Amos 5
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon)
Panawagan Upang Magsisi
5 Mga taga-Israel, pakinggan ninyo ang panaghoy kong ito tungkol sa inyo:
2 Nabuwal ang Israel at di na makakabangon.
Nakahandusay siya at sa kanya'y walang tumutulong.
3 Sinabi ng Panginoong Yahweh,
“Sa sanlibong kawal na inatasan ng isang lunsod,
iisang daan ang makakabalik;
sa sandaan namang inatasan ng isa pang lunsod,
ang makakabalik ay sampu na lamang.”
4 Ito pa ang sabi ni Yahweh sa mga taga-Israel:
“Lumapit kayo sa akin at kayo'y mabubuhay;
5 huwag kayong pumunta sa Bethel upang humingi ng tulong;
huwag kayong pumunta doon sa Beer-seba,
sapagkat ang mga taga-Gilgal ay tiyak na mabibihag,
at ang Bethel ay mawawalang kabuluhan.”
6 Lumapit kayo kay Yahweh at kayo'y mabubuhay.
Kung hindi, bababâ siyang parang apoy sa mga anak ni Jose,
susunugin ang Bethel at walang makakasugpo sa apoy na ito.
7 Kahabag-habag kayo na nagkakait ng katarungan
at yumuyurak sa karapatan ng mga tao!
8 Nilikha(A) ni Yahweh ang Pleyades at ang Orion.
Itinatakda niya ang araw at ang gabi.
Tinipon niya ang tubig mula sa karagatan,
upang muling ibuhos sa sangkalupaan;
Yahweh ang kanyang pangalan.
9 Winawasak niya ang mga kuta at dinudurog ang mga tanggulan.
10 Namumuhi kayo sa naninindigan sa katarungan,
at hinahamak ang nagsasabi ng katotohanan.
11 Ginigipit ninyo ang mahihirap
at hinuhuthot ang kanilang ani.
Kaya't hindi ninyo matitirhan ang bahay na batong inyong itinayo,
ni malalasap man lang ang alak mula sa malalawak ninyong ubasan.
12 Alam ko kung gaano karami ang inyong ginawang kasamaan,
at kung gaano kabigat ang inyong mga kasalanan.
Kayo'y humihingi ng suhol sa mga taong matuwid,
at ipinagkakait ninyo sa mga mahihirap ang katarungan.
13 Naghahari ang kasamaan sa panahong ito;
kaya't kung ika'y matalino, mananahimik ka na lang.
14 Gawin mo ang matuwid, hindi ang masama,
upang ikaw ay mabuhay.
Sa gayon, sasaiyo si Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
tulad ng sinasabi mo.
15 Kamuhian mo ang masama, ibigin ang mabuti.
Pairalin mo sa mga hukuman ang katarungan,
baka sakaling kahabagan ni Yahweh
ang matitirang buháy sa lahi ni Jose.
16 Kaya't sinasabi ni Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat, ang Panginoon,
“Maririnig sa mga lansangan ang mga pagtangis;
at ang mga paghihinagpis sa mga liwasan.
Pati ang mga magsasaka ay makikidalamhati,
kasama ng mga bayarang taga-iyak.
17 May mga pagtangis sa bawat ubasan,
sapagkat darating na ako sa inyong kalagitnaan.”
18 Kahabag-habag kayo na naghihintay sa pagdating ng araw ni Yahweh!
Bakit ninyo hinihintay ang araw na iyon?
Iyon ay magiging araw ng kadiliman, hindi ng kaliwanagan.
19 Para kayong umiwas sa leon ngunit oso ang nasagupa!
O kaya'y gaya ng isang taong umuwi sa bahay,
ngunit pagsandal sa dingding ay tinuklaw ng ahas!
20 Magiging pusikit na kadiliman at hindi kaliwanagan ang araw ni Yahweh;
araw na napakalungkot at napakadilim!
21 “Namumuhi(B) ako sa inyong mga handaan,
hindi ako nalulugod sa inyong mga banal na pagtitipon.
22 Hindi ko matatanggap ang inyong mga handog na sinusunog,
handog na mga pagkaing butil at mga hayop na pinataba.
