Add parallel Print Page Options

Ang mga Hatol ng Panginoon

Nakita kong nakatayo sa may altar ang Panginoon. At siya'y nag-utos ng ganito:

“Bayuhin mo ang mga haligi ng templo hanggang sa mauga ang buong pundasyon,
    at ihampas ito sa ulo ng mga tao.
Ang mga nalabi ay masasawi sa digmaan,
    walang sinumang makakatakas;
    isa ma'y walang makakaligtas.
Humukay man sila patungo sa daigdig ng mga patay,
    aabutan ko pa rin sila.
Umakyat man sila sa langit,
    hihilahin ko silang pababa mula roon.
Kung magtago man sila sa Bundok ng Carmel,
    tutugisin ko sila't huhulihin.
Magtago man sila sa kalaliman ng dagat,
    uutusan ko ang dambuhala sa dagat upang sila'y lamunin.
Kung bihagin man sila ng kanilang kaaway,
    iuutos kong sila'y patayin sa pamamagitan ng tabak.
Ipinasya ko nang puksain sila at hindi tulungan.”

Si Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon,
    siya na humipo sa lupa at iyon ay natutunaw,
    at ang lahat ng naroon ay nagdadalamhati.
Dahil dito'y ang buong lupain ay tumataas gaya ng Ilog Nilo,
    at bumababa gaya ng ilog sa Egipto.
Siya na gumagawa ng mga silid doon sa kalangitan,
    at naglalagay ng pundasyon nito sa ibabaw ng lupa,
inipon niya ang tubig sa dagat,
    at ibinubuhos iyon sa lupa.
Yahweh ang kanyang pangalan!

Sinasabi ni Yahweh,
“Para sa akin, kayong mga taga-Israel, ay kapantay lang ng mga taga-Etiopia.
Hinango ko ang Israel mula sa Egipto;
    iniahon ko ang mga Filisteo sa Caftor at ang mga taga-Siria mula sa Kir.
Ako ang Panginoong Yahweh na nagmamasid sa makasalanang kaharian ng Israel.
    Lilipulin ko sila sa balat ng lupa,
    ngunit di ko lubusang pupuksain ang lahi ni Jacob.

“Iuutos kong ligligin
    ang bayan ng Israel kasama ng lahat ng bansa;
tulad ng pag-alog sa salaan,
    ngunit walang butil na babagsak sa lupa.
10 Ang mga makasalanan sa aking bayan ay masasawi sa digmaan;
    lahat ng nagsasabing, ‘Hindi ipahihintulot ng Diyos na tayo'y mapahamak.’”

Manunumbalik ang Israel

11 “Sa(A) araw na iyon, ibabangon kong muli
    ang nawasak na kaharian ni David,
at aayusin kong muli ang mga nasirang dako.
    Ibabalik ang mga guho;
    itatayo kong muli iyon, kagaya noong una.
12 Sa gayon ay sasakupin ng Israel ang nalalabi sa lupain ng Edom
    at ang lahat ng bansang dati'y aking pag-aari,”
    sabi ni Yahweh na siyang gagawa ng mga bagay na ito.

13 Sinabi rin ni Yahweh, “Darating ang panahon,
    mag-aararo ang magbubukid habang nag-aani pa ang manggagapas;
    at maghahasik na ng binhi ng ubas ang magsasaka habang gumagawa pa ng alak ang mag-aalak.
Dadaloy sa mga bundok ang bagong alak,
    at masaganang aagos sa mga burol.
14 Ibabalik ko sa kanilang lupain ang aking bayan.
    Itatayo nilang muli ang kanilang mga lunsod na nawasak, at doon sila maninirahan.
Tatamnan nilang muli ang mga ubasan at sila'y iinom ng alak.
    Magtatanim silang muli sa mga halamanan at kakain ng mga bunga niyon.
15     Ibabalik ko ang Israel sa lupaing ibinigay ko sa kanila,
    at hindi na sila maaalis pang muli roon.”
Si Yahweh na inyong Diyos ang nagsasalita.

Ang hatol ng Panginoon ay hindi maiiwasan.

