Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Anim na Kaabahan
37 Samantalang nagsasalita siya, hiniling ng isang Fariseo na siya ay kumaing kasalo niya. Sa pagpasok niya, dumulog siya sa hapag.
38 Ngunit namangha ang Fariseo nang makita siyang hindi muna naghuhugas[a] bago kumain.
39 Sinabi ng Panginoon sa kaniya: Ngayon, kayong mga Fariseo ay naglilinis ng labas ng saro at pinggan. Ngunit ang nasa loob naman ninyo ay puno ng kasakiman at kasamaan. 40 Mga hangal! Hindi ba ang gumawa ng labas ay siya ring gumawa ng loob? 41 Ibahagi ninyo sa mga kahabag-habag ang bagay na nasa inyo at narito, ang lahat ng mga bagay ay magiging malinis para sa inyo.
42 Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat nagbabayad kayo ng ikasampung bahagi ng yerbabuwena, ruda at lahat ng uri ng halaman. Subalit nilalampasan naman ninyo ang hatol at pag-ibig ng Diyos. Ang mga ito angdapat ninyong ginawa at huwag pabayaan ang iba.
43 Sa aba ninyo, mga Fariseo! Ito ay sapagkat iniibig ninyo ang mga pangunahaing upuan sa mga sinagoga. At iniibig ninyo ang mga pagbati sa mga pamilihang-dako.
44 Sa aba ninyo, mga guro ng kautusan at mga Fariseo, mgamapagpaimbabaw! Ito ay sapagkat kayo ay tulad ng mga puntod na hindi pinapansin. Hindi nalalaman ng mga tao na sila ay lumalakad sa ibabaw nito.
45 Isa sa mga dalubhasa sa kautusan ang sumagot sa kaniya. Guro, sa pagsasabi mo ng mga bagay na ito, inaalipusta mo rin kami.
46 Sinabi niya: Sa aba rin ninyo na mga dalubhasa sa kautusan! Sapagkat pinagpapasan ninyo ang mga tao ng mga pasanin na napakabigat pasanin. Ang mga pasaning ito ay hindi ninyo hinihipo ng isa man lamang ng inyong daliri.
47 Sa aba ninyo! Sapagkat nagtatayo kayo ng mga puntod ngmga propeta at sila ay pinatay ng inyong mga ninuno. 48 Sa ganito, kayo ay nagpapatotoo at sumasang-ayon sa mga gawa ng inyong mga ninuno sapagkat totoo ngang sila ay kanilang pinatay at kayo ang nagtayo ng kanilang mga puntod. 49 Dahil din dito, ayon sa kaniyang karunungan ay sinabi ng Diyos: Magsusugo ako sa kanila ng mga propeta at mga apostol. Ang ilan sa mga ito ay kanilang papatayin at ang ilan ay kanilang palalayasin. 50 Sisingilin sa lahing ito ang dugo ng lahat ng mga propeta na nabuhos mula pa ng itatag ang sanlibutang ito. 51 Ang sisingilin ay simula sa dugo ni Abel hanggang sa dugo ni Zacarias. Si Zacarias ay pinatay sa pagitan ng dambana at dakong banal. Oo, sinasabi ko sa inyo, ito ay sisingilin sa lahing ito.
52 Sa aba ninyo, mga dalubhasa sa kautusan. Ito ay sapagkat kinuha ninyo ang susi ng kaalaman, hindi kayo pumasok at hinadlangan pa ninyo ang mga pumapasok.
Copyright © 1998 by Bibles International