Kahit na ang mga iyon ay handog pangkapayapaan,
hindi ko pa rin papansinin.
23 Tigilan na ninyo ang maiingay na awitan;
ayoko nang marinig ang inyong mga alpa.
24 Sa halip ay padaluyin ninyo ang katarungan, gaya ng isang ilog;
gayundin ang katuwiran tulad ng isang di natutuyong batis.
25 “Sa(C) loob ng apatnapung taóng pamamalagi ninyo sa ilang, O Israel, nagdala ba kayo sa akin ng mga handog na sinusunog at ng mga handog ng pasasalamat? 26 Buhatin na ninyo ang rebulto ni Sakut na inyong hari at ni Kaiwan, ang diyos na bituin, ang mga imahen na inyong ginawa. 27 Dahil dito'y itatapon ko kayo sa kabila pa ng Damasco,” sabi ni Yahweh, na ang pangalan ay Diyos na Makapangyarihan sa lahat.
Amos 5
Ang Biblia, 2001
Panawagan sa Pagsisisi
5 Pakinggan ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, O sambahayan ni Israel:
2 “Siya'y bumagsak na,
hindi na siya babangon pa, ang birhen ng Israel;
siya'y itinakuwil sa kanyang lupain,
walang magbangon sa kanya.”
3 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
“Ang lunsod na lumabas na isang libo ay magkakaroon ng isandaang maiiwan,
at ang lumabas na isandaan ay magkakaroon ng sampung maiiwan,
sa sambahayan ni Israel.”
4 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon sa sambahayan ni Israel,
“Hanapin ninyo ako, at kayo'y mabubuhay;
5 ngunit huwag ninyong hanapin ang Bethel,
at huwag pumasok sa Gilgal,
ni dumaan sa Beer-seba;
sapagkat ang Gilgal ay tiyak na patungo sa pagkabihag,
at ang Bethel ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mabubuhay;
baka siya'y magsiklab na parang apoy sa sambahayan ni Jose,
at lalamunin nito ang Bethel, at walang makakapatay niyon.
7 O kayo na ginagawa ninyong mapait na kahoy ang katarungan,
at inihahagis sa lupa ang katuwiran!
8 Siya(A) na lumikha ng Pleyades at Orion,
at ang gabing malalim ay ginagawang umaga,
at pinadidilim ang araw upang maging gabi,
na tinatawag ang mga tubig ng dagat,
at ibinubuhos ang mga iyon sa ibabaw ng lupa
ang Panginoon ang kanyang pangalan;
9 siya ang nagdadala ng biglang pagkawasak laban sa malakas,
anupa't ang pagkawasak ay dumarating sa tanggulan.
10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuan,
at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng katotohanan.
11 Kaya't yamang inyong niyayapakan ang dukha,
at pinagbubuwis ninyo siya ng trigo,
kayo'y nagtayo ng mga bahay na batong tinabas,
ngunit hindi ninyo iyon tatahanan;
kayo'y nagtanim ng magagandang ubasan,
ngunit hindi ninyo iinumin ang alak niyon.
12 Sapagkat alam ko kung gaano karami ang inyong mga pagsuway,
at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—
kayong nagpapahirap sa matuwid, kayo na kumukuha ng suhol,
at itinutulak sa isang tabi ng pintuan ang nangangailangan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong iyon;
sapagkat iyon ay masamang panahon.
14 Hanapin ninyo ang mabuti at hindi ang masama,
upang kayo'y mabuhay;
at sa gayo'y ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo, ay magiging kasama ninyo,
gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama,
at ibigin ang mabuti, at kayo'y magpairal ng katarungan sa pintuang-bayan.
Marahil ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo,
ay magiging mapagpala sa mga nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng mga hukbo, ang Panginoon:
“Magkakaroon ng panaghoy sa lahat ng mga liwasan,
at sila'y magsasabi sa lahat ng lansangan, ‘Kahabag-habag! Kahabag-habag!’
Kanilang tatawagin ang magbubukid upang magdalamhati,
at sa pagtangis ang mga bihasa sa panaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy;
sapagkat ako'y daraan sa gitna mo,” sabi ng Panginoon.
18 Kahabag-habag kayong nagnanais ng araw ng Panginoon!
Sa anong layunin ang araw ng Panginoon sa inyo?
