso ninyong susundin, kung gagawin ninyo ang matuwid at susundin ang aking kautusan at mga tuntunin, hindi ko ipararanas sa inyo ang alinman sa mga sakit na ipinadala ko sa Egipto. Akong si Yahweh ang inyong manggagamot.”
27 Pagkatapos, nakarating sila sa Elim. Doon ay may labindalawang balon at pitumpung puno ng palma at sila'y nagkampo sa tabi ng mga balon.
Ang Manna at mga Pugo
16 Mula sa Elim, nagpatuloy sa paglalakbay ang mga Israelita, at ikalabing limang araw ng ikalawang buwan mula ng sila'y lumabas sa Egipto nang sila'y dumating sa ilang ng Sin, sa pagitan ng Elim at Sinai. 2 Ang mga Israelita'y nagreklamo kina Moises at Aaron. 3 Sinabi nila, “Mabuti pa sana'y pinatay na kami ni Yahweh sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang gusto namin. Dito naman sa ilang na pinagdalhan ninyo sa amin, mamamatay kami sa gutom.”
4 Sinabi(D) ni Yahweh kay Moises, “Pauulanan ko kayo ng tinapay mula sa langit. Araw-araw, palalabasin mo ng bahay ang mga tao para mamulot ng kakainin nila sa maghapon. Sa pamamagitan nito'y susubukin ko kung susunod sila sa aking mga tagubilin. 5 Tuwing ikaanim na araw, doble sa karaniwan ang kanilang pupulutin at ihahanda.”
6 Pagkatapos ng pakikipag-usap nila kay Yahweh, sinabi nina Moises at Aaron sa mga Israelita, “Mamayang gabi, mapapatunayan ninyo na si Yahweh ang naglabas sa inyo sa Egipto. 7 At bukas ng umaga, makikita ninyo ang kanyang kapangyarihan. Narinig niya ang inyong reklamo laban sa kanya. Laban sa kanya, sapagkat tuwing gagawin ninyo ito ay sa kanya kayo nagrereklamo, hindi sa amin.” 8 Idinugtong pa ni Moises, “Mamayang gabi, bibigyan niya kayo ng karne. Bukas ng umaga ay tinapay ang ibibigay niya sa inyo hanggang gusto ninyo. Iyan ang sagot niya sa inyo. Ang totoo, anumang reklamo ninyo ay laban sa kanya, hindi sa amin, sapagkat sino ba kami para pagreklamuhan ninyo?”
9 Sinabi ni Moises kay Aaron, “Paharapin mo ang buong bayan kay Yahweh sapagkat narinig niya ang kanilang reklamo.” 10 Nang sabihin ito ni Aaron, ang buong bayan ay humarap kay Yahweh, sa gawi ng disyerto, at bigla na lamang nilang nakita sa ulap ang kaluwalhatian ni Yahweh. 11 Sinabi ni Yahweh kay Moises, 12 “Narinig ko ang reklamo ng mga Israelita. Sabihin mo sa kanila na sa pagtatakip-silim, bibigyan ko sila ng karne. Sa umaga, bibigyan ko sila ng tinapay hanggang gusto nila. Sa gayo'y malalaman nilang ako si Yahweh, ang kanilang Diyos.”
13 Nang magtakip-silim, dumagsa sa kampo ang napakaraming pugo. Kinaumagahan naman ay makapal na makapal ang hamog sa paligid ng kampo. 14 Nang mapawi ang hamog, nakakita sila sa lupa ng maliliit at maninipis na mga bagay na parang pinipig. 15 Hindi(E) nila alam kung ano iyon, kaya nagtanungan sila, “Ano ito?”
Sinabi ni Moises, “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ni Yahweh. 16 At ito ang utos niya tungkol diyan: Bawat isa ay kukuha ng kailangan niya at ng mga kasama niya sa tolda, kalahating salop bawat isang tao.”
