Efeso 1
Magandang Balita Biblia
1 Mula(A) kay Pablo, na apostol ni Cristo Jesus ayon sa kalooban ng Diyos,
Para sa mga hinirang ng Diyos [na nasa Efeso][a] at tapat na sumasampalataya kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang kagandahang-loob at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal sa Pamamagitan ni Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal na nagmumula sa langit dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. 4 Bago pa likhain ang sanlibutan ay pinili na niya tayo upang maging kanya sa pamamagitan ng ating pakikipag-isa kay Cristo at upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa harap niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, 5 pinili niya tayo upang maging anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa kanyang layunin at kalooban. 6 Sa gayon ay purihin ang kaluwalhatian ng kanyang kagandahang-loob na sagana niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak! 7 Tinubos(B) tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang dugo at pinatawad ang ating mga kasalanan. Ganoon kasagana ang kanyang kagandahang-loob 8 na ibinuhos niya sa atin. Ayon sa kanyang karunungan at kaalaman, 9 ipinaunawa sa atin ng Diyos ang hiwaga ng kanyang kalooban ayon sa kanyang layunin na isasakatuparan sa pamamagitan ni Cristo 10 pagdating ng takdang panahon. Layunin niyang tipunin ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa, at ipasailalim ang mga ito kay Cristo.
11 Kami ay pinili ng Diyos mula pa sa simula na maging kanya sa pamamagitan ni Cristo, ayon sa kanyang plano. Ang Diyos ang gumagawa sa lahat ng bagay ayon sa layunin ng kanyang kalooban. 12 Kaming mga unang umasa sa kanya ay pinili niya at hinirang upang parangalan ang kanyang kaluwalhatian.
13 Sa pamamagitan ni Cristo, kayo rin na nakarinig ng salita ng katotohanan, ng Magandang Balita na nagdudulot ng kaligtasan, at sumampalataya sa kanya, ay pinagkalooban ng ipinangakong Espiritu Santo bilang tatak ng pagkahirang sa inyo. 14 Ang Espiritu ang katibayan na makakamit natin nang lubos ang lahat ng pangako ng Diyos sa atin, at sa gayon ay pupurihin ang kanyang kaluwalhatian.
Ang Panalangin ni Pablo
15 Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang tungkol sa inyong pananalig sa Panginoong Jesus at ang inyong pag-ibig sa lahat ng kanyang mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos para sa inyo. Hindi ko nakakalimutang ipanalangin kayo. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang maluwalhating Ama, na pagkalooban niya kayo ng espiritu ng karunungan at pagpapahayag tungkol sa Diyos upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nawa'y liwanagan ng Diyos ang inyong mga puso upang malaman ninyo ang pag-asa na para doon ay tinawag niya kayo, kung gaano kasagana ang pagpapalang inilaan niya para sa kanyang mga banal, 19 at kung ano ang di-masukat niyang kapangyarihan na kumikilos sa atin na mga nananalig sa kanya. Ang dakilang kapangyarihan ding iyon 20 ang(C) muling bumuhay kay Cristo at nag-upo sa kanya sa kanan ng Diyos sa kalangitan. 21 Mula roon ay namumuno si Cristo sa lahat ng paghahari, kapamahalaan, kapangyarihan, at pamunuan sa kalangitan. Higit na dakila ang kanyang pangalan kaysa sa lahat, hindi lamang sa panahong ito kundi maging sa darating. 22 Ipinailalim(D)(E) ng Diyos sa paa ni Cristo ang lahat ng bagay, at ginawa siyang ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya, 23 na siyang katawan ni Cristo, ang kapuspusan niya na pumupuno sa lahat ng bagay.
Footnotes
- Efeso 1:1 na nasa Efeso: Sa ibang manuskrito’y hindi nakasulat ang mga salitang ito.