Iyon ay kadiliman at hindi kaliwanagan,
19 gaya ng isang tao na tumakas sa leon,
at sinalubong siya ng oso,
o pumasok sa bahay at ikinapit ang kanyang kamay sa dingding,
at isang ahas ang tumuka sa kanya.
20 Hindi ba kadiliman ang araw ng Panginoon, at hindi kaliwanagan,
at kadiliman na walang ningning doon?
21 “Aking(B) kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan,
at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang pagtitipon.
22 Bagaman inyong inihahandog sa akin ang inyong mga handog na sinusunog at mga handog na butil,
hindi ko iyon tatanggapin;
ni akin mang pagmamasdan
ang mga handog pangkapayapaan ng inyong mga pinatabang hayop.
23 Ilayo mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit;
hindi ako makikinig sa himig ng iyong mga alpa.
24 Kundi paagusin ninyo ang katarungan na parang tubig,
at ang katuwiran na parang batis na patuloy na umaagos.
25 “Nagdala(C) ba kayo sa akin ng mga alay, at mga handog sa ilang sa loob ng apatnapung taon, O sambahayan ni Israel?
26 Inyong dinala si Sakkuth na inyong hari, at si Kaiwan na inyong mga larawan, ang bituin ng inyong diyos, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
27 Kaya't kayo'y aking dadalhin sa pagkabihag sa kabila ng Damasco,” sabi ng Panginoon, na ang pangalan ay Diyos ng mga hukbo.
Amos 5
Ang Dating Biblia (1905)
5 Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ang dalaga ng Israel ay nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay;
5 Nguni't huwag ninyong hanapin ang Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:
7 Kayong nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.
8 Inyong hanapin ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);
9 Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.
10 Kanilang kinapopootan ang nananaway sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.
11 Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.
12 Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan: kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.
14 Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
18 Sa aba ninyo na nangagnanasa ng kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman nga, at hindi kaliwanagan.
19 Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.
20 Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning?
21 Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan.
22 Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa kapayapaan na inyong mga matabang hayop.
23 Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola.
24 Kundi bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos.
25 Nagdala baga kayo sa akin ng mga hain, at ng mga handog sa ilang na apat na pung taon, Oh sangbahayan ni Israel?
26 Oo, inyong pinasan ang tabernakulo ng inyong hari at ang dambana ng inyong mga larawan, ang bituin ng inyong dios, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
27 Kaya't kayo'y aking papapasukin sa pagkabihag sa dako roon ng Damasco, sabi ng Panginoon, na ang pangala'y Dios ng mga hukbo.
Amos 5
Ang Biblia (1978)
Ang Israel ay sinamo upang hanapin ang Panginoon.
5 Dinggin ninyo ang salitang ito na aking itinataghoy sa inyo, Oh sangbahayan ni Israel.
2 Ang dalaga ng Israel ay (A)nabuwal; siya'y hindi na magbabangon pa, (B)siya'y nahagis sa kaniyang lupain; walang magbangon sa kaniya.
3 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoong Dios: Ang bayan na lalabas na isang libo, maiiwang isang daan, at ang lalabas na isang daan ay maiiwang sangpu, sa sangbahayan ni Israel.
4 Sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon sa sangbahayan ni Israel; Hanapin ninyo ako, at kayo'y mangabubuhay;
5 Nguni't huwag ninyong hanapin ang (C)Beth-el, ni magsipasok man sa Gilgal, at huwag kayong magsidaan sa (D)Beer-seba: sapagka't walang pagsala ang Gilgal ay papasok sa pagkabihag, at ang Beth-el ay mauuwi sa wala.
