Exodo 23
Magandang Balita Biblia
Ang mga Tuntunin tungkol sa Katarungan
23 “Huwag(A) kayong gagawa ng anumang pahayag na walang katotohanan. Huwag kayong magsisinungaling para lamang tulungan ang isang taong may kasalanan. 2 Huwag kayong makikiisa sa karamihan, sa paggawa ng masama o sa paghadlang sa katarungan. 3 Ngunit(B) huwag rin ninyong kikilingan ang mahihirap dahil lang sa kanilang kalagayan.
4 “Kung(C) makita ninyong nakawala ang baka o asno ng inyong kaaway, hulihin ninyo ito at dalhin sa may-ari. 5 Kapag nakita ninyong nakabuwal ang asno ng inyong kaaway dahil sa bigat ng dala, tulungan ninyo ang may-ari upang ibangon ang hayop.
6 “Huwag(D) ninyong pagkakaitan ng katarungan ang mahihirap. 7 Huwag kayong magbibintang nang walang katotohanan. Huwag ninyong hahatulan ng kamatayan ang isang taong walang kasalanan; paparusahan ko ang sinumang gagawa ng ganoon. 8 Huwag kayong tatanggap ng suhol sapagkat ang suhol ay bumubulag sa tao sa katuwiran at ikinaaapi naman ng mga walang sala.
9 “Huwag(E) ninyong aapihin ang mga dayuhan; naranasan na ninyo ang maging dayuhan sapagkat kayo man ay naging dayuhan din sa Egipto.
Ang Ikapitong Taon at ang Ikapitong Araw
10 “Anim(F) (G) na taon ninyong tatamnan ang inyong mga bukirin at anim na taon din ninyong aanihin ang bunga. 11 Sa ikapitong taon, huwag ninyo itong tatamnan at huwag din ninyong aanihin ang anumang tutubo roon. Bayaan na ninyo iyon sa mga kapatid ninyong mahirap, at ang matira ay ipaubaya na ninyo sa mga maiilap na hayop. Ganoon din ang gagawin ninyo sa inyong mga ubasan at taniman ng olibo.
12 “Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw ay titigil kayo sa paggawa upang makapahinga rin ang inyong mga baka, asno, alipin at ang mga manggagawang dayuhan.
13 “Pakinggan ninyong mabuti itong mga sinasabi ko sa inyo. Huwag kayong mananalangin sa mga diyus-diyosan, ni babanggitin man ang kanilang pangalan.
Ang Tatlong Pangunahing Pista
14 “Ipagpipista ninyo ako nang tatlong beses isang taon. 15 Ipagdiriwang(H) ninyo ang Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Tulad ng sinabi ko sa inyo, pitong araw na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. Ito'y gagawin ninyo sa takdang araw ng unang buwan, ang buwan ng pag-alis ninyo sa Egipto. Walang haharap sa akin nang walang dalang handog.
16 “Ipagdiriwang(I) din ninyo ang Pista ng Pag-aani tuwing aanihin ninyo ang unang bunga ng inyong mga bukirin.
“At ipagdiriwang din ninyo ang Pista ng mga Tolda sa pagtatapos ng taon, sa pitasan ng ubas at ng mga bungangkahoy. 17 Tatlong beses isang taon, lahat ng lalaki ay haharap sa Panginoong Yahweh.
18 “Huwag ninyong sasamahan ng tinapay na may pampaalsa ang mga hayop na ihahandog ninyo sa akin, at huwag ninyong hahayaang matira sa kinabukasan ang taba ng mga hayop na handog ninyo sa pagpipista para sa akin.
19 “Dadalhin(J) ninyo bilang handog sa bahay ni Yahweh na inyong Diyos ang mga pinakamainam na unang ani ng inyong mga bukirin.
“Huwag kayong maglalaga ng tupa o batang kambing sa gatas ng sarili nitong ina.
