Exodo 21
Magandang Balita Biblia
Ang Batas sa mga Alipin(A)
21 “Ito ang tuntuning ibibigay mo sa bayang Israel. 2 Kapag(B) ang isang tao'y bumili ng aliping Hebreo, maglilingkod ito sa kanya sa loob ng anim na taon. Sa ikapito, makakalaya na siya nang hindi kailangang tubusin. 3 Kung ang alipin ay walang asawa nang bilhin, aalis siyang walang asawa. Ngunit kung may asawa siya nang mabili, kasama niya sa pag-alis ang kanyang asawa. 4 Kung sa kanyang pagkaalipin ay binigyan siya ng magiging asawa at nagkaanak sila, ang babae at ang mga anak ay maiiwan sa amo; siya lamang ang lalaya. 5 Ngunit kung ayaw na niyang umalis sapagkat mahal niya ang kanyang asawa't mga anak, gayon din ang kanyang amo 6 patutunayan niya ito sa harapan ng Diyos: dadalhin siya sa pintuan, sa tabi ng poste ng pinto at bubutasan ang isa niyang tainga. Sa gayon, magiging alipin siya habang buhay.
7 “Kapag ipinagbili ng ama ang kanyang anak na babae upang maging alipin, hindi ito palalayain tulad ng aliping lalaki. 8 Ngunit kung ang babae'y ipinagbili bilang asawa ng kanyang amo, subalit siya'y hindi nito kinaluguran, siya ay maaaring ipatubos sa kanyang mga kamag-anak. Walang karapatan ang kanyang amo na siya'y ipagbili sa mga dayuhan sapagkat hindi ito naging makatarungan sa babae. 9 Kung ang babae nama'y binili para sa anak ng amo, ituturing siya nito na parang tunay na anak. 10 At kung mag-asawa ng iba ang lalaki, ang babae ay patuloy na bibigyan ng kanyang pagkain, damit at patuloy na sisipingan ng kanyang asawang lalaki. 11 Kapag hindi tinupad ng lalaki ang tatlong bagay na ito, dapat palayain ang babae nang hindi na kailangang tubusin.
Mga Batas tungkol sa mga Karahasan
12 “Sinumang(C) manakit at makapatay sa kanyang kapwa ay dapat ring patayin. 13 Ngunit(D) kung hindi sinadya o binalak ang pagpatay at ito'y hinayaang mangyari ng Diyos, ang nakamatay ay maaaring magtago sa lugar na itatakda ko sa ganitong pangyayari. 14 Ngunit kung ang pagpatay ay sinasadya, darakpin ang pumatay at papatayin kahit magtago pa siya sa aking altar.
15 “Sinumang magbuhat ng kamay sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
16 “Sinumang(E) dumukot ng kapwa upang ipagbili o alipinin ay dapat patayin.
17 “Sinumang(F) magmura sa kanyang ama o ina ay dapat patayin.
18-19 “Ang manuntok o mamukpok ng bato sa pag-aaway ay hindi paparusahan kung ang sinuntok o pinukpok ay hindi namatay at muling nakalakad kahit nakatungkod. Ngunit kung ang sinuntok o pinukpok ay maratay, siya ay aalagaan ng nanakit at babayaran pa ang panahong hindi niya naipagtrabaho.
20 “Kapag sinaktan ng isang tao ang kanyang alipin, maging babae o lalaki, at ito'y namatay noon din, paparusahan ang taong iyon. 21 Ngunit kung ang alipin ay mabuhay ng isa o dalawang araw, hindi paparusahan ang amo sapagkat kanyang ari-arian ang alipin.
22 “Kung ang nag-aaway ay makasakit ng nagdadalang-tao at dahil doo'y nakunan ito, ngunit walang ibang pinsala, ang nakasakit ay magbabayad ng halagang hihingin ng asawa ng babae ayon sa kapasyahan ng mga hukom. 23 Ngunit kung may iba pang pinsalang tinamo ang babae, paparusahan ang nakasakit: buhay din ang kabayaran sa buhay, 24 mata(G) sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa, 25 sunog sa sunog, sugat sa sugat, galos sa galos.
