Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagdanas ng Hirap sa Pagiging Isang Kristiyano
12 Mga minamahal, huwag ninyong isipin na wari bang hindi pangkaraniwan ang matinding pagsubok na inyong dinaranas. Huwag ninyong isipin na tila baga hindi pangkaraniwan ang nangyayari sa inyo.
13 Magalak kayo na kayo ay naging bahagi sa mga paghihirap ni Cristo. Kapag nahayag na ang kaniyang kaluwalhatian labis kayong magagalak. 14 Kapag kayo ay inalipusta dahil sa pangalan ni Cristo, pinagpala kayo sapagkat ang Espiritu ng kaluwalhatian at ng Diyos ay nananahan sa inyo. Sa ganang kanila, siya ay inalipusta, ngunit sa ganang inyo siya ay pinarangalan. 15 Huwag magdusa ang sinuman sa inyo bilang mamamatay tao, o magnanakaw, o gumagawa ng masama o mapanghimasok sa gawain ng iba. 16 Ngunit bilang isang mananampalataya huwag ikahiya ninuman kung siya ay magdusa. Sa halip, purihin niya ang Diyos sa bagay na ito. 17 Ito ay sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa sambahayan ng Diyos. Ngunit kung sa atin ito nagsimula, ano kaya ang magiging wakas ng mga taong sumusuway sa ebanghelyo ng Diyos?
18 At kung ang kaligtasan ay mahirap para sa matuwid, ano kaya ang magiging kalagayan ng hindi kumikilala sa Diyos at ng makasalanan?
19 Kaya ang mga nagbabata dahil sa pagsunod sa kalooban ng Diyos ay italaga nila ang kanilang kaluluwa sa kaniya na matapat na Manglilikha at magpatuloy sa paggawa ng mabuti.
Copyright © 1998 by Bibles International