2 Corinto 9
Ang Biblia, 2001
Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem
9 Ngayon, kalabisan na para sa akin na sulatan kayo tungkol sa paglilingkod para sa mga banal,
2 sapagkat nalalaman ko ang inyong pananabik, na aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia, na ang Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ay nakapukaw sa karamihan sa kanila.
3 Subalit aking isinugo ang mga kapatid upang ang aming pagmamalaki tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito, upang ayon sa aking sinabi, kayo'y makapaghanda,
4 baka sakaling kung ang ilang taga-Macedonia ay dumating na kasama ko at kayo'y maratnang hindi handa, kami ay mapapahiya upang hindi na namin sabihing pati kayo, sa pagtitiwalang ito.
5 Kaya't inisip ko na kailangang himukin ang mga kapatid na maunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong kaloob na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda bilang isang kusang-loob na handog at hindi sapilitan.
6 At ito ang ibig kong sabihin: Ang naghahasik nang bahagya ay mag-aani rin nang bahagya, at ang naghahasik nang sagana ay mag-aani rin nang sagana.
7 Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasiya ng kanyang puso, hindi mabigat sa kalooban, o dala ng pangangailangan, sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay na masaya.
8 At kaya ng Diyos na pasaganain ang lahat ng biyaya sa inyo, upang sa pagkakaroon ninyo ng sapat sa lahat ng bagay ay palagi kayong sumagana sa bawat mabuting gawa.
9 Gaya(A) ng nasusulat,
“Siya'y nagsabog, siya'y nagbigay sa mga dukha;
ang kanyang katuwiran ay nananatili magpakailanman.”
10 Siyang(B) nagbibigay ng binhi sa manghahasik at ng tinapay bilang pagkain ay siyang magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magpaparami ng mga bunga ng inyong pagiging matuwid;
11 na kayo ay pinayayaman sa bawat bagay dahil sa inyong kagandahang-loob, na sa pamamagitan namin ay nagbubunga ng pasasalamat sa Diyos.
12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang pumupuno sa pangangailangan ng mga banal, kundi umaapaw rin sa pamamagitan ng maraming pasasalamat sa Diyos.
13 Sa pamamagitan ng pagpapatunay ng ministeryong ito, niluluwalhati ninyo ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong pagpapahayag sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil sa pagiging bukas-palad ng inyong pag-aambag para sa kanila at sa lahat ng tao;
14 habang sila ay nananabik sa inyo at nananalangin para sa inyo, dahil sa nag-uumapaw na biyaya ng Diyos sa inyo.
15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang di-mailarawang kaloob.
2 Corinto 9
Ang Dating Biblia (1905)
9 Sapagka't tungkol sa pangangasiwa ng mga abuloy sa mga banal, ay kalabisan na sa akin ang isulat ko pa.
2 Sapagka't nakikilala ko ang inyong sikap, na aking ipinagmamapuri tungkol sa inyo sa mga taga Macedonia, na ang Acaya ay nahahandang isang taon na; at ang inyong pagsisikap ay nakapagudyok sa lubhang marami sa kanila.
3 Datapuwa't sinugo ko ang mga kapatid, upang ang aming pagmamapuri dahil sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan sa bagay na ito; na, ayon sa aking sinabi, kayo'y mangakapaghanda:
4 Baka sakaling sa anomang paraan kung magsirating na kasama ko ang ilang taga Macedonia at kayo'y maratnang hindi nangahahanda, kami (upang huwag sabihing kayo) ay mangapahiya sa pagkakatiwalang ito.
5 Iniisip ko ngang kailangang ipamanhik sa mga kapatid, na mangaunang pumariyan sa inyo, at ihanda agad ang inyong abuloy na ipinangako nang una, upang ito'y maihanda na gaya ng abuloy, at hindi gaya ng sapilitan.
6 Datapuwa't sinasabi ko, Ang naghahasik ng bahagya na ay magaani namang bahagya na; at ang naghahasik na sagana ay magaani namang sagana.
7 Magbigay ang bawa't isa ayon sa ipinasiya ng kaniyang puso: huwag mabigat sa loob, o dahil sa kailangan: sapagka't iniibig ng Dios ang nagbibigay na masaya.