Efeso 1
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pagbati
1 Mula kay (A) Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, para sa mga banal na nasa Efeso,[a] at mga tapat kay Cristo Jesus: 2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Mga Pagpapalang Espirituwal kay Cristo
3 Purihin ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na siyang nagpala sa atin kay Cristo ng bawat pagpapalang espirituwal sa sangkalangitan. 4 Bago pa itinatag ang sanlibutan, pinili na niya tayo kay Cristo upang tayo'y maging banal at walang kapintasan sa kanyang harapan. Dahil sa pag-ibig, 5 itinakda niya noong una pa man ang pagkupkop sa atin bilang kanyang mga anak sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, ayon sa mabuting hangarin ng kanyang kalooban. 6 Ito'y upang papurihan siya dahil sa kanyang kahanga-hangang biyaya, na walang bayad niyang ibinigay sa atin sa pamamagitan ng kanyang minamahal na Anak. 7 Sa (B) kanya'y nakamtan natin ang katubusan sa pamamagitan ng kanyang dugo, na siyang kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kanyang biyaya, 8 na masagana niyang ipinagkaloob sa atin. Sa buong karunungan at pagkaunawa, 9 ipinaalam niya sa atin ang hiwaga ng kanyang kalooban, ayon sa mabuting layunin na kanyang itinakda kay Cristo. 10 Ang layuning ito, na kanyang tutuparin pagdating ng takdang panahon, ay upang tipunin kay Cristo ang lahat ng mga bagay na nasa kalangitan at ang mga bagay na nasa ibabaw ng lupa. 11 Kay Cristo ay tumanggap din tayo ng pamana, na itinakda na noong una pa man ayon sa layunin niya na nagsasakatuparan ng lahat ng mga bagay ayon sa hangarin ng kanyang kalooban; 12 upang tayo, na unang nagkaroon ng pag-asa kay Cristo, ay maging karangalan ng kanyang kaluwalhatian. 13 Ito ay nangyari, nang inyong marinig ang salita ng katotohanan, ang ebanghelyo ng inyong kaligtasan, at nang kayo'y sumampalataya kay Jesus, at kayo rin naman ay tinatakan ng ipinangakong Banal na Espiritu. 14 Ibinigay ito bilang katibayan ng ating mamanahin, hanggang sa lubusang matubos ng Diyos ang mga sa kanya, para sa karangalan ng kanyang kaluwalhatian.
Panalangin ni Pablo
15 Dahil dito, nang mabalitaan ko ang inyong pananampalataya sa Panginoong Jesus, at ang inyong pag-ibig sa lahat ng mga banal, 16 walang tigil ang pasasalamat ko para sa inyo, at inaalala kayo sa aking mga panalangin. 17 Idinadalangin ko sa Diyos ng ating Panginoong Jesu-Cristo, ang Ama ng kaluwalhatian, na bigyan kayo ng Espiritu ng karunungan at ng pahayag upang lubos ninyo siyang makilala. 18 Nang sa gayon ay maliwanagan ang inyong puso,[b] upang maunawaan ninyo ang pag-asa ng kanyang pagtawag sa inyo, ang kayamanan ng kanyang maluwalhating pamana sa mga banal, 19 at ang walang kapantay na kadakilaan ng kanyang kapangyarihan para sa ating mga sumasampalataya, ayon sa paggawa ng kanyang makapangyarihang lakas. 20 Isinagawa (C) niya ito kay Cristo, nang siya'y kanyang muling buhayin mula sa kamatayan, at iluklok sa kanyang kanan sa kalangitan, 21 na mas mataas kaysa lahat ng mga pamunuan, mga awtoridad, kapangyarihan, at pamamahala, at mas dakila sa bawat pangalan na maaaring ibigay kaninuman, hindi lamang sa panahong ito, kundi maging sa darating. 22 (D) At ipinasakop ng Diyos ang lahat ng mga bagay sa ilalim ng kanyang mga paa, at ginawa siyang ulo ng lahat para sa iglesya. 23 (E) Ang iglesya ang katawan at kapuspusan ni Cristo, na siya namang pumupuspos ng lahat sa lahat.
Footnotes
- Efeso 1:1 Sa mga naunang manuskrito wala ang salitang na nasa Efeso.
- Efeso 1:18 inyong puso, sa Griyego, mga mata ng inyong puso.
