1 Corinto 12
Ang Biblia, 2001
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon, mga kapatid, hindi ko nais na wala kayong alam tungkol sa mga kaloob na espirituwal.
2 Alam ninyo na nang kayo'y mga pagano pa, inakit at iniligaw kayo sa mga diyus-diyosan na hindi makapagsalita.
3 Kaya't nais kong maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 May(A) iba't ibang uri ng mga kaloob, subalit iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, subalit iisang Panginoon.
6 May iba't ibang uri ng gawain, subalit iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Subalit sa bawat isa ay ibinigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan ng lahat.
8 Sa isa ay ibinigay sa pamamagitan ng Espiritu ang salita ng karunungan, at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu,
9 sa iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at sa iba'y ang mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng isang Espiritu.
10 Sa iba'y ang paggawa ng mga himala, sa iba'y propesiya, sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu, sa iba'y ang iba't ibang wika, at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Ang lahat ng ito ay pinakilos ng iisa at gayunding Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa pasiya ng Espiritu.
Iisang Katawan—Maraming Bahagi
12 Sapagkat(B) kung paanong ang katawan ay iisa at marami ang mga bahagi, at ang lahat ay bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin si Cristo.
13 Sapagkat sa pamamagitan ng isang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa isang katawan, maging Judio o Griyego, mga alipin o mga laya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagkat ang katawan ay hindi iisang bahagi, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan.” Hindi sa kadahilanang ito, ay hindi na ito bahagi ng katawan.
17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy.
18 Subalit ngayon ay inilagay ng Diyos ang bawat bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang ipinasiya.
19 At kung ang lahat ay isang bahagi, saan naroroon ang katawan?
20 Subalit ngayon ay maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan.
21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.”
22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na wari'y mahihina ay kailangan.
23 Ang mga bahagi ng katawan na inaakala nating walang kapurihan, ay pinagkakalooban natin ng higit na kapurihan, at ang mga kahiyahiyang bahagi natin ay siyang lalong pinararangalan,
24 na ito ay hindi kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit binuo ng Diyos ang katawan at binigyan ng higit na kapurihan ang bahaging may kakulangan;
25 upang huwag magkaroon ng pagkakagulo sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng magkatulad na malasakit sa isa't isa.
26 Kapag ang isang bahagi ay naghihirap, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang nagagalak ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawat isa'y mga bahagi.
28 At(C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga gumagawa ng himala, saka mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang uri ng wika.
29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala?
30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng mga wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag?
31 Subalit pagsikapan ninyong mithiin ang higit na dakilang mga kaloob. At ipapakita ko sa inyo ang isang daan na walang kahambing.
1 Corinto 12
Ang Dating Biblia (1905)
12 Ngayong tungkol sa mga kaloob na ayon sa espiritu, mga kapatid, ay hindi ko ibig na hindi kayo makaalam.
2 Nalalaman ninyo na nang kayo'y mga Gentil pa, ay iniligaw kayo sa mga piping diosdiosan, sa alin mang paraang pagkahatid sa inyo.
3 Kaya't ipinatatalastas ko sa inyo, na wala sinomang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios ay nagsasabi, Si Jesus ay itinakwil; at wala sinoman ay makapagsasabi, Si Jesus ay Panginoon kundi sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
4 Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu.
5 At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.
6 At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
7 Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
8 Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:
9 Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
10 At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
11 Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.
12 Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
13 Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
14 Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
15 Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
16 At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
17 Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
18 Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
19 At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
20 Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
21 At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
22 Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
23 At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
24 Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
25 Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
26 At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.
28 At ang Dios ay naglagay ng ilan sa iglesia, una-una'y mga apostol, ikalawa'y mga propeta, ikatlo'y mga guro, saka mga himala, saka mga kaloob na pagpapagaling, mga pagtulong, mga pamamahala, at iba't ibang mga wika.
29 Lahat baga'y mga apostol? lahat baga'y mga propeta? lahat baga'y mga guro? lahat baga'y mga manggagawa ng mga himala?
30 May mga kaloob na pagpapagaling baga ang lahat? nangagsasalita baga ang lahat ng mga wika? lahat baga ay nangagpapaliwanag?
31 Datapuwa't maningas ninyong nasain, ang lalong dakilang mga kaloob. At itinuturo ko sa inyo ang isang daang kagalinggalingan.
