Add parallel Print Page Options

Ang Talinghaga ng Mayamang Hangal

13 Isa sa mga tao ang nagsabi kay Jesus, “Guro, sabihin mo sa aking kapatid na bahaginan ako ng mana.” 14 Ngunit sumagot siya, “Lalaki, sino ang nagtalaga sa akin na maging hukom o tagahati ng mana ninyo?” 15 At sinabi niya sa kanila, “Mag-ingat kayo at bantayan ninyo ang inyong sarili sa lahat ng kasakiman. Sapagkat ang buhay ng tao ay hindi nakasalalay sa kasaganaan ng kanyang mga ari-arian.” 16 At isinalaysay niya sa kanila ang isang talinghaga, “Namumunga nang sagana ang lupain ng isang taong mayaman. 17 Napag-isip-isip niya sa sarili, ‘Ano ngayon ang gagawin ko? Sapagkat wala na akong mapaglagyan ng aking mga inani.’ 18 Sabi niya, ‘Ito ang gagawin ko. Gigibain ko ang aking mga kamalig at magtatayo ako ng mas malalaki at doon ko iimbakin ang aking mga ani at ari-arian. 19 At sasabihin ko sa aking sarili, "Marami ka nang ari-ariang nakaimbak para sa maraming taon. Magpahinga ka, kumain, uminom at magpakasaya." 20 Subalit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito ay babawiin sa iyo ang iyong buhay. Kanino ngayon mapupunta ang iyong mga inihanda?’ 21 Gayon nga ang nagtitipon ng kayamanan para sa kanyang sarili ngunit hindi mayaman sa harap ng Diyos.”

Pagtitiwala sa Diyos(A)

22 At sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad, “Kaya nga sinasabi ko sa inyo, huwag ninyong ikabalisa ang inyong ikabubuhay, o kung ano ang inyong kakainin, o kung ano ang inyong isusuot. 23 Sapagkat mas mahalaga ang buhay kaysa pagkain, at ang katawan kaysa pananamit. 24 Masdan ninyo ang mga uwak! Hindi sila nagtatanim o gumagapas o nagtitipon sa kamalig, gayunma'y pinakakain sila ng Diyos. Mas mahalaga kayo kaysa mga ibon. 25 Sino sa inyo na dahil sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang oras[a] sa kanyang buhay? 26 Kung hindi ninyo magawa ang ganito kaliit, bakit aalalahanin ninyo ang ibang bagay? 27 Masdan ninyo kung paano tumutubo ang mga bulaklak sa parang! Hindi sila nagpapagod ni naghahabi. Ngunit sinasabi ko sa inyo na kahit si Solomon sa kanyang karingalan ay hindi nakapagbihis nang tulad sa isa sa mga ito. 28 At kung gayon binibihisan ng Diyos ang damo sa parang, na narito ngayon ngunit itatapon sa pugon bukas, kayo pa kaya? O kayong maliit ang pananampalataya! 29 Kaya huwag kayong mabalisa sa paghahanap ng kung ano ang makakain o maiinom. Huwag kayong mangamba, 30 sapagkat ang mga ito ang pinagsisikapang makamtan ng mga Hentil, at nalalaman ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga ito. 31 Ngunit pagtuunan ninyo ng pansin ang kanyang paghahari at idaragdag sa inyo ang lahat ng mga ito. 32 Huwag kang matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong mga ari-arian at ang napagbilhan ay ipamigay sa mga dukha. Igawa ninyo ang inyong sarili ng mga sisidlang hindi naluluma, isang di-maubos na kayamanan sa langit, doo'y hindi makalalapit ang magnanakaw at makapaninira ang mga bukbok. 34 Sapagkat kung saan nakalagak ang inyong kayamanan, doon din naman malalagak ang inyong puso.”

Mga Lingkod na Handa(B)

35 “Humanda kayo sa paglilingkod[b] at paliwanagin ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad kayo sa mga taong naghihintay sa pagbabalik ng kanilang panginoon mula sa kasalan upang sa pagbabalik nito at pagkatok ay agad nila siyang mapagbuksan. 37 Pinagpala ang mga lingkod na madaratnang nagbabantay hanggang sa pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya upang maglingkod, sila ay pauupuin niya sa hapag-kainan at sila'y kanyang paglilingkuran. 38 Pinagpala ang mga lingkod na matagpuan ng panginoon na handa sa kanyang pagdating, hatinggabi man o madaling-araw. 39 Unawain ninyo ito: kung alam ng panginoon ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya hahayaang pasukin ang kanyang bahay. 40 Kaya dapat din kayong maging handa! Sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”

Read full chapter

Footnotes

  1. Lucas 12:25 Sa Griyego, makakapagdagdag ng isang siko.
  2. Lucas 12:35 Sa Griyego, Bigkisin ang baywang.