8 At maaaring gawin ng Dios na ang lahat ng biyaya ay magsisagana sa inyo; upang kayo, na mayroong laging buong kaya sa lahat ay magsipanagana sa bawa't mabuting gawa:
9 Gaya ng nasusulat, Siyang nagsabog, siyang nagbigay sa mga dukha; Ang kaniyang katuwiran ay nananatili magpakailan man.
10 At ang nagbibigay ng binhi sa naghahasik at ng tinapay na pinakapagkain, ay magbibigay at magpaparami ng inyong binhi upang ihasik, at magdaragdag ng mga bunga ng inyong katuwiran:
11 Yamang kayo'y pinayaman sa lahat ng mga bagay na ukol sa lahat ng kagandahang-loob, na nagsisigawa sa pamamagitan namin ng pagpapasalamat sa Dios.
12 Sapagka't ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumatakip sa pangangailangan ng mga banal, kundi naman umaapaw sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Dios;
13 Palibhasa'y sa pagsubok sa inyo sa pamamagitan ng ministeriong ito ay niluluwalhati nila ang Dios dahil sa pagtalima ng inyong pagkilala sa evangelio ni Cristo, at dahil sa kagandahang-loob ng inyong ambag sa kanila at sa lahat;
14 Samantalang sila rin naman, sa panalanging patungkol sa inyo, ay nananabik sa inyo dahil sa saganang biyaya ng Dios sa inyo.
15 Salamat sa Dios dahil sa kaniyang kaloob na di masabi.
2 Corinto 9
Ang Salita ng Diyos
9 Sapagkat patungkol sa paglilingkod sa mga banal ay kinakailangang sumulat ako sa inyo. 2 Ito ay sapagkat alam ko ang pananabik ninyo na siya kong ipinagmamalaki sa mga taga-Macedonia na kayong mga taga-Acaya ay handa na noon pang isang taon. At ang inyong pagsusumigasig ay pumukaw sa marami. 3 Isinugo ko ang mga kapatid nang hindi mawalang saysay ang aking pagmamalaki sa inyo patungkol sa bagay na ito. Ayon sa aking sinabi: Kayo ay maging handa. 4 Baka sumama sa akin ang ilan sa mga taga-Macedonia at makita kayong hindi handa, mapapahiya kami, sa tiyak na pagmamalaking ito. Kahit nalalaman naming maaaring higit kayong mapahiya sa bagay na ito. 5 Kaya nga, naisip kong kinakailangang ipamanhik sa mga kapatid na mauna na sa pagpunta sa inyo. Isinugo ko sila upang ihanda ang inyong ipinangakong pagpapala at hindi sapilitang kaloob.
Masaganang Paghahasik
6 Ito ang sinasabi ko: Ang naghahasik ng kaunti ay aani naman ng kaunti. Ang naghahasik nang sagana ay aani naman nang sagana.
7 Magbigay ang bawat isa ayon sa ipinasya ng kaniyang puso, hindi sa kalungkutan o sa pangangailangan sapagkat iniibig ng Diyos ang nagbibigay ng masaya. 8 Magagawa ng Diyos na pasaganain sa inyo ang bawat biyaya upang sa lahat ng paraan ay magkaroon kayo ng kasapatan at sumagana kayo sa bawat mabuting gawa. 9 Ayon sa nasusulat:
Namamahagi siya sa malalayong dako, nagbigay siya sa mga mahihirap. Ang kaniyang katuwiran ay mananatili magpakailanman.
10 Ang nagbibigay ng binhi sa manghahasik at nagbibigay ng tinapay na makakain ay siya ring magpaparami ng inyong ani. Pararamihin din niya ang bunga ng inyong katuwiran. 11 Sa lahat ng bagay ay payayamanin niya kayo sa inyong matapat na pagbibigay. Ito ay magdudulot sa amin ng pagpapasalamat sa Diyos.
