Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Diyos (SND)
Version
Roma 13:11-14

11 Yamang alam natin ang panahon, ngayon na ang takdang oras na dapat na tayong gumising mula sa pagkakatulog sapagkat ang ating kaligtasan ay higit nang malapit kaysa noong tayo ay sumampalataya. 12 Papalipas na ang gabi at ang bukang-liwayway ay malapit na. Kaya nga, hubarin na natin ang mga gawa ng kadiliman at isuot na natin ang baluti ng liwanag. 13 Mamuhay tayong marangal tulad ng pamumuhay ng tao kapag araw. Hindi tayo dapat mamuhay sa magulong pagtitipon at paglalasing, hindi sa kalaswaan at sa kahalayan, hindi sa paglalaban-laban at sa inggitan. 14 Sa halip, isuot natin ang Panginoong Jesucristo at huwag magbigay ng pagkaka­taong gawin ang pagnanasa ng laman.

Mateo 24:36-44

Walang Nakaaalam sa Araw at Oras

36 Patungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam kahit ang mga anghel kundi tanging ang aking Ama lamang.

37 Ngunit katulad sa mga araw ni Noe, gayundin naman ang pagdating ng Anak ng Tao. 38 Ito ay sapagkat katulad ng mga araw bago ang baha, sila ay kumakain at umiinom. Sila ay nag-aasawa at ipinakikipagkasundo sa pag-aasawa hanggang sa araw na pumasok si Noe sa loob ng daong. 39 Hindi nila ito nalaman hanggang sa dumating ang baha at kinuha silang lahat. Gayon nga ang pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon, dalawa ang nasa bukid. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan. 41 Dalawang babae ang naggigiling sa gilingan. Ang isa ay kukunin at ang isa ay iiwan.

42 Kaya nga, dapat kayong magbantay sapagkat hindi ninyo alam kung anong oras darating ang inyong Panginoon. 43 Ngunit alamin ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng sambahayan ang oras ng pagdating ng magnanakaw, siya ay magbabantay. Hindi niya pababayaang mawasak ang kaniyang bahay. 44 Kaya nga, kayo rin ay maging handa sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaakala.

Ang Salita ng Diyos (SND)

Copyright © 1998 by Bibles International