1 Mga Hari 17
Magandang Balita Biblia
Sinugo ng Diyos si Propeta Elias
17 Si(A) Elias ay isang propetang taga-Tisbe sa Gilead.[a] Sinabi niya kay Ahab, “Saksi si Yahweh, ang buháy na Diyos ng Israel na aking pinaglilingkuran, hindi uulan, ni hindi magkakahamog sa mga darating na taon hangga't hindi ko sinasabi.”
2 Pagkatapos, sinabi ni Yahweh kay Elias, 3 “Umalis ka rito at magtago ka sa batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 4 Maiinom mo ang tubig sa batis at may inutusan akong mga uwak na maghahatid sa iyo ng pagkain.”
5 Sinunod nga ni Elias ang sinabi ni Yahweh. Lumakad siya at nanirahan sa may batis ng Carit, sa silangan ng Jordan. 6 Umaga't hapon, may mga uwak na nagdadala sa kanya ng pagkain, at sa batis naman siya umiinom. 7 Ngunit dumating ang panahon na natuyo na rin ang batis.
Pinapunta si Elias sa Sarepta
8 Kaya sinabi sa kanya ni Yahweh, 9 “Umalis(B) ka rito. Pumunta ka sa Sarepta, sa lupain ng Sidon. May inutusan akong isang biyuda na magpapakain sa iyo roon.” 10 Pumunta nga siya roon, at nang papasok na siya ng pintuan ng lunsod, nakita niya ang biyuda na namumulot ng panggatong. Sinabi niya sa babae, “Maaari po bang makiinom?” 11 Aalis na ang babae upang ikuha siya ng tubig nang pahabol niyang sabihin, “Kung maaari, bigyan mo na rin ako ng kapirasong tinapay.”
12 Sumagot ang babae, “Saksi si Yahweh, ang inyong buháy na Diyos[b] na wala na kaming tinapay. Mayroon pa kaming kaunting harina at ilang patak na langis. Namumulot nga ako ng panggatong upang lutuin iyon at makakain man lamang kami ng anak ko bago kami mamatay.”
13 Sinabi sa kanya ni Elias, “Huwag kang mag-alala. Pumunta ka na at gawin mo ang iyong sinabi. Ngunit ipagluto mo muna ako ng isang maliit na tinapay, at pagkatapos magluto ka ng para sa inyo. 14 Sapagkat ganito ang sabi ni Yahweh, Diyos ng Israel:
Hindi ninyo mauubos ang harina sa lalagyan,
at hindi rin matutuyo ang langis sa tapayan
hanggang hindi sumasapit ang takdang araw
na papatakin na ni Yahweh ang ulan.”
15 Ginawa nga ng babae ang utos ni Elias at hindi naubos ang pagkain ni Elias at ng mag-ina sa loob ng maraming araw. 16 Hindi nga naubos ang harina sa lalagyan, at hindi rin natuyo ang langis sa sisidlan, tulad ng sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Biyuda
17 Hindi nagtagal at nagkasakit ang anak ng biyuda. Lumubha ang sakit ng bata hanggang sa ito'y mamatay. 18 Kaya't sinabi ng babae kay Elias, “Anong ikinagagalit ninyo sa akin, lingkod ng Diyos? Naparito ba kayo upang ako'y sumbatan sa aking mga kasalanan at patayin ang aking anak?”
19 “Akin na ang bata,” sabi ni Elias. At kinuha niya ang bata, ipinanhik sa itaas, sa silid na kanyang tinutuluyan. Inilagay niya ang bata sa kanyang higaan 20 at nanalangin, “Yahweh, aking Diyos, ito ba ang inyong igaganti sa babaing nagmagandang-loob sa akin?” 21 Tatlong(C) beses siyang dumapa sa bata at nanalangin ng ganito: “Yahweh, aking Diyos, hinihiling ko pong muli ninyong buhayin ang batang ito.” 22 Dininig ni Yahweh ang dalangin ni Elias at muling nabuhay ang bata.
23 Inakay ni Elias ang bata, at ibinalik sa kanyang ina saka sinabing, “Narito ang anak mo, buháy na siya.”
24 At sumagot ang babae, “Tiyak ko na ngayon na kayo nga ay isang lingkod ng Diyos, at nagsasalita si Yahweh sa pamamagitan ninyo.”
Footnotes
- 1 Mga Hari 17:1 taga-Tisbe sa Gilead: o kaya'y mamamayan ng Gilead .
- 1 Mga Hari 17:12 Saksi si Yahweh…Diyos: o kaya'y Hangga't si Yahweh na inyong Diyos ay nabubuhay .
1 Mga Hari 17
Ang Biblia, 2001
Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot
17 Si(A) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,
3 “Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
4 Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”
5 Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.
7 Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,
9 “Bumangon(B) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”
10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”
11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”
12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”
15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.
16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo
17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.
18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”
19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.
20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”
21 Siya'y(C) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”
22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.
23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”
24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.