1 Corinto 12
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Tungkol sa mga Kaloob na Espirituwal
12 Ngayon naman, mga kapatid, nais kong malaman ninyo ang tungkol sa mga kaloob na espirituwal. 2 Alam ninyo na noong mga pagano pa kayo, iniligaw kayo sa mga piping diyus-diyosan. 3 Nais ko ngang maunawaan ninyo na walang nagsasalita sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos na nagsasabi, “Sumpain si Jesus!” at walang makapagsasabi, “Si Jesus ay Panginoon,” maliban sa patnubay ng Banal na Espiritu.
4 May (A) iba't ibang uri ng mga kaloob, ngunit mula sa iisang Espiritu. 5 At may iba't ibang uri ng paglilingkod, ngunit mula sa iisang Panginoon. 6 May iba't ibang uri ng gawain, ngunit mula sa iisang Diyos na gumagawa ng lahat ng bagay sa lahat. 7 Ngunit ibinigay sa bawat isa ang kapahayagan ng Espiritu para sa kapakinabangan ng lahat. 8 May binigyan ng salita ng karunungan sa pamamagitan ng Espiritu, at ang iba nama'y binigyan ng salita ng kaalaman ayon sa gayunding Espiritu; 9 ang iba'y pananampalataya sa pamamagitan ng gayunding Espiritu, at ang iba'y mga kaloob ng pagpapagaling sa pamamagitan ng iisang Espiritu. 10 Ang iba'y binigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala, ang iba'y propesiya, ang iba'y kakayahang kumilala ng mga espiritu, ang iba'y kakayahang magsalita ng iba't ibang wika, at ang iba nama'y pagpapaliwanag ng mga wika. 11 Ngunit ang lahat ng ito ay pinakikilos ng iisa at parehong Espiritu, na namamahagi sa bawat isa ayon sa ninanais ng Espiritu.
Iisang Katawan, Maraming Bahagi
12 Sapagkat (B) kung paanong iisa ang katawan at marami ang mga bahagi, at ang lahat ng bahagi ng katawan, bagama't marami ay iisang katawan, gayundin naman kay Cristo. 13 Sapagkat sa pamamagitan ng iisang Espiritu ay binautismuhan tayong lahat tungo sa iisang katawan, maging Judio o Griyego, alipin o malaya—at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu. 14 Sapagkat ang katawan ay hindi binubuo ng iisang bahagi, kundi ng marami. 15 Kung sasabihin ng paa, “Sapagkat hindi ako kamay, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 16 At kung sasabihin ng tainga, “Sapagkat hindi ako mata, hindi ako kabilang sa katawan,” hindi na nga ba ito bahagi ng katawan? 17 Kung ang buong katawan ay mata, saan naroroon ang pandinig? Kung ang lahat ay pandinig, saan naroroon ang pang-amoy? 18 Inilagay ng Diyos ang mga bahagi ng katawan, ang bawat isa sa kanila ayon sa kanyang kagustuhan. 19 At kung ang lahat ay isang bahagi, nasaan pa ang katawan? 20 Maraming mga bahagi ngunit iisa ang katawan. 21 Ang mata ay hindi makapagsasabi sa kamay, “Hindi kita kailangan,” at hindi rin makapagsasabi ang ulo sa mga paa, “Hindi ko kayo kailangan.” 22 Sa halip, ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay mahihina ay silang kailangan. 23 Ang mga bahagi ng katawan na sa tingin natin ay walang karangalan, ay pinag-uukulan natin ng ibayong karangalan, at ang mga kahiya-hiyang bahagi natin ang lalong pinararangalan— 24 na hindi naman kailangan ng mga bahagi nating higit na magaganda. Subalit ang Diyos ang bumuo ng katawan sa paraang mabibigyan ng ibayong kapurihan ang bahaging may kakulangan. 25 Ito'y upang huwag magkaroon ng pagkakahati-hati sa katawan, kundi ang mga bahagi ay magkaroon ng parehong pagmamalasakit sa isa't isa. 26 Kapag naghihirap ang isang bahagi, lahat ay naghihirap na kasama niya; o kapag ang isang bahagi ay pinararangalan, sama-samang natutuwa ang mga bahagi.