6 Inyong hanapin ang Panginoon, at kayo'y mangabubuhay; baka siya'y sumigalbong parang apoy sa sangbahayan ni Jose, at supukin yaon, at sa Beth-el ay walang makapapatay niyaon:
7 Kayong (E)nagpapaging ajenjo sa kahatulan, at nagwawaksi ng katuwiran sa lupa.
8 Inyong hanapin (F)ang lumikha ng mga Pleyades at ng Orion, (G)at ang lilim ng kamatayan ay pinapaging umaga, (H)pinapagdilim ang araw sa pamamagitan ng gabi; yaong tumatawag sa tubig sa dagat, at nagbubugso ng mga yaon sa ibabaw ng lupa (Panginoon ang siya niyang pangalan);
9 Yaong nagdadala ng biglang kabuwalan sa malakas, na anopa't ang pagkasira ay dumarating sa katibayan.
10 Kanilang kinapopootan (I)ang nananaway (J)sa pintuang-bayan, at kanilang kinasusuklaman ang nagsasalita ng matuwid.
11 Palibhasa nga't inyong niyayapakan ang dukha, at inyong hinihingan siya ng trigo: kayo'y (K)nangagtayo ng mga bahay na batong tinabas, nguni't hindi ninyo tatahanan; kayo'y nangagtanim ng mga maligayang ubasan, nguni't hindi kayo magsisiinom ng alak niyaon.
12 Sapagka't talastas ko kung gaano karami ang inyong mga pagsalangsang, at kung gaano kalaki ang inyong mga kasalanan—kayong nagsisidalamhati sa ganap, na kinukunan ninyo ng suhol, at inyong inililigaw sa kanilang matuwid (L)ang mapagkailangan sa pintuang-bayan.
13 Kaya't siya na mabait ay tatahimik sa panahong yaon; sapagka't masamang panahon.
14 Magsihanap kayo ng kabutihan, at huwag kasamaan, upang kayo'y mangabuhay; at sa gayo'y ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo, ay sasa inyo, (M)gaya ng inyong sinasabi.
15 Inyong kapootan ang masama, at ibigin ang mabuti, at kayo'y mangagtatatag ng kahatulan sa pintuang-bayan: marahil ang Panginoon, ang Dios ng mga hukbo ay magiging mapagbiyaya sa (N)nalabi sa Jose.
16 Kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng mga hukbo, ng Panginoon: Panaghoy ay sa lahat na daan; at sila'y mangagsasabi sa lahat na lansangan, Sa aba! sa aba! at kanilang tatawagin ang mangbubukid sa pananambitan, at ang lahat na bihasa sa pananaghoy sa pagtaghoy.
17 At sa lahat ng ubasan ay magkakaroon ng panaghoy; sapagka't (O)ako'y daraan sa gitna mo, sabi ng Panginoon.
Ang kaarawan ng Panginoon.
18 Sa aba ninyo na nangagnanasa ng (P)kaarawan ng Panginoon! bakit ninyo ninanasa ang kaarawan ng Panginoon? kadiliman (Q)nga, at hindi kaliwanagan.
19 Gaya ng kung ang tao ay tumatakas sa leon, at isang oso ang sumasalubong sa kaniya; o pumapasok sa bahay at ikinakapit ang kaniyang kamay sa pinid, at isang ahas ang tumutuka sa kaniya.
20 Hindi baga magiging kadiliman ang kaarawan ng Panginoon, at hindi kaliwanagan? na totoong madilim, at walang ningning?
21 (R)Aking kinapopootan, aking hinahamak ang inyong mga kapistahan, at hindi ako malulugod sa inyong mga takdang kapulungan.
22 Oo, bagaman inyong ihandog sa akin ang inyong mga handog na susunugin at mga handog na harina, (S)hindi ko tatanggapin; ni akin mang kalulugdan ang mga handog tungkol sa (T)kapayapaan na inyong mga matabang hayop.
23 Ihiwalay mo sa akin ang ingay ng iyong mga awit; sapagka't hindi ko didinggin ang tinig ng iyong mga biola.
24 Kundi bumugso ang katarungan na parang tubig, at ang katuwiran na parang malakas na agos.
25 Nagdala baga kayo sa akin ng mga (U)hain, at ng mga handog sa ilang na apat na pung taon, Oh sangbahayan ni Israel?
26 Oo, inyong pinasan ang (V)tabernakulo ng inyong hari at ang dambana ng inyong mga larawan, ang bituin ng inyong dios, na inyong ginawa para sa inyong sarili.
27 Kaya't kayo'y aking papapasukin sa pagkabihag sa dako roon ng Damasco, sabi ng Panginoon, na ang pangala'y (W)Dios ng mga hukbo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978