Mga Pangako at mga Tagubilin
20 “Magpapadala ako ng anghel na mangunguna sa inyo. Pangangalagaan niya kayo sa inyong paglalakbay at papatnubayan hanggang sa lupaing inihanda ko sa inyo. 21 Papakinggan ninyo siya at susundin ang lahat ng sasabihin niya sa inyo. Huwag ninyo siyang susuwayin sapagkat lahat ng ginagawa niya'y sa pangalan ko at hindi niya kayo patatawarin kapag nagrebelde kayo sa kanya. 22 Kung susundin ninyo siya at gagawin ninyo ang mga sinasabi ko, ipaglalaban ko kayo sa inyong mga kaaway. 23 Pangungunahan kayo ng aking anghel patungo sa lupain ng mga Amoreo, Heteo, Perezeo, Cananeo, Hivita at Jebuseo, at sila'y lilipulin ko. 24 Huwag ninyong yuyukuran o sasambahin ang kanilang mga diyus-diyosan, ni tutularan ang kanilang ginagawa. Durugin ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan pati mga haliging ginamit nila sa pagsamba. 25 Akong si Yahweh ang siya lamang ninyong paglilingkuran. Pasasaganain ko kayo sa pagkain at inumin, at ilalayo sa anumang karamdaman. 26 Isa man sa mga babaing Israelita ay walang makukunan o mababaog. At bibigyan ko kayo ng mahabang buhay.
27 “Dahil sa gagawin ko, masisindak ang lahat ng haharap sa inyo. Malilito ang mga bansang makakalaban ninyo at magtatakbuhan dahil sa takot. 28 Habang kayo'y papalapit, guguluhin ko ang inyong mga kaaway[a] at palalayasin ko ang mga Hivita, Cananeo at Heteo sa kanilang lupain. 29 Hindi ko muna sila paaalising lahat sa loob ng isang taon para hindi mapabayaan ang lupain at nang hindi dumami ang mga maiilap na hayop. 30 Unti-unti ko silang paaalisin hanggang sa dumami ang inyong mga anak. 31 Ang magiging hangganan ng inyong lupain ay mula sa Dagat na Pula[b] hanggang sa Dagat Mediteraneo, at mula sa ilang hanggang sa Ilog Eufrates. Ipapalupig ko sa inyo ang mga tagaroon at sila'y inyong palalayasin. 32 Huwag kayong makikipagtipan sa kanila o sa kanilang mga diyus-diyosan. 33 Huwag ninyo silang patitirahing kasama ninyo sa lupaing sasakupin ninyo, at baka mahikayat nila kayong magkasala sa akin. Kapag pinaglingkuran ninyo ang kanilang mga diyus-diyosan, iyon ang magiging simula ng inyong kapahamakan.”
Footnotes
- Exodo 23:28 guguluhin ko ang inyong mga kaaway: o kaya'y susuguin ko ang mga putakti .
- Exodo 23:31 Dagat na Pula: o kaya'y Dagat ng mga Tambo .
Exodo 23
Ang Biblia, 2001
23 “Huwag(A) kang magkakalat ng di-totoong balita. Huwag kang makikipagkapit-kamay sa taong masama upang maging isang saksing may masamang hangarin.
2 Huwag kang susunod sa marami upang gumawa ng masama, ni magbibigay patotoo sa isang usapin na kumakampi sa marami upang baluktutin ang katarungan;
3 ni(B) huwag mo ring papanigan ang dukha sa kanyang usapin.
4 “Kung(C) iyong makita ang baka ng iyong kaaway o ang kanyang asno na nakawala, ito ay ibabalik mo sa kanya.
5 Kung iyong makita ang asno ng napopoot sa iyo na nakalugmok sa ilalim ng kanyang pasan, huwag mo siyang iiwan sa gayong kalagayan, tulungan mo siyang buhatin ito.
6 “Huwag(D) mong babaluktutin ang katarungang nararapat sa iyong dukha sa kanyang usapin.
7 Layuan mo ang maling paratang at huwag mong papatayin ang walang sala at ang matuwid, sapagkat hindi ko pawawalang-sala ang masama.
8 Huwag kang tatanggap ng suhol, sapagkat ang suhol ay bumubulag sa mga pinuno at sinisira ang mga salita ng mga banal.
9 “Ang(E) dayuhan ay huwag mong aapihin, sapagkat alam ninyo ang puso ng dayuhan yamang kayo'y naging mga dayuhan sa lupain ng Ehipto.
Ang Ikapitong Taong Sabbath
10 “Anim(F) na taong hahasikan mo ang iyong lupa at aanihin mo ang bunga niyon;
11 subalit sa ikapitong taon ay iyong pagpahingahin ito at hayaang tiwangwang, upang ang dukha sa iyong bayan ay makakain. Ang kanilang maiiwan ay kakainin ng hayop sa bukid. Gayundin ang iyong gagawin sa iyong ubasan at sa iyong taniman ng olibo.
12 “Anim(G) na araw na gagawin mo ang iyong gawain, ngunit sa ikapitong araw ay magpapahinga ka upang ang iyong baka at ang iyong asno ay makapagpahinga, at ang anak na lalaki ng iyong aliping babae, at ang taga-ibang bayan ay makapagpahinga.
