Add parallel Print Page Options

Namatay si Lazaro

11 (A)May isang lalaking may sakit na ang pangalan ay Lazaro na taga-Betania. Kasama niyang naninirahan sa nayon ang mga kapatid na sina Maria at Marta. (B)Si Maria ang nagbuhos ng pabango at nagpunas ng kanyang buhok sa mga paa ng Panginoon; ang kapatid niyang si Lazaro ay may sakit. Kaya ang magkapatid na babae ay nagpadala ng mensahe kay Jesus, “Panginoon, siya na iyong minamahal ay may sakit.” At nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya, “Ang sakit na ito ay hindi mauuwi sa kamatayan, sa halip, ito ay para sa kaluwalhatian ng Diyos, nang sa gayon ay luwalhatiin ang Anak ng Diyos sa pamamagitan nito.” Mahal ni Jesus ang magkakapatid na sina Marta, Maria at Lazaro. Gayunman matapos marinig na si Lazaro ay may sakit, dalawang araw pang nanatili si Jesus sa kanyang tinutuluyan.

Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus sa mga alagad, “Bumalik tayo sa Judea.” Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Rabbi, nagtatangka ang mga Judio na batuhin kayo, nais pa ba ninyong bumalik doon?” Sumagot si Jesus, “Hindi ba may labindalawang oras ng liwanag sa isang araw? Ang naglalakad kapag araw ay hindi matitisod sapagkat nakikita niya ang liwanag ng sanlibutang ito. 10 Ngunit ang lumalakad sa gabi ay matitisod, sapagkat ang liwanag ay wala sa kanya.” 11 Matapos niyang sabihin ito'y idinugtong niya, “Ang kaibigan nating si Lazaro ay natutulog, ngunit pupunta ako roon para gisingin siya.” 12 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Panginoon, kung siya ay natutulog, gagaling siya.” 13 Subalit ang tinutukoy ni Jesus ay ang pagkamatay ni Lazaro, ngunit ang akala ng mga alagad ay karaniwang pagtulog lamang. 14 Kaya pagkatapos nito ay tuwirang sinabi ni Jesus sa kanila, “Patay na si Lazaro.

Read full chapter