26 “Kapag pinalo ng amo ang kanyang alipin, lalaki o babae, at ito'y nabulag, palalayain niya ang aliping iyon bilang kabayaran sa mata nito. 27 Ganoon din ang gagawin kung mabungi ng amo ang ngipin ng kanyang alipin, bilang kabayaran naman sa ngipin nito.
Ang Pananagutan ng May-ari
28 “Kapag ang isang baka ay nanuwag at nakapatay ng tao, babatuhin ang baka hanggang sa mamatay, ngunit huwag kakanin ang karne nito; walang pananagutan ang may-ari ng baka. 29 Kung ito'y dati nang nanunuwag ngunit pinabayaan pa ng may-ari matapos tawagin ang kanyang pansin, papatayin ang baka gayundin ang may-ari kapag nakamatay ang baka. 30 Gayunman, kung lalagyan ng halaga ang buhay ng namatay, babayaran ito ng may-ari at hindi na siya papatayin. 31 Kahit bata ang mapatay ng baka, iyan din ang tuntunin. 32 Kung alipin ang napatay sa suwag, ang amo ng alipin ay babayaran ng may-ari ng baka; tatlumpung pirasong pilak ang ibabayad at babatuhin ang baka hanggang sa mamatay.
33 “Kapag naiwang bukás ang isang balon, o kaya'y may humukay ng balon ngunit hindi tinakpan, at may baka o asnong nahulog doon, 34 ang nahulog na hayop ay babayaran ng may-ari ng balon ngunit kanya na ang hayop. 35 Kapag ang napatay naman sa suwag ay baka ng iba, ipagbibili ang nanuwag at ang pinagbilhan ay paghahatian ng dalawang may-ari, pati ang karne ng bakang napatay. 36 Ngunit kung ito'y dating nanunuwag at hindi ikinulong ng may-ari, papalitan niya ang napatay na baka at ito nama'y kanya na.
Exodo 21
Ang Biblia (1978)
Tungkol sa mga alipin.
21 Ito nga ang mga hatol (A)na igagawad mo sa harap nila.
2 (B)Kung ikaw ay bumili ng isang aliping Hebreo, ay anim na taong maglilingkod siya; at sa ikapito ay aalis siyang laya na walang sauling bayad.
3 Kung siya'y pumasok na magisa, ay aalis na magisa: kung may asawa ay aalis nga ang kaniyang asawa na kasama niya.
4 Kung siya'y bigyan ng kaniyang panginoon ng asawa, at magkaanak sa kaniya ng mga lalake, o mga babae; ang asawa at ang kaniyang mga anak ay magiging sa kaniyang panginoon, at siya'y aalis na magisa.
5 Datapuwa't kung maliwanag na sabihin ng alipin, Aking iniibig ang aking panginoon, ang aking asawa, at ang aking mga anak; ako'y hindi aalis na laya:
6 Kung magkagayo'y dadalhin siya ng kaniyang panginoon sa (C)Dios, at dadalhin siya sa pinto, o sa haligi ng pinto; at bubutasan ng kaniyang panginoon ang kaniyang tainga ng isang pangbutas; at paglilingkuran niya siya magpakailan man.
7 At kung (D)ipagbili ng isang lalake ang kaniyang anak na babae na maging alipin, (E)ay hindi siya aalis na gaya ng pagalis ng mga aliping lalake.
8 Kung siya'y hindi makapagpalugod sa kaniyang panginoon, na umayaw magasawa sa kaniya, ay ipatutubos nga niya siya: walang kapangyarihang ipagbili siya sa isang taga ibang lupa, yamang siya'y nadaya.
9 At kung pinapagasawa ng bumili sa kaniyang anak na lalake, ay kaniyang ipalalagay siya ng ayon sa kaugalian sa mga anak na babae.
10 Kung siya'y magasawa sa iba, ang kaniyang pagkain, ang kaniyang damit at ang kaniyang kapangyarihang pagkaasawa ay hindi niya babawasan.
11 At kung hindi niya gawin ang tatlong bagay na ito sa kaniya ay aalis nga siya na walang bayad, na walang tubos na salapi.
Mga utos tungkol sa mga pananakit.
12 (F)Ang sumakit sa isang tao, na ano pa't mamatay ay papataying walang pagsala.