(A)Aking nakita ang Panginoon na nakatayo sa tabi ng dambana: at kaniyang sinabi, Hampasin mo ang mga kapitel, upang ang mga tungtungan ay mauga; at mangagkaputolputol sa ulo nilang lahat; at aking papatayin ng tabak (B)ang huli sa kanila: (C)walang makatatakas sinoman sa kanila, at walang makatatanang sinoman sa kanila.

Bagaman sila'y humukay (D)hanggang sa Sheol, mula roo'y kukunin sila ng aking kamay; at bagaman sila'y sumampa hanggang sa langit, mula roo'y ibababa ko sila.

At bagaman sila'y magsipagtago sa taluktok ng Carmelo, aking hahanapin at kukunin sila mula roon; at bagaman sila'y magsikubli sa aking paningin sa gitna ng dagat, mula roo'y uutusan ko ang ahas, at tutukain niyaon sila.

At bagaman sila'y magsipasok sa pagkabihag sa harap ng kanilang mga kaaway, mula roon ay aking uutusan ang tabak, at papatayin niyaon sila: at aking itititig ang aking mga mata sa kanila (E)sa ikasasama, at hindi sa ikabubuti.

Sapagka't ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay siyang humihipo ng lupain (F)at natutunaw, (G)at lahat na nagsisitahan doon ay magsisitangis; at babangong samasama na gaya ng Ilog, at lulubog uli, na gaya ng Ilog ng Egipto;

Siya na gumawa ng kaniyang mga silid sa langit, at kumatha ng kaniyang balantok sa lupa; (H)siya na tumatawag ng tubig sa dagat at ibinubugso sa ibabaw ng lupa; Panginoon ang kaniyang pangalan.

(I)Di baga kayo'y parang mga anak ng mga taga Etiopia sa akin, Oh mga anak ni Israel? sabi ng Panginoon. Hindi ko baga pinasampa ang Israel mula sa lupain ng Egipto, at ang mga Filisteo, ay mula sa Caphtor, at ang mga taga Siria ay sa Chir?

Narito, ang mga mata ng Panginoong Dios ay nasa makasalanang kaharian, at (J)aking ipapahamak mula sa ibabaw ng lupa; liban na hindi ko lubos na ipapahamak ang sangbahayan ni Jacob, sabi ng Panginoon.

Sapagka't, narito, ako'y maguutos, at aking sasalain ang sangbahayan ni Israel sa gitna ng lahat na bansa, gaya ng trigo na nabithay sa isang bithay, gayon ma'y hindi malalaglag sa lupa ang pinakamaliit na butil.

10 Lahat na makasalanan sa aking bayan ay mangamamatay sa pamamagitan ng tabak, na nangagsasabi, Ang kasamaan ay hindi aabot sa atin o mauuna man sa atin.

Ang katapusang pagkakatayo ng bayan ng Panginoon.

11 (K)Sa araw na yaon ay ibabangon (L)ko ang tabernakulo ni David na buwal, at tatakpan ko ang mga sira niyaon; at ibabangon ko ang mga guho niyaon, at aking itatayo na gaya ng mga araw ng una;

12 Upang kanilang ariin ang nalabi sa Edom, at ang lahat na bansa na mga tinatawag sa aking pangalan, sabi ng Panginoon na gumagawa nito,

13 Narito, ang mga kaarawan ay dumarating, sabi ng Panginoon, na aabutan ng mangaararo ang mangaani, at (M)ng mamimisa ng ubas ang magtatanim ng binhi; at ang mga bundok ay papatak ng matamis na alak, at lahat na burol (N)ay mangatutunaw.

14 At akin uling ibabalik ang (O)nangabihag sa aking bayang Israel, at (P)kanilang itatayo ang mga wasak na bayan, at tatahanan nila; at sila'y mangaguubasan, at magsisiinom ng alak niyaon; magsisigawa rin sila ng mga halamanan, at magsisikain ng bunga ng mga yaon.

15 At aking itatatag sila sa kanilang lupain; at hindi na sila mabubunot pa sa kanilang lupain, na aking ibinigay sa kanila, sabi ng Panginoon mong Dios.

'Amos 9 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version.