13 Ingatan ninyo ang lahat ng mga bagay na aking sinabi sa inyo; at huwag ninyong banggitin ang pangalan ng ibang diyos, o marinig man sa inyong bibig.
14 “Tatlong beses sa bawat taon na magdiriwang ka ng pista para sa akin.
15 Ang(H) pista ng tinapay na walang pampaalsa ay iyong ipagdiriwang; pitong araw na kakain ka ng tinapay na walang pampaalsa, gaya ng iniutos ko sa iyo, sa takdang panahon, sa buwan ng Abib, sapagkat noon ka umalis sa Ehipto. Walang lalapit sa harap ko na walang dala.
16 Iyong(I) ipagdiriwang ang pista ng pag-aani ng mga unang bunga ng iyong pagpapagal, na iyong inihasik sa bukid. Ipagdiriwang mo rin ang pista ng pag-aani, sa katapusan ng taon, kapag inaani mo mula sa bukid ang bunga ng iyong pagpapagal.
17 Tatlong ulit sa bawat taon na ang lahat ng iyong mga kalalakihan ay haharap sa Panginoong Diyos.
18 “Huwag mong iaalay ang dugo ng aking handog na kasabay ng tinapay na may pampaalsa; o iiwan mo man ang taba ng aking pista hanggang sa kinaumagahan.
19 “Ang(J) mga pinakauna ng mga unang bunga ng iyong lupa ay iyong dadalhin sa bahay ng Panginoon mong Diyos.
“Huwag mong pakukuluan ang batang kambing sa gatas ng kanyang ina.
Pangakong Pagpasok sa Canaan
20 “Aking isinusugo ang isang anghel sa unahan mo, upang ingatan ka sa daan, at upang dalhin ka sa dakong aking inihanda.
21 Mag-ingat kayo sa harap niya at dinggin ninyo ang kanyang tinig; huwag kayong maghimagsik sa kanya, sapagkat hindi niya patatawarin ang inyong pagsuway, sapagkat ang aking pangalan ay nasa kanya.
22 “Subalit kung diringgin mong mabuti ang kanyang tinig at gagawin mo ang lahat ng aking sinasabi ay magiging kaaway ako ng iyong mga kaaway, at kalaban ng iyong mga kalaban.
23 “Sapagkat ang aking anghel ay hahayo sa unahan mo at dadalhin ka sa mga Amoreo, mga Heteo, mga Perezeo, mga Cananeo, mga Heveo, at sa mga Jebuseo, at aking lilipulin sila.
24 Huwag kang yuyukod sa kanilang mga diyos, o maglilingkod man sa mga iyon, o gagawa man ng ayon sa kanilang mga gawa, kundi iyong wawasakin at iyong dudurugin ang kanilang mga haligi.
25 Inyong sasambahin ang Panginoon ninyong Diyos, at aking[a] pagpapalain ang inyong tinapay at ang inyong tubig, at aalisin ko ang sakit sa gitna ninyo.
26 Walang babaing makukunan, o magiging baog man sa iyong lupain; aking lulubusin ang bilang ng iyong mga araw.
27 Aking susuguin ang sindak sa unahan mo, at lilituhin ko ang buong bayan na iyong paroroonan, at aking patatalikurin sa iyo ang lahat ng iyong mga kaaway.
28 Aking susuguin sa unahan mo ang mga putakti na magpapalayas sa Heveo, sa Cananeo, at Heteo sa harapan mo.
29 Hindi ko sila papalayasin sa harapan mo sa loob ng isang taon; baka ang lupa'y maging ilang, at ang mababangis na hayop ay magsidami laban sa iyo.
30 Unti-unti ko silang papalayasin sa harapan mo, hanggang sa ikaw ay dumami at manahin mo ang lupain.
31 Aking ilalagay ang iyong hangganan mula sa Dagat na Pula hanggang sa dagat ng Filistia, at mula sa ilang hanggang sa Eufrates sapagkat aking ibibigay sa iyong kamay ang mga nananahan sa lupain at iyong papalayasin sila sa harapan mo.
32 Huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni sa kanilang mga diyus-diyosan.
33 Sila'y hindi dapat manirahan sa iyong lupain, baka gawin pa nilang magkasala ka laban sa akin; sapagkat kung ikaw ay maglingkod sa kanilang mga diyus-diyosan, tiyak na magiging bitag iyon sa iyo.”
Footnotes
- Exodo 23:25 Sa Hebreo ay kanyang .
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.