Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Magtiwala at Maging Tapat
22 Si Jesus ay nagsabi sa kaniyang mga alagad: Dahil dito, sinasabi ko sa inyo: Huwag kayong mabalisa patungkol sa inyong buhay o kung ano ang inyong kakainin. Huwag kayong mabalisa maging sa inyong katawan, kung ano ang inyong isusuot.
23 Ang buhay ay higit kaysa sa pagkain at ang katawan ay lalong higit kaysa sa damit. 24 Isipin ninyo ang mga uwak. Sila ay hindi naghahasik o nag-aani. Wala silang tinggalan o kamalig. Gayunman, pinakakain sila ng Diyos. Gaano pa kaya kayo na higit na mahalaga kaysa sa mga ibon? 25 Sino sa inyo ang makapagdaragdag ng isang siko sa kaniyang tangkad sa pamamagitan ng pagkabalisa? 26 Yamang hindi nga ninyo kayang gawin ang maliit na bagay na ito, bakit kayo nababalisa sa ibang bagay?
27 Isipin ninyo ang mga liryo kung papaano sila lumalaki. Hindi sila nagpapagal o nag-iikid. Gayunman, sinasabi ko sa inyo: Maging si Solomon, sa kaniyang buong kaluwalhatian ay hindi nadamitan ng tulad sa isa sa mga ito. 28 Dinaramtan ng Diyos ang mga damo na ngayon ay nasa parang at bukas ay itatapon sa pugon.Yamang dinaramtan sila ng Diyos, gaano pa kaya kayo, kayo na may maliit na pananampalataya? 29 Huwag kayong maghanap kung ano ang inyong kakainin o kung ano ang inyong iinumin, ni huwag kayong mag-alala. 30 Ito ay sapagkat ang mga bagay na ito ang mahigpit na hinahangad ng lahat ng mga bansa sa sanlibutan. Ngunit alam ng inyong Ama na kailangan ninyo ang mga bagay na ito. 31 Hanapin ninyo ang paghahari ng Diyos at ang lahat ng mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.
Copyright © 1998 by Bibles International