Efeso 1
Ang Biblia (1978)
1 Si (A)Pablo, na apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Dios, sa mga banal na nangasa Efeso, (B)at sa mga tapat kay Cristo Jesus:
2 Sumainyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Dios na ating Ama at sa Panginoong Jesucristo.
3 (C)Purihin nawa ang Dios at Ama ng ating Panginoong Jesucristo, na siyang nagpala sa atin ng bawa't pagpapalang (D)ukol sa espiritu sa sangkalangitan kay Cristo:
4 Ayon sa pagkapili niya sa atin (E)sa kaniya bago itinatag ang sanglibutan, upang tayo'y maging mga banal at mga walang dungis (F)sa harapan niya sa pagibig:
5 Na tayo'y itinalaga niya nang una pa (G)sa pagkukupkop na tulad sa mga anak (H)sa pamamagitan ni Jesucristo sa ganang kaniya, (I)ayon sa minagaling ng kaniyang kalooban,
6 Sa ikapupuri ng kaluwalhatian ng kaniyang biyaya, na sa atin ay ipinagkaloob na masagana sa (J)Minamahal:
7 Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating katubusan sa pamamagitan ng kaniyang dugo, (K)na kapatawaran ng ating mga kasalanan, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,
8 Na pinasagana niya sa atin, sa buong (L)karunungan at katalinuhan,
9 Na ipinakikilala niya sa atin ang hiwaga (M)ng kaniyang kalooban, ayon sa kaniyang minagaling na ipinasiya niya sa kaniya rin.
10 Sa pagiging katiwala sa kaganapan ng mga panahon, (N)upang tipunin ang (O)lahat ng mga bagay kay Cristo, ang mga bagay na nangasa sangkalangitan, at ang mga bagay na nangasa ibabaw ng lupa; sa kaniya, sinasabi ko,
11 Tayo rin naman sa kaniya ay (P)ginawang mana, na itinalaga na niya tayo nang una pa (Q)ayon sa pasiya niyaong gumagawa ng lahat ng mga bagay ayon sa pasiya ng kaniyang kalooban;
12 (R)Upang tayo'y maging kapurihan ng kaniyang kaluwalhatian, tayong nagsiasa nang una kay Cristo:
13 Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan,—na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan (S)ng Espiritu Santo, na ipinangako,
14 Na siyang patotoo (T)sa ating mana, hanggang sa ikatutubos (U)ng sariling pagaari ng Dios, (V)sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian.
15 Dahil dito ako rin naman, (W)pagkarinig ng pananampalataya sa Panginoong Jesus na nasa inyo, at ng pagibig na inyong ipinakita sa lahat ng mga banal,
16 Ay (X)hindi ako tumitigil ng pagpapasalamat dahil sa inyo, na aking binabanggit kayo sa aking mga panalangin;
17 Upang ipagkaloob sa inyo ng Dios ng ating Panginoong Jesucristo, (Y)ng Ama ng kaluwalhatian, ang espiritu ng karunungan at ng pahayag sa pagkakilala sa kaniya;
18 Yamang naliwanagan ang mga mata ng inyong puso, upang maalaman ninyo kung ano (Z)ang pagasa sa kaniyang pagtawag, kung ano ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng kaniyang (AA)pamana sa mga banal,
19 At kung ano ang dakilang kalakhan ng kaniyang kapangyarihan sa ating nagsisisampalataya, (AB)ayon sa gawa ng kapangyarihan ng kaniyang lakas,
20 Na kaniyang ginawa kay Cristo, (AC)nang ito'y kaniyang buhaying maguli sa mga patay, at (AD)pinaupo sa kaniyang kanan (AE)sa sangkalangitan,
21 Sa kaibaibabawan ng (AF)lahat na (AG)pamunuan, at kapamahalaan, at kapangyarihan, at pagkasakop, at sa (AH)bawa't pangalan na ipinangungusap, hindi lamang sa sanglibutang ito, kundi naman sa darating:
22 At ang lahat ng mga bagay ay (AI)pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang (AJ)maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia,
23 (AK)Na siyang katawan niya, (AL)na kapuspusan niyaong (AM)pumupuspos ng lahat sa lahat.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978