27 Kayo nga ang katawan ni Cristo, at ang bawat isa'y bahagi nito. 28 At (C) ang Diyos ay naglagay sa iglesya, una, ng mga apostol, ikalawa, ng mga propeta, ikatlo, ng mga guro, at ng mga himala, at mga kaloob ng pagpapagaling, mga pagtulong, mga kakayahan sa pamumuno, at iba't ibang uri ng wika. 29 Lahat ba'y mga apostol? Lahat ba'y mga propeta? Lahat ba'y mga guro? Lahat ba'y mga manggagawa ng mga himala? 30 Lahat ba'y may mga kaloob ng pagpapagaling? Lahat ba'y nagsasalita ng iba't ibang wika? Lahat ba'y nagpapaliwanag? 31 Ngunit pakamithiin ninyo ang mga mas dakilang kaloob.
At ngayon ay ipapakita ko sa inyo ang walang kapantay na daan.
1 Corinthians 12
New International Version
Concerning Spiritual Gifts
12 Now about the gifts of the Spirit,(A) brothers and sisters, I do not want you to be uninformed.(B) 2 You know that when you were pagans,(C) somehow or other you were influenced and led astray to mute idols.(D) 3 Therefore I want you to know that no one who is speaking by the Spirit of God says, “Jesus be cursed,”(E) and no one can say, “Jesus is Lord,”(F) except by the Holy Spirit.(G)
4 There are different kinds of gifts, but the same Spirit(H) distributes them. 5 There are different kinds of service, but the same Lord. 6 There are different kinds of working, but in all of them and in everyone(I) it is the same God(J) at work.
7 Now to each one the manifestation of the Spirit is given for the common good.(K) 8 To one there is given through the Spirit a message of wisdom,(L) to another a message of knowledge(M) by means of the same Spirit, 9 to another faith(N) by the same Spirit, to another gifts of healing(O) by that one Spirit, 10 to another miraculous powers,(P) to another prophecy,(Q) to another distinguishing between spirits,(R) to another speaking in different kinds of tongues,[a](S) and to still another the interpretation of tongues.[b] 11 All these are the work of one and the same Spirit,(T) and he distributes them to each one, just as he determines.
Unity and Diversity in the Body
12 Just as a body, though one, has many parts, but all its many parts form one body,(U) so it is with Christ.(V) 13 For we were all baptized(W) by[c] one Spirit(X) so as to form one body—whether Jews or Gentiles, slave or free(Y)—and we were all given the one Spirit to drink.(Z) 14 Even so the body is not made up of one part but of many.(AA)
15 Now if the foot should say, “Because I am not a hand, I do not belong to the body,” it would not for that reason stop being part of the body. 16 And if the ear should say, “Because I am not an eye, I do not belong to the body,” it would not for that reason stop being part of the body. 17 If the whole body were an eye, where would the sense of hearing be? If the whole body were an ear, where would the sense of smell be? 18 But in fact God has placed(AB) the parts in the body, every one of them, just as he wanted them to be.(AC) 19 If they were all one part, where would the body be? 20 As it is, there are many parts, but one body.(AD)
21 The eye cannot say to the hand, “I don’t need you!” And the head cannot say to the feet, “I don’t need you!” 22 On the contrary, those parts of the body that seem to be weaker are indispensable, 23 and the parts that we think are less honorable we treat with special honor. And the parts that are unpresentable are treated with special modesty, 24 while our presentable parts need no special treatment. But God has put the body together, giving greater honor to the parts that lacked it, 25 so that there should be no division in the body, but that its parts should have equal concern for each other. 26 If one part suffers, every part suffers with it; if one part is honored, every part rejoices with it.
27 Now you are the body of Christ,(AE) and each one of you is a part of it.(AF) 28 And God has placed in the church(AG) first of all apostles,(AH) second prophets,(AI) third teachers, then miracles, then gifts of healing,(AJ) of helping, of guidance,(AK) and of different kinds of tongues.(AL) 29 Are all apostles? Are all prophets? Are all teachers? Do all work miracles? 30 Do all have gifts of healing? Do all speak in tongues[d]?(AM) Do all interpret? 31 Now eagerly desire(AN) the greater gifts.
Love Is Indispensable
And yet I will show you the most excellent way.
Footnotes
- 1 Corinthians 12:10 Or languages; also in verse 28
- 1 Corinthians 12:10 Or languages; also in verse 28
- 1 Corinthians 12:13 Or with; or in
- 1 Corinthians 12:30 Or other languages
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.
Holy Bible, New International Version®, NIV® Copyright ©1973, 1978, 1984, 2011 by Biblica, Inc.® Used by permission. All rights reserved worldwide.
NIV Reverse Interlinear Bible: English to Hebrew and English to Greek. Copyright © 2019 by Zondervan.