17 Namulot nga ang mga Israelita—may kumuha ng marami at may kumuha ng kaunti. 18 Ngunit(F) nang takalin nila ang kanilang nakuha, ang kumuha ng marami ay hindi lumabis, at ang kumuha ng kaunti ay hindi naman kinulang. Sapat lang sa kanila ang kanilang nakuha. 19 Sinabi sa kanila ni Moises, “Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan.” 20 Ngunit ang ilan sa kanila'y hindi nakinig kay Moises. Kinabukasan, inuod at bumaho ang itinira nila. Kaya nagalit sa kanila si Moises. 21 Mula noon, tuwing umaga'y namumulot sila nang ayon sa kanilang kailangan. Pag-init ng araw, ito'y natutunaw.
22 Nang ikaanim na araw, doble ang kanilang pinulot, isang salop para sa isang tao. Nagpunta kay Moises ang mga pinuno ng bayan at sinabi ang nangyari. 23 Ipinaliwanag(G) naman ni Moises sa kanila, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Bukas ay Araw ng Pamamahinga, araw na nakatalaga kay Yahweh. Lutuin na ninyo ngayon ang gusto ninyong lutuin. Ang hindi mauubos ay itira ninyo para bukas.’” 24 Tulad ng sinabi sa kanila ni Moises, nagtira sila para sa kinabukasan, at iyo'y hindi nasira at hindi inuod. 25 At sinabi ni Moises, “Ito ang kakainin ninyo ngayon. Ngayon ay Araw ng Pamamahinga; wala kayong makukuha niyan ngayon. 26 Anim na araw kayong mamumulot niyan; ngunit sa ikapito, sa Araw ng Pamamahinga, ay wala kayong makukuha.”
27 Ngunit nang ikapitong araw ay mayroon pa ring mga lumabas sa bukid para mamulot ngunit wala silang nakuha. 28 Kaya sinabi ni Yahweh kay Moises, “Hanggang kailan pa kayo susuway sa aking mga utos? 29 Tandaan ninyo na akong si Yahweh ang nagtakda sa inyo ng Araw ng Pamamahinga. Kaya, tuwing ikaanim na araw ay binibigyan ko kayo ng pagkain para sa dalawang araw. Sa ikapitong araw ay wala nang lalabas.” 30 At mula noon, nagpapahinga na lamang sila tuwing ikapitong araw.
31 Manna[d] (H) ang itinawag ng mga Israelita sa pagkaing pinupulot nila. Ito'y parang buto ng kulantro, maputi at lasang galyetas na minasa sa pulot. 32 Sinabi sa kanila ni Moises, “Ito ang utos ni Yahweh: ‘Kumuha kayo ng kalahating salop ng manna. Itatago ninyo ito upang makita ng inyong magiging mga anak at mga apo ang pagkaing ibinigay ko sa inyo nang ilabas ko kayo sa Egipto.’” 33 Sinabi(I) naman ni Moises kay Aaron, “Kumuha ka ng isang banga at lagyan mo ng kalahating salop na manna. Pagkatapos, ialay mo sa harapan ni Yahweh upang itago para sa ating magiging mga anak at mga apo.” 34 Gaya ng iniutos ni Yahweh kay Moises, inilagay ni Aaron sa loob ng Kaban ng Tipan ang palayok ng manna. 35 Manna(J) ang kinain ng mga Israelita sa loob ng apatnapung taon, hanggang sa dumating sila sa Canaan. (36 Ang isang salop ay katumbas ng higit sa apat na litro.)
Footnotes
- Exodo 15:4 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
- Exodo 15:22 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
- Exodo 15:23 MARA…BATIS NA MAPAIT: Sa wikang Hebreo, ang kahulugan ng salitang “Mara” ay “mapait”.
- Exodo 16:31 MANNA: Sa wikang Hebreo, ang mga salitang “manna” at “ano ito?” ay magkasintunog.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