12 Ang paglilingkod na ito ng pagbibigay ay hindi lang nagpupuno sa pangangailangan ng mga banal. Ito rin ay sumasagana sa pamamagitan ng maraming pagpapasalamat sa Diyos. 13 Sa pamamagitan ng katibayan ng paglilingkod na ito sila ay lumuluwalhati sa Diyos dahil sa inyong pagpapahayag ng inyong pagpapasakop sa ebanghelyo ni Cristo. At ito ay dahil na rin sa inyong pakikipag-isa sa matapat na pagbibigay para sa kanila at para sa lahat. 14 Lumuluwalhati sila sa Diyos sa panalanging may paghiling para sa inyo, sila na nananabik sa inyo dahil sa nakakahigit na biyaya ng Diyos sa inyo. 15 Ang pasasalamat ay sa Diyos dahil sa kaniyang hindi maipaliwanag na kaloob.
2 Corinto 9
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Ang Ambagan para sa mga Taga-Jerusalem
9 Tungkol naman sa pag-aambagan para sa mga banal, hindi ko na kailangang sumulat pa sa inyo tungkol dito. 2 Sapagkat alam kong handang-handa na kayong tumulong, na siya ngang aking ipinagmamalaki tungkol sa inyo sa mga taga-Macedonia. Kayong nasa Acaia ay nakapaghanda na noong nakaraang taon pa, at ang inyong sigasig ang gumising sa karamihan sa kanila. 3 Ngunit isinugo ko ang mga kapatid upang ang ipinagmamalaki namin tungkol sa inyo ay huwag mawalan ng kabuluhan, gaya ng aking sinabi na kayo'y maghahanda. 4 Sapagkat kung may mga taga-Macedonia na sumama sa akin at madatnan kayong hindi handa, kami—at kahit hindi ko na sabihin—kami ay lalo nang mapapahiya dahil sa gayong pagtitiwala sa inyo. 5 Kaya't minabuti ko na kailangang pakiusapan ang mga kapatid na ito na maunang pumunta riyan sa inyo, at maihanda agad ang kaloob na nauna ninyong ipinangako. Sa gayon, maihahanda ito bilang isang handog na bukal sa loob at hindi sapilitan.
6 At ito ang ibig kong sabihin: Ang nagtatanim ng kaunti ay kaunti rin ang aanihin, at ang nagtatanim ng marami ay marami rin ang aanihin. 7 Ang bawat isa ay magbigay ayon sa ipinasya ng kanyang puso, hindi nanghihinayang, o napipilitan lamang sapagkat iniibig ng Diyos ang masayang nagbibigay. 8 Kaya ng Diyos na pagkalooban kayo ng masaganang pagpapala sa lahat ng bagay, upang maging masagana kayo sa lahat ng uri ng mabuting gawa, habang pinupunan ang lahat ng inyong mga pangangailangan sa tuwina. 9 Gaya (A) ng nasusulat,
“Siya'y naghasik ng mga pagpapala sa mga dukha;
ang kanyang katarungan ay nananatili magpakailanman.”
10 Siyang (B) nagbibigay ng binhi sa magsasaka at ng tinapay upang makain ng tao ay siya ring magbibigay at magdaragdag ng inyong binhing itatanim, at magpaparami ng mga bunga ng inyong mga gawang matuwid. 11 Payayamanin niya kayo sa lahat ng bagay upang lalo kayong makapagbigay at sa pamamagitan namin ay magbunga ito ng pasasalamat sa Diyos. 12 Sapagkat ang pangangasiwa sa paglilingkod na ito ay hindi lamang tumutustos sa pangangailangan ng mga banal, kundi nagiging sanhi rin ng pag-apaw ng pasasalamat sa Diyos. 13 Napatunayan ninyo ang inyong mga sarili sa pamamagitan ng paglilingkod na ito, kaya't niluluwalhati ng mga tao ang Diyos dahil sa inyong pagsunod na naaayon sa inyong pagkilala sa ebanghelyo ni Cristo, at dahil din sa inyong kagandahang-loob sa pamamahagi para sa kanila at sa lahat ng tao. 14 Habang sila naman sa pananalangin alang-alang sa inyo ay nananabik sa inyo dahil sa hindi masukat na biyayang ibinigay sa inyo ng Diyos. 15 Salamat sa Diyos dahil sa kanyang kahanga-hangang kaloob.
Copyright © 1998 by Bibles International
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
