Add parallel Print Page Options

39 Aking sinabi, ako'y magiingat sa aking mga lakad, upang huwag akong magkasala ng aking dila: aking iingatan ang aking dila ng paningkaw, samantalang ang masama ay nasa harap ko.

Ako'y napipi ng pagtahimik, ako'y tumahimik pati sa mabuti; at ang aking kalungkutan ay lumubha.

Ang aking puso ay mainit sa loob ko; habang ako'y nagbubulaybulay ay nagalab ang apoy: nang magkagayo'y nagsalita ako ng aking dila:

Panginoon, ipakilala mo sa akin ang aking wakas, at ang sukat ng aking mga kaarawan, kung ano; ipakilala mo sa akin kung gaano kahina ako.

Narito, gaya ng mga dangkal ginawa mo ang aking mga kaarawan; at ang aking gulang ay tila wala sa harap mo: tunay na bawa't tao sa kaniyang mainam na kalagayan ay pawang walang kabuluhan. (Selah)

Tunay na bawa't tao ay lumalakad sa walang kabuluhang lilim: tunay na sila'y nagugulo ng walang kabuluhan: kaniyang ibinubunton ang mga kayamanan, at hindi nalalaman kung sinong nagsisipulot.

At ngayon, Panginoon, ano pa ang aking hinihintay? Ang aking pagasa ay nasa iyo.

Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsalangsang: huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.

Ako'y pipi, hindi ko ibinuka ang aking bibig; sapagka't ikaw ang gumawa.

10 Iurong mo sa akin ang iyong suntok: ako'y bugbog na sa suntok ng iyong kamay.

11 Pagka sa pamamagitan ng mga parusa dahil sa kasamaan ay iyong sinasaway ang tao, iyong sinisira ang kaniyang kagandahan na parang pagsira ng tanga: tunay na bawa't tao ay walang kabuluhan. (Selah)

12 Iyong dinggin ang aking dalangin, Oh Panginoon, at pakinggan mo ang aking daing: huwag kang tumahimik sa aking mga luha: sapagka't ako'y taga ibang lupa na kasama mo; nakikipamayan na gaya ng lahat na aking mga magulang.

13 Oh tulungan mo ako, upang ako'y magbawing lakas, Bago ako manaw, at mawala.

Ang Pagpapahayag ng Kasalanan ng Taong Nahihirapan

39 Sinabi ko sa aking sarili,
    “Ang ugali koʼy aking babantayan, sa pagsasalita, ang magkasalaʼy iiwasan.
    Pipigilan ko ang aking mga labi habang malapit ako sa masasamang tao.”
Kaya tumahimik ako at walang anumang sinabi kahit mabuti,
    ngunit lalong nadagdagan ang sakit ng aking kalooban.
Akoʼy tunay na nabahala,
    at sa kaiisip koʼy lalo akong naguluhan,
    kaya nang hindi ko na mapigilan ay sinabi ko,
Panginoon, paalalahanan nʼyo ako na may katapusan at bilang na ang aking mga araw,
    na ang buhay ko sa mundoʼy pansamantala lamang.
    Paalalahanan nʼyo akong sa mundo ay lilisan.
Kay ikli ng buhay na ibinigay nʼyo sa akin.
    Katumbas lang ng isang saglit para sa inyo.
    Itoʼy parang hangin lamang na dumadaan,
o kayaʼy parang anino na nawawala.
    Abala siya sa mga bagay na wala namang kabuluhan.
    Nagtitipon siya ng kayamanan, ngunit kapag siyaʼy namatay,
    hindi na niya alam kung sino ang makikinabang.
At ngayon, Panginoon, ano pa ang aasahan ko?
    Kayo lang ang tanging pag-asa ko.
Iligtas nʼyo ako sa lahat kong kasalanan,
    at huwag nʼyong hayaang pagtawanan ako ng mga hangal.
Akoʼy mananahimik at hindi na ibubuka pa ang aking bibig,
    dahil nanggaling sa inyo ang pagdurusa kong ito.
10 Huwag nʼyo na akong parusahan.
    Akoʼy parang mamamatay na sa dulot nʼyong kahirapan.
11 Dinidisiplina nʼyo ang tao kapag siya ay nagkakasala.
    Katulad ng anay, inuubos nʼyo rin ang kanilang mga pinahahalagahan.
    Tunay na ang buhay ng tao ay pansamantala lamang.[a]

12 Panginoon, dinggin nʼyo ang dalangin ko.
    Pakinggan nʼyo ang paghingi ko ng tulong sa inyo.
    Huwag nʼyo sanang balewalain ang aking mga pag-iyak.
    Dahil dito sa mundo akoʼy dayuhan lamang,
    gaya ng aking mga ninuno, sa mundo ay lilisan.
13 Huwag na kayong magalit sa akin,
    upang akoʼy maging masaya bago ako mamatay.”

Footnotes

  1. 39:11 pansamantala lamang: sa literal, parang hininga lamang.
'Awit 39 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.