13 (G)At kung hindi sinasadya ng isang tao, kundi Dios ang naghulog sa kaniyang kamay; (H)ay lalaanan kita ng isang dako na kaniyang tatakasan.
14 (I)At kung magtangka ang sinoman sa kaniyang kapuwa, na pumatay na may daya, (J)ay alisin mo siya sa aking dambana, upang patayin.
15 At ang sumakit sa kaniyang ama o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.
16 At (K)ang magnakaw ng isang tao, at ipagbili, o masumpungan sa kaniyang kamay, ay papataying walang pagsala.
17 At (L)ang lumait sa kaniyang ama, o sa kaniyang ina, ay papataying walang pagsala.
18 At kung may magbabag, at saktan ng isa ang isa, ng bato, o ng kaniyang suntok, at hindi mamatay, kundi mahiga lamang sa banig:
19 Kung makabangon uli, at makalakad sa tulong ng kaniyang tungkod, ay ligtas nga yaong sumakit sa kaniya; pagbabayaran lamang niya ang panahong nasayang, at kaniyang pagagalinging maigi.
20 At kung saktan ng sinoman ang kaniyang aliping lalake o babae, ng tungkod at mamatay sa kaniyang kamay; ay parurusahan siyang walang pagsala.
21 Gayon ma'y kung tumagal ng isang araw o dalawa, ay hindi siya parurusahan: sapagka't siya'y kaniyang salapi.
22 At kung may magbabag, at makasakit ng isang babaing buntis, na ano pa't makunan, at gayon ma'y walang karamdamang sumunod: ay tunay na papagbabayarin siya, ayon sa iatang sa kaniya ng asawa ng babae; at siya'y magbabayad ng ayon sa ipasiya ng mga hukom.
23 Datapuwa't kung may anomang karamdamang sumunod, magbabayad ka nga ng buháy kung buháy,
24 (M)Mata kung mata, ngipin kung ngipin, kamay kung kamay, paa kung paa,
25 Paso kung paso, sugat kung sugat, bugbog kung bugbog.
26 At kung saktan ng sinoman ang mata ng kaniyang aliping lalake, o ang mata ng kaniyang aliping babae at mabulag, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang mata.
27 At kung kaniyang bungalan ang kaniyang aliping lalake, o babae, ay kaniyang palalayain dahil sa kaniyang ngipin.
28 At kung ang isang baka ay manuwag ng isang lalake o ng isang babae, na ano pa't mamatay, (N)ay babatuhing walang pagsala ang baka at ang kaniyang lama'y hindi kakanin; datapuwa't ang may-ari ng baka ay maliligtas.
29 Datapuwa't kung ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at naisumbong na sa mayari at hindi niya kinulong, na ano pa't makamatay ng isang lalake, o isang babae: ay babatuhin ang baka at ang may-ari naman ay papatayin.
30 Kung siya'y atangan ng katubusan ay magbibigay nga siya (O)ng katubusan sa kaniyang buhay anomang iatang sa kaniya.
31 Maging manuwag sa isang anak na lalake o babae man, ay gagawin sa kaniya ayon sa kahatulang ito.
32 Kung ang baka ay manuwag sa isang aliping lalake o babae, ay magbabayad ang may-ari ng tatlong pung siklong pilak sa kanilang panginoon, (P)at ang baka ay babatuhin.
33 At kung ang sinoman ay magbubukas ng isang balon, o huhukay ng isang balon at hindi tatakpan, at ang isang baka, o ang isang asno ay mahulog sa loob,
34 Ay sasaulian ng may-ari ng balon; magbabayad siya ng salapi sa may-ari ng mga yaon, at ang patay na hayop ay magiging kaniya.
35 At kung ang baka ng sinoman ay sumakit sa baka ng iba, na ano pa't mamatay; ay kanila ngang ipagbibili ang bakang buháy, at kanilang paghahatiin ang halaga niyaon; at ang patay ay paghahatiin din nila.
36 O kung kilala, na ang baka ay dating manunuwag sa panahong nakaraan, at hindi kinulong ng may-ari; ay tunay ngang magbabayad siya, ng baka kung baka, at ang patay na hayop ay magiging kaniyang sarili.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
