Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 30

Dalangin ng Pagpapasalamat

30 Panginoon, pupurihin ko kayo,
    dahil iniligtas nʼyo ako.
    Hindi nʼyo pinayagang insultuhin ako ng aking mga kaaway.
Panginoon kong Dios, humingi ako ng tulong sa inyo,
    at pinagaling nʼyo ako.
Iniligtas nʼyo ako sa kamatayan.
    Hindi nʼyo niloob na akoʼy mamatay.

Umawit kayo ng mga papuri sa Panginoon,
    kayong mga tapat sa kanya.
    Papurihan ninyo ang kanyang banal na pangalan.
Dahil ang kanyang galit ay hindi nagtatagal,
    ngunit ang kanyang kabutihan ay magpakailanman.
    Maaaring sa gabi ay may pagluha,
    pero pagsapit ng umaga ay may ligaya.

Sa panahon ng aking kaginhawahan ay sinabi ko,
    “Wala akong pangangambahan.”
Itoʼy dahil sa kabutihan nʼyo, Panginoon.
    Pinatatag nʼyo ako tulad ng isang bundok.
    Ngunit nang lumayo kayo sa akin, ako ay nanlumo.

Tumawag ako sa inyo, Panginoon, at nanalangin ng ganito:
“Ano ang mapapala mo kung akoʼy mamatay?
    Makakapagpuri pa ba ang mga patay?
    Maipapahayag pa ba nila ang inyong katapatan?
10 Panginoon, pakinggan nʼyo ako at kahabagan.
    Tulungan nʼyo ako, Panginoon!”

11 Ang aking kalungkutan ay pinalitan nʼyo ng sayaw ng kagalakan.
    Hinubad nʼyo sa akin ang damit na panluksa,
    at binihisan nʼyo ako ng damit ng kagalakan,
12 para hindi ako tumahimik, sa halip ay umawit ng papuri sa inyo.
    Panginoon kong Dios, kayo ay aking pasasalamatan magpakailanman.

Isaias 5:11-17

11 Nakakaawa kayong maaagang bumangon para magsimulang mag-inuman at naglalasing hanggang gabi. 12 May mga banda pa kayo at mga alak sa inyong mga handaan. Pero hindi ninyo pinapansin ang ginagawa ng Panginoon. 13 Kaya kayong mga mamamayan ko ay bibihagin dahil hindi nʼyo nauunawaan ang mga ginagawa ko. Kayo at ang mga pinuno ninyo ay mamamatay sa gutom at uhaw.

14 Bumubukas na nang maluwang ang libingan. Hinihintay nito na maipasok sa kanya ang mga kilala at makapangyarihang mga mamamayan ng Jerusalem, pati ang mga mamamayang nag-iingay at nagsasaya.

15 Kaya ibabagsak ang lahat ng tao, lalo na ang mga mapagmataas. 16 Pero ang Panginoong Makapangyarihan ay dadakilain sa kanyang paghatol. Sa pamamagitan ng matuwid niyang paghatol, ipinapakita niyang siya ay banal na Dios. 17 Ang nawasak na lungsod na tinitirhan ng mga mayayaman ay ginawang pastulan ng mga tupa.

Pahayag 3:14-22

Ang Sulat para sa Iglesya sa Laodicea

14 “Isulat mo ito para sa anghel na nagbabantay sa iglesya sa Laodicea:

“Ito ang mensahe ng tinatawag na Amen, ang tapat at tunay na saksi. Siya ang pinagmulan ng lahat ng nilalang ng Dios: 15-16 Alam ko ang mga ginagawa ninyo. Alam kong hindi kayo malamig o mainit. Gusto ko sanang malamig kayo o mainit. Ngunit dahil maligamgam kayo, isusuka ko kayo. 17 Sinasabi ninyo na mayaman kayo, sagana sa lahat ng bagay at wala nang pangangailangan. Ngunit hindi nʼyo alam na kaawa-awa kayo dahil mahirap kayo sa pananampalataya, bulag sa katotohanan at hubad sa paningin ng Dios. 18 Kaya pinapayuhan ko kayong bumili sa akin ng ginto na dinalisay sa apoy[a] upang maging totoong mayaman kayo. Bumili rin kayo sa akin ng puting damit upang matakpan ang nakakahiya ninyong kahubaran, at pati na rin ng gamot sa mata upang makita ninyo ang katotohanan. 19 Ang lahat ng minamahal ko ay tinutuwid ko at dinidisiplina. Kaya magsisi kayo at ituwid ang ugali ninyo. 20 Narito ako sa labas ng pintuan ninyo at kumakatok. Kung may makarinig sa akin at buksan ang pinto, papasok ako at magsasalo kami sa pagkain. 21 Ang magtatagumpay ay pauupuin ko sa tabi ng aking trono,[b] tulad ko na nagtagumpay at naupo sa tabi ng trono ng aking Ama.

22 “Kayong nakikinig, pag-isipan ninyong mabuti ang sinasabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesya.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®